Elder Robert C. Oaks
Ng Pitumpu
"Sa pagkakatanggap ng kahalagahan ng mensahe, sa tulong na alay ng Espiritu, sa bilang ng mga misyonero at sa lawak ng bukiring handa na sa pag-aani, hindi sapat ang 300,000 bagong binyag taun-taon."
Natutuwa akong marinig ang propeta na tumindig sa pulpitong ito, at magpahayag kung paano niya nakikita ang pag-unlad ng gawain ng Panginoon upang punuin ang daigdig gaya ng batong iyon na tinibag nang walang mga kamay, na nakita ni Daniel sa kanyang pangitain (tingnan sa Dan. 2:3435).
Ang gawaing ito ay pinakikilos ng Espiritu ng Panginoon at sa pamamagitan ng pagkilos ng awtoridad ng pagkasaserdote na ipinagkaloob sa tao. Ngunit ito ay sumusulong sa pamamagitan ng gawaing misyonero ng mga taong tumugon sa tawag ng Panginoon na, "humayo kayo sa buong daigdig, at ipangaral ang ebanghelyo sa bawat nilikha" (Marcos 16:45).
Ang ebanghelyo ni Jesucristo na taglay ang lahat ng kadalisayan, kagandahan, at kapayakan ay ipinanumbalik sa lupa sa mga huling araw na ito sa pamamagitan ng dakilang propeta ng dispensasyong ito, si Joseph Smith.
Tayong mga nakatikim ng matamis na bunga ng ebanghelyo ay nakababatid na ito ay isang bukal ng pananampalataya, pag-asa, at kapayapaan--isang palagiang pinagmumulan ng kagalakan. Tunay na ito ay isang pambihirang hiyas na dapat pahalagahan at ibahagi sa iba. May 60,000 full-time na mga misyonero ang nagsasagawa ng pagbabahaging ito. Ang mga pagsisikap nila, kaagapay ang mga misyonero sa istaka at mga miyembro, ay nagbunga ng may 300,000 bagong binyag noong nakaraang taon.
Ngunit hindi ito sapat. Sa pagkakatanggap ng kahalagahan ng mensahe, sa tulong na alay ng Espiritu, sa bilang ng mga misyonero at sa lawak ng bukirin na handa na sa pag-aani, hindi sapat ang 300,000 bagong binyag taun-taon.
Sa katunayan, hinamon ni Pangulong Hinckley ang mga miyembro ng Simbahan noong nakaraang taon na dagdagan nang husto ang bilang ng mga bibinyagan. Wala pa tayo sa ipinropesiyang adhikaing iyon.
Ito ang ginagawa ng mga propeta; tinutulungan nila tayong abutin ang mas matatayog na pangarap. Nagpayo si Pangulong David O. McKay, "Bawat miyembro ay misyonero";1 si Pangulong Kimball: "Lakihan ang inyong hakbang,"2 at "Gawin ito ngayon";3 si Pangulong Benson: "Pabahain . . . sa daigdig ang Aklat ni Mormon";4 at ngayon ay si Pangulong Hinckley: Dagdagan ang bilang ng mga bibinyagan at panatilihin sila. Kailangan pa ba natin ng mas malinaw na mga tagubilin?
Hayaan ninyong repasuhin ko ang natanggap nating apat na hakbang ng mga tagubilin hinggil sa gawaing misyonero ng mga miyembro:
1. Mapanalanging kilalanin ang inyong mga kaibigan at kapitbahay na pinakahandang makinig sa mensahe ng ebanghelyo.
2. Ipakilala sa mga misyonero ang natukoy na mga tao.
3. Makibahagi kayo sa pagtuturo ng ebanghelyo, at hangga't maaaari ay sa tahanan ninyo.
4. Pagsamahin ang inyong mga kaibigan at sinumang mga bagong miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng pakikinig at pagtulong.
Sa pamamagitan ng payak at maikling prosesong ito magagawa nating dagdagan ang bilang ng mga bibinyagan, at, pinakamahalaga sa lahat, matutulungan natin ang mga bagong binyag na matamo ang buong pakikipagkapatiran. Ang ibayong pakikibahagi ng miyembro ang siyang tanging paraan upang madagdagan ang kasalukuyang bilang ng ating bibinyagan.
Maraming beses na nating narinig ang lahat ng ito. Bakit hindi natin pagbutihin ang pagbibigay ng mga tuturuan? Hindi ito katamaran, sapagkat hindi naman tamad ang mga Banal sa mga Huling Araw. Naniniwala ako na ang takot na matanggihan o ang takot na masira ang pagkakaibigan ang mas karaniwang mga hadlang sa pagbabahagi ng ebanghelyo.
Ngunit makatwiran ba ang mga takot na ito? Kapag nag-anyaya kayo ng isang kaibigan upang makilala ang mga misyonero, nag-aalok kayong magbahagi ng isang bagay na napakahalaga at katangi-tangi. Nakakasakit ba ito? Nalaman namin ni Sis. Oaks na hindi ito gayon. Sa katunayan, nalaman namin na kapag nag-alok kaming magbahagi ng ebanghelyo, ang pagkakaibigan ay tumitibay, kahit pa nga hindi tanggapin ng mga kaibigan ang mensahe ng ebanghelyo.
Isipin nating inanyayahan kayong mag-almusal sa bahay ng isang kaibigan. Sa lamesa ay may nakita kayong isang malaking pitsel ng bagong pigang orange juice na pinagkuhanan ng inyong kaibigan ng ipinuno sa kanyang baso. Ngunit hindi niya kayo inalok. Sa huli'y itatanong ninyo, "Puwede bang makahingi ng isang basong orange juice?"
Sasagot siya, "Naku, pasensiya ka na. Akala ko kasi ay ayaw mo ng orange juice, at ayaw ko kasing saktan ka kung alukin kita ng hindi mo gusto."
Ang pangit namang pakinggan nito, ngunit hindi ito kaiba sa pag-aalinlangan nating ialok ang isang bagay na mas masarap pa kaysa orange juice. Madalas akong naliligalig kung paano ko sasagutin ang isang kaibigan tungkol sa pag-aalinlangan ko kapag nakaharap ko na siya sa kabilang buhay.
Isang kuwentong isinalaysay ni Elder Christoffel Golden, ng South Africa, ang nagpanariwa sa aking mga alalahanin. Kagagaling lamang niya sa Lusaka, Zambia, upang dumalo sa isang pulong ng mga bagong binyag. Isang kilalang dayuhan na mahusay manamit ang pumasok na may hawak na Aklat ni Mormon. Sinabi niyang maraming beses na siyang dumaan sa kapilya at inisip niya kung anong simbahan ang nagpupulong doon at kung anong doktrina ang kanilang itinuturo.
Sa pagwawakas ng pulong, tumayo ang ginoong ito, itinaas nang husto ang kopya niya ng Aklat ni Mormon, at nagtanong, "Bakit nagawa ninyong itago ang aklat na ito sa mga tao ng Lusaka? Bakit ninyo ito inilihim?"
Nang mainig ko ang kuwentong ito, kinabahan ako na baka isang araw isang kaibigan ang magtanong sa akin, "Bakit nagawa mong ilihim itong Aklat ni Mormon, na may mensahe ng katotohanan at kaligtasan?"
Ang sagot kong, "Natakot kasi akong baka masira ko ang ating pagkakaibigan," ay hindi magiging kasiya-siya sa akin man o sa aking kaibigan.
Mga kapatid, dumadalangin ako na maisaisantabi natin ang ating mga takot at ang ating pag-aalinlangan, at hindi na natin ililihim ang napakalaking kayamanang nasa atin.
Isang huling bagay pa hinggil sa gawaing misyonero: Sa maikling panahong inilagi ko sa timog- silangang Aprika ay labis akong namangha sa pambihirang pagli- lingkod na ipinagkaloob ng mga mag-asawang misyonero. Araw-araw, napakalaki ng naitutulong nila sa pagpapalakas ng mga miyembro at sa pagpapagulong ng batong iyon, na tinibag na walang mga kamay, tungo sa kawalang-hanggan. Napakalakas ng impluwensiya nila sa paggawa ng kabutihan kapag sila ay isinama sa mga nakababatang misyonero at mga lokal na miyembro.
Maging ito man ay sa pamumuno, pangangaral, templo, kawanggawa, pangkapakanan, o sa serbisyong pang-edukasyon ng Simbahan, ang tulong ng mga taong ito na bihasang mga kaluluwang may patotoo, ay hindi masusukat. At lahat sila ay nakikita kong malaki ang nadaramang kasiyahan sa kanilang paglilingkod.
Kung tayo ay nakapagretiro na, o puwede nang magretiro, at nag-iisip kung anong makabuluhang mga bagay ang maaari ninyong gawin sa natitirang panahon ng ninyong buhay, makipag-ugnayan sa inyong obispo. Hayaan ninyong ibahagi niya sa inyo ang listahan ng mga pagkakataon para sa pagmimisyon.
Ngayon, hawakan ninyo sa kamay ang inyong asawa at tingnan kung hindi kayo sasang-ayon na ang pinakamainam para sa lahat, kabilang na ang inyong mga apo, ay ang tumanggap kayo ng tungkuling maglingkod sa Panginoon bilang mga misyonero. Ito ang Kanyang gawain, at inaanyayahan Niya tayong samahan Siya rito.
Pinatototohanan ko na ang Diyos, ang ating Amang Walang Hanggan, at ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo ay buhay. Pumarito si Cristo sa lupa at tinupad ang Kanyang tungkulin bilang Manunubos ng buong sangkatauhan. Pinatototohanan ko na ang Kanyang ebanghelyo ay ipinanumbalik sa kabuuan nito at mayroong buhay na propeta, si Gordon B. Hinckley, na pumapatnubay sa gawaing ito, sa ilalim ng tagubilin ng Ama at ng Anak. At ginagawa ko ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Sa Conference Report, Abr. 1959, 122.
2. "The True Way of Life and Salvation," Ensign, Mayo 1978, 4.
3. "Always a Convert Church," Ensign, Set. 1975, 3.
4. "Flooding the Earth with the Book of Mormon," Ensign, Nob. 1988, 5.