The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2001
Mga Mag-asawang Misyonero: Panahon upang Maglingkod

Mga Mag-asawang Misyonero: Panahon upang Maglingkod

Elder Robert D. Hales
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Nararapat para sa isang may edad nang miyembrong babae o mag-asawa na ipaalam sa kanilang mga pinuno ng pagkasaserdote na sila ay handa at maaaring magmisyon. Hinihimok ko kayong gawin ito."

Elder Robert D. Hales

Nadama ko ang matinding responsibilidad na magsalita sa inyo ngayon hinggil sa agarang pangangailangan sa Simbahan. Ang pinakamimithi ko habang ako'y nagsasalita, ay maantig ng Espiritu Santo ang mga puso, at saanmang dako isang mag-asawa o dalawa ang marahang sisikuhin ang kanyang asawa, at magaganap ang sandali ng katotohanan. Magsasalita ako tungkol sa agarang pangangailangan para sa mas nakatatandang mag-asawa na magmisyon. Nais naming ipahayag ang aming pasasalamat sa lahat ng magigiting na mag-asawa na kasalukuyang naglilingkod, sa mga nakapaglingkod na, at sa mga maglilingkod pa lamang.

Sa ika-93 bahagi ng Doktrina at mga Tipan, pinagsabihan ng Panginoon ang mga nangungulong Kapatid ng Simbahan, sinasabing, "Ipinag-utos ko sa inyo na palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan.. . .

"At ngayon isang kautusan ang ibinibigay ko sa inyo--kung ikaw ay maliligtas ay isasaayos mo ang iyong sambahayan" (D at T 93:40, 43).

Ano ang pinakamagandang paraan upang maturuan ang ating mga anak--at apo--ng liwanag at katotohanan? Ano ang pinakamahalagang paraan upang isaayos ang ating pamilya at kamag-anak? Posible ba na sa mga bagay na may kinalaman sa espirituwal ang ating halimbawa ay mas nakaiimpluwensiya kaysa sa ating sinasabi? Ang kasal sa templo, panalangin ng pamilya, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at gabing pantahanan ng mag-anak ay mahalagang- mahalagang lahat. Ngunit may isa pang dimensiyon--ang dimensiyon ng paglilingkod. Kung bukal sa kalooban nating iwanan ang mga mahal natin sa buhay para sa pagmimisyon, pagpapalain natin sila ng isang pamana na magtuturo at magbibigay- inspirasyon sa kanila para sa mga darating na henerasyon.

Mahalaga sa akin na matapos utusan ang mga Kapatid na turuan ang kanilang mga anak ng liwanag at katotohanan at isaayos ang kani-kanyang pamilya, kaagad silang tinawag ng Panginoon sa pagmimisyon. "Ngayon, sinasabi ko sa inyo, aking mga kaibigan, ang aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon ay magpapatuloy sa kanyang paglalakbay,at magmadali, at ipahayag din. . .ang ebanghelyo ng kaligtasan" (D at T 93:51).

Habang nagmimisyon tayo, pagpapalain ang ating mga anak at apo sa mga kaparaanang hindi magaganap kung nanatili tayo sa ating tahanan. Makipag-usap sa mga mag-asawang nagmisyon na at sasabihin nila sa inyo ang mga pagpapalang ibinuhos sa kanila: naging aktibo ang mga batang hindi aktibo, nabinyagan ang mga miyembro ng pamilya, at napalakas ang mga patotoo dahil sa kanilang paglilingkod.

Isang mag-asawang misyonero ang iniwan ang kanilang bukirin para pangasiwaan ng kanilang anak na lalaki. Sa panahon ng tagtuyot na sumunod, ang kanilang bukirin ay nakadalawang anihan ng mga damo habang ang kanilang kapitbahay ay may isa lamang. Tinanong ng kapitbahay kung bakit siya nakadalawang anihan samantalang sila ay nakaisa lang. Tumugon ang binatilyo, "Kailangan ninyong pagmisyunin ang inyong mga magulang."

Kung napakarami ng pagpapala para sa mga mag-asawang misyonero, bakit ilang libo lamang ang naglilingkod, sa halip na sampu-sampong libo na siyang kailangang-kailangan? Naniniwala ako na ang apat na "P" ang kadalasang humahadlang sa kanilang daanan: Pangamba, Pag-aalala sa pamilya, Pananalapi, at Paghanap ng tamang pagkakataon upang magmisyon.

Una, pangamba. Nagdudulot ng pag-aatubiling maglingkod ang pangamba sa mga di-kilalang tao o lugar, o pangamba na wala tayong kasanayan sa mga banal na kasulatan o wikang kinakailangan. Ngunit sinabi ng Panginoon, "Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot" (D at T 38:30). Ang inyong buhay ang siyang inyong paghahanda. Mayroon kayong mahahalagang karanasan. Nakapagpalaki kayo ng pamilya at naglingkod sa Simbahan. Humayo at magpakatotoo. Ipinangako ng Panginoon na hahayo sa inyo ang mga anghel (tingnan sa D at T 103:19–20). Sasabihin sa inyo ng Espiritu kung ano ang dapat ninyong sabihin at kung kailan ito sasabihin sa isang likas na proseso habang inyong pinalalakas ang mga batang misyonero, nagpapatotoo sa mga nagsisiyasat at bagong miyembro, nagtuturo ng mga kasanayan sa pamumuno, at nakikipagkaibigan at nakikipagkapatiran sa mga di gaanong aktibong miyembro, na tinutulungan sila na makabalik nang lubos sa pagiging aktibo. Kayo ang patotoo, at maaantig ninyo ang mga buhay ng yaong makikilala ninyo. Karaniwang hindi naghahanap ng matuturuan ang mga mag-asawang misyonero at hindi sila inaasahang isaulo ang mga talakayan o magkaroon ng gayunding iskedyul katulad ng mga batang misyonero at misyonera. Magpakatotoo lang kayo. Maglingkod sa abot ng inyong makakaya, at pagpapalain kayo ng Panginoon.

Nagbibigay ng katatagan ang mga mag-asawang misyonero dahil sa kanilang pakikipagkaibigan at mga kasanayan sa pamumuno sa mga pook kung saan nagsisimula pa lamang ang Simbahan. Natutuhan ko mismo ang karanasang ito habang naglilingkod bilang pangulo ng misyon sa England. Itinalaga ko ang isang mag-asawang naglilingkod sa sentro para sa mga bisita sa isang maliit at nagpupunyaging yunit. Tila takot silang iwanan ang "ligtas na lugar" ng sentro ng mga bisita. Ngunit taglay ang pananampalataya, nagsimula silang gumawa. Sa loob ng anim na buwan, ang yunit na mayroong 15 hanggang 20 kataong dumadalo sa pulong sakramento ay nagkaroon ng mahigit 100 kataong dumadalo dahil sa pakikipagkaibigan ng mag-asawang ito kasama ng mga pagkasaserdote. Hanggang ngayon, itinuturing nila at ng kanilang mga anak ang panahong iyon na pinakadakilang karanasan sa kanilang buhay.

Isa pang mag-asawa ang naglingkod kamakailan lamang sa isang maliit na baryo sa timog ng Santiago, Chile. Wala silang mga kasanayan sa Espanyol, at labis na nangamba sa pagparoon sa ibang bansang malayo sa ginhawa ng sariling tahanan. Subalit sumugba sila nang may lubos na katapatan, pagmamahal at paglilingkod sa mga tao. Hindi nagtagal, lumaki ang maliit na sangay mula 12 hanggang 75 miyembro. Nang dumating ang araw ng kanilang paglisan, umupa ng bus ang buong sangay upang makapunta sila sa paliparan, na mga apat na oras ang layo, at makapagpaalam sa kanilang mga espesyal na kaibigan.

Ang maibibigay na paglilingkod ng mga mag-asawa ay mahalaga sa gawain ng Panginoon. Makagagawa ng kaibhan ang mga mag-asawa. Makagagawa ng mga kahanga-hangang bagay ang mga mag-asawa na hindi magagawa ng sinuman.

Ikalawa, pag-aalala sa pamilya. Tumawag ng mga mamamalakaya ang Tagapagligtas, na mapagkumbabang hinihiling sa kanila na , "Magsisunod kayo sa hulihan ko" (Mat. 4:19). Inutusan Niya sila na iwanan ang kanilang kinagisnang lugar at maging mamamalakaya ng mga tao. Ang hinihiling sa mga mag-asawang misyonero ay kulang sa kalahati ng ikapu ng panahong gugugulin nila sa mundo. Sa walang hanggang pananaw, ang pagmimisyon ay ilang sandali lamang ang layo sa mga nakagisnang lugar, pamilya, at masayang pamamahinga sa piling ng mga dating kaibigan.

Magpapadala ng mga natatanging pagpapala ang Panginoon sa inyong pamilya kapag kayo ay naglingkod. "Ako, ang Panginoon, ay nagbibigay sa kanila ng isang pangako na ako ang tutustos para sa kanilang mga mag-anak" (D at T 118:3). Minsan ay inaalala ng mga mag-asawa na sa kanilang pagkawala ay hindi sila makadadalo sa mga kasalan, kaarawan, pagtitipon ng pamilya, at iba pang kaganapan sa pamilya. Nabatid natin na ang epekto sa pamilya habang ang mga lolo at lola ay nagmimisyon ay katumbas ng isang libong pangaral. Labis na napalalakas ang mga pamilya kapag nananalangin sila para sa kanilang mga magulang at lolo at lola at binabasa ang mga liham na ipinadala sa tahanan na nagbabahagi ng kanilang mga patotoo at ng kontribusyong nagawa nila sa misyon.

Isang anak na lalaki ang sumulat ng isang liham na puno ng pagmamahal sa kanyang mga magulang na nasa misyon: "Nagpakita ng halimbawa sa aming mga anak ang inyong paglilingkod. Bunga nito, mas bukal sa kalooban nilang maglingkod sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan. Nagtuturo ito sa aming lahat na maging mas mapagmahal sa kapwa habang nagsusulatan tayo at nagpapadala ng mga pakete. Kapag tumatanggap kami ng mga liham at balita mula sa inyo, pinalalakas nito ang aming mga patotoo. Kahit na nagretiro kayo sa inyong propesyon at masaya sana sa lahat ng pamantayan ng mundo, sa pagtungo ninyo sa misyon ipinakita ninyo sa amin ang isang bagong paraan upang maging maligaya. Natagpuan ninyo ang kaligayahang hindi mabibili ng salapi. Nakita namin ang pagdaig ninyo sa karamdaman at iba pang uri ng kahirapan at nakitang pinagpala kayo dahil sa inyong pagkukusang umalis at lisanin ang inyong mga anak, apo, at apo sa tuhod. Mahal na mahal namin kayo!"

Isa pang mag-asawa ang nag-ulat: "Isa sa aming mga apong lalaki ang sumulat sa amin nang nasa Thailand kami at sinabi sa amin na wala pa siyang katiyakan na magmimisyon, subalit nagpakita kami ng halimbawa sa kanya at ngayon ay alam na niyang nais niyang maglingkod. Nagmimisyon na siya ngayon."

Nagmisyon sa Inglatera ang sarili kong ama at ina. Nang dalawin ko sila isang araw sa kanilang maliit na inuupahang tirahan, pinagmasdan ko ang aking ina, na balot ng pangginaw ang mga balikat, na naglalagay ng mga barya sa metro ng gas upang mainitan sila. Nagtanong ako, "Bakit kayo nagmisyon, Inay?" Simple lang ang sagot ni Inay, "Dahil mayroon akong labing-isang apong lalaki. Gusto kong malaman nila na nagmisyon sina Lola at Lolo."

Noong 1830, tinawag ng Panginoon si Thomas B. Marsh na lisanin ang kanyang pamilya at magmisyon. Lubos na nag-aalala si Brother Marsh sa pag-iwan sa kanyang pamilya nang panahong iyon. Sa isang magiliw na paghahayag, sinabi ng Panginoon sa kanya, "Pagpapalain kita at ang iyong mag-anak, oo, ang iyong mga maliliit.. . . Pasiglahin ang iyong puso at magalak, sapagkat ang oras ng iyong misyon ay dumating na.. . . Dahil dito, ang iyong mag-anak ay mabubuhay.. . . Lumisan ka sa kanila ng kaunting panahon lamang, at ipahayag ang aking salita, at ako ay maghahanda ng isang lugar para sa kanila" (D at T 31:2, 3, 5, 6). Maaaring ito ang mga pinakamahalagang pagpapalang kailangan ng inyong mga anak, apo, apo sa tuhod, at inapo sa hinaharap.

Ikatlo, pananalapi. Hindi nakapagmimisyon ang ilang mag-asawang gustong maglingkod dahil sa katandaan, kalusugan, pananalapi, o kalagayan ng pamilya. Marahil ay matutulungan ng mga hindi makapaglilingkod ang ibang mag-asawa para makapagmisyon.

Palaging kaakibat ng gawaing misyonero ang sakripisyo. Kung kakailanganin ang ilang sakripisyo, mas darami ang pagpapala. Mga bata, hikayatin ang inyong mga magulang na maglingkod at tulungan sila sa pananalapi kung kinakailangan. Maaari kayong mawalan sandali ng bantay sa inyong mga anak, subalit ang mga walang hanggang gantimpalang matatanggap ninyo ng inyong pamilya ay higit na kabayaran para sa maikling sakripisyo.

Sa mga mas nakababatang mag-asawa na kapiling pa sa ngayon ang mga anak sa tahanan, hinihimok ko kayo ngayon na magpasiyang maglingkod sa inyong pagtanda at magplano at maghanda upang may- kakayahan kayo sa pinansiyal, pisikal at espirituwal. Tiyakin na ang dakilang halimbawa ng misyonerong paglilingkod ay isang pamanang maiiwan ninyo sa inyong mga inapo.

May dalawang bukod-tanging panahon sa ating buhay na tunay nating maipamumuhay ang batas ng lubos na paglalaan at italaga ang ating sarili sa buong oras na paglilingkod sa Panginoon. Ang isa ay ang buong oras na paglilingkod sa misyon ng mga kabataang lalaki o babae. Ang isa pa ay ang bukod-tanging panahong ibinigay sa inyo matapos maisakatuparan ang mga kinakailangan sa paghahanapbuhay. Maaring tawagin ang huli na "mga panahon ng patriyarka," kung saan magkakaroon kayo ng mayayamang karanasan sa buhay, humayo bilang mag-asawa, at lubos na ilaan ang inyong sarili bilang mga tagapaglingkod ng Panginoon.

Ang mga pagpapala ng paglilingkod kasama ang inyong asawa ay hindi matutumbasan at mauunawaan lamang ng mga nakaranas na nito. Nagkaroon kami ng aking asawa ng gayong pribilehiyo sa misyon. Bawat araw ay espesyal na may mga gantimpala sa araw-araw na nagiging sanhi ng personal na pag-unlad at pagsulong sa panahon at sa paraan ng Panginoon. Ang tagumpay na dumarating mula sa uri ng paglilingkod na ito ay magpapala sa inyo, sa pagsasama ninyong mag-asawa, at sa inyong pamilya para sa kawalang-hanggan.

Ang huli, paghahanap ng tamang pagkakataon upang magmisyon. Walang hanggan ang mga paraan na maaaring maglingkod ang mga mag-asawa. Mula sa suporta sa tanggapan ng misyon at pagsasanay sa pamumuno hanggang sa kasaysayan ng mag-anak, gawain sa templo, at makataong paglilingkod--may pagkakataong magamit ang halos anumang kasanayan o talinong ipinagkaloob sa inyo ng Panginoon.

Mag-usap kayong mag-asawa, alamin ang inyong kalusugan, mapagkukunan ng salapi, at ang inyong mga kakaibang kaloob at talino. Pagkatapos, kung maayos na ang lahat, magtungo sa inyong obispo at sabihing, "Handa na kami." Maaaring madama ninyong hindi marapat na lapitan ang inyong obispo o pangulo ng sangay tungkol sa inyong hangaring magmisyon. Subalit nararapat para sa isang may edad nang miyembrong babae o mag-asawa ng maipaalam sa kanilang mga pinuno ng pagkasaserdote na sila ay handa at maaaring magmisyon. Hinihimok ko kayong gawin ito.

Mga obispo, hindi kayo dapat mag-atubiling pasimulan ang panayam para sa Rekomendasyon para sa Misyonerong Paglilingkod upang talakayin at hikayatin ang mga mag- asawang misyonero na magmisyon.

Si Elder Clarence R. Bishop, direktor ng Mormon Handcart Visitor's Center, ay naglingkod ng limang misyon. Sa una'y naglingkod siya noong kabinataan niya. Sa huling apat na misyon, kinapanayam siya ng mga inspiradong pinuno ng pagkasaserdote para maglingkod. Ipinahiwatig niya na hindi sana siya nakapaglingkod sa kahit isa sa apat na huling misyon kung hindi siya hinikayat ng kanyang obispo na maglingkod.

Ang ilang may edad nang mag-asawa at mga dalaga ay tinawag bilang mga misyonero upang magturo ng Ingles bilang pangalawang wika sa mga estudyante, guro, at opisyal ng pamahalaan sa Thailand. Ang mga nagretirong guro at tagapangasiwa ng edukasyon, sa pamamagitan ng pagbibigay nang libre ng kanilang kaloob at talinong umunlad dahil sa maraming taon ng pagtuturo, ay nakagawa ng kahanga-hangang pag-unlad sa pagtuturo ng Ingles sa mga estudyante, pagsasanay sa mga guro at pagiging mabuting kinatawan para sa Simbahan sa Thailand.

Naglingkod sina Jerry at Karen Johnson sa Hongkong na nagtuturo ng Ingles bilang pangalawang wika. Isang araw matapos ang klase, sa mga huling araw ng kanilang misyon, isang maliit na batang babaing nasa ikalawang grado, na napalapit nang husto kay Sister Johnson, ang lumapit sa kanya at unat ang mga bisig na parang lumilipad na eroplano na nagtanong, "Meiguo?" na ang ibig sabihin ay "Amerika." Tumingin sa kanya si Sister Johnson at sinabing, "Oo, babalik na kami sa Amerika." Isinubsob niya ang kanyang ulo sa dibdib ni Sister Johnson at humikbi. "Niyakap ko siya nang mahigpit at humikbing kasabay niya," ang sabi ni Sister Johnson. "Limampung estudyante pa ang pumalibot, na humihikbing kasabay namin. Ipinagitna kami ng aming misyon sa masaganang pagmamahal na tila bumalot sa amin."

Nang suguin ni Jesus ang Labindalawa na humayo sa kanilang misyon, inutusan Niya sila, na sinasabing, "Tinanggap ninyong walang bayad, ay ibigay ninyong walang bayad" (Mat. 10:8). Kung malaki ang ibinigay, malaki ang inaasahan. Nakatanggap kayo ng malaki sa inyong buhay, humayo at magbigay nang walang bayad sa paglilingkod sa inyong Panginoon at Tagapagligtas. Sumampalataya; batid ng Panginoon kung saan kayo kailangan. Malaki ang pangangilangan, mga kapatid, at kakaunti ang mga manggagawa.

"Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos" (Mosias 2:17). Alam kong ito ay Kanyang gawain. Humayo at maglingkod!

Dalangin kong nawa'y maranasan ninyo ang mga pagpapala ng misyonerong paglilingkod para sa inyo at sa inyong mga pamilya, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy