Pangulong Gordon B. Hinckley
"Maging mabuti tayong mga tao. Maging palakaibigan tayo. Maging mabait tayo. Maging mga miyembro tayo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na tulad ng dapat asahan sa atin."
Mga kapatid ko, puspos ang puso ko ng pasasalamat ngayong umaga sa pagtitipun-tipon natin sa malaking komperensiyang ito. Nagpapasalamat ako na hinayaan pa akong mabuhay ng Panginoon upang makita ang araw na ito. Nang paalalahanan ko ang mga kabataang babae noong isang linggo, may isang nagbigay sa akin ng kopya ng yearbook ko sa hayskul. Taon iyon ng aking pagtatapos, 73 taon na ang nakararaan. Bahagi ako ng klaseng 1928. Nakakaintrigang karanasan na buklating isa-isa ang mga pahina nito. Karamihan sa mga bata at masisigla noong panahong iyon ay pumanaw na. Ang iba'y buhay pa, ngunit kulubot na sila at medyo nanginginig na ang kanilang mga tuhod. Paminsan- minsan tuwing irereklamo ko ang ilang karamdaman, sasabihin sa akin ng aking kabiyak, "Katandaan lang 'yan."
Inuulit ko, malaki ang pasalamat ko't buhay pa ako. Masigla ako sa napakagandang panahong ito na nabuhay tayo. Nagpapasalamat ako sa Panginoon para sa mga lalaki't babaing may matinding dedikasyon at malaking kakayahan na napakalaki ng nagagawa upang pahabain ang buhay ng tao at gawin itong mas maginhawa at kasiya-siya. Nagpapasalamat ako para sa mahuhusay na doktor na tinutulungan tayo sa ating mga karamdaman. Nagpapasalamat ako para sa mabubuting kaibigan, na ibinibilang ko ang mga dakila at matapat na Banal sa lahat ng dako ng mundo na nakilala ko. Salamat sa lahat ng ginagawa ninyo para sa akin, para sa mga padala ninyong liham, sa mga bulaklak, at mga aklat, at sa napakaraming paraan ng pagpapahayag ng inyong pag-aalala at pagmamahal. Nagpapasalamat ako para sa mga mapagbigay na kaibigan na kung kaninong kabutihan ay ginawang posible para sa akin na makasalamuha ang mga Banal sa mga bansa sa daigdig, makadaup-palad sila, magbahagi sa kanila ng patotoo at pagmamahal. Nagpapapasalamat ako para sa aking mahal na kabiyak na nakabahagi ko sa halos 64 na taong pagsasama. Nagpapasalamat ako para sa matatapat na inanak. Pinagpala ako ng Panginoon sa kamangha-manghang paraan.
Nagpapasalamat ako para sa aking mga kapatid sa Pangkalahatang Awtatoridad na napakababait at napakagagalang sa akin. Nagpapasalamat ako para sa bawat isa sa inyo sa dakilang pamilyang ito, na mahigit 11 milyong miyembro, na bumubuo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Sa pagbubukas ng komperensiya nais ko lamang magbigay ng napaikling ulat tungkol sa Simbahan.
Mas matatag ito kaysa rati. Hindi lang mas marami ang bilang ng mga miyembro, kundi naniniwala akong mas malaki ang pananampalataya ng mga Banal sa pangkalahatan. Sa anim na buwang nagdaan nagkaroon tayo ng pagkakataong maglaan ng mga templo sa iba't ibang dako ng daigdig. Nakarinig tayo ng patotoo na binigkas sa iba't ibang wika tungkol sa katotohanan ng gawaing ito. Nakita natin ang nakalululang sampalataya ng ating mga miyembro na naglakbay nang malayo upang makadalo sa mga paglalaang ito. Nasaksihan natin ang kamangha-manghang paglago ng aktibidad sa templo. Nakararanas tayo ng mabagal ngunit patuloy na pag-unlad sa karamihan ng mga larangan ng ating gawain.
Nagpapasalamat ako at tayo ay nabubuhay sa panahong may kaunti pang kapayapaan. Wala pang malalaking digmaang kinasasangkutan ang buong daigdig. May gulo rito at doon, ngunit hindi ito ganoon kalawak. Nadadala natin ang ebanghelyo sa maraming bansa sa daigdig at nababasbasan ang buhay ng mga tao saanman ito makarating.
Palapit na tayo sa pagpapalawak ng oportunidad na pang-edukasyon para sa ating mga kabataan. Naibalita na namin na magiging pang-apat-na-taong paaralan na ang Ricks College na makikilala bilang BYU-Idaho. Nagpapasalamat kaming malaman na natanggap na ng paaralan ang opisyal na pahintulot buhat sa mga awtoridad para gawin ito. Katangi-tanging makamtan ito nang napakadali.
Nagtatayo tayo ng mga gusali sa bilis na hindi natin pinangarap noon. Kailangan natin itong gawin kung nais nating bigyang-daan ang paglago ng Simbahan.
Sumusulong ang programang pangkapakanan. Nagpapasalamat kami lalung-lalo na sa kakayahang maglaan ng malaking tulong sa maraming panig ng daigdig. Namigay tayo ng pagkain, gamot, damit, kagamitang pangkatre, at iba pang pangangailangan upang alalayan ang mga yaong biglang natatagpuan ang sarili na biktima ng malalaking kapahamakan.
Magsasalita ako ngayong gabi sa mga kapatid sa pagkasaserdote hinggil sa isa pang programa na sa palagay ko ay makaaaliw nang malaki sa inyong lahat.
Isa sa mga palatandaan ng pag-unlad at sigla ng Simbahan ay ang pagtatayo ng mga templo. Nagsalita na ako tungkol dito noon, ngunit nagpapasalamat ako nang labis na mula nang huli tayong magkita-kita sa pangkalahatang komperensiya narating natin ang ating adhikaing 100 gumaganang templo sa pagtatapos ng taong 2000, sa katunayan ay nalampasan pa natin ito. Kagagaling lang namin sa paglalaan ng templo sa Uruguay, ang ika-103 gumaganang templo ng Simbahan.
Patuloy ang dakilang gawaing pagtatayo ng templo sa buong mundo. Tiningnan ko noong isang araw ang listahan ng lahat ng templong gumagana ngayon o naipahayag na--121 silang lahat. Namangha ako sa haba ng listahan at sa kataka-takang pagkakaiba-iba ng mga pook na kinaroroonan nila. Napakaganda nito, ngunit hindi pa kami nasisiyahan. Patuloy tayong magsisikap na madala ang mga templo sa mga tao, upang maging mas madali para sa mga Banal sa mga Huling Araw saan man na makatanggap ng mga pagpapalang matatamo lamang sa mga banal na bahay na ito.
Nasabi ko na noon na ang mga pagpapala ng templo ay tanda ng kaganapan ng pagkasaserdote na binanggit ng Panginoon nang ihayag Niya ang Kanyang kalooban kay Propetang Joseph Smith. Sa pagtatayo ng mga templo sa mga pook na malapit sa mga tahanan ng ating mga miyembro, naibibigay sa kanila ang lahat ng ordenansang dapat tamuhin sa Bahay ng Panginoon para sa kapwa buhay at patay.
Di maglalaon at ilalaan na ang mga templo sa Winter Quarters, Nebraska; Guadalajara, Mexico; at Perth, Australia. Itinatayo ang mga ito sa Asunción, Paraguay; Campinas, Brazil; ang lugar ng Tri-Cities sa Washington; Copenhagen, Denmark; Lubbock, Texas; Monterrey, México; Nauvoo, Illinois; Snowflake, Arizona; at The Hague, Netherlands. Anim na templo pa ang ipinahayag at di magtatagal ay idaraos na ang mga serbisyo sa pagsisimula ng pagtatayo ng mga templo para dito. Bukod pa riyan, bumisita kami at nag-iisip na magtayo ng mga templo sa maraming lugar sa Estados Unidos, Gitna at Timog Amerika, Europa, at mga pulo sa karagatan. Hindi ko na babanggitin ang kanilang mga pangalan dahil lilikha lamang ito ng kaguluhan, samantalang wala pa kaming pagtatayuan ng mga ito.
Ang pagtatayo ng bawat templo ay tanda ng pagkahinog ng Simbahan. Patuloy naming itatayo ang mga sagradong bahay na ito ng Panginoon nang kasimbilis ng dating ng mga kasangkapan para dito. Nagpapasalamat kami para sa matatapat na Banal sa mga Huling Araw na nagbabayad ng kanilang ikapu at isinasakatuparan ang mahalagang prog-ramang ito.
Hindi tayo nawawalan ng mga namimintas, na ang ilan ay malulupit at mga salbahe. Nariyan silang lagi, at sa palagay ko ay mananatili sila hanggang sa hinaharap. Ngunit susulong tayo, na sinusuklian ng kabutihan ang kasamaan, ng pagiging matulungin at mabait at mapagbigay. Ipinaaalala ko sa inyo ang mga turo ng ating Panginoon hinggil sa mga bagay na ito. Kilala ninyo silang lahat. Maging mabuti tayong mga tao. Maging palakaibigan tayo. Maging mabait tayo. Maging mga miyembro tayo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na tulad ng inaasahan sa atin.
Minamahal na mga kapatid, pinahahalagahan ko nang labis ang inyong mga panalangin at pagmamahal. Ipinaaabot ko ang pagmamahal ko sa bawat isa sa inyo. Nawa'y mabuksan ang kalangitan at masaganang bumaba ang mga pagpapala sa inyo habang lumalakad kayo nang buong katapatan sa harap ng Panginoon.
Ngayo'y masisiyahan na tayong sumulong sa pagsasaganap ng malaking pagtitipun-tipong ito.
Pagpalain kayo ng Diyos, minamahal kong mga kasamahan, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.