The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2001
Unahin ang Mas Mahahalagang Bagay

Unahin ang Mas Mahahalagang Bagay

Elder Richard G. Scott
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Gawin ninyo ang inyong makakaya habang narito sa lupa upang magkaroon ng isang huwarang pamilya. Upang matulungan kayong gawin ito, isipin at ipamuhay ang mga alituntunin sa pagpapahayag sa mag-anak."

Elder Richard G. Scott

Isa sa mga lubos na nakagagalak na sandali sa inyong buhay--nang napuspos kayo ng pag-asam, pananabik, at pasasalamat--ang hindi ninyo maaalala. Naganap ang karanasang iyan sa buhay bago isilang nang ipaalam sa inyo na sa wakas ay dumating na ang panahon upang lisanin ninyo ang daigdig ng espiritu at manirahan sa lupa na nagkatawang-tao. Alam ninyong matututuhan ninyo ang mga aral mula sa sariling karanasan na magpapaligaya sa inyo sa lupa, mga aral na sa huli ay aakay sa inyo sa kadakilaan at buhay na walang hanggan bilang niluwalhati, selestiyal na nilalang sa piling ng inyong Banal na Ama at Kanyang Minamahal na Anak. Naunawaan ninyo na magkakaroon ng mga hamon, sapagkat mamumuhay kayo sa isang kapaligirang kapwa may mabubuti at masasamang impluwensya. Subalit may katiyakang ipinasiya ninyo na anuman ang kapalit, anuman ang pagsusumikap, pagdurusa, at pagsubok, babalik kayong matagumpay. Inilaan kayong ipadala kung kailan narito sa mundo ang kabuuan ng ebanghelyo. Naparito kayo kung kailan naisaayos na ang Kanyang Simbahan at ang awtoridad ng pagkasaserdote upang maisagawa ang mga sagradong ordenansa sa templo. Inasam ninyong maisilang sa isang tahanang ang mga magulang ay inaasahang magmahal, mangalaga, magpalakas, at magturo sa inyo ng mga katotohanan. Batid ninyo na sa tamang panahon magkakaroon kayo ng pagkakataong bumuo ng sarili ninyong pamilya bilang asawa, ama o ina. Tiyak na nagalak kayo nang husto sa pag-asang iyan.

Ipinahahayag din ng mga salitang ito ang pinakapangunahing layunin ng pagparito ninyo sa mundo:

"Tayo ay lilikha ng mundo kung saan sila makapaninirahan;

"At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos;

"At sila na mga nakapanatili sa kanilang unang kalagayan ay madaragdagan; at sila na mga hindi nakapanatili sa kanilang unang kalagayan ay hindi magtatamo ng kaluwalhatian sa yaon ding kaharian na kasama ng mga yaong nakapanatili sa kanilang unang kalagayan; at sila na mga nakapanatili sa kanilang ikalawang kalagayan ay magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan" (Abraham 3:24–26).

Matapos ilagay sa mundo si Adan, sinabi ng Diyos: "Gumawa tayo ng makakatuwang ng lalaki; sapagkat hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa" (Abraham 5:14). Binuo nina Eva at Adan ang unang pamilya. Ipinahayag ng Diyos: "Kaya nga iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, at makikipisan sa kanyang asawa" (Moises 3:24). Nagkaroon sila ng mga anak na bumuo rin ng mga pamilya. "At si Adan at si Eva, na kanyang asawa, ay hindi tumigil sa pagtawag sa Diyos" (Moises 5:16). Itinatag ang huwaran ng mga pamilya na kailangan sa plano ng kaligayahan ng Ama, at binigyang-diin ang pangangailangan nating patuloy na "tumawag sa Diyos." Nasa gitna kayo ng pamumuhay ng planong iyan. Sa pamamagitan ng naipanumbalik na ebanghelyo, natutuhan natin na mayroong isang huwarang pamilya. Ito ay isang pamilyang binubuo ng isang matwid na maytaglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec na may matwid na asawang ibinuklod sa kanya at mga anak na isinilang sa tipan o naibuklod sa kanila. May inang namamalagi sa tahanan sa isang kapaligirang may pagmamahalan at paglilingkod, tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak, sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin, ng mga pamamaraan ng Panginoon at ng Kanyang katotohanan. Ginagampanan nila ang kanilang banal na hirang na mga tungkuling binanggit sa pagpapahayag ng mag-anak. Nagkakaisip ang kanilang mga anak sa pamumuhay ng mga aral na ikinintal mula sa pagsilang. Nagkakaroon sila ng mga katangian ng pagsunod, paninindigan, pag-ibig sa Diyos, at pananalig sa Kanyang Banal na plano. Sa tamang panahon, maghahanap ang bawat isa sa mga anak na iyon ng makakasama na may gayon ding mga mithiin at hangarin. Ibinubuklod sila sa templo, nagkakaanak, at nagpapatuloy ang walang hanggang plano, na pinalalakas ang bawat henerasyon.

Sa buong buhay ninyo sa lupa, pagsumikapang hangarin ang mga pangunahing layunin ng buhay na ito sa pamamagitan ng huwarang pamilya. Bagama't maaaring hindi pa ninyo naaabot ang mithiing iyon, gawin ang lahat ng makakaya ninyo sa pamamagitan ng pagsunod at pananalig sa Panginoon upang patuloy na mapalapit nang husto roon hangga't kaya ninyo. Huwag ninyong hayaang hadlangan kayo ng anuman. Kung nangangailangan ito ng mga pangunahing pagbabago sa sariling buhay ninyo, gawin ang mga ito. Kapag nasa hustong gulang at pag-iisip na kayo, kamting lahat ang mga ordenansa sa templo na maaari ninyong matanggap. Kung sa kasalukuyan, hindi kabilang dito ang pagkakabuklod sa isang matwid na pareha, pagsumikapan ito. Ipanalangin ito. Manalig na makakamit ninyo ito. Huwag kayong gagawa ng anumang gagawin kayong di marapat para dito. Kung naglaho sa inyo ang pagtatamo ng walang hanggang pag-aasawa, buhayin itong muli. Kung nangangailangan ng tiyaga ang inyong pangarap, ibigay ito. Bilang magkakapatid, nanalangin kami at nagsikap nang 30 taon bago naibuklod sa templo ang aking ina at amang di-miyembro. Huwag kayong masyadong mabagabag. Gawin ang inyong makakaya. Hindi natin masasabi kung makakamtan ang pagpapalang iyon sa buhay na ito o sa kabilang buhay, ngunit tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako. Sa Kanyang walang hanggang karunungan, gagawin Niyang posible na matanggap ninyo ang lahat ng nararapat ninyong tanggapin. Huwag mawalan ng pag-asa. Ang mamuhay nang pinakamalapit sa huwaran ay magdudulot ng lubos na kaligayahan, matinding kasiyahan, at kahanga-hangang pag-unlad habang narito sa lupa anuman ang kasalukuyan ninyong mga kalagayan sa buhay.

Ibubuhos ni Satanas at ng kanyang mga hukbo ang buong lakas nila para hadlangan kayo sa pagtatamo ng mga ordenansang kinakailangan para sa huwarang pamilya. Tatangkain niyang gambalain kayo mula sa pagtutuon ng inyong isipan at puso sa pagkakaroon ng isang matatag na pamilya sa pamamagitan ng pangangalaga sa inyong mga anak gaya ng hinihingi ng Panginoon.

Napakarami bang magagawang kabigha-bighani, kasabik-sabik na mga bagay, o mga hamong kailangang harapin na nahihirapan kayong manatiling nakatuon sa bagay na siyang mahalaga? Kapag nagdadagsaan ang mga makamundong bagay, kadalasan ay mga maling bagay ang nabibigyan ng mataas na priyoridad. Kung magkagayo'y madaling malimutan ang pinakamahalagang layunin sa buhay. May makapangyarihang sandatang magagamit si Satanas laban sa mabubuting tao. Ito ay ang paggambala. Tutuksuhin niyang punuin ng mabubuting tao ang kanilang buhay ng "magagandang bagay" upang mawalan ng paglalagyan sa mahahalaga. Nabihag ba kayo ng patibong na ito nang hindi ninyo napupuna?

"Anupa't ang tao ay malaya ayon sa laman; at lahat ng bagay ay ipinagkaloob sa kanila na kapaki- pakinabang sa tao. At sila ay malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan,. . . sapagkat hinahangad [ng diyablo] na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili" (2 Ne. 2:27).

Bakit ibinigay sa inyo ang kalayaang moral? Para lamang ba magkaroon ng kasiyahan sa buhay at piliin ang mga bagay na nais ninyong gawin? O may higit pang pangunahing dahilan--upang makagawa ng mga pagpiling aakay sa inyo upang lubos na maisakatuparan ang inyong layunin sa pagparito sa lupa at maitatag ang mga priyoridad ninyo sa buhay na titiyak sa pag-unlad at kaligayahang nais ng Panginoon na makamtan ninyo?

Kamakailan ay nakakilala ko ang isang matalinong kabataang lalaking may malaking potensiyal. Hindi siya makapagpasiya kung magmimisyon. Nagpasiya siyang huwag nang mag- aral ngayon. Ginagawa niya kung ano lang ang gusto niyang gawin kapag libre siya. Hindi siya nagtatrabaho dahil hindi naman kailangan, at mababawasan ang oras niya para maglibang. Nakapasa siya sa seminary nang hindi gaanong pinag-isipang ipamuhay sa sarili ang kaalamang natamo. Napuna ko: "Gumagawa kayo ng mga pagpili ngayon na parang nagbibigay sa inyo ng inyong ninanais: isang maginhawang buhay, masaganang kasiyahan, at walang gaanong sakripisyo. Magagawa ninyo iyan sandali, subalit pinakikitid ng bawat pagpapasiya ninyo ang inyong hinaharap. Inaalis ninyo ang mga posibilidad at pagpipilian. Darating ang panahon, at hindi na malayo iyon, na gugugulin ninyo ang nalalabing mga araw ng inyong buhay sa paggawa ng mga bagay na hindi ninyo nais gawin, sa mga lugar na hindi ninyong gustong kalagyan, dahil hindi ninyo inihanda ang inyong sarili. Hindi ninyo sinasamantala ang inyong mga pagkakataon."

Nabanggit ko na lahat ng pinakatatangi ko ngayon ay nagsimulang maganap sa aking pagmimisyon. Ang pagmimisyon ay hindi isang bagay na ginagawa natin para sa ating sarili, subalit natatamo ang malaking pag-unlad at paghahanda para sa hinaharap mula sa misyon. Doo'y kinalilimutan nila ang kanilang sarili at itinutuon ang kanilang pag-iisip sa ibang tao. Lumalapit sila nang husto sa Panginoon at talagang pinag- aaralan ang Kanyang mga turo. Nakakatagpo sila ng mga taong interesado sa mensahe ngunit hindi natitiyak ang kahalagahan nito. Sinisikap ng mga misyonero ang lahat ng makakaya nila--pananalangin, pag-aayuno, at pagpapatotoo--para tulungan ang mga tao na tanggapin ang katotohanan. Itinuturo ng misyon kung paano maakay ng Espiritu ang isang tao, maunawaan ang layunin ng pagparito natin sa mundo at kung paano maisasakatuparan ito. Binasbasan ko siya. Sa paglisan niya, taimtim akong nanalangin na tulungan siya ng Panginoon sa pagpili ng mga tamang priyoridad. Kung hindi, mabibigo siya sa kanyang layunin sa buhay.

Malinaw na salungat dito, pag- isipan ninyo ang halimbawa ng isa pang kabataang lalaki. Sa loob ng maraming taon nasubaybayan ko kung paano siya tinuruan ng kanyang mga magulang mula sa pagsilang na walang pag-aalinlangang ipamuhay ang mga kautusan ng Diyos. Sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin, pinalaki nila siya sa katotohanan, kasama ang iba pa nilang mga anak. Hinikayat nila ang pagpapaunlad ng disiplina at sakripisyo upang makamit ang mga karapat-dapat na adhikain. Pinili ng kabataang lalaking ito ang paglangoy para maikintal sa kanyang pagkatao ang mga katangiang iyon. Nangailangan ng disiplina at sakripisyo ang maaagang pagsasanay. Hindi nagtagal at naging napakahusay niya sa palakasang iyon.

Pagkatapos ay dumating ang mga pagsubok--gaya ng isang kampeonato sa paglangoy sa araw ng Linggo. Makikilahok ba siya? Bibigyang- katwiran ba niya ang hindi pagsunod sa patakarang huwag lumangoy sa araw ng Linggo para tulungang mapanalunan ng kanyang koponan ang kampeonato? Hindi, hindi siya padadaig, maging sa ilalim ng matinding pag-uudyok ng mga kasamahan. Pinagmumura siya, at pisikal na sinaktan. Pero hindi siya padadaig. Nagdulot ng mga sandali ng kalungkutan at pag-iyak ang di pagtanggap ng mga kaibigan, ang kalungkutan, at ang pamimilit. Pero hindi siya padadaig. Natutuhan niya mismo ang kailangan nating malamang lahat, ang katotohanan ng payo ni Pablo kay Timoteo: "Lahat na ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay mangagbabata ng pag-uusig" (2 Tim. 3:12). Sa mga nagdaang taon ang di-nagbabagong huwarang ito ng matwid na pamumuhay--na nahubog mula sa daan-daang wastong pagpapasiya, na ang ilan ay sa harap ng matinding paghamon--ay nakapagbuo ng isang pagkataong may lakas at kakayahan. Ngayon, bilang misyonero, pinahahalagahan siya ng kanyang mga kabarkada dahil sa kakayahan niyang gumawa, sa kanyang kaalaman ng katotohanan, ang kanyang di-nagbabagong katapatan, at ang kanyang determinasyong ibahagi ang ebanghelyo. Siya na noong una'y tinatanggihan ng kanyang mga kabarkada ay siya ngayong naging iginagalang na pinuno ng kanyang mga kabarkada. May mensahe ba para sa inyo sa mga halimbawang ito?

Bagama't nagbubunga ng makatuturang kasiyahan ang mabubuting ginagawa natin, hindi ito ang pangunahing layunin natin sa pagparito sa lupa. Hangaring malaman at magampanan ang kalooban ng Panginoon, hindi kung ano lang ang madali o kung ano ang nagpapagaan sa buhay. Nasa inyo ang Kanyang plano ng kaligayahan. Alam ninyo kung ano ang gagawin, o malalaman ninyo ito sa pamamagitan ng pag-aaral at panalangin. Gawin ito nang may pagkukusa.

Ipinahayag ng Panginoon:

"Hindi nararapat na ako ay mag-utos sa lahat ng bagay; sapagkat siya na pinipilit sa lahat ng bagay, ang katulad niya ay isang tamad at hindi matalinong tagapaglingkod; dahil dito siya ay hindi makatatanggap ng gantimpala.

". . . ang mga tao ay nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan;

"Sapagkat ang kapangyarihan ay nasa kanila, kung saan sila ay kinatawan ng kanilang sarili. At yayamang ang tao ay gumagawa nang mabuti hindi mawawala sa kanila ang kanilang gantimpala.

"Subalit siya na hindi gumagawa ng anumang bagay hangga't hindi siya inuutusan, at tumatanggap ng kautusan na may pusong nag-aalinlangan, at tinutupad ito nang may katamaran, siya rin ay mapapahamak" (D at T 58:26–29)--na ang ibig sabihin ay tumigil ng pagsulong at pag-unlad.

Ang isang kawikaang nauunawaan nating lahat ay na kung ano ang iyong itinanim ay iyon ang iyong aanihin. Totoo rin iyan sa mga espirituwal na bagay. Matatamo mo ang binayaran mo sa pagsunod, sa pananalig kay Jesucristo, sa masigasig na pagsasagawa ng mga katotohanang natutuhan mo sa iyong sariling buhay. Ang iyong natatamo ay ang pagkahubog ng pagkatao, pag-unlad sa kakayahan, ang matagumpay na kaganapan ng iyong layunin sa mundo--ang mapatunayan.

Sa mga paglalamay, paulit-ulit na ipinahahayag na mamanahin ng yumao ang lahat ng biyaya ng kaluwalhatiang selestiyal gayong hindi naman naging karapat-dapat ang taong iyon sa pamamagitan ng pagtatamo ng mga kinakailangang ordenansa at sa pagtupad sa mga kinakailangang tipan. Hindi mangyayari iyon. Makakamtan lamang ang gayong mga pagpapala sa pamamagitan ng pagtugon sa mga hinihingi ng Panginoon. Hindi pinangingibabawan ng Kanyang awa ang mga hinihingi ng Kanyang batas. Kailangang matugunan ang mga ito.

Ilang lugar ang sagrado at banal kung saan parang mas madaling madama ang patnubay ng Espiritu Santo. Gayon ang templo. Maglaan kayo ng payapa at tahimik na pahingahan kung saan makapag-iisip kayong mabuti at hayaang itakda ng Panginoon ang direksyon ng inyong buhay. Kailangang suriin paminsan-minsan ng bawat isa sa atin ang ating mga hakbangin at tiyaking nasa tamang direksyon tayo. Hindi magtatagal maaari ninyong pakinabangan ang paggawa ng pansariling imbentaryong ito:

Ano ang pinakamatataas kong priyoridad na dapat isakatuparan habang nasa lupa?

Paano ko gagamitin ang libre kong panahon? Lagi bang nakalaan ang ilan dito sa pinakamatataas kong priyoridad?

May alam ba akong hindi ko dapat ginagawa? Kung mayroon man, magsisisi ako at ititigil ito ngayon.

Sa isang tahimik na sandali isulat ang inyong mga tugon. Suriin ninyo ang mga ito. Gawin ang mga kinakailangang pagsasaayos.

Unahin ang mas mahahalagang bagay. Gawin ninyo ang inyong makakaya habang narito sa lupa upang magkaroon ng isang huwarang pamilya. Upang matulungan kayong gawin ito, isipin at ipamuhay ang mga alituntunin sa pagpapahayag sa mag-anak. Pinatototohanan ko na buhay ang Panginoon. Minamahal Niya kayo. Habang namumuhay kayo nang karapat-dapat at matapat na hinahangad ang Kanyang tulong, gagabayan Niya kayo at palalakasin upang malaman ninyo ang Kanyang kalooban at makayang gawin ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy