Elder John H. Groberg
Ng Pitumpu
"Bagama't walang hangganan ang kapangyarihan ng Pagkasaserdote, ang kapangyarihan natin sa Pagkasaserdote ay nalilimitahan ng ating kabutihan o kadalisayan."
Mga kapwa maytaglay ng Pagkasaserdote saanman: nawa'y pinasasalamatan natin ang walang katumbas na pribilehiyong magtaglay ng pagkasaserdote ng Diyos. Hindi masusukat ang kahalagahan nito.
Sa kapangyarihan nito, ang mga sanlibutan,--maging ang mga sansinukob,--ay nalikha, nalilikha at malilikha o mabubuo. Sa kapangyarihan nito, naisasagawa ang mga ordenansa na, kung sasamahan ng kabutihan, ay itutulot na magsama-sama ang mga pamilya nang walang hanggan, mapatatawad ang mga kasalanan, mapagagaling ang mga maysakit, makakakita ang mga bulag at maging ang buhay ay maibabalik.
Nais ng Diyos na tayong Kanyang mga anak na lalaki, ay magtaglay ng Kanyang pagkasaserdote at pag- aralang gamitin ito nang wasto. Ipinaliwanag niya na:
"Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig.
"Sa pamamagitan ng kabaitan at dalisay na kaalaman."1
Sapagkat kung tayo ay "gumamit ng lakas o kapangyarihan o pamimilit sa kaluluwa ng mga anak ng tao (lalo na sa ating asawa at mga anak), sa alinmang antas ng kasamaan, masdan, ang kalangitan ay lalayo; ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati; at kapag ito ay lumayo, Amen sa pagkasaserdote o sa kapangyarihan ng taong iyon."2
Sa gayon, nakikita nating bagama't walang hangganan ang kapangyarihan ng Pagkasaserdote, ang kapangyarihan natin sa Pagkasaserdote ay nalilimitahan ng ating kabutihan o kadalisayan.
Kung paano inaasahang magpadaloy ng kuryente ang malilinis na kableng maayos na pinagdugtong, gayundin inaasahang magtaglay ng kapangyarihan ng Pagkasaserdote ang malilinis na kamay at mga dalisay na puso. Humahadlang o pinababagal ng mga dumi at grasa ang daloy ng kuryente. Humahadlang ang maruruming isipan at kilos sa kapangyarihan ng pagkasaserdote. Kung tayo ay mapagpakumbaba, malinis at dalisay ang kamay, puso at isipan, lahat ng kabutihan ay magagawa. Ipinahahayag ng isang sinaunang kawikaang Oriental: "Kung dalisay ang pamumuhay ng isang tao, walang makasisira sa kanya."3
Dahil sa pagmamahal Niya sa atin, itinalaga ng Diyos na maaaring taglayin ng sinumang marapat na lalaki ang Kanyang pagkasaserdote, anuman ang katayuan nito, edukasyon, kulay, pinagmulang kultura o wika. Kaya makakamtan ng sinumang lalaking angkop na naordenan na malinis ang kamay, puso at isipan, ang walang hangganang kapangyarihan ng pagkasaserdote. Natutuhan kong mabuti ang aral na ito noong nagmisyon ako sa Timog Pasipiko maraming taon na ang lumipas.
Una akong nadestino sa isang maliit na pulo daan-daang milya mula sa tanggapan ng misyon, na wala ni isang marunong mag-Ingles, at ako lang ang puti. Nabigyan ako ng isang kasamang katutubo na nagngangalang Feki na noo'y naglilingkod sa misyon bilang trabahador at isang saserdote sa Pagkasaserdoteng Aaron.
Makaraan ang walong araw at gabing pagkaliyo sa isang maliit at mabahong bangka, narating namin ang Niuatoputapu. Nilabanan ko ang init, mga lamok, di-kilalang pagkain, kultura at wika, at pati pananabik sa pamilya. Isang hapon ay nakarinig kami ng hiyaw ng dalamhati at nakita namin ang isang mag-anak na nagdala sa amin ng malata at tila walang-buhay na katawan ng kanilang walong-taong-gulang na anak na lalaki. Tumatangis na ikinuwento nila na nahulog siya sa puno ng mangga at nawalan ng malay. Inilagak siya ng kanyang nananalig na ama't ina sa aking mga bisig at nagsabing, "Taglay mo ang Pagkasaserdoteng Melquisedec, buhayin mo siya."
Bagama't kakaunti lamang ang alam ko sa salita nila, naunawaan ko ang nais nila at natakot ako. Gusto kong tumakbong palayo, ngunit ang pagmamahal at pananalig na nabanaag ko sa mga mata ng mga magulang at kapatid ang pumigil sa akin.
Buong pag-asang tumingin ako sa kasama ko. Nagkibit-balikat siya at nagsabing, "Wala akong angkop na awtoridad. Kayo ng pangulo ng sangay ang maytaglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec." Sinamantala ko iyon at sinabing, "Kung gayon, tungkulin ito ng pangulo ng sangay."
Hindi nagtagal nang sabihin ko ito ay dumating ang pangulo ng sangay. Narinig niya ang kaguluhan at bumalik mula sa kanyang hardin. Pawisan siya at puno ng dumi at putik. Ipinaliwanag ko kung ano ang nangyari at tinangkang ipasa ang batang lalaki sa kanya. Umatras siya at sinabing, "Aalis ako, maliligo at magpapalit ng damit; pagkatapos ay babasbasan natin siya at aalamin ang kalooban ng Diyos."
Sa sobrang pag-aalala napasigaw ako, "Hindi ba n'yo nakikita! Ngayon niya kailangan ang tulong!"
Payapa siyang sumagot, "Alam kong kailangan niya ang basbas. Kapag malinis na ang katawan ko at damit, magdadala ako ng inilaang langis at sasamo tayo sa Diyos at aalamin ang kalooban Niya. hindi ko magagawa--hindi ako sasamo sa Diyos nang marurumi ang kamay at maputik ang kasuotan." Pumihit siya at iniwan akong hawak ang bata. Hindi ako nakapagsalita.
Sa wakas ay bumalik siya, malinis ang katawan at kasuotan, at dama kong pati ang kanyang puso. "Ngayon," sabi niya, "malinis na ako, kaya sasamo na tayo sa luklukan ng Diyos."
Nagbigay ang kamangha- manghang pangulong iyon ng sangay ng Tonga, na may malilinis na kamay at dalisay na puso, ng maganda at makapangyarihang basbas ng Pagkasaserdote. Dama kong mas tumayo ako bilang saksi kaysa kalahok. Sumaisip ko ang mga salita ng Mang-aawit: "Sinong aahon sa bundok ng Panginoon?. . .
Siyang may malinis na mga kamay at may dalisay na puso."4 Sa maliit na pulong iyon isang marapat na maytaglay ng pagkasaserdote ang umakyat sa burol ng Panginoon at bumaba ang kapangyarihan ng Pagkasaserdote mula sa langit at itinulot na mabuhay pa ang batang iyon.
May ningning ang kislap ng pananalig sa kanyang mga mata, sinabi sa akin ng pangulo ng sangay ang gagawin. Kinailangan ng dagdag na pananalig at pagsisikap, ngunit sa ikatlong araw ay naibalik sa kanyang pamilya ang walong-taong-gulang na batang lalaki na puno ng buhay.
Sana'y nauunawaan ninyo at nadarama ang mga katotohanang ito. Maliit na pulo lamang ito sa gitna ng malawak na karagatan--walang kuryente, ospital, o mga doktor--ngunit walang halaga lahat iyon. Dahil bukod sa matinding pag-ibig at pananalig, may isang pangulo ng sangay na taglay ang Pagkasaserdoteng Melquisedec, na nakaunawa sa kahalagahan ng kalinisan ng kamay at puso at ang panlabas na pagpapahayag nito sa kalinisan ng katawan at kasuotan, na gumamit ng Pagkasaserdote sa kabutihan at kadalisayan ayon sa kalooban ng Diyos. Nang araw na iyon sapat ang sarili niyang kapangyarihan sa Pagkasaserdote upang magamit ang walang hangganang kapangyarihan ng Pagkasaserdote sa buhay sa mundo.
Tuwing titingala ako sa kalangitan sa gabi at pinag-iisipan kung ilang galaksi ang naroon, namamangha ako sa kaliitan ng ating daigdig at kung gaano ako kaliit kumpara rito. Gayunma'y hindi ko nadarama ang takot, pag-iisa, kawalang-halaga o pagkalayo sa Diyos. Dahil nasaksihan ko ang kapangyarihan ng Kanyang pagkasaserdote na nakikipagtulungan sa malilinis na kamay at mga dalisay na puso sa isang maliit na pulo sa malawak na karagatan.
Mga kapatid, mapasasaatin ang pagkasaserdoteng iyon, saanman, kailanman o anuman ang ating kalagayan, hangga't malinis at dalisay ang ating mga kamay, puso at isipan. Walang anumang kapangyarihan ang pagkasaserdote kung walang kadalisayan.
Dapat lang nating pagsikapang mabuti ang pagpapadalisay sa ating buhay sa paglilingkod sa iba sa mga pamamaraan na tulad ng kay Cristo. Laging may pagkakataong makapaglingkod--sa ating mga pamilya, Simbahan, misyon, templo, at sa ating kapwa. Ang marangal na paglilingkod ay kailangan ng sipag, matinding sakripisyo at ganap na pagpaparaya. Ang mas matinding pagsasakripisyo ay nagdudulot ng mas mataas na antas ng kadalisayan.
Nais ng Diyos, na puspos ng liwanag, buhay at pag-ibig, na taglayin at gamitin natin nang wasto ang Kanyang pagkasaserdote upang maibahagi natin ang liwanag, buhay at pag-ibig na iyon sa mga nakapaligid sa atin. Sa kabilang dako, nais ni Satanas, ang prinsipe ng kadiliman, na palabuin ang liwanag, buhay at pag-ibig hangga't kaya niya. Dahil walang magawa si Satanas sa kapangyarihan ng Pagkasaserdote, ibinubuhos niya ang kanyang lakas sa paglilimita ng ating kapangyarihan sa pagkasaserdote sa pagtatangkang dumihan ang ating mga kamay, puso at isipan sa pang-aabuso, galit, pagpapabaya, pornograpiya, kasakiman, o anumang kasamaang matutukso niya tayong isipin o gawin. Alam niya na kung marurumihan niya tayo, kaya niyang ilayo tayo sa kadalisayang kailangan upang magamit ang pagkasaserdote sa pagdadala ng dagdag na liwanag, buhay at pag-ibig sa mundong ito at sa lahat ng nananahan dito--sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap.
Mga kapatid, huwag sana ninyong ipagpalit ang inyong napakahalagang pagkasaserdote sa pansamantalang pagnanais sa malalaswang bagay. Tandaan, na ang mga kastilyong buhanging itinayo natin sa mga baybayin ng mortalidad, gaano man kaganda, ay tatangayin din ng agos sa bandang huli. Tanging kadalisayan ng kamay, puso at isipan ang magpapahintulot sa ating makamtan ang tiyak na kapangyarihan ng Pagkasaserdote upang tunay na pagpalain ang iba at sa huli ay makapagtayo ng mga walang hanggang mansiyon na mas maganda at matibay kaysa sa naiisip natin ngayon.
Natutuhan ko sa aking sarili na ang Diyos ay buhay, na si Jesus ang Cristo, na Siya ay kaibigan ko at ninyo. Alam kong si Jesus ang perpektong halimbawa ng dalisay na kapangyarihan ng pagkasaserdote. Sundin Siya.
Dalangin kong nawa'y makapaglingkod tayong lahat nang may higit na kadalisayan ng puso, upang ang kani-kanyang kapangyarihan sa pagkasaserdote ay mapuspos sa huli sa pamamagitan ng ganap na pag-ibig Niya na kung kaninong Pagkasaserdote ay taglay natin.
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. D at T 121:4142.
2. D at T 121:37.
3. Patungkol kay Buddha.
4. Awit 24:34.