The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2001
Hindi Ninyo Puwedeng Laruin ang Makamandag na Ahas

Hindi Ninyo Puwedeng Laruin ang Makamandag na Ahas

Elder David E. Sorensen
Ng Panguluhan ng Pitumpu

"Ang pornograpiya, na ipinapatalastas ni Satanas bilang libangan, ay isang lubhang makamandag at tusong ahas na nakatago sa loob ng mga magasin, Internet, VCR at telebisyon."

Elder David E. Sorensen

Ilang taon na ang nakalilipas nang bumisita kami ni Sister Sorensen sa India. Sa isang paliparan naaalala kong lumakad ako sa daanan ng eroplano at nakakita ng ilang kalalakihang tumutugtog ng pluta sa harapan ng mga basket. Sa simula ng kanilang tugtog, tatanggalin nila ang takip ng basket at lilitaw doon ang isang kobra! Habang patuloy ang musika, pataas na pataas ang ahas na halos lumabas na ang buong katawan, hanggang sa bumagsak ang kobra pabalik sa loob ng basket. Minsa'y napansin ko ang isang kobrang bumagsak sa labas ng basket. Dinampot ito ng lalaking tumutugtog ng pluta, hinimas-himas ang kobra, at maingat itong ibinalik sa basket. Namangha ako na nahahawakan ng isang tao ang gayong kapanganib na ahas nang hindi natutuklaw, ngunit kaagad sinabi sa amin ng gabay na masyado itong mapanganib, at ang tuklaw ng makamandag na ahas ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa lalawigang iyon.

Nagbalik sa aking isipan ang aking kabataan sa bukid. Tuwing tag-init isa sa mga responsibilidad namin ang paglilipat ng dayami mula sa bukid patungong imbakan para sa taglamig. Gamit ang orkilya, ihahagis ng tatay ang dayami sa bagon. Tatapakan ko ang dayami para mas marami ang mailagay namin sa bagon. Isang araw, sa isa sa mga bungkos ng dayaming iyon ay may nakaipit na ahas! Nang tingnan ko ito, nag-alala ako, nasabik at natakot. Nakahimlay ang ahas sa malamig na dayami. Nasisikatan ng araw ang mga hugis diyamante sa likod nito. Ilang sandali lang at huminto sa pagkalansing ang ahas, pumayapa at labis akong nagtaka. Nagsimula akong lumapit at dumukwang para makita kong mabuti, nang biglang marinig ko ang tinig ng aking ama: "David, anak, hindi mo puwedeng laruin ang makamandag na ahas!"

Ngayong gabi'y nais kong magsalita tungkol sa panganib ng paglalaro ng mga makamandag na ahas--ang mga tinutukoy ko ay hindi ang may mahahaba, madudulas na katawan, pero iba-iba ang kanilang anyo. Kadalasa'y pinagmumukha ng mundo na di mapanganib ang mga ito--kundi nakasasabik at nakawiwili. Ngunit nilalason nito ang isipan--lason na nagtataboy sa Banal na Espiritu.1

Mga kapatid, kadalasa'y ginagawang kasiya-siya at tama ng mga kasalukuyang sikat na libangan ang masama at mali. Tandaan natin ang payo ng Panginoon: "Sa aba na nagsisitawag ng mabuti ay masama, at ng masama ay mabuti."2

Ang pornograpiya, na ipinapatalastas ni Satanas bilang libangan, ay isang lubhang makamandag at tusong ahas na nakatago sa loob ng mga magasin, Internet, at telebisyon. Sinisira nito ang pagpapahalaga sa sarili at pinahihina ang disiplina sa sarili. Mas mapanganib pa ito sa makamandag na ahas na ipinagbawal ng aking ama na laruin ko. Nakasaad sa Biblia na mataas ang espirituwalidad ni Haring David, ngunit tumayo siya sa hindi niya dapat tayuan. Pinanood niya ang hindi niya dapat panoorin. Ang mga pagkahumaling na iyon ang naging dahilan ng kanyang pagbagsak.3

Hindi madaling tumanggi sa mga tukso sa media ngayon. Kailangan nito ang lubos na tapang at pagsusumikap. Sa maliit na bayang kinalakhan ko, kinailangang bumiyahe nang di kukulangin sa isang oras mula sa bahay bago magkaproblema. Ngunit ngayon sa Internet, kaunting pindot lang sa mouse ang problema. Para paglabanan ang gayong mga tukso, tularan ninyo si Kapitan Moroni ng sinauna; gumawa ng "mga moog" upang mapalakas ang mga kahinaan ninyo. Sa halip na magtayo ng mga pader na yari sa "kahoy at lupa" upang pangalagaan ang isang mahinang lungsod, magtayo ng "mga moog" sa anyo ng mga pansariling patakaran upang pangalagaan ang inyong di mababayarang dangal.4 Kapag nakikipagtipanan kayo, lumabas nang grupo-grupo at iwasan ang pag-iisa. May kilala akong mga lalaki, kapwa bata at matanda, na determinadong huwag buksan ang telebisyon o Internet kapag sila'y nag-iisa. Mga ama, makabubuting ilagay ninyo ang mga kompyuter at telebisyon sa sala o sa iba pang mataong lugar sa inyong tahanan--huwag sa silid ng inyong mga anak. May kilala rin akong mga ama na ayaw magbukas ng telebisyon sa hotel kapag nagbibiyahe.

Tandaan, hindi tanda ng kahinaan ang gayong "mga moog." Sa kabaligtaran nagpapakita ang mga ito ng lakas. Ayon sa mga banal na kasulatan napakalakas ni Kapitan Moroni na kung lahat ng tao ay katulad niya, "ang yaon ding kapangyarihan ng impiyerno" ay "mayayanig magpakailanman."5 Tandaan ninyo na "ang matitibay na moog"6 ni Moroni ang susi sa kanyang tagumpay. Ang paglikha ng sarili ninyong "matitibay na moog" ang magiging susi ng sa inyo.

Ang isang susi ng moog na maitatayo ninyo ay ang magpasiya ngayon, bago kayo humarap sa tukso, kung saan ang hangganan. Itinuturo ng ating propeta na kung magpapasiya tayo ngayon na huwag manood ng di angkop na palabas, at sa halip ay layuan ito, "lalayo sa atin ang tukso."7

Kamakailan inanyayahan ng ilang kaibigan niya sa eskuwelahan ang apo kong si Jennifer para kumain at magsine. Nagkasundo silang lahat sa panonooring pelikula kaya panatag na sumama si Jennifer. Gayunpaman, bumalik ang bumili ng tiket sa sine para sa grupo na may dalang tiket na hindi para sa sineng napagplanuhan! Sabi nito, "Magandang palabas ito at rated R."

Nagulat si Jennifer at hindi makapaniwala sa bilis ng pagbabago ng mga pangyayari. Ngunit, mabuti na lang at nakapagpasiya na siya noon pa man na hindi siya manonood ng mga sineng rated R. Nanindigan siya at sinabi sa kanyang mga kaibigan, "Hindi ako puwedeng manood ng rated R. Hindi papayag ang mga magulang ko." Na sinagot ng mga kaibigan niya, "Sige na! Hindi nila ito malalaman!" Sa harap [ng sitwasyong ito], nagpatuloy si Jennifer sa pagsasabing, "Ang totoo'y balewala kung malaman man ito ng mga magulang ko. Hindi lang ako talaga nanonood ng mga sineng rated R!"

Nagalit ang mga kaibigan niya at pilit siyang pinasasama. Sinabihan nila itong "sinira mo ang lakad." Nang hindi pa rin siya pumayag, inihagis nila ang tiket at sukli sa kanya at iniwan siyang mag-isa para manood sila ng sineng rated R. Naging malungkot ang gabing iyon dahil tinalikuran siya ng kanyang mga kaibigan. Subalit napakaligayang sandali nito para kay Jennifer at sa aming pamilya.8 Nagtamo siya ng tiwala, pagpapahalaga sa sarili at espirituwal na lakas.9

Doble ang panganib ng pakikipaglaro sa espirituwal na makamandag na ahas.10 Nagpapaalala ito sa akin sa isang batang lalaking nanalangin, "Ama sa Langit, kung hindi ninyo ako mapabait, huwag kayong mag-alala. Masaya naman ako nang ganito."

Huwag tularan ang batang iyon na mababaw ang pananaw. Nanganganib na mawala ang espirituwal na lakas ng mga yaong nagpaplanong magkasala na iniisip na makapagsisisi sila bago tanggapin ang mga sagradong tipan at ordenansa sa templo. Mahirap para sa kanila ang bumalik sa tamang landas.

Para sa mga yaong nagdurusa sa tuklaw ng makamandag na ahas, may masakit na proseso ng paglilinis. Kung nasaan ang tuklaw, kailangang hiwain ito ng matalim na kutsilyo at sipsipin at idura ang nalasong dugo mula sa sugat. Kadalasa'y kailangang maospital. Ang samo ko sa inyo ngayong gabi, mga kapatid, ay iwasang laruin ang makamandag na ahas. Mas makabubuting huwag magkasala.11

Natatanto ng ilang kabataang lalaki, habang umaangat sila sa pagkasaserdote, nagpaplanong magmisyon, o naghahandang pumunta sa templo, na nagdurusa pa rin sila sa tuklaw ng ahas na espirituwal na lumason sa kanila. Kabilang sa mga pinakamakamandag ang kasalanang seksuwal.

Kung kayo o ang kakilala ninyo ay espirituwal na nalason, may espirituwal na lunas para sa mga natuklaw. Ito'y ang pagsisisi.12 At tulad ng panlunas sa tuklaw ng ahas, pinakaepektibo ito kung mabilis at agad na nailapat. Kayang labanan nito maging ang pinakamabagsik na espirituwal na lason. "Sapagkat masdan, ang Panginoon na inyong Manunubos ay nakaranas ng kamatayan sa laman; dahil dito kanyang tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay magsisi at lumapit sa kanya."13 Tunay ang himala ng kapatawaran.14 Tinatanggap ng Panginoon ang inyong pagsisisi.15

Isang mahalagang hakbang sa pagtatamo ng lunas para sa espirituwal na lason ay ang lumuhod at manalangin sa Ama sa Langit na patawarin kayo.16 Manalangin para sa hangaring gumawa ng tama at para sa tapang na kausapin ang inyong mga magulang at obispo kung kinakailangan.17 Anuman ang mga kinatatakutan ninyo, patuloy nila kayong mamahalin. Mahirap mang magsisi, hindi ninyo kailangang gawin itong mag-isa. Mahihikayat at masusuportahan kayo ng mga magulang at pinuno.

Ang kapangyarihan at kalayaang magpatawad ay tunay. Itinuro ng Tagapagligtas, "Ang katotohana'y magpapalaya sa inyo."18 Ang kagalakan ay nagmumula sa pamumuhay na tulad ng sa Tagapagligtas.19 Inatasan Niya tayong panatilihing dalisay ang ating isipan.20 Inatasan Niya tayong panatilihin ang paggalang sa sarili. Inatasan Niya tayong maging magandang impluwensiya sa ating pamilya at mga kaibigan. Dapat natin silang mahalin at iangat patungong liwanag. Sinabi Niya, "Sa ganito mangakikilala ng lahat ng tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pagibig sa isa't isa."21 Nangako Siyang tutulungan tayong ipamuhay ang Kanyang mga pamantayan. Sinabi Niya, "Pasanin ninyo ang aking pamatok.. . . Sapagkat malambot ang aking pamatok at magaan ang aking pasan."22

Mga kapatid sa pagkasaserdote, sasama ba kayo sa akin dito ngayon din, na muling mangako at taglayin ang pangalan ni Cristo? Taglay ang pagkasaserdoteng iyon makababangon ba kayo at magagamit ang kapangyarihan ng Diyos upang ipagtanggol ang kabutihan? Makatatayo ba kayo sa mga banal na lugar?23

Tinanggap nating lahat ang responsibilidad na itulad ang ating buhay sa Guro. Ipinagkaloob Niya ang mga susi ng Pagkasaserdote at ng banal na paghahayag sa ating buhay na propeta, si Gordon B. Hinckley. Ipinapayo niya, "Iwasan ninyo ang pornograpiya"24 "Sumasamo ako sa inyong iwaksi ito sa inyong buhay."25

Huwag ninyong hayaang malason ang inyong mga kaluluwa, mga kapatid. Tandaan, "Siya na mabuti ay pinagpapala ng Diyos."26 Pinatototohanan ko ito sa pangalan ng ating Panginoon at Guro na si Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Tingnan sa D at T 1:33; Moises 8:17.
2. Isa. 5:20.
3. Tingnan sa 2 Samuel 11; D at T 132:39.
4. Tingnan sa Alma 53:4,7.
5. Alma 48:17.
6. Tingnan sa Alma 53:4–5.
7. "A Prophet's Counsel and Prayer for Youth" Liahona, Abril 2001, 33.
8. Tingnan sa Mga Taga Galacia 5:16–21.
9. Tingnan sa D at T 121:45–46.
10. Tingnan sa Mosias 27:10–11; Alma 1:15.
11. Tingnan sa Lucas 15:21.
12. Tingnan sa Isa. 1:18.
13. D at T 18:11.
14. Tingnan sa Mosias 26:29.
15. Tingnan sa 2 Ne. 9:23, 26:27.
16. Tingnan sa Alma 34; 3 Ne.18:29–32.
17. Tingnan sa D at T 64:7.
18. Juan 8:32.
19. Tingnan sa 2 Ne. 2:25; 9:18; Mosias 2:41; 4:3.
20. Tingnan sa S ng P 1:13.
21. Juan 13:35
22. Mat. 11:29–30.
23. Tingnan sa D at T 101:22.
24. "Why We Do Some of the Things We Do," Liahona, Ene. 2000, 69.
25. " 'Great Shall Be the Peace of Thy Children,' " Liahona. Ene. 2001, 62.
26. 1 Ne. 17:35.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy