The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2000
Pagkabuhay na Mag-uli

Pagkabuhay na Mag-uli

Elder Dallin H. Oaks
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Hindi lamang muling pagsanib ng espiritu sa isang katawang naging bihag ng kamatayan ang pagkabuhay na mag-uli . . . Ang pagkabuhay na mag-uli ay pagpapanumbalik ng "makamundo sa makamundo" at "mabuti doon sa mabuti" (Alma 41:13).

Elder Dallin H. Oaks

Itinatanong ng aklat ni Job ang katanungan ng lahat, "Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?" (Job 14:14). Mahalagang paksa kapwa sa sinauna at makabagong banal na kasulatan ang tanong hinggil sa pagkabuhay na mag-uli sa kamatayan. Mahalagang elemento ng ating pananampalataya ang pagkabuhay na mag-uli. Dinaragdagan nito ang kahalagahan ng ating doktrina, higit na inuudyukan ang ating kilos, at nagbibigay ng pag-asa sa ating hinaharap.

I. ANG PAGKABUHAY NA MAG-ULI NI JESUS

Naisakatuparan ang pagkabuhay na mag-uli ng lahat dahil sa pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo (tingnan sa Mat. 27:52­53). Sa ikatlong araw pagkatapos ng Kanyang pagkamatay at libing, lumabas mula sa libingan si Jesus. Nagpakita siya sa ilang kalalakihan at kababaihan, at pagkaraa'y sa nagtipun-tipong Apostol. Tatlo sa mga ebanghelyo ang naglalarawan sa pangyayaring ito. Sa Lucas ang pinakakumpleto:

"Siya [Jesus] . . . sa kanila'y nagsabi, Kapayapaa'y sumainyo.

"Datapuwa't sila'y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu.

"At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangagugulumihanan? at bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso?

"Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin . . . .

"Nang magkagayo'y binuksan niya ang kanilang mga pagiisip, . . .

"At sinabi niya sa kanila, Ganyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Cristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw" (Lucas 24:36­39, 45­46).

Nagpakita muli ang Tagapagligtas sa mga Apostol. Si Tomas, na isa sa Labindalawa, ay hindi nila kasama noong dumating si Jesus. Iginiit niya na hindi siya maniniwala maliban kung siya mismo ang makakita at makahipo. Itinala ni Juan:

"At pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ng bahay ang kaniyang mga alagad, at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus, nang nangapipinid ang mga pinto, at tumayo sa gitna, at sinabi, Kapayapaan ang sumainyo.

"Nang magkagayo'y sinabi niya kay Tomas, Idaiti mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang aking mga kamay; at idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo siya sa aking tagiliran: at huwag kang di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin.

"Sumagot si Tomas, at sa kaniya'y sinabi, Panginoon ko at Diyos ko.

"Sinabi sa kaniya ni Jesus, Sapagka't ako'y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma'y nagsisampalataya" (Juan 20:26­29).

Sa kabila ng mga katibayang ito sa Biblia, marami sa mga tumatawag sa sarili nila na Kristiyano ang di tumatanggap o nagpapahayag ng malaking pag-aalinlangan sa katotohanan ng pagkabuhay na mag-uli. Tila nahulaan at bilang tugon sa mga pag-aalinlangang ito, nakatala sa Biblia ang maraming pagpapakita ng nabuhay na Cristo. Sa ilan sa mga ito, nagpakita siya sa nag-iisang tao, tulad kay Maria Magdalena sa puntod. Sa iba ay nagpakita siya sa malalaki o maliliit na pangkat, tulad ng "napakita sa mahigit na limang daang kapatid na paminsan" (1 Cor. 15:6).

Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo ay nagtatala ng karanasan ng daan-daang nakakita sa mismong nabuhay na Panginoon at nahipo Siya, nasalat ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa at inihipo ang kanilang mga kamay sa Kanyang tagiliran. Inanyayahan ng Tagapagligtas ang maraming tao na maranasan ito nang "isa-isa" (3 Ne. 11:15) upang tulad ng sinabi Niya sa kanila, "inyong malaman na ako nga ang Diyos ng Israel, at ang Diyos ng buong sangkatauhan" (3 Ne. 11:14).

Noong panahon ng Kanyang personal na paglilingkod sa matatapat na taong ito, pinagaling ng nabuhay na mag-uling Cristo ang mga maysakit at "kinuha [rin] ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila" (3 Ne. 17:21). Nakita ng halos 2,500 kalalakihan, kababaihan, at maliliit na bata ang makabagbag damdaming tagpo na ito (tingnan sa 3 Ne. 17:25).

II. ANG PAGKABUHAY NA MAG-ULI NG MGA TAO

Nakapagdulot ng pag-asa at pagtatalo sa nakatalang kasaysayan ang posibilidad na maaaring bumangon at muling mabuhay sa isang nabuhay na mag-uling katawan ang isang tao na namatay. Nagtitiwala sa malinaw na turo ng mga banal na kasulatan, sama-sama ang mga Banal sa Huling Araw sa pagsasabi na totoong nakalag ni Cristo ang "mga gapos ng kamatayan" (Mosias 16:7) na "nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan" (1 Cor. 15:54; tingnan din sa Morm. 7:5; Mosias 15:8, 16:7­8; Alma 22:14). Dahil pinaniniwalaan namin ang mga paglalarawan ng Biblia at Aklat ni Mormon hinggil sa literal na Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, agad din naming tinatanggap ang maraming turo sa banal na kasulatan na darating ang gayon ding pagkabuhay na mag-uli sa lahat ng tao na nabuhay sa mundo (tingnan sa 1 Cor. 15:22; 2 Ne. 9:22; Hel. 14:17; Morm. 9:13; D at T 29:26; 76:39, 42­44). Gaya nang itinuro ni Jesus, "Sapagka't ako'y nabubuhay, ay mangangabuhay rin naman kayo" (Juan 14:19).

Malinaw na inilarawan sa Aklat ni Mormon ang literal at panlahat na katangian ng pagkabuhay na mag-uli. Itinuro ni propetang Amulek:

"Ang kamatayan ni Cristo ang magkakalag ng mga gapos ng temporal na kamatayang ito, na ang lahat ay magbabangon mula sa temporal na kamatayang ito.

"Ang espiritu at ang katawan ay magsasamang muli sa kanyang ganap na anyo; kapwa ang biyas at kasu-kasuan ay ibabalik sa wastong pangangatawan, maging kagaya natin ngayon sa sandaling ito; . . .

"Ngayon, ang panunumbalik na ito ay darating sa lahat, kapwa matanda at bata, kapwa alipin at malaya, kapwa lalaki at babae, kapwa masama at mabuti; at maging doon ay hindi mawawala kahit isang buhok sa kanilang mga ulo, kundi bawat bagay ay manunumbalik sa kanyang ganap na kabuuan" (Alma 11:42­44).

Itinuro rin ni Alma na sa pagkabuhay na mag-uli "lahat ng bagay ay magbabalik sa kanilang wasto at ganap na anyo" (Alma 40:23).

Maraming nabubuhay na saksi ang makapagpapatotoo sa literal na katuparan ng mga katiyakang ito sa banal na kasulatan hinggil sa pagkabuhay na mag-uli. Marami, kabilang ang ilan sa sarili kong kamag-anak, ang nakakita ng namayapa nang mahal sa buhay sa isang pangitain o personal na pagpapakita at kanilang nasaksihan ang pagbabalik sa kanila sa "wasto at ganap na anyo" sa kanilang kabataan. Pagpapakita man ito ng mga tao na nabuhay na mag-uli o ng mabubuting espiritu na naghihintay ng tiyak na pagkabuhay na mag-uli, malinaw ang katotohanan at katangian ng pagkabuhay na mag-uli ng mga tao. Nakagiginhawang malaman na lahat ng nagkaroon ng kakulangan sa buhay dahil sa kapansanan mula sa pagsilang, pinsala, sakit, o sa likas na paghina dahil sa katandaan ay mabubuhay na mag-uli sa "wasto at ganap na anyo."

III. ANG KAHALAGAHAN NG PAGKABUHAY NA MAG-ULI

Ganap ba nating nakikita ang matinding kahalagahan ng ating paniniwala sa literal, panlahat na pagkabuhay na mag-uli? Ang katiyakan ng kawalang kamatayan ay mahalaga sa ating pananampalataya. Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith:

"Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, hinggil kay Jesucristo, na Siya'y namatay, inilibing, at bumangon muli sa pangatlong araw, at umakyat sa langit; at lahat ng ibang bagay hinggil sa ating relihiyon ay mga dagdag lamang nito" (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith [1938], p. 121).

Sa lahat ng bagay sa maluwalhating paglilingkod na iyon, bakit ginamit ni Propetang Joseph Smith ang kamatayan, libing, at pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas bilang pangunahing alituntunin ng ating relihiyon, sinasabing "lahat ng ibang bagay . . . ay mga dagdag lamang nito"? Matatagpuan ang sagot sa katotohanan na ang pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas ay mahalaga sa tinatawag ng mga propeta na "dakila at walang hanggang plano ng kaligtasan mula sa kamatayan" (2 Ne. 11:5).

Sa ating walang hanggang paglalakbay, ang pagkabuhay na mag-uli ang mahalagang tanda na nagpapakita ng katapusan ng buhay at simula ng kawalang-kamatayan. Inilarawan ng Panginoon ang kahalagahan ng pagbabagong-kalagayan na ito nang ipahayag niya: "At yaon ay aking ginawa, ang Panginoong Diyos, nagtakda sa tao ng mga araw ng kanyang pagsubok--na sa kanyang likas na kamatayan siya ay maibangon sa kawalang-kamatayan tungo sa buhay na walang hanggan, maging kasindami ng maniniwala" (D at T 29:43). Gayundin, itinuturo ng Aklat ni Mormon, "Sapagkat kung paanong ang kamatayan ay napasalahat ng tao, upang matupad ang maawaing plano ng dakilang Lumikha, talagang kinakailangang magkaroon ng kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli" (2 Ne. 9:6). Alam din natin, mula sa makabagong paghahayag, na kung wala ang pagsasamang muli ng ating mga espiritu at katawan, hindi tayo magkakaroon ng "ganap na kagalakan" (D at T 93:33­34) sa pagkabuhay na mag-uli.

Kapag naunawaan natin ang mahalagang ginagampanan ng pagkabuhay na mag-uli sa "plano ng pagtubos" na gumagabay sa ating walang hanggang paglalakbay (Alma 12:25), makikita natin bakit itinuro ni Apostol Pablo na, "Kung walang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, ay . . . walang kabuluhan nga ang aming pangangaral, wala rin namang kabuluhan ang inyong pananampalataya" (1 Cor. 15:13-14). Makikita rin natin bakit tinukoy ni Apostol Pedro na ang katotohanan na ang Diyos Ama, sa kanyang masaganang awa, "ay ipinanganak na muli tayo sa isang buhay na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo sa mga patay" (I Ped 1:3; tingnan din sa 1 Tes. 4:13­18).

IV. BINABAGO NG PAGKABUHAY NA MAG-ULI ANG ATING PANANAW SA BUHAY

Ang "buhay na pag-asa" na ibinibigay sa atin ng pagkabuhay na mag-uli ang nagbibigay sa atin ng matibay na pananalig na hindi katapusan ng ating buhay ang kamatayan kundi isang kinakailangang hakbang lamang sa itinakdang pagbabagong-kalagayan mula sa pagiging mortal tungo sa kawalang kamatayan. Binabago ng pag-asang ito ang pananaw hinggil sa buhay sa lupa. Naaapektuhan ng katiyakan ng pagkabuhay na mag-uli at kawalang kamatayan ang pananaw natin sa mga pisikal na hamon ng buhay sa mundo kung paano tayo mamumuhay, at kung paano tayo makikitungo sa mga nasa paligid natin.

Nagdudulot sa atin ng lakas at magandang pananaw ang katiyakan ng pagkabuhay na mag-uli upang pagtiisan ang mga pagsubok sa buhay na kinahaharap ng bawat isa sa atin at ng mga mahal natin, katulad ng mga kakulangan sa pisikal, mental o emosyonal na kasama natin sa pagsilang o nakuha habang nasa buhay sa lupa. Dahil sa pagkabuhay na mag-uli, batid natin na pansamantala lamang ang mga kakulangang ito!

Nagdudulot rin sa atin ng matinding dahilan ang katiyakan ng pagkabuhay na mag-uli upang sumunod sa mga utos ng Diyos habang nabubuhay sa lupa. Hindi lamang muling pagsanib ng espiritu sa isang katawang naging bihag ng kamatayan ang pagkabuhay na mag-uli. Batid natin mula sa Aklat ni Mormon na ang pagkabuhay na mag-uli ay pagpapanumbalik ng "makamundo sa makamundo" at "mabuti doon sa mabuti" (Alma 41:13; tingnan din sa mga talata 2­4, at Hel. 14:31). Itinuro ni Propetang Amulek: "Yaon ding espiritu na nag-aangkin sa inyong mga katawan sa panahon na kayo ay pumanaw sa buhay na ito, yaon ding espiritung yaon ang may kapangyarihan na angkinin ang inyong katawan sa walang hanggang daigdig na yaon" (Alma 34:34). Dahil dito, kapag pumanaw sa buhay na ito ang mga tao at pumunta sa kabilang buhay, "sila na mabubuti ay mananatili pa ring mabubuti" (2 Ne. 9:16). Gayon din na "anumang alituntunin ng kabutihan ang ating matamo sa buhay na ito, . . . kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli" (D at T 130:18).

Ang alituntunin ng "pagpapanumbalik" ay nangangahulugan din na ang mga taong hindi mabuti sa buhay na ito ay hindi babangon na mabuti sa pagkabuhay na mag-uli (tingnan sa 2 Ne. 9:16; 1 Cor. 15:35­44; D at T 88:27­32). Bukod dito, mabubuhay tayo na mag-uli na may "malinaw na alaala" (Alma 11:43) at "ganap na kaalaman ng lahat ng ating mga pagkakasala, at ng ating karumihan" (2 Ne. 9:14; tingnan din sa Alma 5:18). Ang kahalagahan ng katotohanang iyan ay binibigyang-diin ng maraming banal na kasulatan na nagpapahiwatig na kaagad na susundan ng huling paghuhukom ang pagkabuhay na mag-uli (tingnan sa 2 Ne. 9:15, 22; Mosias 26:25; Alma 11:43­44, 42:23; Mormon 7:6, 9:13­14). Tunay ngang "ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos" (Alma 34:32).

Ang katiyakan na ang pagkabuhay na mag-uli ay kabibilangan ng pagkakataon na makapiling ang ating mga kapamilya--asawa, maybahay, mga magulang, kapatid, anak at apo--ay isang malakas na panghimok sa atin upang gampanan ang mga tungkulin sa pamilya sa buhay na ito at sama- samang mamuhay nang may pagmamahal habang inaasam ang masayang muling pagkikita at pakikisalamuha sa susunod na buhay.

Ang tiyak na kaalaman natin hinggil sa pagkabuhay na mag-uli tungo sa kawalang kamatayan ay nagbibigay rin sa atin ng lakas ng loob upang harapin ang sarili nating kamatayan--kahit na ang tinatawag nating maagang kamatayan. Kaya, ang mga tao ni Ammon sa Aklat ni Mormon "kailanma'y hindi . . . tinatanaw ang kamatayan nang may kaunting antas ng pangingilabot dahil sa kanilang pag-asa at pananaw hinggil kay Cristo at sa pagkabuhay na mag-uli; anupa't ang kamatayan ay nalulon sa kanila sa pamamagitan ng tagumpay rito ni Cristo" (Alma 27:28).

Tinutulungan din tayo ng katiyakan ng pagkabuhay na mag-uli na pasanin ang mga paghihiwalay sa buhay dahil sa kamatayan ng mga mahal natin sa buhay. Lahat tayo ay umiyak dahil sa isang pagpanaw, nagdalamhati sa libing, o tumayo nang may hapdi ng kalooban sa tabi ng paglilibingan. Isa ako sa talagang mga nakaranas niyan. Dapat nating papurihan lahat ang Diyos sa katiyakan ng kawalang kamatayan na sanhi upang maging pansamantala ang mga paghihiwalay sa buhay na ito at nagdudulot sa atin ng pag-asa at lakas upang magpatuloy.

V. ANG PAGKABUHAY NA MAG-ULI AT MGA TEMPLO

Nabubuhay tayo sa maluwalhating panahon ng pagtatayo ng mga templo. Bunga rin ito ng pananampalataya natin sa pagkabuhay na mag-uli. Pinalad ako na makasama si Pangulong Hinckley mga ilang buwan pa lamang ang nakararaan sa pagtatalaga ng bagong templo. Narinig ko na sinabi niya sa sagradong lugar na iyon:

"Ang mga templo ay tumatayong saksi sa matibay nating pananalig sa kawalang kamatayan. Ang mga templo ay ginawa para sa buhay pagkatapos ng buhay na ito. Halimbawa, hindi na kailangan ang kasal sa templo kung ang mahalaga lamang sa atin ay maikasal sa panahon ng ating buhay sa lupa."

Pinalawak ng turo ng propetang ito ang aking pang-unawa. Hindi ko kailanman inisip ang ating mga templo bilang buhay, nagsisilbing patotoo sa ating pananampalataya sa katotohanan ng pagkabuhay na mag-uli. Ang mga templo ang nagsisilbing sagradong lugar kung saan maaaring isagawa ng mga tao na tumatayo para sa mga patay ang lahat ng kailangang ordenansa sa buhay na ito alang-alang sa mga nabubuhay sa daigdig ng mga espiritu. Wala alinman sa mga ito ang may kabuluhan kung wala tayong katiyakan ng panlahat na kamatayan batay sa pagkabuhay na mag-uli ng Panginoon at Tagapagligtas, na si Jesucristo.

"Naniniwala kami sa literal at pangkalahatang pagkabuhay na mag-uli ng sanlibutan dahil sa pagkabuhay na mag-uli ng Banal na Israel" (2 Ne. 9:12). Nagpapatotoo rin kami na ang "Buhay na Cristo," tulad nang binanggit sa kamakailang pagpapahayag ng mga Apostol ng may gayunding pangalan:

"Taimtim naming pinapatotohanan na ang buhay Niya, na pinakamahalaga sa buong sangkatauhan, ay hindi nagsimula sa Betlehem ni nagwakas sa Kalbaryo. . . .

"Pinapatotohanan namin, bilang mga tunay Niyang inordenahang Apostol--na si Jesus ang Buhay na Cristo, ang walang kamatayang Anak ng Diyos. Siya ang dakilang Haring Emmanuel, na nakatayo ngayon sa kanang kamay ng Kanyang Ama. Siya ang ilaw, ang buhay, at ang pag-asa ng daigdig. Ang landas Niya ang daan tungo sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating." ("Ang Buhay na Cristo--Ang Patotoo ng mga Apostol," ika-1 ng Enero, 2000).

Pinapatotohanan ko ang katotohanang iyan at ang katotohanan ng pagkabuhay na mag-uli Niya at natin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy