The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2000
Kalayaan "Mula Sa" o Kalayaan "Upang"

Kalayaan "Mula Sa" o Kalayaan "Upang"

Elder F. Enzio Busche
Emeritus na Miyembro ng Pitumpu

"Tayo . . . ay sumisigla habang buong kaalamang lubos nating pinananagutan ang ating sariling buhay at tumitigil tayo sa pagsisi sa mga pangyayari."

Elder F. Enzio Busche

Kung tatanungin ako kung ano sa palagay ko ang pinakamahalagang pangyayaring naganap sa mundo sa nakaraang 200 taon, isasagot ko nang walang alinlangan na: ito ang bunga ng panalangin ng isang mapagpakumbabang batang lalaking magbubukid na, sa mga unang taon ng ika-19 na siglo, sa hilagang New York, ay lumuhod sa harap ng Diyos at nagtanong tungkol sa mga walang hanggang katotohanan.

Ang binatilyong ito na nagngangalang Joseph Smith ang naging kasangkapan sa kamay ng Panginoong Jesucristo upang maipanumbalik sa sangkatauhan ang kaalaman tungkol sa matagal na nawala at halos limot nang katotohanan: ang kaalaman tungkol sa atin na mga tao--sino tayo, saan tayo nanggaling, ano ang kahulugan at layunin ng pag-iral natin sa mundo, at bakit dumanas ang sangkatauhan ng maraming paghihirap at kawalan ng katarungan. Dahil dito ay ibinigay din ang mga sagot sa mga tanong ng sangkatauhan tungkol sa kabilang buhay at sa patutunguhan natin sa huli.

Maging sa araw na ito, mahigit sa 42 taon na matapos kong kusang-loob na tanggapin, ang banal na tipan ng Panginoon sa pagbibinyag, namamangha pa rin ako sa lahat ng kagila- gilalas at mahimalang pangyayari ukol sa Pagpapanumbalik. Hindi lamang tayo pinahintulutang malaman ang lahat tungkol sa mahalagang kahulugan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, kundi maging ang mahalagang kahulugan ng pagkasaserdote ng Diyos ay inihayag, at sa wakas ay ipinanumbalik ito upang makakilos tayo nang may mapagmalasakit na pagmamahal at tiyaga, upang bigyang-laya ang lahat na piliin ang kaligtasan.

Wala akong oras upang talakayin ang mga detalye ng kamangha-manghang gawaing ito sa ating panahon, ngunit inspirado akong magsalita tungkol sa isang pangunahing aspeto sa kaharian ng Panginoon na, kung hindi mauunawaan, ay maaari ngang lubusan na nating hindi maunawaan ang Kanyang plano.

Upang marating ang tinutukoy ko, nais kong sabihin sa inyo ang tungkol sa isang matapat na kapatid na lalaki na naging miyembro ng sangay na dinadaluhan ko sa aking inang bayang Alemanya noong bago pa lamang ako sa Simbahan.

Mahirap lamang siya at nadama niyang napakapalad niya na makapagtrabaho sa isang maliit na pribadong kompanya. Binanggit niya sa akin ang darating na isang tradisyunal na hapunan ng kompanya kung saan ang lahat ng empleyado ay inanyayahan. Nag-alala siya dahil alam niyang may inuman sa dakong huli ng pagtitipon, at malamang na ang boss ang pinakamalakas uminom sa lahat. Ngunit batid din niyang maituturing na kawalang-galang kung hindi siya dadalo sa hapunan.

Nang makita ko siya muli, matapos ang hapunang iyon, nakita ko siya na labis na maligaya at may tagong ningning, at hindi siya makapaghintay na sabihin sa akin ang nangyari. Dahil bago siya sa kompanya, naupo sa kanyang tabi ang boss, at nais na makilala siya nang husto. Habang palalim ang gabi, nakita ng kapatid na lalaking nagkakatotoo ang kanyang kinatatakutan dahil ayaw pumayag ng boss na hindi siya kasamang iinom, at sinabi niyang, "Anong klaseng simbahan iyan at ayaw kang payagang uminom ng kahit isang basong serbesa kasama ko?"

Hindi naman nauwi sa pagkataranta ang takot ng kaibigan ko dahil mahinahon niyang nasagot ang kanyang boss na ang hindi niya pag-inom ay walang kinalaman sa Simbahan na kanyang kinasasapian, kundi siya mismo ang gumawa ng sagradong tipan sa Diyos na hindi siya iinom. Kung sisirain niya ang tipang ito, paano siya patuloy na mananatiling tapat sa ipangangako niya, at paano siya pagtitiwalaan, maging ng kanyang amo, na hindi siya magsisinungaling o magnanakaw o manlilinlang.

Sang-ayon sa aking kaibigan, lubos na naantig ang may-ari sa pangungusap na ito, at inakbayan siya, at bumigkas ng mga salita ng paghanga at pagtitiwala.

Mahal kong mga kapatid, sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, maraming bagong miyembro, lalo na kapag mula sila sa ibang bansa maliban sa Estados Unidos, ang natututuhan sa unang pagkakataon ang tunay na kahulugan ng salitang kalayaan. Ang kahulugan ng kalayaan, para sa karamihan sa mga tao sa mundo, ay "kalayaan mula sa" kawalan ng malisya o sakit o pagsupil. Ngunit ang kalayaang tinutukoy ng Diyos sa pakikitungo Niya sa atin ay may karagdagang kahulugan. Ang ibig Niyang sabihin ay "kalayaan upang"­ang kalayaan upang kumilos sa dignidad ng ating sariling pagpili.

Ano ngayon ang ibig sabihin ng pagiging malaya? Ang ibig sabihin ng kalayaan ay pagkakaroon ng sapat na kaisipan sa buong kaalaman na maraming mapanganib na responsibilidad na ibinigay sa atin. Nalaman natin na lahat ng ginagawa natin, at maging ang sinasabi o iniisip natin, ay may ibinubunga. Natatanto natin na matagal nating pinaniwalaan na tayo'y mga biktima ng pagkakataon. Sa Ebanghelyo ng Juan 8:32, mababasa natin ang sumusunod: "At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana'y magpapalaya sa inyo."

Kapag binuksan natin ang ating puso sa mensahe ng katotohanan ng Diyos, tulad ng pagkapanumbalik nito sa ating panahon, nagsisimulang mauunawaan natin kung bakit noon, at kahit ngayon, ay napakaraming paghihirap, sakit, pagdurusa, at maging pagkagutom. Gayundin habang natututuhan nating tanggapin ang inihayag na katotohanan sa ating sariling buhay, ang pananampalataya natin sa buhay na Anak ng Diyos ay lalago, at samakatwid, tatanggap tayo ng mga espirituwal na kaloob na hanggang ngayon ay di batid ang kakayahan. Malalaman nating walang imposible sa mga naniniwala kay Jesucristo. Mapapalis ang mga paghihigpit. Ang makitid na pag-iisip, na bunga ng mga maling tradisyon, ay mapapawi.

Habang lalong lumalago ang ating pang-unawa sa kalawakan at pagiging ganap ng plano ng kaligtasan, lalo nating nakikita ang kaliitan at kakulangan sa ating sarili. Ang pagkakita sa ating sarili sa gayong abang kalagayan, na may bagbag na puso at nagsisising espiritu, ay magpapaunawa sa atin at sa huli'y tatanggapin natin ang pinakasagradong tipang ito sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagbibinyag.

Malugod nating isusuko ang ating sarili sa tipang ito, na nalalamang malaki ang kaibahan ng pagnanais lamang at ng pakikipagtipan. Kapag nais lamang natin ang isang bagay, magsisikap lamang tayong makamtan ito kung madali para sa atin. Ngunit kung nakatali tayo sa isang sagradong tipan, tulad ng pagbibinyag, natututuhan nating paglabanan ang lahat ng hadlang sa pamamagitan ng pagsunod, at sa gayon, ay pagpapalain tayong makasama ang espiritu at samakatwid sa dakong huli'y makakamtan ito. Nagsisimula tayong sumigla habang buong kaalamang lubos nating pinananagutan ang ating sariling buhay at tumitigil tayo sa pagsisi sa mga pangyayari.

Isang bagay ang alam natin, siyempre: ang pagkakaroon ng "kalayaan upang" ay nangangahulugang maaari tayong magkamali sa pagpili. Ang mga maling pagpili ay may malulupit na ibinubunga at kung hindi ititigil at itatama ay aakayin tayo ng mga ito tungo sa kalungkutan at sakit. Ang mga maling pagpili, kung hindi itatama, ang aakay sa atin sa maaaring pinakamalaking kapahamakan sa buhay ng bawat tao: ang mawalay sa ating Ama sa Langit sa mundong darating.

Kapag natanggap na natin ang nagbibigay-buhay na mensaheng ito, mauunawaan natin na sa simula ng ating buhay ay para tayong manlalaro ng putbol na nakatayo sa gitna ng palaruan, lubos na pinanghihinaan ng loob dahil hindi natin alam ang layunin o mga patakaran ng laro. Hindi natin alam kung saang koponan tayo kabilang at kung sino ang ating tagasanay. Tanging sa kabatiran ng ipinanumbalik na ebanghelyo, lumilinaw ang ating layon, at nauunawaan natin na si Jesucristo at ang Kanyang ipinanumbalik na Simbahan at pagkasaserdote ang tanging daan para magtagumpay tayo sa ating karanasan sa lupa.

Nais ni Jesucristo na bigyang-kapangyarihan ang ating buhay, batay sa ating mga matwid na pagpili, at sa pamamagitan ng ating pananampalataya at mga gawa ay mabago ang mga kalagayang humahadlang sa atin noon . Sa Aklat ni Mormon ay nalaman natin na ang Manunubos ang nagmamasid sa ating buhay, kasama ang maraming banal na anghel. Mababasa natin:

"Tumigil ba ang mga himala? Masdan sinasabi ko sa inyo, Hindi; ni ang mga anghel ay hindi tumitigil sa paglilingkod sa mga anak ng tao.

"Sapagkat masdan, sila ay nasasakop niya, upang maglingkod alinsunod sa salita ng kanyang utos, ipinakikita ang kanilang sarili sa kanila na may matibay na pananampalataya" (Moroni 7:29­30).

Sa kalayaang ito na natanggap natin sa ating panahon, sa pamamagitan ng ating pagkaunawa sa Kanyang banal na plano para sa atin, ay lubos ang ating pananagutan. Manatili tayong malapit sa mapagmahal at mapagkalingang kamay ng ating Manunubos upang makatagpo ng kaligtasan at kagalakan. Sinasabi ko ito nang may pagpapakumbaba. At ibinibigay ko sa inyo ang aking patotoo bilang inyong kapatid at lingkod na alam kong buhay si Jesus at Siya ang pinuno ng gawaing ito. Sinasabi ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2009 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy