Pangulong James E. Faust
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan
Ipinangangako ko sa inyo mga minamahal na batang kapatid na babae na kapag ipinamuhay ninyo ang mga pamantayan ng sariling pagkamatwid na nasa programa ng mga Kabataang Babae, magiging labis ang inyong kaligayahan at magiging walang hanggan ang inyong kagalakan.
Ikinagagalak kong makapiling kayong lahat na mga natatanging batang binibini, ang mga pinuno ninyo, at lahat ng iba pa. Isang karangalan ang makapiling natin ngayong gabi sina Pangulong Gordon B. Hinckley, Pangulong Thomas S. Monson, at ang iba pang mga Pangkalahatang Awtoridad. Binabati ko sina Sister Nadauld, Sister Thomas, at Sister Larsen sa kanilang mga napakagandang mensahe. Katangi-tangi ang musika ng korong ito ng mga kabataang babae. Pinasasalamatan namin ang mga nakibahagi sa video at sa daan-daang sumulat sa Pangkalahatang Panguluhan ng mga Kabataang Babae kung paano sila maaaaring tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar.
Ang maraming batang babae na kabilang sa Beehive at Mia Maid na nakikinig ay nagpapaalaala sa akin ng maikling anekdotang isinulat ng isang kapatid na babae na naghahanda para sa isang gawain ng mga Kabataang Babae. Sabi niya: "Itinanong ng 5-taong gulang kong anak na babae kung ilang Honeyhives ang tinuturuan ko. Pagkaraan ng ilang talakayan, nalaman ko na Beehives ang sinasabi niya. Binilang ko ang mga kabataang babae na kabilang sa Beehive at sinabi ko ito sa kanya. Gumawa siya ng eroplanong papel para sa bawat kabataang babae, at nagpatuloy sa pagbilang ng tugmang dami ng eroplano.
"Nang matapos siya, mayroon pa rin siyang ilang natitirang papel na eroplano. Pagkaraan ng ilang saglit na pag-iisip, itinanong niya, 'Ilang Mermaids po ba ang mayroon kayo?'"1
Maraming taon na ang nakalilipas, noong panahon ni Pangulong Heber J. Grant, isinulat ng Unang Panguluhan: "Ipinagkakaloob ng tunay na diwa ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa babae ang pinakamataas na parangal sa sangkatauhan. Upang mapanatili at maging karapatdapat sa mataas na karangalang ito, kailangang taglay niya ang mga kabutihan na palagian, at kailanman ay mangangailangan ng paggalang at pagmamahal ng sangkatauhan . . . [sapagkat] 'ang isang maganda't malinis na babae ay isang walang-kapintasang likha ng Diyos.'"2 Tungkulin ng mga kabataang babae na tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar upang matamo ang pinakamataas na karangalan.
Isa sa pinakadakilang pagpapala ng lahat ng tao ay ang "taglayin ng matwid na kababaihan ang pinakamataas na karangalan ng sangkatauhan" at maging "walang-kapintasang likha ng Diyos." Gustung-gusto kong naririnig na sinasabi ng aking maybahay na si Ruth at ng aking mga anak na babae ang, "Nagagalak ako na ako ay babae." Sinasabi nito sa akin na mayroon silang pananaw sa kanilang banal na kahahantungan. Harinawang ikagagalak ninyo ang inyong pagiging babae sa lahat ng yugto ng inyong buhay.
Sa pagtanaw natin sa hinaharap, nakatutuwang pagbalik-tanawan natin ang nakaraan. Noong 1916 lahat ng kababaihang higit sa 14 na taon ay isang Beehive hanggang sa pumasok siya sa Samahang Damayan. Walang mga Mia Maid o Laurel. Ang isang Beehive ay maaaring mayroong 374 na kinakailangang gawin upang magkaroon ng sariling gantimpala. Ang ilan sa mga ito ay:
1. "Matagumpay na alagaan ang isang pukyutan ng bubuyog sa loob ng isang panahon [at] alamin ang kanilang mga gawi." Malaking hamon ngayon ang huwag makagat!
2. "Maglakad ng 40.2 kilometro sa ibabaw ng niyebe na gamit ang mga sapatos pangniyebe sa loob ng anim na araw." Mahirap gawin iyan ngayon sa Florida.
3. "Sa loob ng dalawang linggo, panatilihing walang langaw ang loob ng bahay o pumuksa ng hindi bababa sa 25 langaw araw-araw."
4. "Alagaan at guwarnisyunan ang mga kabayo nang walang tumutulong o nagtuturo nang di bababa sa limang beses [at] patakbuhin ang mga ito ng 80.5 na kilometro sa loob ng isang panahon." Minsan noon na ako ay isang paslit na nakayapak ay ginuwarnisyunan ko ang mga kabayo at natapakan nito ang aking hinlalaki.
Ang panghuli na nais kong banggitin ay: "Magtanggal ng mga halaman na sage brush, atbp., mula sa kalahating ektarya na lawak ng lupain."3 Nakatulong na ako sa pagtanggal ng mga halaman na sage brush. Mainit, nakayayamot na trabaho ito dahil kailangan mong sunugin ang sage brush, subalit mabango sa akin ang usok nito.
Kakaiba ang mga pinagtutuunan ng pansin ng mga hamon ng buhay noong 1916, tulad ng pagpuksa ng mga langaw, pagtanggal ng sage brush, at pag-aaral na magguwarnis ng mga kabayo. Mas madali na ngayong gawin ang mga ganoong pisikal na gawain: pagpindot sa switch upang buksan o patayin ang mga ilaw pagpihit sa thermostat para sa init at lamig. Binibigyan tayo ng mas maraming libreng oras ng mga makabagong kaginhawahan upang magtuon ng higit na pansin sa mga espirituwal na pangangailangan at maglaan ng higit na panahon sa personal na paglilingkod. Gayunpaman ang mahalagang elemento na hindi kailanman dapat magbago sa buhay ng mga matwid na kabataang babae ay ang paglilingkod sa iba. Ang dakilang tungkulin nila bilang mga tagapangalaga ay tumutulong sa marangal na kababaihan na matamo ang "pinakamataas na karangalan sa buhay." Ang paglilingkod sa iba ay maaaring magsimula sa anumang gulang. Kadalasan, ang pinakadakilang paglilingkod ay ang tuwirang paglilingkod. Hindi ito nangangailangan ng malawakan, at pinakamainam na gawin ito sa sariling pamilya.
Muli kong binasa ang mga kasalukuyang kinakailangan para sa Pansariling Pag-unlad. Matataas ang mga pamantayang ito at nagpapakita ng pinakamahusay na paggabay na natatanggap ninyo mga batang kapatid na babae mula sa inyong mga pinuno ng Simbahan. Ipinangangako ko sa inyo mga minamahal na batang kapatid na babae na kapag ipinamuhay ninyo ang mga pamantayan ng sariling pagkamatwid na nasa programa ng mga Kabataang Babae, magiging labis ang inyong kaligayahan at magiging walang hanggan ang inyong kagalakan.
Sa pelikulang My Fair Lady, itinanong ni Propesor Higgins, "Bakit hindi maaaring maging higit na tulad ng lalaki ang babae?" Napakalaki sanang pagkakamali iyon. Walang hanggan ang mga pagkakataon para sa inyo sa kasalukuyang mundo mga batang kapatid na babae. Naging mabagal ang pagkilala sa mga natatanging kakayahan ng kababaihan. Iniulat ng Woman's Exponent noong 1872 na ang ilang nagpapataas sa katayuan ng kababaihan "ay lubhang radikal sa kanilang malalang teoriya na kailangang makatunggali ng babae ang lalaki at gumanap ng bukod at salungat na pamumuhay; at sa pagpapakita kung paano siya dapat maging ganap na malaya, ay magagaya pa nila ang ugaling mapanisi na nakikita sa kalalakihan na dapat iwasan o kailangang pagbutihin sa halip na tularan ng kababaihan."4
Ganap kaya ninyong nauunawaan mga kapatid ang kadakilaan ng inyong mga kaloob at talino at kung paano ninyo matatamo lahat ang "pinakamataas na karangalan" sa Simbahan at sa mundo? Isa sa inyong natatangi, mahalaga, at dakilang kaloob ay ang inyong pagiging tunay na babae, kabilang na ang likas na panghalina nito, kabutihan, at kabanalan. Ang pagiging tunay na babae ay hindi lamang nakikita sa lipstick, makabagong ayos ng buhok, at mga usong damit. Ito ay ang banal na panggayak sa sangkatauhan. Nakikita ito sa inyong mga katangian, sa inyong kakayahang magmahal, sa inyong espirituwalidad, kapinuhan, ningning, pagiging madaling makadama, malikhain, malugod, magiliw, kahinayan, dignidad, at panloob na lakas. Nakikita ito nang iba-iba sa bawat kabataan o babae, subalit taglay ito ng bawat isa sa inyo. Ang pagiging tunay na babae ay bahagi ng inyong panloob na ganda.
Isa sa natatangi ninyong kaloob ay ang inyong likas na pandama. Huwag ninyong lagyan ng hangganan ang inyong sarili. Habang hinahangad ninyo na malaman ang kalooban ng ating Ama sa Langit sa inyong buhay at maging higit na espirituwal, magiging higit kayong kaakit-akit, maging di maaaring tanggihan. Maaari ninyong gamitin ang inyong nakangiting kagandahan upang pagpalain ang mga mahal ninyo at lahat ng inyong makikilala, at magpalaganap ng labis na kagalakan. Ang pagiging tunay na babae ay bahagi ng kabanalang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. Ito ang inyong hindi mapapantayang kapangyarihan at impluwensiya upang gumawa ng kabutihan. Magagawa ninyo, sa pamamagitan ng inyong napakahusay na kaloob, na pagpalain ang buhay ng mga bata, kababaihan, at kalalakihan. Ipagmalaki ninyo ang inyong pagiging babae. Pagyamanin ninyo ito. Gamitin ninyo ito upang paglingkuran ang iba.
Sa kasamaang palad, nakakakita tayo ng mga lubhang mababang huwaran ng pagiging babae sa kasalukuyan nating lipunan. Nakakakita tayo ng mga nagboboksing at nagre-restling na kababaihan habang inililipat natin ang mga himpilan ng telebisyon sa paghahanap ng magandang panoorin. Naniniwala ako na kailangang maging malakas ang mga kababaihan sa ating panahon, subalit hindi sa ganyan. Sa aking palagay, pinabababa ng mga gawaing ito ang pagiging dakila ng babae. Ang mga kabataang babae ay kailangang maging malakas sa kabutihan, at babanggitin ko ang kasalukuyan ninyong tema, "tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon, sa lahat ng bagay at sa lahat ng lugar."5
Hayaan ninyong ikuwento ko ang isang kabataang babae na nagpakita ng kahanga-hangang lakas sa gitna ng malaking trahedya. Noong ika-17 ng Abril 1999, bumangga sa tagiliran ng isang kotse ang isang malaking van at grabeng napinsala ang 16 na taong gulang na si Emily Jensen. Nagkalamat ang kanyang bungo, at tatlong buwan siyang nasa koma at anim na buwan sa ospital. Kinailangan niyang pag-aralan muli ang lahat na tila bagong silang. Napakadali sanang sumuko, subalit wala sa bokabularyo ni Emily ang pagsuko. Nagsikap siyang mabuti sa kanyang pagpapagaling, kaya tumatakbo siya ng katumbas sa 26 na milya araw-araw. Pinalakas at naudyukan ng kanyang pananampalataya, tapang, at sigasig ang ibang pasyente sa pagamutan.
Nagsisikap pa ring mabuti si Emily upang maibalik ang kanyang kakayahang magsalita. Gayunpaman, walang takot niyang tinatanong ang mga nars, technician, at therapist, "Mormon po ba kayo?" Kapag sumagot sila ng hindi, sinasabi niya sa kanyang mahirap maunawaang pangungusap, "Dapat ay Mormon kayo. Basahin po ninyo ang Aklat ni Mormon." Idinikta ni Emily sa kanyang ina kung ano ang nais niya na maisulat sa limang kopya ng Aklat ni Mormon na kanyang ibinigay sa isang doktor, tatlong therapist, at isang technician bago siya umalis ng pagamutan.
Mahal na mahal ni Emily ang isang technician na naging ganap na hindi aktibo sa Simbahan. Sabay silang nanalangin sa kuwarto ni Emily sa ospital. Sa wikang mahirap maunawaan, subalit may espiritu na malakas at malinaw, sinabi ni Emily sa kanya na kailangan niyang bumalik sa simbahan. Pagkaraan ay sumulat ang technician na iyon kay Emily, "Nais kitang pasalamatan nang husto sa Aklat ni Mormon na ibinigay mo sa akin. Umiyak ako nang mabasa ko ang isinulat mo. Alam ko na balang araw ay mamahalin ko ang aklat na ito nang tulad sa iyo."
Nagningning kamakailan ang buhay ni Emily sa Mataas na Paaralan ng Skyline sa Lungsod ng Salt Lake, Utah. Pinili siya ng lupon ng mag-aaral bilang reyna ng mga mag-aaral sa taong ito bilang pagkilala sa kanyang kakaibang tapang. Tumayo at pinalakpakan ng kanyang mga kaklase si Emily habang sinisikap niyang pumunta sa entablado ng punung-puno na awditoriyum, na inaalalayan sa isang kamay ng pangulo ng lupon ng mag-aaral. Bagamat araw-araw pa rin siyang nagpapagaling, kilala pa rin ang buhay ni Emily sa kanyang espirituwal na katangian, kagalingan, kabutihan sa iba, at sa kanyang malakas na patotoo. 6
Ano kaya ang mga kakailanganin ng mga Kabataang Babae para sa kanilang gantimpala sa Pansariling Pag-unlad sa taong 2016. Umaasa tayo na ang mga kabutihan at pamantayan ng mga Kabataang Babae ay higit na patuloy na nakatuon sa espirituwalidad at paglilingkod sa iba. Sa hinaharap, tulad sa nakaraan, makatatagpo ng kaligayahan at kasiyahan ang mga kababaihan sa pagtalima nila sa higit na pinakamalalim na nadarama ng kanilang kaluluwa. Tulad ng sinabi ni Ralph Waldo Emerson, "Kung ano ang nakaraan natin at kung ano ang hinaharap natin ay maliit na bagay lamang kung ihahambing sa kung ano ang nasasaloob natin." Magkakaroon tayo ng kapayapaan sa ating puso at kaalaman ng tunay nating pagkatao kapag nalaman natin, tulad sa sinabi ni Tevye sa Fiddler on the Roof, kung "sino tayo at ano ang inaasahan ng Diyos na kahahantungan natin."
Dapat na magkaroon kayong mga kabataang babae ng mga personal na layunin bukod sa mga napakahusay na layunin na nakabanghay sa programa ng mga Kabataang Babae. Ang mga layuning ito, pati na ang iba, ay dapat kabilangan ng edukasyon at pagsasanay sa mga kakayahan. Sinabi kamakailan ng isang batang ina na mahal ko sa isang grupo ng mga kabataang babae na ang mga layunin ay dapat na tugma sa mga kagalakan ng pagiging babae. Subalit, sinabi niya, na ang mga layunin ay hindi dapat maging masyadong mahigpit at di maaaring baguhin na hindi na kayo nakikinig sa mga bulong ng Espiritu. Panatilihin ninyong bukas ang inyong mga puso at isipan upang malaman ninyo ang dakilang kalooban ng Panginoon sa inyong buhay.
Maraming kahulugan ang pagtayo bilang saksi. Kinabibilangan ito ng ating pagkilos, pananalita, at pananamit. Kapag isinasaalang-alang ninyo ang isang kabataang lalaki bilang kasama, makabubuti na sundin ninyo ang payo na ibinigay ni Pangulong David O. McKay ilang taon na ang nakalilipas: "Kailanman ay hindi siya dapat magtangka na pagsamantalahan ka. Kapag nagpapakita siya ng [anumang] palatandaan na gamitin ka bilang kasangkapan sa pagbibigay ng kasiyahan, makatitiyak kung gayon na hindi siya inuudyukan ng pag-ibig."7 Talagang likas sa mga kabataang lalaki at babae na maakit sa isa't isa, subalit dapat silang maakit sa mga paraang ipinagkaloob ng Diyos sa halip na sa mga kahina-hinalang paraan, katulad sa mahalay na pananamit. Ang mga ipinagkaloob ng Diyos na pang-akit ay kinabibilangan ng inyong likas na panghalina, ganda, pagiging disente, at kabutihan.
Kapag nakita ng malalakas na kabataang pagkasaserdote ang isang babae na mahalay manamit, marami sa kanila ang hindi magnanais na makipagtipan sa kanya dahil hindi tugma ang kanyang mga pamantayan sa kanilang walang hanggang pananaw. Ang kahalayan sa kababaihan ay nagpapababa sa kanilang katauhan. Nagdudulot ito ng pagkapahiya at pagkawala ng paggalang. Malamang na hindi ito magkakaloob sa kanila ng isang karapat-dapat, marangal na kabataang lalaki na naghahangad makapag-asawa ng matwid na kabataang babae sa templo. Maaaring mahirapan kayo sa pagbili ng maayos na damit para sa sayawan ng paaralan. Maaari ko bang imungkahi na gumawa kayo ng sarili ninyo? Maaaring mangailangan kayo ng ilang tulong, subalit maraming makukuhang tulong.
Mga minamahal kong kabataang babae, malinaw ang inyong hinaharap. Maaaring mahigitan nito ang inyong mga pinapangarap at inaasam. Hindi lahat ng nangyayari sa inyong buhay ay tulad ng sa binalak o inasahan ninyo. Subalit kung mamumuhay kayo upang malaman ang kalooban ng Panginoon sa inyo ay makasusumpong kayo ng kapayapaan sa inyong kaluluwa at matinding kaligayahan. Magiging kabilang kayo sa mga magtatamasa ng "pinakamataas na karangalan sa sangkatauhan."
Dalangin ko na pagpalain ng Panginoon ang bawat isa sa inyo upang malaman ninyo ang inyong kanya-kanyang kahalagahan at maunawaan kung bakit "ang isang maganda't malinis na babae ay isang walang-kapintasang likha ng Diyos," sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Traci Rane, "On the Bright Side," Church News, ika-30 ngEne., 1999.
2. Improvement Era, Mayo, 1935, 276.
3. Martha A. Tingey, Hand Book for the Bee-Hive Girls of the Y.L.M.I.A. (1916), 3646.
4. Woman's Exponent, ika-15 ng Hulyo 1872, 29.
5. Mosias 18:9.
6. Liham mula kay Terri F. Jensen, ika-14 ng Pebrero 2000.
7. David O. McKay, Gospel Ideals (1953), 45960.