The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2001
Ang Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon

Ang Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon

Pangulong Gordon B. Hinckley

"Kung saan may laganap na kahirapan sa ating mga tao, gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang tulungan sila na iangat ang kanilang sarili, itatag ang kanilang sarili sa saligan ng pagtitiwala sa sariling kakayahan na darating sa pamamagitan ng pagsasanay. Ang edukasyon ay susi sa oportunidad."

Pangulong Gordon B. Hinckley

Mga kapatid, bago ako magsimula nais kong batiin ang koro ng Pagkasaserdoteng Melquizedec, na binubuo ng kalalakihan mula sa iba't ibang kalakaran ng buhay, na nagsiawit na lahat mula sa kanilang puso na puspos ng patotoo sa mga himno ng Sion. Mga kapatid, maraming-maraming salamat.

Hangad ko ang inspirasyon mula sa Panginoon sa pagsasalita ko nang maikli sa itinuturing kong isang napakahalagang paksa.

Magsisimula ako sa pagdadala sa inyo sa nakalipas na 150 taon o mahigit pa. Noong 1849 naharap sa isang mabigat na suliranin ang ating mga ninuno. Nasa Salt Lake Valley ang ating mga tao sa loob ng dalawang taon. Ang mga misyonero sa British Isles at Europa ay patuloy na nagtitipon ng mga nagbalik-loob. Dumating sila sa Simbahan nang daan-daan. Nang sila'y mabinyagan, ninais nila na matipon sa Sion. Ang kanilang mga lakas at kasanayan ay kailangan dito, at masidhi ang kanilang hangarin na pumarito. Subalit marami sa kanila ang lubhang mahihirap at wala silang pamasahe para sa paglalakbay. Paano sila makararating dito?

Sa ilalim ng inspirasyon ng Panginoon, isang plano ang ginawa. Itinatatag ang Perpetwal na Pondong Pang-imigrasyon. Sa ilalim ng planong ito, na pinondohan ng Simbahan, sa kabila ng malubhang kahirapan ng panahong iyon, ang salapi ay ipinautang sa mga miyembrong iyon na may kaunti o walang salapi. Ang pagpapautang ay isinagawa na may unawaang kapag dumating dito ang mga Banal, sila ay maghahanap ng trabaho at kapag nagawa nila ito, babayaran nila ang kanilang inutang. Ipauutang naman sa iba ang perang ibinayad upang sila rin ay makarating dito. Ito ay umiikot na pondo. Ito ay tunay na Perpetwal na Pondong Pang-imigrasyon.

Sa tulong ng pondong ito, tinatayang 30,000 nagbalik-loob sa Simbahan ang natipon sa Sion. Sila ang nagpalakas sa gawain dito. Dumating ang ilan sa kanila na may mga kasanayang tulad ng pagkakantero, at iba pang napaunlad na kasanayan. Nakapagsagawa sila ng malalaking paglilingkod sa pagtatayo ng mga gusali, kabilang ang Templo ng Salt Lake at Tabernakulo, at sa paggawa pa ng ilang gawain na nangangailangan ng kasanayan. Dumating sila rito na sakay ng mga bagon at hinihilang kariton. Sa kabila ng kalunus-lunos na trahedya sa hinihilang kariton noong 1856, na mahigit kumulang 200 sa kanila ang namatay sa lamig at sakit sa mga kapatagan ng Wyoming, nakapaglakbay sila nang ligtas at naging mahalagang bahagi ng Simbahan sa mga lambak ng bundok na ito.

Halimbawa, si James Moyle ay isang maninibag ng bato sa Plymouth, England, nang siya ay binyagan sa edad na 17. Sa pagkakataong iyon ay isinulat niya: "Mula noon nakipagtipan ako sa Panginoon na paglilingkuran ko Siya, magsalita man ng mabuti o masama ang mga tao laban sa akin. Ito ang mahalagang pangyayari sa aking buhay, dahil naiwasan kong makisama sa pangkat ng masasamang tao" (sa James Henry Moyle, ni Gordon B. Hinckley [1951],18).

Sa kabila ng kanyang kasanayan sa pagkakantero, kaunti lamang ang kanyang salapi. Humiram siya mula sa Perpetwal na Pondong Pang- imigrasyon at umalis sa England noong 1854, naglakbay patungong Amerika, binagtas ang mga kapatagan, at kaagad nakakita ng trabaho bilang magkakantero sa Lion House sa suweldong $3.00 bawat araw. Inipon niya ang kanyang salapi, at nang mayroon na siyang $70.00, na katumbas na halaga ng kanyang pagkakautang, kaagad niyang binayaran ang Pondong Pang-imigrasyon. Sinabi niya, "Itinuring ko ang aking sarili na isang malayang tao" (Moyle, 24).

Nang hindi na kailangan pa ang Perpetwal na Pondong Pang-imigrasyon, ito ay inalis. Naniniwala ako na marami sa mga nakaririnig sa akin ay mga inapo ng mga yaong pinagpala ng layunin ng pondong ito. Kayo ngayon ay masagana at matiwasay dahil sa ginawa ng inyong mga ninuno.

Ngayon, mga kapatid, nahaharap tayo sa isa pang suliranin sa Simbahan. Marami tayong misyonero, kapwa mga kabataang lalaki at babae, na tinawag na maglingkod mula sa kanilang bayan at naglilingkod nang may karangalan sa Mexico, Central America, South America, sa Pilipinas, at sa iba pang lugar. Mayroon silang kaunting salapi, gayunpaman nakapag-ambag sila sa anumang mayroon sila. Sinusuportahan sila nang malaki mula sa General Missionary Fund kung saaan marami sa inyo ang nag-ambag at dahil sa mga kontribusyong ito, lubos kaming nagpapasalamat.

Sila ay naging magagaling na misyonero na kasamang gumagawa ng mga elder at sister na ipinadala mula sa Estados Unidos at Canada. Habang nasa paglilingkod na ito, nalaman nila kung paano ang pamamalakad sa Simbahan. Nagkaroon sila ng malawak na pang-unawa tungkol sa ebanghelyo. Natuto silang mag-Ingles. Gumagawa sila nang may pananampalataya at pagmamahal. Pagkatapos ay darating ang araw ng pagtatapos ng kanilang misyon. Uuwi sila sa kani-kanyang tahanan. Labis silang umaasam. Subalit marami sa kanila ang nahihirapang makahanap ng trabaho dahil wala silang mga kasanayan. Bumabalik sila sa balon ng kahirapan kung saan sila nagmula.

Dahil sa mga limitadong kakayahan, malamang na hindi sila maging mga pinuno sa Simbahan. Malamang na masusumpungan nila ang kanilang sarili na nangangailangan ng tulong pangkapakanan. Mag-aasawa sila at magkakaroon ng pamilya sa gayunding sitwasyon ng kahirapan. Sa katunayan ay walang pag-asa ang kanilang hinaharap. May iba na hindi nagmisyon ang nasa gayon ding kalagayan na nangangailangan ng pagpapaunlad ng kanilang mga kasanayan upang makaahon sa kahirapan.

Sa pagsisikap na mabigyan- solusyon ang sitwasyong ito, kami ay nagmungkahi ng isang plano--isang plano na pinaniniwalaan naming binigyang-inspirasyon ng Panginoon. Ang Simbahan ay nagtatag ng isang pondo na halos mula sa mga kontribusyon ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw na nag-ambag at mag-aambag para sa layuning ito. Lubos kaming nagpapasalamat sa kanila. Batay sa gayunding alituntuning kinasaligan ng Perpetwal na Pondong Pang-imigrasyon, tatawagin natin itong Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon.

Mula sa mga tubo ng pondong ito, magpapautang ito sa mga may ambisyong kabataang lalaki at babae, na karamiha'y nakauwi nang misyonero, upang makahiram sila ng salapi para sa pag-aaral. Pagkatapos, kapag maaari na silang makapagtrabaho, inaasahan na kanilang ibabalik ang kanilang hiniram na may kasamang maliit na interes na nilayon bilang pangganyak na bayaran ang inutang.

Inaasahan na papasok sila sa paaralan sa kanilang sariling komunidad. Titira sila sa kanilang tahanan. Mayroon tayong magagandang programa sa institute na itinatag sa mga bansang ito kung saan mapananatili silang malapit sa Simbahan. Ang mga direktor ng mga institute na ito ay pamilyar sa mga oportunidad na pang-edukasyon sa kanilang sariling lungsod. Sa una, marami sa mga estudyanteng ito ang papasok sa paaralang teknikal kung saan matututo sila ng computer science, refrigeration engineering, at iba pang kasanayan na kinakailangan at kung saan maaari silang makapagtrabaho. Maaaring kinalaunan ay palawakin ang plano sa pagsasanay para sa mas mataas na mga propesyon.

Inaasahan na ang mga kabataang lalaki at babaeng ito ay dadalo sa institute kung saan masusubaybayan ng direktor ang kanilang pag-unlad. Ang mga taong nagnanais sumali sa programa ay mag-aaplay sa direktor ng institute. Sasang-ayunan niya ang mga ito sa pamamagitan ng mga obispo at pangulo ng istaka ng pook upang malaman kung sila ay karapat-dapat at nangangailangan ng tulong. Ang kanilang mga pangalan at ang itinakdang halaga na kanilang uutangin ay ipadadala sa Salt Lake City, kung saan ilalabas ang pondo, ibabayad hindi sa tao, kundi sa institusyon kung saan sila papasok. Hindi sila matutuksong gamitin ang salapi sa ibang layunin.

Magkakaroon tayo ng malakas na grupo ng mga tao na mamamahala sa programang ito at direktor ng prog-rama na dating Pangkalahatang Awtoridad, isang lalaking nagtagumpay na sa negosyo at may mga kakayahang teknikal, at boluntaryong sumang-ayon na tanggapin ang responsibilidad na ito .

Hindi na ito nangangailangan ng bagong samahan, ni ng bagong tauhan maliban sa boluntaryong direktor at sekretarya. Walang babayarang halaga sa pangangasiwa nito.

Magsisimula tayo ng paunti-unti ngayong taglagas. Makikita natin ang panahon kung kailan ang programang ito ay mapakikinabangan ng marami.

Dahil sa may mabuting kasanayan sa pagtatrabaho, makaaahon ang mga kabataang lalaki at babae na ito sa kinamulatan nilang kahirapan. Mas mainam nilang matutustusan ang kanilang mag-anak. Maglilingkod sila sa Simbahan at susulong sa tungkulin sa pamumuno. Mababayaran nila ang kanilang mga inutang upang mapagpala rin ang ibang kagaya nila. Ito ay isang pondong paiikutin. Bilang matatapat na miyembro ng Simbahan, magbabayad sila ng ikapu at mga handog, at dahil sa kanila, mas lalakas ang Simbahan sa pook kung saan sila nakatira.

Mayroong matandang kasabihan na kung bibigyan mo ang tao ng isang isda, kakain siya nang isang araw. Subalit kung tuturuan mo siyang mangisda, kakain siya habambuhay.

Ito ay isang mapangahas na gawain, gayunpaman naniniwala kami sa pangangilangan nito at sa tagumpay na matatamasa nito. Ito ay pagtitibayin bilang opisyal na programa ng Simbahan kasama ang lahat ng kinakailangan nito. Ito ay magiging pagpapala sa lahat ng buhay na maitataguyod nito–sa mga kabataang lalaki at babae, sa kanilang pamilya sa hinaharap, sa Simbahan na mapagpapala ng kanilang matatag na pamumuno.

Makakayanan ito. Mayroon tayong sapat na salapi na naiambag na upang pondohan ang panimulang gawain. Maisasagawa ito dahil susundin nito ang pamumuno ng pagkakasaserdote at dahil gagana ito sa mga lokal na pook. May kaugnayan ito sa mga kapaki-pakinabang at kinakailangang kasanayan. Hindi ito magdudulot ng kahihiyan sa sinumang makikibahagi sa programa, kundi sa halip ay karangalan sa mga kaganapan dito. Hindi ito pagsisikap na pangkapakanan, kapuri-puri man ang mga gawaing iyon, sa halip ito ay pagkakataon sa edukasyon. Ang mga makikinabang ay babayaran ang salapi, at kapag nagawa nila ito, matatamasa nila ang kahangahangang damdamin ng kalayaan dahil napagbuti nila ang kanilang buhay hindi dahil sa bigay o regalo, kundi sa pamamagitan ng panghihiram at pagbabayad. Makapagmamalaki sila sa diwang sila ay nakapagsarili. Ang posibilidad na manatili silang matapat at aktibo sa buong buhay nila ay magiging mas malaki.

Naisulong na namin sa ilang pook ang serbisyo sa pagpapatrabaho sa ilalim ng programang pangkapakanan ng Simbahan. Ito ay kinabibilangan unang-una ng mga tanggapan kung saan ipinasok ang mga tao sa mga bakanteng posisyon. Ang bagay hinggil sa edukasyopn ay pananagutan ng Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon. Ang pagpapatakbo ng mga sentro ng patrabaho ay responsibilidad ng programang pangkapakanan. Isasaayos ng mga sentrong ito ng patrabaho ang kalalakihan at kababaihan na naghahanap ng trabaho at may mga kasanayan, subalit kulang ng wastong masasanggunian. Ang isa ay umiikot na pondong pang-edukasyon upang mapaunlad ang mga kasanayan. Ang isa naman ay paglalagay sa kalalakihan at kababaihan sa mas mataas na uri ng trabaho na mayroon na ng mga kasanayang kinakailangan sa pagtatrabaho.

Madalas sabihin sa atin ni Pangulong Clark sa pangkalahatang pulong ng pagkasaserdoteng ito na walang anumang hindi magagawa ang pagkasaserdote kung gagawa tayong magkakasama sa pagsulong ng isang programa na nilayon upang pagpalain ang mga tao (tingnan sa J. Reuben Clark Jr., sa Conference Report, Abr. 1950, 180).

Nawa'y pagkalooban tayo ng pananaw at pang-unawa ng Panginoon na gawin ang mga bagay na iyon na makatutulong sa ating mga miyembro hindi lamang sa espirituwal, kundi gayundin sa temporal. Nakaatang sa atin ang isang napakabigat na obligasyon. Sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith mga isandaang taon na ang nakalilipas na ang relihiyon na hindi makatutulong sa tao sa buhay na ito ay malamang na hindi lubos na makatulong sa kanya sa kabilang buhay (tingnan sa "The Truth about Mormonism," Out West na magasin, Set. 1905, 242).

Kung saan may laganap na kahirapan sa ating mga tao, gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang tulungan sila na iangat ang kanilang sarili, itatag ang kanilang sarili sa saligan ng pagtitiwala sa sariling kakayahan na darating sa pamamagitan ng pagsasanay. Ang edukasyon ay susi sa oportunidad. Dapat gawin ang pagsasanay na ito sa pook kung saan sila nakatira. Ito ngayon ay naaangkop sa mga oportunidad sa lugar na iyon. At maliit lamang ang halaga nito kaysa kung isasagawa ito sa Estados Unidos o Canada o Europa.

Hindi ito isang panaginip. Mayroon tayong mapagkukunan sa pamamagitan ng kabutihan at kabaitan ng mga kahanga-hangang mapagbigay na kaibigan. Mayroon tayong samahan. Mayroon tayong mga tao na maaasahan at matatapat na tagapaglingkod ng Panginoon upang ito ay magtagumpay. Ito ay boluntaryong pagsisikap na walang anumang gastos ang Simbahan. Idinadalangin namin na pagyamanin ng Diyos ang pagsisikap na ito, at maghatid ito ng mga sagana at kahanga-hangang pagpapala sa libu-libo katulad ng naunang samahan, ang Perpetwal na Pondong Pang-imigrasyon, na naghatid ng hindi mabilang na pagpapala sa buhay ng mga taong tumanggap ng mga oportunidad nito.

Katulad ng sinabi ko, ang ilan ay nagbigay na ng napakalaking halaga upang pondohan ang panimulang halaga na ang tubo ay maaaring gamitin upang matugunan ang pangangailangan. Gayunpaman, nangangailangan pa rin kami. Inaanyayahan namin ang iba na nagnanais mag-ambag na gawin na ang gayon.

Inaasahan namin na may ilang pagkabigo sa pagbabayad ng mga inutang. Gayunpaman nagtitiwala kami na gagawin ng nakararami ang inaasahan sa kanila, at pagpapalain ang mga henerasyon. Maaari nating asahan na mangangailangan din ang mga henerasyon sa hinaharap, sapagkat tulad ng sinabi ni Jesus, "Ang mga dukha ay laging nasa inyo" (Juan 12:8). Samakatwid, dapat umikot ang pondong ito.

Ito ay taimtim nating obligasyon, ito ay tiyak nating pananagutan, mga kapatid na "tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina" (D at T 81:5). Kailangan natin silang tulungan na magsarili at maging matagumpay.

Naniniwala ako na hindi hinahangad ng Panginoon na makita ang Kanyang mga tao na naghihirap. Naniniwala ako na hahayaan Niyang tamasahin ng matatapat ang mabubuting bagay sa mundo. Tutulungan Niya tayo na magawa ang mga bagay na ito upang matulungan sila. At pagpapalain Niya tayo sa paggawa natin nito. Para sa tagumpay ng gawaing ito mapagkumbaba kong idinadalangin, habang hinihingi ang inyong pansin, ang inyong pananampalataya, at ang inyong mga panalangin sa kapakanan nito. Ito ang dalangin ko sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy