The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2000
Ang Pananggalang ng Pananampalataya

Ang Pananggalang ng Pananampalataya

Pangulong James E. Faust
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Hindi pa kailanman nangyari sa kasaysayan ng daigdig na ang pangangailangan sa pananampalataya sa Diyos ay mas matindi.

Pangulong James E. Faust

Mga minamahal kong kapatid, ngayon ay makasaysayan. Ito ang unang pangkalahatang komperensiya sa siglo at milenyong ito, at kauna-unahang idinaos sa kahanga-hanga't bagong sentro ng komperensiya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nakikiisa ako sa inyong lahat sa pagpapahayag ng paghanga, paggalang, at pagpapahalaga sa pananaw ng ating dakilang propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley. Nasa kanya ang pananampalataya at lakas ng loob na ipagpatuloy ang malaking proyektong ito.

Nang may luha ng kalungkutan, iniiwan natin ang ating minamahal na tabernakulo, ang nakaugaliang lugar para sa pangkalahatang komperensiya. Tulad ng sinabi ni Pangulong Hinckley, "Nakalakihan na natin ito." Sandali tayong tumitigil upang magbigay ng parangal sa pananampalataya, pananaw, at inspirasyon ni Brigham Young at ng kanyang mga kasama na itinayo nang may pananampalataya ang Tabernakulo na ang pagkakagawa ay tunay na di- pangkaraniwan. Narating ko na ang bandang kisame ng Tabernakulo, kung saan ang mga orihinal na panaling balat ng hayop ay nakabalot pa rin sa mga kahoy ng kalansay ng bubong. Bagama't ang mga kahoy ay mas pinatibay pa ng bakal, ang malikhaing gawain ng mga matatapat na tagabunsod na Banal ay nakatayo pa ring sagisag ng kanilang dakilang pananampalataya.

Naniniwala ako na ang hinaharap ay magiging maganda at kagila-gilalas sa maraming bagay. Ang mga pagkakataon para sa edukasyon at pag-aaral ay nadagdagan na at patuloy pang madaragdagan nang husto. Isang tao ang nagpaliwanag nito sa ganitong paraan: "Ang edukasyon ay kapag binabasa mo ang nakatagong kahulugan. Karanasan ang iyong makukuha kung hindi."1 Ngayon at sa hinaharap, ang malaking bilang ng impormasyon ay lalong mas madaling makuha sa buong daigdig sa pamamagitan ng mga de-kuryenteng kasangkapan sa tahanan, sa pinagtatrabahuhan, o sa lokal na silid-aklatan. Gayunpaman, malalaki ang magiging hamon at walang katapusan ang mga problema, sapagkat kaakibat nitong daluyong ng kaalaman, ang buhay ay talagang magiging mas masalimuot. Sinabi ni Brigham Young, "Naipahayag sa akin sa pagsisimula ng Simbahang ito, na ang Simbahan ay lalaganap, uunlad, lalago at lalawak, at na kaalinsunod ng paglaganap ng Ebanghelyo sa mga bansa sa mundo, ay gayunding mag-iibayo ang lakas ni Satanas."2

Sa pagpasok natin sa bagong panahon, iisa lamang ang ating ligtas na hakbang: ang magpunyagi sa pananampalataya. Pananampalataya ang ating magiging matibay na pananggalang upang ipagtanggol tayo mula sa mga nag-aapoy na palaso ni Satanas. Hindi kailangang magbago ang mga pinahahalagahan sa paglipas ng panahon, sapagkat ang pananampalataya kay Jesucristo ay kailangang-kailangan sa kaligayahan at walang-hanggang kaligtasan. Ang pinakadakilang siglo ng pag-unlad sa agham at teknolohiya ay katatapos lamang. Subalit nananaig pa rin ang kadiliman sa ating panahon gaya ng nangyari maraming siglo na ang nakalipas nang si Jesucristo ay ipapako na sa krus. Gayunpaman sinabi ng Propetang Joseph Smith: "Malaking pagpapala ang naghihintay sa atin sa panahong ito, at di maglalaon ay ibubuhos sa atin kung tayo ay matapat sa lahat ng bagay, sapagkat tayo ay may karapatan sa mas maraming espirituwal na pagpapala kaysa sa kanila, sapagkat nakasama nila si Cristo nang personal, upang tagubilinan sila sa dakilang plano ng kaligtasan. Wala sa atin ang Kanyang personal na pagharap, samakatwid kailangan natin ng mas ibayong pananampalataya."3 Ang pananampalataya ang unang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo tulad ng ipinahayag ng Propetang Joseph: "Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo."4 Ang pananampalatayang ito ang magiging kanlungan para sa ating mga kaluluwa.

Hindi pa kailanman nangyari sa kasaysayan ng daigdig na ang pangangailangan sa pananampalataya sa Diyos ay mas matindi. Bagamat nagbubukas ng walang katapusang pagkakataon ang agham at teknolohiya, nagdadala rin sila ng malaking panganib dahil kinakasangkapan ni Satanas ang mga kagila-gilalas na tuklas na ito sa kanyang kapakinabangan. Ang daloy ng pakikipagtalastasan na sumasaklaw sa buong daigdig ay umaapaw sa impormasyon kung saan walang umaako ng pananagutan sa katotohanan o pinagmulan ng mga ito. Lalong naging makamundo ang krimen at mas mapanganib ang buhay. Sa digmaan, mas pinahusay ang paraan ng pagpatay. Malaking hamon ang maghihintay maliban na lamang kung ang kapangyarihan ng pananampalataya, pagpapasya, katapatan, kagandahang-asal, pagpipigil sa sarili, at pagkatao ay kasabay na mag-iibayo upang matumbasan ang paglaganap na ito ng mga kaalamang walang kaugnayan sa relihiyon. Kung walang moral na pag-unlad, na pinagagalaw ng pananampalataya sa Diyos, ang lahat ng anyo ng imoralidad ay lalaganap at susugpo sa kabutihan at kayumihan. Hindi ganap na maipahahayag ng sangkatauhan ang potensyal na karingalan ng kaluluwa ng tao maliban kung ang pananampalataya sa Diyos ay mapalalakas.

Sa ating panahon ang paniwala na malulutas ng agham at teknolohiya ang lahat ng problema ng sangkatauhan ay naging isang teokrasiya. Malulungkot ako kung iisipin kong ang ating walang hanggang kaligtasan ay nakasalalay sa kaalamang agham, teknikal o sekular na hiwalay mula sa kabutihan at salita ng Diyos. Ang salita ng Diyos tulad ng nabanggit ng Kanyang mga propeta sa loob ng mga siglo ay nagsasaad ng walang ibang konklusyon. Marami ang naniniwala na ang nangingibabaw na mga kasagutan sa mga tanong ng buhay ay makikita sa test tube, sa mga laboratoryo, sa mga pormula, at sa mga teleskopyo. Ang teokrasiya ng agham ay hindi nagbibigay ng pinakasagot sa pinakapangunahing tanong na, "Bakit?" Ang pagkakaalam sa dahilan at kahihinatnan ay kahali-halina subalit hindi nito ipinaliliwanag kung bakit tayo narito, saan tayo nanggaling, at saan tayo patungo. Tulad ng sinabi ni Albert Einstein, "Hindi ko kailanman paniniwalaang pinaglalaruan ng Diyos ang daigdig."5

Si Pangulong Harold B. Lee ay nagsabi: "Gaano man ang kanyang pag-unlad sa agham, ang tao ay dapat na laging sakop ng kalooban at pangangasiwa ng Banal na Diyos. Wala pang natuklasan ang tao kailanman na hindi pa alam ng Diyos."6

Hindi ako naniniwala na ang matinding pagbuhos na ito ng kaalaman ay nangyari nang di sinasadya. Lahat ng karunungang sekular ay hindi dumating nang dahil lamang sa malikhaing isip ng kalalakihan at kababaihan. Ang sangkatauhan ay matagal nang nasa lupa. Sa loob ng maraming siglo, dumating ang kaalaman na kasingbagal ng pagong.

Naniniwala ako na ang pagpapakita ng Diyos Ama at Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo, noong 1820 kay Joseph Smith ay nagbukas ng kalangitan hindi lamang sa napakaraming espirituwal na kaalamang ipinahahayag sa dispensasyong ito kundi pati na rin sa sekular na kaalaman. "Ipinagbibigay-alam sa atin ng mga dalubhasa sa antropolohiya na sa libo-libong taon ang karaniwang tao ay makaaasang mabuhay nang mga 25 hanggang 30 taon."7 Ngunit mula noong bandang dulo ng ika-19 na siglo, ang inaasahang itatagal na gulang ng buhay ay tumaas na sa 64 taon.8 Ang mga bagong kaisipan, kabilang na ang mga imbensyong pang-agham at mga pagtuklas ng mas mabisang paraan ng paggawa ng mga bagay, ay nagagawa taun-taon sa bilis na 39 kada taon mula 4,000 b.c. hanggang a.d. 1, kumpara sa 3,840 bagong kaisipan kada taon noong ika-19 siglo, samantalang ngayon ang mga ito ay nalilikha sa bilis na 110,000 kada taon.9

Ngayon dumarating ang hamon upang pigilin ang siyentipiko, teknikal, at intelektwal na masakal ang espirituwal na liwanag sa ating buhay. Tulad ng sinabi minsan ng isang tao, "Ang pinakadakila sa mga di-nalilinang na pagkukunan [sa ating bansa] ay pananampalataya; ang pinakadakila sa mga di-ginagamit na kapangyarihan ay panalangin."10 Maaaring makatulong ang teknolohiya sa atin na makipag-usap sa isa't isa at sa daigdig, ngunit hindi sa Diyos.

Nais kong magtaas ng tinig ng babala sa mga tao rito. Taimtim kong ipinahahayag na ang espirituwal na kahariang ito ng pananampalataya ay susulong kasama man tayo o hindi. Walang di-banal na kamay ang makapipigil sa paglago ng Simbahan ni pigilin sa pagtupad ng misyon nito. Sinuman sa atin ay maaaring maiwan, mahikayat palayo ng mga nakatutuksong tinig ng sekularismo at materyalismo.

Upang mapanatili ang pananampalataya, bawat isa sa atin ay kailangang maging mapagkumbaba at maawain, mabait at mapagbigay sa mga kapuspalad at nangangailangan. Ang pananampalataya ay lubos pang napalalakas ng pang-araw-araw na espirituwalidad na dumarating sa atin habang tayo ay nakaluhod sa panalangin. Nagsisimula ito sa atin bilang indibidwal at naipaaabot sa atin, mga mag-anak, na nangangailangang mapatatag sa kabutihan. Ang katapatan, kayumihan, integridad, at moralidad ay pawang mga kailangang sangkap ng ating pananampalataya at maglalaan ng kanlungan para sa ating kaluluwa.

Ang simpleng pananampalataya sa Diyos Ama; sa Kanyang Anak, si Jesucristo; at sa Espiritu Santo ay tila napakalakas na bateryang gumagana sa ating buhay. Tulad ng sinabi ni Elder Charles W. Penrose: "Ang ilang tao ay hindi maniniwala sa anumang bagay na hindi masapo ng kanilang isipan o makita ng kanilang mga mata. Ngunit pagpapalain ang lalaking mapanampalataya, pagpapalain ang babaeng mapanampalataya! Sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya makikita nila ang mga bagay na hindi maaninag ng mga mata. Makaaabot sila sa mga dako ng kawalang-kamatayan, makasasapo ng mga walang hanggang katotohanan at makahahawak sa mga bagay ng Diyos!"11 Ito ay dahil sa pamamagitan ng pananampalataya, ang ating likas na kaloob at kapangyarihang makatamo ay napalalagong higit.

Pinalalakas at pinalalaki ng pananampalataya ang ating mga kaloob at kakayahan. Wala nang hihigit pang pagmumulan ng kaalaman maliban sa inspirasyong nagmumula sa Panguluhang Diyos, na nagtataglay ng lahat ng pang-unawa at kaalaman ng mga nangyari na, ng kasalukyan, at ng mangyayari pa sa hinaharap.

Sa Haun's Mill, isang magiting na babaeng tagabunsod, si Amanda Smith, ang natuto sa pamamagitan ng pananampalataya kung paano gumawa ng isang bagay na hindi abot ng kanyang kakayahan at kaalamang agham ng kanyang panahon. Sa kakila-kilabot na araw na iyon noong 1838, nang matapos ang putukan at nagsilikas ang mga mandurumog, nagbalik siya sa kiskisan at nakita ang panganay niyang lalaki, si Willard, na binubuhat ang pitong-taong-gulang nitong kapatid, si Alma. Napasigaw siya, "Oh! patay na ang aking Alma!"

"Hindi, inay," ang sagot niya [Willard], "Palagay ko hindi patay si Alma. Pero si itay at si Sardius ay [patay]!" Ngunit wala nang panahon para sa luha. Ang buong buto ng balakang ni Alma ay napasabog. Kalaunan ay ginunita ni Amanda:

"Ang laman, buto ng balakang, kasu-kasuan at lahat ay natanggal. . . . Ipinahiga namin ang musmos na si Alma sa isang higaan sa aming tolda at siniyasat ko ang sugat. Kahila-hilakbot ang hitsura nito. Hindi ko alam ang gagawin. . . . Ngunit naroon ako, sa buong kalunos-lunos na magdamag na iyon, kapiling ang aking mga patay at sugatan, at wala kundi ang Diyos bilang aming manggagamot at katuwang. 'O aking Ama sa Langit,' tangis ko, 'ano ang aking gagawin? Nakikita Ninyo ang aking kaawa-awang sugatang anak at nalalaman ang aking kawalang- karanasan. O, Ama sa Langit, sabihin po sa akin ang dapat kong gawin!' At pagkatapos ay tinuruan ako tila ng isang tinig na nagsasalita sa akin.

". . . Nagbabaga pa ang aming apoy. . . . Sinabihan akong kumuha . . . ng abo at gumawa ng lihiya [lye] at lagyan ang sugat ng telang ibinabad dito. . . . Paulit ulit ibinabad ko ang tela at inilagay iyon sa butas . . ., at sa bawat lagay ko sumasama ang mga durog na laman at buto pagtanggal ko ng tela; at ang sugat ay naging simputi ng laman ng manok.

"Matapos gawin ang sinabi sa akin nanalangin akong muli sa Panginoon at muli akong tinagubilinan nang kasinglinaw na para bang may nakatayong manggagamot na nagsasalita sa tabi ko. Sa di-kalayuan ay isang punong slippery-elm. Mula rito sinabihan akong gumawa ng . . . panapal at takpan nito ang sugat. . . . Nagawa ang panapal, at ang sugat, na nakagamit ng sangkapat na yarda ng tela upang matakpan, . . . ay maayos na natapalan. . . .

"Inilipat ko ang sugatang bata sa isang bahay . . . at nilanggas ang kanyang balakang; na tinatagubilinan pa rin ng Panginoon. Ipinaalala sa akin na sa baul ng aking asawa ay mayroong bote ng balsamo. Ito ay ibinuhos ko sa sugat, na matinding nagpaibsan ng kirot ni Alma.

"'Alma anak,' sabi ko, 'naniniwala kang ang Panginoon ang gumawa ng balakang mo?'

"'Opo, inay.'

"'Alam mo, kaya ng Panginoong gumawa ng pamalit diyan sa balakang mo, naniniwala ka bang kaya niya, Alma?'

"'Sa palagay n'yo po ba ay kaya ng Panginoon, inay?' tanong ng bata, sa kanyang kawalang- malay.

"'Oo, anak ko,' sagot ko, 'ipinakita niya itong lahat sa akin sa isang pangitain.'

"Pagkatapos ay maginhawa ko siyang ipinahiga nang padapa, at sinabi: 'Ngayon humiga ka lang nang ganyan, at huwag kang gagalaw, at gagawa ng bagong balakang ang Panginoon para sa iyo.'

"Kung kaya't si Alma ay humigang nakadapa sa loob ng limang linggo, hanggang sa siya ay lubos na gumaling--isang nababaluktot na litid ang lumitaw kapalit ng nawalang kasu-kasuan at suksukan na hanggang ngayon ay isang palaisipan sa mga mangagamot. . . .

"Halos apatnapung taon na ang nakararaan, ngunit kailanman ay hindi man lamang nalumpo si Alma sa tanang buhay niya, at nakapaglakbay na siya nang matagal na panahon bilang misyonero ng ebanghelyo at [tunay na] isang buhay na himala ng kapangyarihan ng Diyos."12

Hindi pangkaraniwan ang gayong paggamot para sa araw at panahong iyon, at hindi pa naririnig ngayon, ngunit kapag narating natin ang isang sukdulan, katulad ni Kapatid na Smith, kailangan nating gamitin ang ating simpleng pananampalataya at makinig sa Espiritu tulad niya. Ang paggamit ng ating pananampalataya ang magpapalakas nito. Tulad ng itinuro ni Alma:

"Kung kayo ay . . . gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya, . . . maging hanggang sa kayo ay maniwala sa isang pamamaraan na kayo ay magbibigay-puwang para sa isang bahagi ng aking mga salita.

". . . Talagang ito ay mabuting binhi . . . na ang salita ay mabuti, sapagkat sinisimulan nitong palakihin ang aking kaluluwa; oo, sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa. . . .

"Ngayon masdan, ito ba ay hindi makadaragdag sa inyong pananampalataya?"13

Ang kabutihan ay kasama ng pananampalataya. Ang malakas na pananampalataya ay nakakamit sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan. Ito ang tumutulong sa atin, tulad ng sinabi ni Pablo, na "mangabihis [sa] . . . buong kagayakan ng Diyos."14

May mga ilang di mapag-aalinlanganan para sa mga taong ito kung saan dapat nakasalalay ang ating pananampalataya. Sila'y mga pangunahin, walang hanggang katotohanan. Ang mga ito ay na:

1. Si Jesus, ang Anak ng Ama, ay ang Cristo at Tagapagligtas at Manunubos ng daigdig;

2. Si Joseph Smith ang kasangkapan upang maipanumbalik ang ebanghelyo sa kabuuan at kaganapan nito sa ating panahon;

3. Ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos at, tulad ng sinabi ng Propetang Joseph Smith, ay siyang saligang bato ng ating relihiyon at isa pang tipan ni Jesus bilang Cristo at Manunubos ng buong sanlibutan;

4. Si Gordon B. Hinckley ang humahawak, tulad din ng lahat ng mga naunang Pangulo ng Simbahan, ng lahat ng mga susi at karapatang ipinanumbalik sa Propetang Joseph Smith.

Ito ang gawain ng Diyos. Naniniwala ako at nagpapatotoo na, tulad ng sinabi ni Pablo, kung magagawa nating "abutin . . . ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios,"15 patuloy tayong makasusulong nang may malaking pag-asa at pananalig sa hinaharap. Mabibigyan tayo ng lakas na mapagwagian ang lahat ng paghihirap. Harinawang gawin natin iyan ang aking mapagkumbabang panalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Pete Seeger.
2. Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widstoe (1954), 72.
3. Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith (1976), 90.
4. S ng P 1:1
5. Sa John Bartlett, tinipon, Familiar Quotations, ika-14 na edisyon (1968), 950.
6. Be Ye Not Deceived, Brigham Young University Speeches of the Year (ika-4 ng Mayo 1965), 6.
7. Stephen Moore, "Great American Century Is Just Beginning," Arizona Republic, ika-9 ng Ene. 2000.
8. New York Times 2000 Almanac (1999), 484.
9. Tingnan sa Charles I. Jones, "Was an Industrian Revolution Inevitable? Economic Growth over the Very Long Run," sinaliksik na sanaysay [working paper] 7375, National Bureau of Economic Research, Cambridge, Mass., 1999, 32.
10. Roger W. Babson, Religion and Business (1921), 80.
11. Deseret News Semi-Weekly, ika-14 ng Set. 1880, 1.
12. "Amanda Smith," tinipon ni Andrew Jenson, Historical Record, 9 na tomo (1882-90), 5:84­86; ang pagsasatalata at pagbabantas ay binago.
13. Alma 32:27­29.
14. Ef. 6:11.
15. Ef. 4:13.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy