Carol B. Thomas
Unang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Mga Kabataang Babae
Ginagawa kayong buo at kumpleto ng integridad.
Nakatutuwang makipagpulong sa inyo ngayong gabi sa pagsisimula natin sa bagong milenyong ito. Nabubuhay kayo sa sagradong panahon. Kung kayo man ay labindalawa o labinlima o labimpitong taong gulang, ang ginagawa ninyo ngayon ay sadyang mahalaga habang naghahanda kayo para sa inyong papel na gagampanan sa hinaharap bilang kababaihan, mga ina, at tagapagtayo ng kaharian.
Isang tag-araw noong ako'y labing-anim na taong gulang, naaalaala ko ang pag-upo at pagsusulat sa aking talaarawan ng lahat ng mga katangian na nais ko sa lalaking mapapangasawa--may patotoo, makisig, ugaling mapagpatawa, salapi, at edukasyon. Akala ko ang lahat ng ito ay mabubuting katangian. Ngunit nang ang panganay kong anak na babae na si Becky ay labing- anim na taong gulang, siya'y lumapit sa akin at nagtanong, "Ano ang pinakamahalagang katangian na dapat hanapin sa mapapangasawa?" Noo'y matagal na akong may-asawa. Alam ko na ang sagot sa tanong na iyon. Naniniwala ako na ang pinakamahalagang katangian na maaari nating taglayin ay ang integridad. Natutuhan kong pahalagahan ang integridad!
Ano ba ang pinakamahalagang alituntunin na ito? Ang ibig sabihin ng integridad ay gawin ang sinabi mong gagawin mo; tinutupad mo ang mga pangako mo sa iyong sarili. Tinutukoy ng programa ng Mga Kabataang Babae ang integridad bilang: "Uugaliin kong maging marangal upang kumilos nang alinsunod sa aking kaalaman ng tama at mali."
"Madali nating makikilala . . . ang isang taong may integridad. Sila'y matatapat. Ginagawa nila ang tamang bagay kahit walang nagmamasid. Tinutupad nila ang kanilang salita at naitatago ang ating mga lihim. Sila'y nagbabayad ng kanilang mga pagkakautang, at nililinis nila ang sarili nilang kalat. Tumatanggap sila ng pananagutan sa kanilang mga kilos" ("The Wholeness of Integrity," Church News, ika-26 ng Hunyo, 1999, pahina 16).
Ang bawat isa ay dumarating sa mundong ito nang may iba-ibang antas ng integridad. Naisip na ba ninyo kung bakit si Jesus ang pinili bilang Tagapagligtas ng sanlibutan? Siya ang Panganay ng Ama, na pinili mula sa simula. Ngunit ano ba talaga ang naging dahilan ng Kanyang pagiging perpekto? Ito ay ang Kanyang lubos na katapatan at pagnanais na bigyang kasiyahan ang ating Ama sa Langit. Ang Tagapagligtas ay maaaring magkasala, ngunit ang Kanyang pagnanais para sa "katapatan [ay] pananggalang laban sa tukso" (Jesus the Christ ni James E. Talmage ikatlong edisyon [1916], pahina 134). Sinabi ng Tagapagligtas, "Ginagawa kong lagi ang mga bagay na . . . nakalulugod sa [Ama]" (Juan 8:29). Alam natin na sa buong buhay Niya, Siya ay palagiang gumawa ng mga tamang pagpili. Siya ay may ugaling marangal na kumilos alinsunod sa Kanyang kaalaman tungkol ng tama at mali.
Sinabi ni Pangulong Hinckley, "Sa buong mundo ay walang panghalili sa personal na integridad. Kabilang dito ang karangalan. Kabilang dito ang pagsasagawa. Kabilang dito ang pagtupad sa salitang binitiwan. Kabilang dito ang paggawa ng tama maging ano man ang kalagayan" (Teachings of Gordon B. Hinckley, [1997], pahina 270).
Tingnan natin ang ilang halimbawa ng mga kabataang babae na natututong magpahalaga sa integridad. Pinili nilang gawin ang tama anuman ang kalagayan.
Isang kabataang babae na nagngangalang Brooke ang sumulat--
"Nagkaroon ako ng pagkakataon na dumalo sa isang komperensiya ukol sa pamumuno nitong nakaraang tag-araw. Ilang oras lamang ang lumipas at nalaman kong kakaunti lamang ang mga kabataang BHA na naroon. Nakasama ko sa silid ang dalawang batang babae na napakabait ngunit hindi ko katulad sa pamantayan. Kinagabihan nang magbasa ako ng aking mga banal na kasulatan ay nakatitig sila sa akin na tila ba ako'y kakaiba. Habang nag-uusap sila tungkol sa kanilang mga inuman, ako'y bumabanggit ng [mga parti] na may handang punch at cookies. Natatawa sila ngunit palagi silang nag-uusisa.
"Bagama't natatakot ako kung minsan, hindi ko kailanman isinuko ang mga bagay na aking pinaniniwalaan. Nang matapos ang komperensiya, isa sa mga kasama ko sa silid [ang nagsabi], 'Palagay ko ay okey ang mga Mormon,' at napag-iisapan niya ang tungkol sa ating relihiyon at malamang ay pag-aralan ang tungkol dito. [Natutuhan] kong makagagawa ako ng kaibahan maging kahit sa paninindigan lamang sa aking pinaniniwalaan."
Ibinahagi ni Cari ang karanasang ito:
"Alam ko lagi ang tama, subalit inakala kong maaari kong piliin ang sarili kong landas. Matapos tahakin ang landas na iyon, nagsimula kong madama na naliligaw ako at nalilito. Sa wakas ako'y nanalangin nang may mapagpakumbabang puso at tinanong sa Ama sa Langit kung ano ang dapat kong gawin. Ang unang hakbang ay palitan ang mga kaibigan. Hindi madali iyon, kapag kabilang ka sa "tanyag" na grupo. Gayunpaman tinanggap ko ang hamon at gayon nga ang ginawa ko.
"Gusto naming laging magkakasama kapag Sabado't Linggo at nanonood ng pelikulang hindi angkop sa mga bata at kabataang wala pang 17 taong gulang (rated R). Nagpasiya akong hindi na muling manood ng pelikulang rated R. Simula iyon ng bagong taon ng pag-aaral, at isang lalaki ang nagyaya sa aking manood. Sinabi ko sa kanyang hindi ako nanood ng mga pelikulang rated R. Ang sabi niya, "Mainam iyan, iba na lang ang panoorin natin." Maraming beses itong nangyari. Nilisan ko ang mga parti, nanatili sa bahay nang Sabado't Linggo, at tinanggihan ang mga lalaki dahil hindi ako nanonood ng mga pelikulang rated R. Ito ang naging pinakamalaking biyaya sa aking buhay. Ngayon ay mas madali para sa akin ang manindigan para sa aking pinaniniwalaan sa iba't ibang paraan."
Isinulat ni Kristen, isang Laurel:
"Sinisikap kong tumayo bilang saksi ng Diyos araw-araw. Kinabibilangan ito ng maliliit na bagay--pagiging mabait sa lahat ng nakakausap ko, hindi pagtawa sa magaspang na biro, hindi pagtsitsismis tungkol sa iba, pagiging matiyaga. Kung minsan ang maliliit na bagay na ito ang pinakamahirap gawin, . . . ngunit palagi akong nagsisikap na maging mas mabuti. Ang pag-aaral ng banal na kasulatan at panalangin ay nagbigay sa akin ng kapangyarihan--ng lakas ng loob na manindigan at ibahagi sa Tagapagligtas ang aking patotoo hinggil sa Kanya. Ang mga banal na kasulatan ay nagbibigay sa akin ng kapangyarihan na magbago upang maging higit na mabuti."
Ngayon naman pakinggan ang liham ni Salina:
"Noong nakaraang taon sa seminary ay tinuruan kami ng tungkol kay Joseph Smith. Sa pagtatapos ng taon, nagkaroon kami ng espirituwal na aralin na nakaimpluwensiya nang malaki sa buong buhay ko. Sa lahat ng kanyang mga karanasan, hindi siya kailanman nabigong manindigan bilang saksi.
"Habang nakaupo akong nakikinig, tinatanong ko ang sarili ko nang paulit-ulit kung maaari akong maging ganoon kalakas. Ang aking patotoo ay napalakas noong araw na iyon nang ihayag sa akin ng Espiritu na ang Simbahan ay totoo at si Joseph Smith ay tunay na propeta. Kung makararanas ako ng mga pagsubok na tulad ng sa kanya, sa tulong ng Panginoon ay magiging kasing-lakas niya ako. Kaya nangako ako noong araw na iyon na palagi akong maninindigan bilang saksi. Kung nagawa ni Joseph Smith, magagawa ko rin!"
Natututuhan ng mga kabataang babae na ito ang kahalagahan ng integridad. Iisa ang paksa ng lahat ng mga kuwentong ito. Nakikita ba ninyo? Libong ulit na ninyong narinig ito noon. Ang pagbabasa ng inyong mga banal na kasulatan at pag-usal ng inyong mga panalangin ay nag- aanyaya sa Espiritu upang makasama ninyo.
Noong si Pangulong Spencer W. Kimball ay labinlimang taong gulang, dumalo siya sa komperensiya ng istaka at naringgan ang isang tagapagsalita na humiling sa lahat ng nakabasa ng Biblia na itaas ang kanilang kamay. Narinig ko si Pangulong Kimball na nagsabing, "Wala akong pakialam sa iniisip ng iba. Alam kong hindi ko pa ito nabasa at hiyang-hiya ako." Nang matapos ang pulong, matulin siyang tumakbong papauwi, kinuha ang Biblia sa salansanan, at umakyat sa attic. Tinukso siya ng kanyang mga kapatid sa pagsasabing, "Bakit mo susubukan? Hindi mo matatapos iyan kailanman." Ngunit natapos niya. Pagkaraan ng halos isang taon ay natapos niyang basahin ang Biblia. Ang integridad na kanyang taglay bilang labinlimang taong gulang na batang lalaki ay isa sa mga bagay na naging dahilan ng kanyang pagiging dakilang propeta ng Diyos.
Mga minamahal naming kabataang babae, kayo man ay maaaring magkaroon ng pagpapahalaga sa integridad habang dinidisiplina ninyo ang inyong sarili sa pamamagitan ng araw-araw na panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan. Makapagbibigay ng inspirasyon sa inyo ang Espiritu Santo upang magkaroon kayo ng higit na pagnanais na magkaroon ng katapatan at integridad. Gumawa ng pasiya ngayong gabi na babasahin ninyo ang inyong mga banal na kasulatan at bibigkasin ang inyong mga panalangin araw-araw sa buong buhay ninyo. Alam ninyo, ang mga banal na kasulatan at panalangin ay laging magkatambal na tulad ng tinapay at palaman. Tutulungan kayo ng mga ito na manatiling malapit sa Simbahan at malapit sa Panginoon.
At tandaan ninyo ito: sa pagkakaroon ninyo ng integridad kayo ay magiging mas maganda. Ginagawa kayong buo at kumpleto ng integridad. Ang integridad ay magdudulot ng ningning sa inyong mata at tiwala sa sarili na aakit sa mga tao upang lumapit sa inyo.
Sinabi ni Pangulong Hinckley, "Wala nang gaganda pa sa daigdig na ito kaysa sa . . . kabataang babae na malinis sa kaisipan at salita at gawa" (Teachings of Gordon B. Hinckley, pahina 384).
Tulad ng anak kong si Becky, balang-araw ay hahanap kayo ng kabataang lalaki na may integridad. At ang isang kabataang lalaki na nagtataglay ng pagkasaserdote ng Diyos ay magnanais ding pakasalan ang isang kabataang babae na may integridad.
Tama si Pangulong Hinckley. "Walang panghalili sa personal na integridad. Kabilang dito ang karangalan, . . . pagsasagawa, . . . pagtupad sa salitang binitiwan, . . . paggawa ng tama maging ano man ang kalagayan" (Teachings of Gordon B. Hinckley, pahina 270).
Bilang mga tagapaglingkod ng Panginoong Jesucristo, magagawa natin ito! Ang ating matapat na pagsisikap na dagdagan pa ang ating integridad ay nagpapahintulot sa Diyos na dagdagan ang ating kapangyarihang gawin ito. Hayaan ninyong ulitin ko ito: Ang ating matapat na pagsisikap na dagdagan pa ang ating integridad ay nagpapahintulot sa Diyos na dagdagan ang ating kapangyarihang gawin ito. Ipinangangako ko sa inyo, sa pagbabasa ninyo ng inyong mga banal na kasulatan at pag-usal ng inyong mga panalangin--iyan ang mahiwagang pormula--tutulungan kayo ng Espiritu Santo sa inyong dakilang mithiin na palakasin at pagyamanin ang inyong integridad. Ito ay pinatototohanan ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.