Elder L. Tom Perry
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
"Sa anumang komunidad ng mga Banal, gumagawa tayong lahat upang paglingkuran ang isa't isa sa pinakamabuting paraang alam natin. May dakilang layunin ang ating gawain dahil ito ay gawain upang pagpalain ang iba at itayo ang kaharian ng Diyos."
Tayong lahat ay may mga pangyayari sa buhay na, kapag ginunita natin ang mga ito paglipas ng mga taon, ay nagkakaroon ng bago at mahalagang kahulugan. Noong ako ay nasa mga unang taon ng hayskul, pinarangalan ako ng administrasyon ng paaralan nang atasan akong maging miyembro ng mga estudyanteng magpapatrolya sa pasilyo ng paaralan. Sa mga araw na nakatalaga kaming magpatrolya, tinagubilinan kaming magbaon ng pananghalian at kumain nang magkakasama. Palagi itong espesyal na gawain at labis ang kompetisyon na makita kung kaninong nanay ang naghanda ng pinakamasarap na pananghalian. Madalas kaming magpalitan ng pagkain.
Isang araw nang matalaga akong magpatrolya, nalimutan kong sabihin kay Inay na kailangan kong magbaon ng pananghalian hanggang sa halos papaalis na ako patungong paaralan. Nabahala si Inay nang humingi ako ng baon sa pananghalian, at sinabi niya sa akin na nagamit na niya ang huling tinapay para sa almusal at sa hapon na makapagluluto. Ang naroon lamang upang magawang pananghalian ay isang malaking rolyo ng matamis na tinapay na natira kagabi sa hapunan. Gumagawa ang nanay ng masasarap na rolyo ng matatamis na tinapay. Inaayos niya ang mga ito sa kawali na nasa itaas ang malaking rolyo ng tinapay at nakahanay naman sa gawing ibaba ng kawali ang maliliit na rolyo. Ang malaking rolyo lamang ang natira. Kasinglaki ito ng pan-Amerikano, ngunit hindi kasingkapal. Nahiya akong magbaon lamang ng matamis na rolyo ng tinapay nang maisip ko ang mga baon ng ibang miyembro ng patrolya, subalit nagpasiya akong mas mainam nang may baon kaysa walang pananghalian.
Nang oras na ng pananghalian, lumayo ako at naupo sa isang sulok, upang hindi ako mapansin. Nang magsimula ang pagpapalitan ng baon, nais malaman ng mga kaibigan ko kung ano ang aking baon. Ipinaliwanag ko ang nangyari nang umagang iyon at sa aking pangamba, ibig nilang makita lahat ang matamis na tinapay. Subalit ginulat ako ng aking mga kaibigansa halip na pagtawanan ako, gusto nilang lahat ng tinapay! Ito ang naging pinakamagandang araw ng pakikipagpalitan ko ng baon, sa buong taon! Ang matamis na rolyo ng tinapay na inaakala kong isang kahihiyan para sa akin ang naging pinakasikat na pagkain sa oras ng aming pananghalian.
Kapag naaalala ko ang karanasang ito, naiisip kong madalas na bahagi ng likas na tao na di-gaanong pahalagahan ang mga pamilyar na bagay, dahil napakapangkaraniwan ng mga ito sa atin. Maaaring ang isa sa mga pamilyar na bagay na ito ay ang pagiging miyembro natin sa ipinanumbalik na Simbahan.
Isang "mahalagang perlas" ang tinataglay ng mga miyembro ng Simbahan subalit minsan hindi natin pinahahalagahan ang mahalagang perlas na ito dahil napakapamilyar nito sa atin. Samantalang totoo na hindi natin dapat ihagis ang ating mga perlas sa harap ng mga baboy, hindi ito nangangahulugan na hindi natin ibabahagi ang mahahalagang perlas sa mga taong magpapahalaga sa mga ito. Ang isa pang pinakamahalagang karagdagang kabutihan ng gawaing misyonero ay ang pagmamasid sa malaking pagpapahalaga sa ebanghelyo ng mga yaong nagsisiyasat sa Simbahan. Nakabubuti na makitang pinahahalagahan ito ng iba. Ang pangamba ko ay binabalewala natin ang mga bukod-tangi at mahahalagang pagpapala ng pagiging miyembro sa Simbahan ng Panginoon, at sa ugaling di-mapagpasalamat, malamang na wala tayong pagpapahalaga sa pagiging miyembro natin sa Simbahan at hindi gaanong masigasig sa pag-aambag para sa pagtatayo ng isang komunidad ng mga Banal.
Pinagpala tayo ng isang dakila at marangal na pamana na naghahandog ng daan sa katotohanan na kakaiba sa mga paraan ng sanlibutan. Kailangan nating paalalahanan ang ating sarili tungkol sa kahalagahan ng ating pamana upang hindi natin maliitin ang halaga nito. Hinahamon ko ang maraming Banal, na nagtatago sa mga sulok, na huwag mahiya at malakas na ipahayag ang mga pinahahalagahang turo ng ating pamana, hindi sa diwa ng pagmamalaki o pagyayabang kundi sa diwa ng pagtitiwala at matibay na paniniwala.
Ang isang bagay na lubos na ipinagmamalaki ko hinggil sa ating mga ninuno ay kung paano nila napaganda, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos at ng kanilang kasipagan at pagsisikap, ang mga lugar na tinanggihan na ng iba.
Nang ikulong si Joseph Smith sa Piitan ng Liberty, na walang pag-asang mapawawalan, isang utos na lipulin ang mga miyembro ng Simbahan ang naipahayag na laban sa mga Banal. Kaya inorganisa si Brigham Young ng mga Banal upang ilipat sila mula sa Missouri. Ang paglipat mula sa Missouri noong Pebrero 1839 ay nagdulot sa marami ng pagdaing na kinalimutan na ng Panginoon ang Kanyang mga tao. Nag-alinlangan ang ilang miyembro sa Simbahan sa karunungang muling sama-samang tipunin ang mga Banal sa iisang lugar.
Ang pagtawid sa Mississippi at panandaliang pagtigil sa ilang maliliit na komunidad sa baybayin ng ilog ng Mississippi ay nagpatunay na kailangang magpahinga ng mga miyembro hanggang sa makatanggap ng bagong tagubilin mula sa kanilang mga pinuno. Sumulat si Propetang Joseph Smith mula sa Piitan ng Liberty, na hinihikayat na huwag maghiwa-hiwalay ang mga Banal, kundi magtipun-tipon at pagkatapos ay itayo ang samahan ng Simbahan mula sa isang komunidad na may iisang paniniwala.
Noong Abril ng taong iyon, pinahintulutan sina Joseph at Hyrum, at iba pa nilang kasamahan sa bilangguan na tumakas mula sa piitan sa Missouri. Dumating sila sa Quincy, Illinois, noong ika-22 ng Abril 1839. Kaagad kumilos ang Propeta upang humanap ng lugar na pagtitipunan ng mga Banal. Nakahanap siya ng lugar sa mga pampang ng Ilog Mississippi na wari ay may magandang hinaharap. Pinangalanan niyang Nauvoo ang lungsod, na ang ibig sabihin ay "maganda," subalit sa panahong iyon, hindi ito maganda. Ito ay latiang peninsula na hindi tuyo. Mula sa latiang lupain ay sumibol ang isang lungsod na tunay na maaaring tawaging maganda.
Ang mga unang tahanan sa Nauvoo ay yari sa maliliit, simple, at pansamantalang gusali, mga tolda, at ilang pinabayaang gusali. Nagsimulang magtayo ang mga Banal ng mga bahay na yari sa kahoy. Dahil pinahihintulutan ng panahon at salapi, naitayo ang mga gusali na yari sa tabla, at kinalaunan, higit pang matibay na gusali na yari sa bato ang itinayo.
Binalak ng Propeta na magtayo ng isang komunidad ng mga Banal. Mayroon siyang tatlong pangunahing layunin: una, ekonomiya; pangalawa, edukasyon; at pangatlo; espirituwal.
Ang hangarin ni Propetang Joseph Smith ay makapagsarili ang mga Banal sa kanilang kabuhayan. Ibinigay ng ating Ama sa Langit ang lahat ng mayroon sila--ang kanilang mga talino, ang kanilang mga kakayahan, ang kanilang mga ari-arian--at ginawa silang katiwala sa mga pagpapalang ito.
Ang mahalagang bahagi na ating minana sa pagiging malaya sa kabuhayan ay ang Programang Paglilingkod na Pangkapakanan ng Simbahan. May dalawa itong pangunahing alituntunin. Ang una ay ang alituntunin ng pagmamahal at ang pangalawa ay ang paggawa. Ang alituntunin ng pagmamahal ang siyang lakas na naghihikayat sa atin na ibigay ang ating panahon, mga salapi, at paglilingkod sa magandang programang ito. Isinulat ni Juan, ang Minamahal:
"Mangagibigan tayo sa isa't isa: sapagkat ang pagibig ay sa Dios; ang bawat umiibig ay ipinanganak ng Dios, at nakakakilala sa Dios.
"Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Dios; sapagkat ang Dios ay pag-ibig.
"Dito nahayag ang pagibig ng Dios sa atin, sapagkat sinugo ng Dios ang kaniyang bugtong na Anak sa sanglibutan,upang tayo ay mabuhay sa pamamagitan niya.. . .
"Mga minamahal, kung tayo'y inibig ng Dios ng gayon, ay nararapat na mangagibigan din naman tayo" (1 Juan 4:79, 11).
At sa ikatlong kabanata ng 1 Juan, isinulat niya: "Datapuwa't ang sinomang mayroong mga pagaari sa sanglibutang ito, at nakikita ang kaniyang kapatid na nangangailangan, at doo'y ipagkait ang kaniyang awa, paanong mananahan ang pagibig ng Dios sa kaniya?" (1 Juan 3:17).
Ang ating pag-unawa tungkol sa alituntunin ng pagmamahal ang humihikayat sa atin na magbigay ng mga handog ng pag-aayuno nang bukal sa kalooban, isang kahanga- hangang sistema na ipinahayag kung saan sa unang Linggo ng bawat buwan, kusa tayong hindi kumakain nang dalawang beses at iniaambag ang halaga ng mga pagkaing iyon sa ating obispo. Siya ngayon ay may mapagkukunan upang tulungan ang mga yaong nangangailangan. Halos hindi nakabibigat ang sistema, at itinataas nito ang ating pagpapahalaga sa mga yaong kapus-palad at nagbibigay ng ikabubuhay upang matugunan ang kanilang pangangailangan.
Nawa'y patuloy tayong pagpalain ng Panginoon nang hangaring mangag-ibigan sa isa't isa at magbigay nang bukal sa kalooban batay sa alituntunin ng pag-aayuno.
Ang pangalawang pangunahing alituntunin ay ang paggawa. Mahalaga rin ang paggawa sa ikatatagumpay ng planong pangkabuhayan ng Panginoon kagaya ng kautusang mahalin ang ating kapwa.
Sa Doktrina at mga Tipan, mababasa natin:
"Ngayon, ako, ang Panginoon, ay hindi lubos na nalulugod sa mga naninirahan sa Sion, sapagkat may mga tamad sa kanila; at ang kanilang mga anak ay lumalaki rin sa kasamaan; hindi rin nila hinahanap nang may pagsusumigasig ang mga yaman ng kawalang-hanggan, sa halip ang kanilang mga mata ay puno ng kasakiman.
"Ang mga bagay na ito ay hindi nararapat, at kinakailangang mahinto mula sa kanila" (D at T 68:3132).
Ako'y labis na nag-aalala hinggil sa pagtukoy ng ating Panginoon sa ating mga anak. Nakikita natin ang maraming magulang na labis na nagpapalayaw sa kanilang mga anak na hindi man lamang sinasanay ang mga ito hinggil sa kahalagahan ng paggawa.
Sa anumang komunidad ng mga Banal, gumagawa tayong lahat upang paglingkuran ang isa't isa sa pinakamabuting paraang alam natin. May dakilang layunin ang ating gawain dahil ito ay gawain upang pagpalain ang iba at itayo ang kaharian ng Diyos.
Ang pangalawang hinihingi sa komunidad ng mga Banal ni Propetang Joseph Smith ay edukasyon. Noong mga unang bahagi ng 1840, nang gumawa siya ng opisyal na kahilingan sa pamahalaan ng Illinois para gawing korporasyon ang Nauvoo, hiniling din niya ang karapatan na magtayo ng unibersidad.
Sa Encyclopedia of Mormonism mababasa natin: "Ang mga ideya at gawain ng Simbahan ay batay sa ilang paghahayag na natanggap ni Joseph Smith na nagbibigay-diin sa walang hanggang kalikasan ng kaalaman at ang mahalagang papel na ginagampanan ng pag-aaral sa espirituwal, moral, at intelektuwal na pag-unlad ng sangkatauhan" ("Education: Attitudes Toward Education," sa Encyclopedia of Mormonism, ni Daniel H. Ludlow, patnugot, 5 tomo [1992], 2:441).
Mayroong mga talata sa ating makabagong banal na kasulatan ang bumanggit ng kahalagahan ng sekular at espirituwal na pag-aaral. Ang ilan sa mga ito ay, una mula sa Aklat ni Mormon, "Subalit ang maging marunong ay mabuti kung sila ay makikinig sa mga payo ng Diyos" (2 Nephi 9:29).
At mula sa Doktrina at mga Tipan: "Anumang alituntunin ng katalinuhan ang ating matamo sa buhay na ito, ito ay kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli.
"At kung ang isang tao ay nagkamit ng maraming kaalaman at katalinuhan sa buhay na ito sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap at pagiging masunurin kaysa iba, siya ay magkakaroon ng labis na kalamangan sa daigdig na darating" (D at T 130: 1819).
Mula sa Mga Saligan ng Pananampalayata, "Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri, hinahangad namin ang mga bagay na ito" (Saligan ng Pananampalataya 1:13).
Ang huling hangarin ni Propetang Joseph Smith ay ang magtayo ng isang komunidad ng mga espirituwal na Banal. Nagsisimula ito sa tahanan. Ang pinakamahalagang tagubilin na matatanggap ng ating mga anak ay ang mga yaong ibinigay ng mga magulang sa sarili nilang tahanan, kung masigasig na itinuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak ang daan na nais ng Ama sa Langit na kanilang tahakin. Ang isang tagubilin na ibinigay sa atin ng ating mga pinuno ay ang magdaos ng palagiang gabing pantahanan ng mag-anak kung saan nagpupulong tayo kada linggo, nag-aaral ng alituntunin ng ebanghelyo, at nagtatatag ng pagkakaisa ng mag- anak. Dito makapagsasanggunian tayo, magbabasa ng mga banal na kasulatan, mananalanging magkakasama, at maglalarong magkakasama. Ang maging walang hanggang mag-anak ang pinakadakila nating layunin. Nagtatayo tayo ng isang komunidad ng mga Banal sa bawat mag-anak.
Upang makapaglaan ng mga kinakailangang bagay ang walang hanggang mag-anak, itinayo ang isang magandang templo sa Nauvoo. Tumatayo ito bilang isang pamantayan, upang ipaalala sa lahat ng tao na ang mga espirituwal na pagpapala ang siyang pinakamahahalagang pagpapala sa buhay. Sa loob ng templo, ginagawa ang mga sagradong ordenansa at isinasagawa ang mga nagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo. Ang madalas na pagpunta sa templo ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na mapanariwa ang mga tipang ito at maisagawa ang nakapagliligtas na ordenansang para sa mga yaong namatay na hindi natamo ang mga pagpapalang ito.
Nagkalat ngayon ang mga templo sa buong daigdig na nagbibigay ng mas maraming pagkakataong matanggap ang mga kinakailangang ordenansa upang maging marapat sa buhay na walang hanggan. Tatanggap ang mga yaong pumapasok nang karapat-dapat sa templo ng malalaking espirituwal na pagpapala kung patuloy silang maglilingkod nang tapat at tutuparin ang kanilang mga tipan. Pinagpapala ng Panginoon ang Kanyang mga tao kapag tinutupad nila ang Kanyang mga kautusan at madalas magtungo sa Kanyang bahay. Sa walang hanggang plano ng Diyos, ang mga templo ang lugar na pagtitipunan para sa mga komunidad ng mga Banal na gumagawa upang itayo ang Sion.
Hindi tinatanggihan ng komunidad natin ng mga Banal ang pakikihalubilo ng iba kundi ito ay nagpapahintulot sa sinumang nais makihalubilo sa Simbahan, na itinayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Jesucristo mismo ang pangulong batong panulok. Ang simbahan ay bukas sa lahat ng nagmamahal, nagpapahalaga, at may awa para sa mga anak ng ating Ama sa Langit. Ang dalawang alituntunin ng ating kapakanang pangkabuhayan ay ang alituntunin ng pag-ibig sa kapwa at kasipagan. Ito ay isang komunidad na nagpaplano para sa hinaharap kung saan tinuturuan natin ang ating mga kabataan ng kagandahang-asal at paggalang, at gayundin ng malalalim na katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang ating komunidad ay may espirituwal na pinagtutuunan na nagpapahintulot sa atin na mamuhay kasama ng Banal na Espiritu na gumagabay at pumapatnubay sa ating buhay.
Nawa'y pagkalooban tayo ng Diyos ng hangaring mamuhay nang malapit sa Kanya upang matamasa natin ang mga pagpapala ng kapayapaan, pagkakaisa, katiwasayan, at pagmamahal para sa buong sangkatauhan--ang mga makikilalang katangian ng isang komunidad na kaisa sa Kanya. Siya ang ating Diyos. Mga anak Niya tayo. Ito ang aking patotoo sa inyo sa pangalan ni Jesucristo, amen.
TALA
Ang impormasyong pangkasaysayan ay mula sa Church History in the Fulness of Times (manwal ng Church Educational System, ika-2 ed. [2000], 193223).