Pangulong Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan
"Mga kapatid, kailangan ng daigdig ang inyong tulong. May mga paa na dapat mapatatag, kamay na dapat abutin, isipan na dapat mahikayat, puso na dapat mapasigla, at mga kaluluwa na dapat mailigtas."
Napakalaki at nakapagpapakumbaba ang pananagutan ko ngayong gabi na magsalita sa inyo, mga mahal kong kapatid na nagtataglay ng pagkasaserdote ng Diyos, at nagtitipon dito sa Conference Center at sa buong mundo.
Ang ilan sa inyo ay mga diyakono, marahil ay bago lamang naordenan; ang iba sa inyo ay matataas na saserdote na matagal at matapat na naglingkod sa mga sagradong tungkulin. Ang lahat ay nagtitipun-tipon upang higit pa nating matutuhan ang ating tungkulin.
Mga kapatid, kailangan ng daigdig ang inyong tulong. May mga paa na dapat mapatatag, kamay na dapat abutin, isipan na dapat mahikayat, puso na dapat mapasigla, at mga kaluluwa na dapat mailigtas. Ang pagpapala ng kawalang-hanggan ay naghihintay sa inyo. Pribilehiyo ninyo na hindi maging tagapanood ngunit ang makibahagi sa entablado ng paglilingkod ng pagkasaserdote
Ipinahayag ni Pangulong Wilford Woodruff: "Lahat ng organisasyon ng Pagkasaserdote ay may kapangyarihan. Ang Diyakono ay may kapangyarihan, sa pamamagitan ng Pagkasaserdote na kanyang taglay. Gayundin naman ang Guro. May kapangyarihan silang humayo sa pangalan ng Panginoon at mapakinggan at masagot ang kanilang mga panalangin, gayundin naman ang Propeta.. . .Sa pamamagitan ng Pagkasaserdoteng ito naipagkakaloob sa mga tao ang mga ordenansa, napatatawad ang kanilang mga kasalanan, at sila'y naililigtas. Ito ang layunin kung bakit ito inihayag at napagtibay sa ating mga ulunan."1
Minsan narinig ko mula sa kaoordena pa lamang na diyakono matapos matanggap ang Pagkasaserdoteng Aaron, sinabi nitong, "Ngayon ang araw ng pagpapasa ko ng sakramento. Nasasabik na ako. Alam ko na napakabanal ng ordenansang ito, kaya't isinasaalang-alang ko ito nang may pag-iingat. May tunay na patotoo ako sa Simbahan, at nawa'y makapagmisyon ako sa malao't madali.
Nais kong ibahagi sa inyo ngayong gabi, mga kapatid, ang isang sulat na natanggap ko noon, isinulat ito ng isang asawang lalaki na lumayo sa landas ng paglilingkod at tungkulin ng pagkasaserdote. Kumakatawan din ito sa pakiusap ng napakarami sa ating mga kapatid. Isinulat niya:
"Mahal na Pangulong Monson:
"Marami akong ari-arian noon at ngayon ay kakaunti na lamang. Hindi ako masaya at nararamdaman kong bigo ako sa lahat ng bagay. Hindi nawawala sa puso ko ang ebanghelyo, bagamat umalis ito sa aking buhay. Hinihiling ko ang inyong mga panalangin.
"Nakikiusap po ako na huwag ninyo kaming kalilimutan na naririto--ang mga nawawalang Banal sa Mga Huling Araw. Alam ko kung paano bumalik sa Simbahan, ngunit kung minsan ay nararamdaman ko na kailangan ko ang isang taong magtuturo sa akin ng daan, manghihikayat sa akin, mag-aalis ng aking takot at magbabahagi ng patotoo sa akin."
Habang binabasa ko ang sulat na ito, ibinalik ko sa aking alaala ang pagdalaw ko sa isa sa pinakamalalaking bulwagan ng sining ng daigdig--maging ang sikat na Victoria at Albert Museum sa London, England. Doon ay may isang obra-maestra, napakahusay ang pagkakakuwadro, na iginuhit noong 1831 ni Joseph Mallord William Turner. Nakaguhit sa larawan ang nagkakapalang maiitim na ulap at ang nagngangalit na alon sa dagat na nagbabadya ng panganib at kamatayan. Isang liwanag mula sa isang tumirik na sasakyang pandagat ang kumislap sa di kalayuan. Sa dakong unahan, na sinasalpok paitaas ng paparating na alon, ay isang malaking bangkang pansagip. Buong lakas na sumasagwan ang mga kalalakihan habang pumapalaot ito sa unos. Sa dalampasigan ay nakatayo ang asawang babae at dalawang bata, basa ng ulan at hinahampas ng hangin. Nag-aalala silang nakatanaw sa karagatan. Bumuo ako sa aking isipan ng pamagat ng larawan. Ito ay tinawag kong Sa Pagsaklolo.
Sa gitna ng mga unos ng buhay, ang panganib ay nag-aabang; at ang mga tao, tulad ng mga bangka, ay nahaharap sa panganib at nalalagay sa kapahamakan. Sino ang sasagwan sa mga pansagip na bangka, ang handang isakripisyo ang ginhawa ng tahanan at mag-anak, at hahayo upang sumaklolo?
Binigyang babala tayo ni Pangulong John Taylor: "Kung hindi ninyo gagampanan ang inyong mga tungkulin, papapanagutin kayo ng Diyos sa mga maaari sana ninyong nailigtas kung ginawa ninyo ang inyong tungkulin."2
Mga kapatid, ang ating tungkulin ay hindi sadyang ganoon kahirap. Tayo ay nasa gawain ng Panginoon, at dahil dito tayo ay makatatanggap ng tulong ng Panginoon. Subalit kailangan nating subukan. Mula sa dulang pang-entablado na Shenandoah nagmula ang nagbibigay-inspirasyong binigkas na salita na: "Kung hindi natin susubukin, hindi natin magagawa; at kung hindi natin magagawa, kung gayon ay bakit pa tayo naririto?"
Nang magministeryo ang Guro sa mga tao, tinawag Niya ang mga mangingisda sa Galilea upang iwan ang kanilang mga lambat at sundan Siya, ipinapahayag na, "gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao."3 At iyon mismo ang Kanyang ginawa. Ngayong gabi ipinaaabot Niya ang tawag sa bawat isa sa atin na "halinang sumapi sa samahan."4 Ipinagkakaloob Niya ang plano ng ating pakikipagdigma batay sa Kanyang payo na, "Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig."5
Mahal ko at pinahahalagahan ang marangal na salitang tungkulin. Pakinggan natin ang nakapupukaw na paalaala na matatagpuan sa sulat ni Santiago: "Datapuwa't maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na inyong dinadaya ang inyong sarili."6
May isang lumang awitin noong aking kapanahunan. Ito'y pinamagatang "Humiling Ka at Ito'y Mapasasaiyo." Hindi ito totoo. Walang mangyayari kung hihiling ka lang. Inaasahan ng Panginoon na tayo'y mag-iisip. Inaasahan Niya na tayo'y kikilos. Inaasahan Niya na tayo'y gagawa. Inaasahan Niya ang ating mga patotoo. Inaasahan Niya ang ating pananalig. Ang nakalulungkot, may mga hindi na gaanong aktibong nagtataglay ng pagkasaserdote. Tulungan natin silang bumalik sa landas na iyon na patungo sa buhay na walang hanggan. Itayo natin ang malakas na pundasyong iyon ng Pagkasaserdoteng Melquisedec na siyang magiging saligan ng gawain at paglago ng Simbahan. Ito ang magiging haligi upang mapalakas ang bawat pamilya, bawat tahanan, bawat korum sa bawat lupain.
Mga kapatid, maaari nating abutin ang mga tao na nasa ilalim ng ating pananagutan at dalhin natin sila sa hapag-kainan ng Panginoon upang magpakabusog sa Kanyang salita at upang matamasa ang paggabay ng Kanyang Espiritu, at "hindi na maging mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi [kayo'y] mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Diyos."7
Ang paglipas ng panahon ay hindi nagpabago sa kakayahan ng Manunubos na mabago ang buhay ng tao--ang ating buhay at ang buhay ng ating mga pinaglilingkuran. Tulad ng sinabi Niya sa patay na si Lazaro, gayundin naman sinasabi Niya ngayon: "Lumabas ka."8 Lumabas ka mula sa nakapanlulumong pag-aalinlangan. Lumabas ka mula sa kalungkutang sanhi ng kasalanan. Lumabas ka mula sa kamatayan ng di-paniniwala. Lumabas ka tungo sa pagbabagong buhay. Lumabas ka.
Matutuklasan natin na sila na ating pinaglilingkuran, na nadama sa pamamagitan ng ating paggawa ang impluwensiya ng pagmamahal ng Tagapagligtas, ay hindi makakayang maipaliwanag ang pagbabago na dumarating sa kanilang buhay. May paghahangad na makapaglingkod nang tapat, lumakad nang may kapakumbabaan, at mamuhay nang tulad sa Tagapagligtas. Sa pagtanggap nila ng kanilang espirituwal na paningin, at pagsulyap sa mga pangako ng kawalang-hanggan, pinaaalingawngaw nila ang mga salita ng lalaking bulag na pinagaling ni Jesus, na nagsabing: "Isang bagay ang nalalaman ko, na, bagaman ako'y naging bulag, ngayo'y nakakakita ako."9
Paano natin maipaliliwanag ang mga himalang ito? Bakit biglang naging aktibo ang tao na matagal nang hindi aktibo? Isang makata, na tinutukoy ang tungkol sa kamatayan, ang nagsulat: "Hinipo siya ng Diyos, at siya'y nakatulog."10 Sinasabi ko, na tinutukoy ang bagong pagsilang na ito, "Hinipo sila ng Diyos, at sila'y nagising."
Dalawang pangunahing dahilan ang magpapaliwanag sa mga pagbabagong ito sa mga saloobin, sa mga gawi, at mga pagkilos. Una, ipinakita ng mga tao ang kanilang walang hanggang potensiyal at nagpasya na pagsusumikapang matamo ang mga ito. Ang tao ay hindi masisiyahan nang gayon lamang minsang nakita na nila na malapit na nilang maabot ang tagumpay.
Ikalawa, sinunod ng ibang tao ang payo ng Tagapagligtas at inibig ang kapwa gaya ng kanilang sarili at tumulong upang maisakatuparan ang mga pangarap at makamit ang ambisyon ng kanilang kapwa.
Ang nakapagpapabago sa prosesong ito ay--at ito'y magpapatuloy--ang alituntunin ng pagmamahal.
Ang isa pang alituntunin ng katotohanan na gagabay sa ating pagsisikap ay ang mabatid na maaaring magbago ang mga batang lalaki at kalalakihan. Naalaala ko ang mga salita ng bantay sa kulungan na nagturo ng katotohanang ito. Isang kritiko na nakaaalam sa mga pagsisikap ni Warden Duffy na mapaamo ang mga kalalakihan ang nagsabi, "Hindi mo ba alam na nagpapakahirap ka lang dahil hindi mo na kayang paamuin pa ang mababangis na hayop na iyan?"
Tumugon si Warden Duffy ng, "Dapat mong malaman na hindi mababangis na hayop ang pinaaamo ko. Ang pinaaamo ko ay tao, at ang tao ay nagbabago araw-araw."
Maraming taon na ang nakalilipas, bago ako umalis upang maglingkod bilang pangulo ng Misyon ng Canada, na nakahimpil sa Toronto, Ontario, naging kaibigan ko ang tao na nagngangalang Shelley, na nakatira sa aking purok ngunit hindi tinanggap ang ebanghelyo, kahit pa nga ang kanyang asawa't mga anak mismo ay naging miyembro ng Simbahan. Si Shelley ay kilalang pinakamatapang sa kanyang lugar noong ito ay bata pa. Siya ay isang basagulero. Ang kanyang mga away ay bihira sa loob ng ring sa halip ay kung saan-saan. Kahit na anong gawin ko, hindi ko mapagbago ang ugali ni Shelley. Lumilitaw na naglalaho na ang pag-asa na mapagbago pa siya. Paglipas ng panahon, umalis si Shelley at ang kanyang pamilya sa aming purok.
Makaraang ako'y makauwi mula sa Canada at tinawag sa Kapulungan ng Labindalawa, tumanggap ako ng tawag mula kay Shelley. Sinabi niya, "Maaari ho bang ibuklod ninyo ang asawa ko at ako at ang aming pamilya sa Templo ng Salt Lake?"
May pag-aalinlangan akong sumagot ng, "Pero Shelley, kailangan mo na munang mabinyagan sa Simbahan."
Tumawa siya at sumagot ng, "Oho, nagawa ko na ho iyan habang kayo'y naroroon pa sa Canada. Ang akin hong tagapagturo ng tahanan ay isang guwardiya sa tawiran ng mga bata sa paaralan, at tuwing may pasok, sa tuwing kami ay magtatagpo, tinatalakay ho namin ang ebanghelyo."
Ang mga pagbubuklod ay isinagawa; ang pamilya ay nabuo; kasunod ay kagalakan.
Ibinigay ni Abraham Lincoln ang matalinong payong ito, na tiyak na naaangkop sa mga tagapagturo ng tahanan: "Kung nais mong makuha ang loob ng isang tao, kumbinsihin mo na muna siya na ikaw ay tunay niyang kaibigan."11
Ang isang kaibigan ay gumagawa nang higit pa sa tungkulin nito na dumalaw kada buwan. Ang isang kaibigan ay mas nagmamalasakit na makatulong sa mga tao kaysa tumanggap ng papuri. Ang kaibigan ay kumakalinga. Ang kaibigan ay nagmamahal. At ang kaibigan ay nakikinig. At ang isang kaibigan ay dumadamay.
May mga kapatid sa bawat purok na sadyang nagtataglay ng natatanging kasanayan at kakayahan na maantig ang puso ng iba. Tulad ni Raymond L. Egan, na naglingkod bilang aking tagapayo sa obispado. Gustung-gusto niyang kinakaibigan at dinadalaw ang ama ng isang mag- anak sa Simbahan at dahil dito ay naging aktibong muli ang kanyang mahal na asawa at gayundin ang kanyang mga minamahal na anak. Ang magandang pangyayaring ito ay naganap nang maraming beses hanggang sa lumisan na sa mortalidad si Kapatid na Egan.
May iba pa ring kaparaanan na makapagpapasigla at makapaglilingkod ang isang tao. Sa isang okasyon, nakikipag-usap ako sa isang nagretirong tagapangasiwa na kilala ko na nang mahabang panahon. Tinanong ko siya, "Ed, ano ang ginagawa mo sa Simbahan"? Sumagot siya, "Nasa akin ang pinakamagandang tungkulin sa purok. Ang tungkulin ko ay tulungan ang mga taong walang trabaho na makakita ng pangmatagalang hanapbuhay. Itong taong ito ay natulungan ko ang 12 kong kapatid na walang trabaho na magkaroon ng magandang hanapbuhay. Hindi ako kailanman naging ganito kasaya sa buong buhay ko." Mababa ang sukat, "si Ed Liit," ang mapagmahal naming tawag sa kanya, ay tumangkad ng gabing iyon habang nangingilid sa luha ang kanyang mga mata at gumagaralgal ang kanyang tinig. Ipinakita niya ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan. Ipinanumbalik niya ang dangal ng tao. Binuksan niya ang pinto para sa mga hindi nakaaalam na buksan ito nang sila lamang.
Lubos akong naniniwala na ang mga taong may kakayahang dumamay at magpasigla ay nakababatid sa pamamaraan na matatagpuan kay Brother Walter Stover--isang taong nag-ukol ng kanyang buong buhay sa paglilingkod sa iba. Sa burol ni Brother Stover, nagbigay ng parangal sa kanya ang kanyang manugang na lalaki sa mga salitang ito: "May kakayahan si Walter Stover na makita ang mukha ni Cristo sa bawat taong makilala niya, at kanyang pinatutunguhang mabuti ang bawat tao. Maalamat ang kanyang naging pagdamay at ang kakayahan niyang iangat ang bawat tao na kanyang nakasalamuha. Ang kanyang naging gabay na liwanag ay ang tinig ng Guro na nagsasabing: "Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid. . ., ay sa akin ninyo ginawa." 12
Mga kapatid, sikaping makamit ang wika ng Espiritu. Hindi ito natututuhan mula sa mga textbook na isinulat ng mahuhusay na tao, ni hindi ito nakakamit sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsasaulo. Ang wika ng Espiritu ay dumarating sa kanya na naghahangad nang buong puso na makilala ang Diyos at sumusunod sa Kanyang mga banal na kautusan. Ang pagiging bihasa sa "wikang" ito ay nagpapahintulot sa isang tao na pawiin ang mga pagtatalu-talo, pagtagumpayan ang mga balakid, at antigin ang puso ng sangkatauhan.
Sa panahon ng panganib o panahon ng pagsubok, ang gayong kaaalaman, pag-asa, at pang-unawa ay maghahatid ng ginhawa sa nababagabag na kaluluwa at namimighating puso. Ang mga anino ng kabiguan ay itinataboy ng mga sinag ng pag-asa; binibigyang-daan ng kalungkutan ang kagalakan; at ang damdamin ng pagkaligaw sa masalimuot na buhay ay naglalaho nang may tiyak na kaalaman na minamahal ng ating Ama sa Langit ang bawat isa sa atin.
Sa pagtatapos, balikan natin ang larawang ipininta ni Turner. Sa buong katotohanan, ang mga taong nakasakay sa tumirik na sasakyang pandagat sa gitna ng nagngangalit na unos ay tulad ng maraming kabataang lalaki--at gayundin naman ng mas nakatatandang kalalakihan--na naghihintay ng saklolo mula sa atin na may tungkulin sa pagkasaserdote upang siyang sumagwan sa pansagip na bangka. Ang kanilang mga puso ay nanabik para sa darating na tulong. Ang mga ama't ina ay dumadalangin para sa kanilang mga anak na lalaki. Ang mga ina at anak ay sumasamo sa langit na matulungan si itay at ang iba pa.
Ngayong gabi idinadalangin ko na lahat tayo na nagtataglay ng pagkasaserdote ay mapahalagahan ang ating mga tungkulin at, nang nagkakaisa, na sundin ang ating Pinuno--maging ang Panginoong Jesucristo, at ang Kanyang propeta na si Pangulong Gordon B. Hinckley--sa pagsaklolo.
Sa pangalan ni Jesucristo, Amen.
MGA TALA
1. Sa edisyon ni Brian H. Stuy, Collected Discourses Delivered by President Wilford Woodruff, His Two Counselors, the Twelve Apostles, and Others, 5 tomo (198792), 2:87.
2. Deseret News Semi-weekly, ika-6 ng Ago.1878, 1.
3. Mateo 4:19.
4. "Tayo ay Kasapi," Mga Himno.
5. D at T 107:99.
6. Santiago 1:22.
7. Mga Taga Efeso 2:19.
8. Juan 11:43.
9. Juan 9:25.
10. In Memoriam A. H. H., ni Alfred, Lord Tennyson, bahagi 85, istansa 5, taludtod 4; makabago ang pagbabaybay.
11. The Collected Works of Abrahan Lincoln, inedit ni Roy P. Basler, 8 tomo (1953), 1:273.
12. Mateo 25:40.