The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2000
Pamumuhay Nang Maligaya Magpakailanman

Pamumuhay Nang Maligaya Magpakailanman

Coleen K. Menlove
Pangkalahatang Pangulo ng Primarya

Ipinakita sa atin ng Tagapagligtas na si Jesucristo ang daan tungo sa kaligayahan at sinabi sa atin ang lahat ng kailangan nating gawin upang maging masaya.

Coleen K. Menlove

Gustung-gusto ng mga bata ang mga kuwento. Bilang isang bata, nawiwili kaagad ako sa mga kuwentong nagsisimula sa mga salitang "noong unang panahon." Malimit na nagwawakas sa "Namuhay sila nang maligaya magpakailanman" ang mga kuwentong ito. Pakiwari ko'y hindi lamang ang mga bata ang nagpupupkaw sa mga pariralang iyon. Inaasam ng bawat isa sa atin na mapuno ng maraming kaligayahan ang mga "noong unang panahon" ng ating buhay nang maging "maligaya magpakailanman" ang ating mga adhikain at pangarap.

Namumuhay tayo sa ating "noong unang panahon." Nakararanas tayo ngayon ng pagsubok sa ating panahon sa lupa. Sa ating buhay bago ang buhay na ito, "lahat ng mga anak ng Diyos ay naghihiyawan sa kagalakan" (Job 38:7) habang sinasang-ayunan natin ang dakilang walang hanggang plano ng kaligayahan. Maligayang inasam natin ang pagpunta sa lupa upang magkaroon ng mga pagkakataon na umunlad sa espirituwal. "Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan" (2 Nephi 2:25). Narito at ngayon ang pagkakataon upang matamo ang kaligayahan na iyan na madarama pa rin pagkatapos ng buhay natin sa lupa; gayunman, kailangan nating alamin kung ano ito at kung saan makikita.

Sa Aklat ni Mormon, ipinaliwanag ni Lehi sa kanyang anak na si Jacob na ang kaligayahan ay bunga ng pagsunod. Sinabi niya kay Jacob na kapwa may mga parusa at pagkakataong lumigaya na kasama ang mga walang hanggang batas. Kapag sinusuway natin ang mga batas ng Diyos, magdurusa tayo, subalit kapag sumusunod tayo, aani tayo ng kaligayahan (tingnan sa 2 Nephi 2:10). Isa sa nakapagpapaligaya ang kawalan ng pinagsisisihan, damdaming ika'y nagkasala, at kasalanan.

Itinuro ni Propetang Joseph Smith, "Kaligayahan ang adhikain at layunin ng ating buhay; at ang kahahantungan nito, kung tatahakin natin ang landas na patungo rito; at ang landas na ito ay kabutihan, pagkamatwid, katapatan, kabanalan, at pagsunod sa lahat ng utos ng Diyos" (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 255-56).

Nalaman ito mismo ng isang batang kaibigan na nagngangalang Emily. Wala pang patotoo sa ebanghelyo si Emily at pinag-iisipan kung mananatiling aktibo sa Simbahan o sisikaping maghanap ng kaligayahan sa iba. Sa paghahanap niya ng mga kasagutan, unti-unti niyang napansin na ang mga pinakamasayang tao at mag-anak na nakapaligid sa kanya ay ang mga aktibo sa Simbahan. Pagkaraang malaman ito, ipinasiya niya na bagama't wala pa siyang ganap na patotoo sa katotohanan ng ebanghelyo, nais niyang maging kabahagi ng isang samahan na tumutulong sa mga tao na maging maligayang-maligaya. Ang kahulugan ng salitang ebanghelyo ay "mabuting balita," at tulad sa nalaman ni Emily, ang magandang balita ay maaari tayong pasayahin nang husto ng ebanghelyo.

Subalit, maaaring iniisip ninyo, maging sa Simbahan ay may mga tao na hindi masaya o may mga tao na kadalasa'y masaya ngunit nakararanas ng manaka-nakang panahon ng pagkapagod, pag-aalala, mga pagsubok, at kalungkutan. Bahagi rin iyan ng dakilang plano. Ang buhay sa mundo ay panahon ng pagsubok, na nangangahulugang kailangang may mga panahon na kailangan nating makadama ng sakit at pagkabalisa. Gayunman, sa matiyagang pagtitiwala sa walang hanggang plano, makararanas tayo ng araw-araw na kaligayahan at makaaasa ng "kaligayahan magpakailanman."

Ipinaliwanag ni Elder Boyd K. Packer: "Sadyang ginawang pagsubok ang buhay. Ang dumanas ng ilang pag-aalala, kalungkutan, at maging kabiguan ay pangkaraniwan. Turuan ninyo ang ating mga miyembro na paminsan-minsan ay mayroon silang maganda, masamang araw, o ilang magkakasunod na masamang araw, na maging matatag at harapin ang mga ito. Bubuti rin ang mga bagay-bagay. May dakilang layunin ang mga pagsubok natin sa buhay" ("That All May Be Edified" [1982], 94).

Ang kuwento ng paghahanap natin sa kaligayahan ay isinulat sa paraan na kapag patuloy tayong magtitiwala sa Diyos at susunod sa Kanyang utos sa kabila ng mga nakapanlulumo, nakalulungkot, nakakakabang panahon, gayunpaman ang mga panahong iyon ay maglalapit sa atin sa kaligayahang hinahanap natin. Sinabi ng Tagapagligtas: "Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: ngunit laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan" (Juan 16:33).

Ipinakita sa atin ng Tagapagligtas na si Jesucristo ang daan tungo sa kaligayahan at sinabi sa atin ang lahat na kailangan nating gawin upang maging masaya. Habang pinag-aaralan natin ang mga turo ng Tagapagligtas at nauunawaan ang layunin ng ating buhay dahil dito, nadarama at naipapahayag natin ang ating kaligayahan.

Sa Doktrina at mga Tipan, sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith na dapat natin Siyang sambahin "nang may maligayang mga puso at mukha" (D at T 59:15). Makararanas tayo ng higit na mabilis at tiyak na landas tungo sa ating "magpasawalang hanggang kaligayahan" sa unti-unting pagkakaroon ng mga tiyak na gawi at pag-uugali na nagpapaligaya.

Ang propeta natin, na si Pangulong Gordon B. Hinckley ang pinakadiwa ng pag-asa. Isinulat niya: "Ako ay isang taong naniniwala na magiging mabuti ang lahat! . . . Nakikiusap ako na ihinto na natin ang paghahanap ng mga unos at higit na tamasahin ang liwanag. Iminumungkahi ko na sa pag-usad natin sa buhay, 'higit na pagtuunang pansin natin ang magagandang bagay." (Standing for Something, [2000], 101).

Madalas na magandang halimbawa ng saloobin na "maliligayang puso at mukha" ang mga bata. Mayroon silang damdamin ng kaligayahan at paniniwala na ang lahat ay magiging mabuti na nag-aanyaya sa iba na makisaya sa kanila.

Isinama naming mag-asawa upang mananghali sa labas ang aming apo na lalaki para sa kanyang ika-apat na kaarawan. Pagkatapos ng tanghalian, iniupo namin siya sa likuran ng sasakyan at nilagyan ng seatbelt sa aming pag-uwi. Sa unahan, sinimulan naming pag-usapan ang mga talaan ng mga gawain para sa buong araw at iba pang aasikasuhin, subalit narinig kong nagsasalitang mag-isa ang apat na taong gulang na ito. Paulit-ulit niyang sinasabi, "napakasuwerte ko, napakasuwerte ko." Ipinapahayag niya ang kanyang kagalakan sa sinumang makikinig.

Maaari tayong matuto ng kaligayahan mula sa mga batang ito, at nais kong ibahagi ang ilan sa mga pahayag ng mga batang Primarya na nagtuturo sa atin kung ano ang kaligayahan at kung saan natin matatagpuan ito.

Napansin ng isang bata, "Ang kaligayahan ay tulad sa isang ngiti na makikita mo sa mga mata ng tao na nagsasabi sa iyo na talagang masaya sila." Alam ng batang ito na ang kaligayahan ay kasing simple ng isang ngiti.

Dumaan ako kamakailan sa isang tindahan upang saglit na bumili ng ilang bagay para sa hapunan. Sa aking pagliko, muntik bumangga ang aking mukha sa mukha ng isang nakatatandang lalaki. Ngumiti ako, at nagalak na hindi kami nagkabangga. Ngumiti siya at sinabi, "Maraming salamat sa iyong ngiti. Kailangan ko iyan." Kailangan ko rin ang kanyang ngiti. Ngumiti--makapagdudulot ito ng kaibhan sa inyo at sa iba. Ano kaya ang buhay kung hindi tayo maaaring magbigay at tumanggap ng ngiti?

Hindi lamang simple ang kaligayahan, kundi naririto ito upang maranasan natin araw-araw. Nakapaligid sa atin ang kaligayahan. Maaari itong mangyari ngayon. Sinabi ng ilang bata, "Ang kaligayahan ay isang malaking salita na napalilibutan ng mga bulaklak." Sabi naman ng isa, tulad ito sa, "isang bahaghari. Tulad ito sa isang araw." Kailangan nating tandaan na sa kabila ng lahat ng pagsubok ng buhay, ngayon ang panahon upang tayo ay maging masaya.

Mga ilang buwan na ang nakalilipas ay nagkaroon ako ng pagkakataon na maglakad isang umaga sa bundok kasama ang apat sa aking mga apo. Nagdala ng supot ang bawat isa sa amin upang makatipon ng mahahalagang bagay mula sa kalikasan. Habang naghahanap kami ng mga bagay na ilalagay sa aming koleksiyon, nakakita kami ng maraming iba't ibang kulay, hugis, at yari ng mga dahon at bato. Mahirap pumili. Pagkaraan ay napansin ko na napupuno na ang mga supot ng mga bata. Kakaiba ang bawat dahon na pinili ng mga bata, subalit dahil malapit nang matapos ang taglagas, karamihan sa mga dahon ay may maitim na batik, hindi pantay na hugis, o kupas at may mantsa. Dahil dito, atubili akong magdagdag ng mga bagay sa aking supot. Naghahanap ako ng dahon na may pinakamatingkad na kulay at walang batik. Kapag hindi perpekto, hindi ko ito itatabi at pahahalagahan. Gayunman nangangahulugang kakaunti ang laman ng supot ko.

Pagkaraan, habang iniisip ko ang karanasang ito, nalaman ko na pinagkaitan ko ng maraming kagalakan at kaligayahan ang aking sarili. Hindi ako nalugod sa pagiging kakaiba ng mga bagay dahil hinahanap ko ang inaakala kong perpekto. Naging higit na matalino kaysa sa akin ang aking mga apo. Nilasap nila ang kakatwang hugis at batik sa mga dahon. Humagikgik at natuwa sila sa pagiging malutong ng natutuyong dahon. Nasiyahan sila sa amoy ng lupa sa panahon ng taglagas, at natuwa sila sa mga mapusyaw at kupas na kulay. Pinuno nila ng mga nakatutuwang mahahalagang bagay ang kanilang mga supot na iuuwi. Hindi natin makikita at kalulugdan ang kakaibang kaligayahan at ganda ng bawat araw kapag lubha tayong nakatuon sa paghahangad ng mga gusto natin sa halip na sa ginawa ng Panginoon para sa atin.

Ang kaligayahan ay ang kaalaman sa ebanghelyo ni Jesucristo. Sinabi ng isang bata, "Ang kaligayahan ay mapayapa tulad ni Jesus at ng Ama sa Langit."

Dumalo ako kamakailan sa Primarya at kalong ko ang aking 14 na buwan na apong babae nang tumingala siya at nakita ang larawan ng Tagapagligtas sa dingding. Lumiwanag ang kanyang mukha habang sinasabi niya sa pamamagitan ng bago niyang kakayahang magsalita, "Jesus." Marahil ay nauunawaan ng maliit na batang ito ang kagalakan ng pagkakakilala sa Tagapagligtas.

Ang pagkakaroon ng kaalaman at pagdama sa dalisay na pag-ibig ni Cristo ang nagdudulot ng matinding kagalakan sa ating mga kaluluwa. Ang malaman na maaari tayong mapatawad sa ating mga pagkakamali. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, na tumugon sa mga hinihingi ng katarungan at nag-aalok sa atin ng awa, maaaring matamo ang pag-asa at kagalakang iyon. Habang lumalapit tayo sa Tagapagligtas, nawawala ang ating pag-aalinlangan at pagkalito.

Sinabi ni Elder Richard G. Scott: "Ang kagalakan ninyo sa buhay ay nakasalalay sa inyong pagtitiwala sa Ama sa Langit at sa Kanyang banal na Anak, ang inyong matibay na paniniwala na tunay na magdudulot ng kagalakan sa inyo ang kanilang plano ng kaligayahan" ("Finding Joy in Life" Ensign, Mayo 1996, 24).

Sa pamamagitan ng Tagapagligtas, makababalik tayo sa Diyos. Matatagpuan natin ang kapayapaan at kaligayahan sa buhay na ito at walang hanggang kagalakan sa darating na buhay. Ang mismong kaisipan na iyan ang nakapagpapaligaya at nakapagpapangiti sa akin.

Habang nauunawaan natin ang dakilang plano ng kaligayahan, magniningning tayo, upang makita ng lahat, ang isang masayang puso at mukha. Ipakikita natin na batid natin na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang simple at palaging pinagmumulan ng kaligayahan ngayon at magpakailanman sa kawalang hanggan. Ang pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo ang titiyak sa atin ng pamumuhay nang "maligaya magpakailanman." Ito ang aking patotoo sa pangalan ni Jesuscristo amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy