Pangulong James E. Faust
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan
"Ang buong kapakinabangan ng kapatawaran ng kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay nagsisimula sa pagsisisi at pagbibinyag at lumalawak sa pagtanggap ng Espiritu Santo."
Mga minamahal kong kapatid at kaibigan, ang responsibilidad na magsalita sa inyong lahat ay napakahalaga sa akin. Idinadalangin ko ang pag-unawa ninyo.
Ang pagkakabinyag ko sa Simbahang ito ay isa sa mga pinakamahalaga bagay sa buhay ko. Walong taong gulang ako noon. Itinuro sa aming magkakapatid ng mga magulang namin ang kahalagahan ng dakilang ordenansang ito. Sinabi sa akin ng aking ina na mananagot ako sa mga gagawin kong mali. Tandang-tanda ko ang araw ng aking binyag. Bininyagan ako sa lugar na pinagbibinyagan sa Tabernakulo sa Temple Square. Yaong mga bibinyagan ay nakasuot ng puting damit at isa-isa at dahan-dahang dinadala palusong sa tubig. Isa sa mga batang bininyagan sa araw na iyon ay hindi ganap na lumubog sa tubig kaya inulit muli ang ordenansa. Ito ay kinakailangan dahil isinasaad sa banal na kasulatan na, "sinasagisag ng pagbibinyag ang kamatayan, paglilibing, at pagkabuhay na mag-uli, at magagawa lang sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig."1 Sinusunod din nito ang halimbawang itinakda ng Tagapagligtas na nabinyagan sa Ilog Jordan, kung saan sagana ang tubig. Tulad ng itinala ni Mateo, "At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka'y umahon sa tubig."2
Bagama't walong taong gulang pa lamang ako noon, matinding tumimo sa kaluluwa ko ang mga salita ng panalangin sa pagbibinyag. Matapos ulitin ang pangalan ko, sinabi ni Brother Irvin G. Derrick na nagbinyag sa akin, "Bilang naatasan ni Jesus, binibinyagan kita sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen."3
Mula nang mabinyagan ako, mahigit 11 milyong katao na ang nabinyagan sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa gayunding pamamaraan at sa gayunding awtoridad. Nabinyagan sila sa mga nagyeyelong lawa, karagatan, o dagat-dagatan, na ang ilan ay sinadyang hukayin para sa layuning iyon. Isa sa mga dagat-dagatang ito ang may makabuluhang kasaysayan. Noong 1840, si Wilford Woodruff, na noo'y isa sa mga Labindalawang Apostol, ay nagmisyon sa England at nahikayat na magtungo sa panlalawigang distrito na malapit sa Ledbury. Nakilala niya roon si John Benbow na may malaking bukirin at maliit na dagat- dagatan. Ipinakilala siya ni John sa kongregasyon ng mga United Brethren na sabik na makinig ng mensahe ng ebanghelyo. Dahil walang ibang mapagpipilian, noong ika-7 ng Marso, 1840, itinala niya sa kanyang talaarawan, "Ginugol ko ang halos buong araw sa paglilinis ng tubig upang maihanda iyon para sa pagbibinyag, dahil alam ko na marami ang nakahandang tumanggap ng ordenansa ng binyag. Di nagtagal nagbinyag ako ng anim na raang katao sa dagat-dagatang iyon."4
Itinuro ng Tagapagligtas na lahat ng kalalakihan at kababaihan ay kailangang ipanganak na muli. Lihim na pumunta si Nicodemo, isa sa mga pinuno ng mga Judio, sa Tagapagligtas isang gabi at nagsabi, "Rabi, nalalaman namin na ikaw ay isang guro na nagbuhat sa Dios; sapagkat walang makagagawa ng mga iyong ginagawa, maliban na kung sumasa kaniya ang Dios.
"Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban na ang tao'y ipanganak na muli ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios."5
Nagtaka si Nicodemo at nagtanong: "Paanong maipanganganak ang tao kung siya'y matanda na? Makapapasok baga siyang bilang ikalawa sa tiyan ng kaniyang ina, at ipanganak?"
Ipinaliwanag ni Jesus na ang sinasabi Niya ay ang espirituwal na pagkapanganak na muli. Sinabi Niya:
"Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios.
"Ang ipanganak ng laman ay laman nga; at ang ipanganak ng Espiritu ay espiritu nga."6
Kailangang lahat tayo ay espirituwal na maipanganak, walong taon man tayo o 80--o kahit na 90. Nang binyagan si Luise Wulff ng German Democratic Republic noong 1989, ipinahayag niya, "Siyamnapu't apat na taong gulang ako--at ipinanganak na muli!"7 Naganap ang una nating kapanganakan nang ipanganak tayo sa mortalidad. Nagsimula ang pangalawa nating kapanganakan nang bininyagan tayo sa tubig ng isang maytaglay ng pagkasaserdote ng Diyos at nakukumpleto ito kapag pinagtitibay tayo at "pagkatapos darating ang kapatawaran ng [ating] mga kasalanan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo."8
Ilang taon na ang nakalilipas, isinalaysay ni Albert Peters ang naranasan nila ng kanyang kasamang misyonero tungkol sa isang lalaking ipinanganak na muli. Isang araw nagtungo sila sa kubo ni Atiati sa nayon ng Sasina sa Samoa. Natagpuan nila roon ang isang tao na hindi nakapag-ahit, hindi nakapaligo, at may kapansanan na nakahiga sa kama. Pinatuloy niya sila at ipinakilala nila ang kanilang sarili. Natuwa siya nang malaman niyang sila ay mga misyonero at nais niyang pakinggan ang mensahe nila. Inilahad nila ang unang talakayan, nagpatotoo sa kanya, at pagkatapos ay umalis. Habang naglalakad, pinag-usapan nila ang kondisyon ni Atiati; nagkapolyo siya 22 taon na ang nakalilipas na naging sanhi ng kawalang silbi ng kanyang mga kamay at paa, kaya paano siya mabibinyagan, gayong ganap ang kapansanan niya?
Nang bisitahin nilang muli nang sumunod na araw ang kanilang bagong kaibigan, nagulat sila sa ipinagbago ni Atiati. Masigla at nakapag-ahit na ito at napalitan ang sapin ng kanyang higaan. "Ngayon," aniya, "Magsisimula akong mabuhay muli, dahil sinagot kahapon ang mga panalangin ko at [dumating] kayo sa akin. . .Mahigit 20 taon akong naghintay na may dumating at magsabi sa akin na nasa kanila ang totoong ebanghelyo ni Cristo."
Sa loob ng ilang linggo, tinuruan ng dalawang misyonerong ito ang matapat at matalinong taong ito ng mga alituntunin ng ebanghelyo, at nakatanggap ito ng malakas na patotoo hinggil sa katotohanan at ang pangangailangang magpabinyag. Hiniling nitong mag-ayuno sila kasama niya upang magkaroon siya ng lakas na makalusong sa tubig at mabinyagan. Ang pinakamalapit na lugar na pagbibinyagan ay walong milya. Kaya binuhat nila ito sa kanilang sasakyan patungong kapilya, at iniupo ito. Sinimulan ng pinuno ng distrito ang serbisyo sa matibay na pagpapatotoo tungkol sa sagradong ordenansa ng binyag. Pagkatapos binuhat nina Elder Peters at ng kasama niya si Atiati sa pagbibinyagan. Habang ginagawa nila ito, nagsalita si Atiati, "Pakibaba ninyo ako." Nag-alangan sila, at sinabi niyang muli, "Ibaba ninyo ako."
Habang nagugulumihanan silang nakatayo, ngumiti si Atiati at nagpahayag, "Ito ang pinakamahalagang pangyayari sa buhay ko. Walang alinlangan sa isipan ko na ito ang tanging daan sa walang hanggang kaligtasan. Hindi ako pakakarga patungo sa aking kaligtasan!" Kaya ibinaba nila si Atiati. Matapos ang matinding pagpupunyagi nagawa niyang itayo ang sarili. Ang taong nakaratay ng 20 taon ay nakatayo ngayon. Dahan-dahan, nanginginig sa bawat paghakbang, nakarating si Atiati sa tubig, kung saan hinawakan siyang mabuti ng mga humahangang misyonero at siya ay bininyagan. Hiniling niya pagkatapos na madala siya mula sa pinagbibinyagan patungong kapilya kung saan pinagtibay siya bilang miyembro ng Simbahan.
Nagpatuloy ang progreso ni Atiati kaya't nagawa niyang makalakad sa pamamagitan ng saklay. Sinabi niya kay Elder Peters na alam niyang makalalakad siya sa araw ng kanyang binyag. Aniya, "Yamang nakapagpapagalaw ng matigas na bundok ang pananampalataya, walang alinlangan sa isipan ko na pagagalingin nito ang binti ko."9 Naniniwala ako na tunay ngang si Atiati ay ipinanganak muli!
Tulad ni Atiati, nang mabinyagan tayo, espirituwal na isinisilang tayo sa Diyos at karapat-dapat na matanggap ang kanyang larawan sa ating mga mukha.10 Kailangang makaranas tayo ng malaking pagbabago ng puso11 upang tayo ay "maging mga bagong nilikha"12 at manampalataya sa pagtubos ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, upang mapanatili natin ang mga pamantayan ng pagiging karapat-dapat. Ang mga pansariling pamantayan ng pagiging karapat-dapat na mabinyagan sa Simbahang ito ay simple:
"Lahat ng yaong nagpapakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Diyos, at nagnanais na magpabinyag, at humarap nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, at pinatutunayan sa simbahan na sila ay tunay na nagsisi sa lahat ng kanilang kasalanan, at pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo, na may matibay na hangaring paglingkuran siya hanggang wakas, at tunay na ipinakikita sa pamamagitan ng kanilang mga gawa na natanggap nila ang Espiritu ni Cristo tungo sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, ay tatanggapin sa pamamagitan ng pagbibinyag sa kanyang simbahan."13
Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglubog sa tubig ay ang "panimulang ordenansa ng ebanghelyo, at dapat na masundan ng pagbibinyag ng Espiritu upang makumpleto."14 Tulad ng minsang sinabi ni Propetang Joseph Smith, "Kung hindi pagtitibaying miyembro ng Simbahan ang isang tao o tatanggap ng Espiritu Santo, hindi mabisa ang pagbibinyag at walang kabuluhan."15
Ang buong kapakinabangan ng kapatawaran ng kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay nagsisimula sa pagsisisi at pagbibinyag at lumalawak sa pagtanggap ng Espiritu Santo. Tulad ng sinabi ni Nephi, ang binyag ay ang pasukan, "at pagkatapos darating ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo."16 Pinahihintulutan ang mga tao sa pasukan na pagbibinyag upang matanggap ang mga karagdagang tipan at pagpapala sa pamamagitan ng pagkasaserdote at mga pagpapala ng templo.
Ang di pangkaraniwang kaloob na Espiritu Santo, kasama ang pagiging miyembro sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay pinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatibay, at ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may awtoridad ng pagkasaserdote. Nilinaw ito ni Pablo sa mga Taga Efeso nang tinanong niya, "Tinanggap baga ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y magsisampalataya? At sinabi nila sa kaniya, Hindi man lamang namin narinig na may ibinigay na Espiritu Santo.
"At sinabi niya [sa kanila], kung gayo'y sa ano kayo binautismuhan? At sinabi nila, Sa bautismo ni Juan.
"At sinabi ni Pablo, nagbabautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi, na sinasabi sa bayan na sila'y magsisampalataya sa darating sa hulihan niya, sa makatuwid baga'y kay Jesus.
"Nang kanilang marinig ito, ay nangapabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus.
"At nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kanyang mga kamay, ay bumaba sa kanila ang Espiritu Santo."17
Kung karapat-dapat, yaong nag-aangkin ng espirituwal na kaloob ay magtatamasa ng higit na pang-unawa at pag-unlad at gabay sa lahat ng gawain sa buhay, kapwa espirituwal at temporal. Pinatototohanan ng Espiritu Santo sa atin ang katotohanan at ikinikintal sa ating mga kaluluwa ang katotohanan ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak, na si Jesucristo, nang buong katiyakan kung kaya walang kapangyarihan o awtoridad sa mundo ang makapaghihiwalay sa atin mula sa kaalamang iyan.18 Tunay nga na ang hindi pagkakaroon ng kaloob na Espiritu Santo ay maitutulad sa pagkakaroon ng katawang walang panlaban sa sakit.
Naniniwala tayo na dumarating sa lahat ng kalalakihan at kababaihan ang Espiritu ni Cristo.19 Lubos na kaiba ito mula sa kaloob na Espiritu Santo.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na "may kaibahan sa pagitan ng Espiritu Santo at kaloob na Espiritu Santo."20 Maraming hindi miyembro ng Simbahan ang nakatanggap ng paghahayag sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kinukumbinsi sila sa katotohanan ng ebanghelyo. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito nakatatamo ng patotoo ang matatapat na nagsisiyasat sa Aklat ni Mormon at sa mga alituntunin ng ebanghelyo bago ang binyag. Gayunpaman, ang mga pangangasiwa ng Espiritu Santo ay limitado kung hindi pa natatanggap ang kaloob na Espiritu Santo.
Yaong mga nagtataglay ng kaloob na Espiritu Santo matapos ang binyag at pagpapatibay ay makatatanggap ng higit na liwanag at patotoo. Ito ay sa dahilang ang kaloob na Espiritu Santo ay isang "palagiang saksi at nakatataas na kaloob kaysa sa pangkaraniwang pagpapadama ng Banal na Espiritu."21 Nakatataas na kaloob ito dahil ang kaloob na Espiritu Santo ay makakikilos bilang "panlinis upang mapadalisay ang tao at mapabanal siya mula sa lahat ng kasalanan ."22
Dahil ang pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig at Espiritu ay mahalaga sa ganap na kaligtasan, sa walang hanggang kalikasan ng mga bagay, dapat magkaroon ng oportunidad na ito ang lahat ng anak ng Diyos, kabilang na ang mga nabuhay noong mga nagdaang siglo. Nauunawaan at isinasagawa ng naunang simbahang Kristiyano ang doktrina ng pagbibinyag ng mga buhay para sa mga patay sa templo. Si Pablo, sa mahusay na pagtalakay niya tungkol sa Pagkabuhay na mag-uli ay nagpaliwanag: "Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay. Kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay, bakit nga sila'y binabautismuhan dahil sa kanila?"23 Ang paggawa ng isang napakahalagang bagay para sa mga yaong walang kakayahang gawin ito para sa kanilang sarili ay tunay na maka-Kristiyano. Sa pag-aalay ng Kanyang buhay upang magbayad-sala para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan, ginawa ni Jesus ang isang bagay na hindi natin magagawa para sa ating sarili. Tinukoy ng propetang si Malakias ang konseptong ito nang magsalita siya tungkol sa pagdating ng propetang si Elijah, na siyang "[magpapabalik- loob] sa puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; baka dumating [ang Panginoon] at saktan ang lupa ng sumpa."24 Naisasagawa ito nang malaki sa pamamagitan ng gawain alang- alang sa mga patay.
Walang ibang organisasyon sa lupa ang higit na nakapagsasakatuparan sa propesiya ni Malakias kaysa sa Simbahan. Malaking salapi ang ginugugol at matinding pagsisikap ang ginagawa ng Simbahan upang mapangalagaan ang pinakamalaking imbakan ng mga talaan ng mag-anak sa sanlibutan. Mayroon nang 660 milyong pangalan ang Simbahan sa FamilySearch Internet Web Site.25 Malayang ibinabahagi ang mga talaang ito sa sinumang nagnananais na magsaliksik dito.
Sa maraming taon na dumating sa aking buhay mula nang mabinyagan ako sa tubig, natutuhan kong pahalagahan ang mga espirituwal na kaloob ng Espiritu Santo na dumating sa pamamagitan ng binyag sa Espiritu. Napagtibay ako bilang miyembro 72 taon na ang nakalipas ng isang may awtoridad, si Joseph A. F. Everett, isang malapit na kaibigan ng aking mga magulang, at napakarangal na tao.
Mapagkumbaba kong idinadalangin na ilalagay ng Espiritu ng Panginoon ang Kanyang pagpapatibay hinggil sa kahalagahan ng mga bagay na binanggit ko. Pinatototohanan ko na hindi tayo ganap na napabalik-loob hangga't hindi tayo "nakalalakad sa panibagong buhay"26 at sa puso'y isang bagong tao, "nalinis sa dati nating mga kasalanan."27 Mangyayari lang ito sa pagiging isinilang na muli sa tubig at sa Espiritu sa pamamagitan ng binyag at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Sa paraang ito makatatanggap tayo ng kapatawaran mula sa langit kung saan malalaman natin sa ating mga puso na napatawad na ang ating mga kasalanan.28 Alam kong ito'y totoo at pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Bible Dictionary, "Baptism," 618; tingnan din sa Mat. 3:16; Mga Gawa 8:3739; Mga Taga Roma 6:16; Mga Taga Colosas 2:12; D at T 20:7274; 128:1213.
2. Mat. 3:16.
3. Tingnan sa D at T 20 :73.
4. Binanggit sa Wilford Woodruff: History of His Life and Labors (1964), 117 ni Matthias F. Cowley.
5. Juan 3:23.
6. Juan 3:46.
7. "Born Again at 94," Tambuli, Hunyo 1994, 24.
8. 2 Ne. 31:17.
9. Tingnan sa Albert Peters, "One Trembling Step at a Time," Ensign, Hunyo 1994, 5658.
10. Tingnan sa Alma 5:14.
11. Tingnan sa Alma 5:14.
12. Mosias 27:26.
13. D at T 20:37.
14. Bible Dictionary, "Baptism,"618.
15. Teachings of the Prophet Joseph Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith (1976), 314.
16. 2 Ne. 31:17; tingnan din sa D at T 19:31.
17. Mga Gawa 19:26.
18. Tingnan sa 2 Ne. 31:18.
19. Tingnan sa D at T 93:2.
20. Teachings of the Prophet Joseph Smith,199.
21. Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo (196575), 5:4..
22. Bible Dictionary, "Holy Ghost," 704.
23. 1 Mga Taga Corinto 15:29.
24. Malakias 4:56; tingnan din sa D at T 138:47; JS--K 1:39.
25. Tingnan sa www.familysearch.org.
26. Mga Taga Roma 6:4.
27. 2 Ni Pedro 1:9.
28. Tingnan sa Mosias 4:3.