The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2001
Paanyayang may Pangako

Paanyayang may Pangako

Bishop Keith B. Mc Mullin
Pangalawang Tagapayo sa Namumunong Obispado

"Hindi sapat ang maging miyembro lang ng Simbahang ito. Hindi maaari na maging miyembro ka lang na walang sapat na pang-unawa."

Bishop Keith B. Mc Mullin

Sa mga naghahangad ng espirituwal na katotohanan, nagiging madaling makilala ang ilang bagay. Pinatototohanan ko ang mga bagay na ito. Ang Diyos ay nasa Kanyang kalangitan. Tayo ay Kanyang mga espiritung anak. Si Jesus ang ating Manunubos. Si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, at si Gordon B. Hinckley ang Kanyang propeta ngayon. Natatanggap ang mga paghahayag tulad noong unang panahon. Ang kaharian ng Diyos, ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay naritong muli sa mundo.

Totoo ang diyablo at siya'y nasa mundo rin. Siya at ang kanyang mga pulutong ay naghahasik ng kaguluhan sa mga anak ng tao. Sinungaling siya, walang pagmamahal, walang gawang mabuti, at walang nais kundi kapinsalaan.

Samakatwid, binibigkas ko ngayon ang "tinig ng babala."1 Ito'y mahalaga, mahinahong paalala at paanyaya sa mabubuting kalalakihan at kababaihan saanman. Pakinggan ninyo ang mga salitang ito ng paghahayag na natanggap noong ika-1 ng Nobyembre, 1831:

"Dahil dito, ako ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan;. . .

"Sapagkat ako ay hindi nagtatangi ng mga tao, at nagnanais na ang lahat ay makaalam na ang araw ay mabilis na darating, ang oras ay hindi pa, subalit nalalapit na, kung kailan ang kapayapaan ay aalisin sa mundo, at ang diyablo ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang sariling nasasakupan."2

Tinutukoy ng Panginoon ang kalamidad na darating sa mga naninirahan sa mundo. Iba't iba ang anyo ng kalamidad. Pana-panahong nagaganap ang mga ito, at naaapektuhan tayo nang lubos ng mapaminsalang pwersa nito.

Ang higit na nakapangwawasak, gayon pa man, ay ang mapanganib na pwersa ng kasamaan na patuloy na pumapalibot sa atin. Batay sa propesiya noong 1831 nawala na ang kapayapaan sa mundo, at nakapangyari na ang diyablo sa sariling sakop nito. Ang mapang-akit niyang pamamaraan ay nakaiimpluwensiya sa mga tao. Kabi-kabila ang tukso. Ang kalaswaan at pagtatalu-talo ay naging bahagi na ng pamumuhay. Ang noo'y itinuturing na nakapangingilabot ay itinuturing na ngayong katanggap-tanggap; ang bagay na una munang nakapupukaw, ay nakapanghahalina kalaunan at sa huli'y nakapangwawasak.

Patuloy na lalaganap ang kalamidad na ito ng kasamaan hanggang sa "ang buong sanlibutan ay. . .dumaing. . .sa pagkaalipin ng kasalanan."3

Samakatwid, narito ang "tinig ng babala":

  • Mag-ingat sa makamundong pagnanasa. Pinupukaw nila ang mga pandama ngunit inaalipin ang kaluluwa. Natutuklasan ng yaong mga nabibihag sa patibong ng kahalayan na hindi ito madaling takasan.

  • Mag-ingat sa makamundong kayamanan. Nakapang-aakit ang mga pangako nito, ngunit isang ilusyon ang kaligayahan nito. Isinulat ni Apostol Pablo, "Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan."4

  • Mag-ingat sa makamundong pagkamakasarili. Huwad ang mga gantimpala nito; nakapanlulumo ang kabiguan. Ang pagmamahal, kabaitan, pansariling kasiyahan, at tunay na pagpapahalaga sa sarili ay matatagpuan sa paglilingkod sa Diyos at sa iba, hindi sa paglilingkod sa sarili.

    Sa gitna ng mga kapahamakang ito, may ligtas na daungan. Narito ang isang katiyakan mula sa paghahayag na binanggit noong una:

    "At gayon din ang Panginoon ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang mga banal, at maghahari sa gitna nila, at bababa sa paghuhukom sa Idumea, o sa sanlibutan."5

    May kaligtasan sa pagiging Banal. Ang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kilala bilang mga Banal sa mga Huling Araw. Bukod pa sa pagtukoy ng Panginoon sa mga yaong kabilang sa Kanyang Simbahan, ang titulong ito ay nagsisilbi ring paanyaya Niya sa mas mabuting pamumuhay.

    Naging malinaw ito sa akin maraming taon na ang nakalipas nang, bilang ama na bata pa ang edad, kinailangan kong bumili ng ilang kasuotan sa templo. Sa pagpasok ko sa bilihan, natuon kaagad ang pansin ko sa karatula na nagsasabing "Para Lamang sa mga Banal sa mga Huling Araw." Nagulat ako sa sinasabi nito. Nabuo sa isipan ko ang isang argumento, Bakit sinabi nitong "Para lamang sa mga Banal sa mga Huling Araw"? Ang tanong ko sa aking sarili. Bakit hindi na lang "Para sa mga Na-endow na Miyembro ng Simbahan" ? Bakit kailangan pang talakayin ang isyung ito tungkol sa pagiging "Banal sa mga Huling Araw"?

    Ginawang mahinahon ng maraming taon ang pagiging pabigla-bigla ko. Ang pakikipagtalo ko noon ay naging katangi-tangi, at makatuturang sandali. Itinuturo sa akin ng karanasan na hindi sapat ang maging miyembro lang ng Simbahang ito. Hindi maaari na maging miyembro ka lang na walang sapat na pang-unawa sa panahong ito ng pangungutya at kawalang-paniniwala. Kailangan ang espirituwalidad at pagbantay ng mga banal.

    Ang maging banal ay ang maging mabuti, dalisay at matwid. Sa ganoong tao, hindi lang ipinahahayag ang mga kagandahang-asal kundi ipinamumuhay rin. Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang kaharian ng Diyos, o ang Simbahan ay hindi isinasantabi, sa halip ito ang sentro at saligan ng kanilang buhay. "Isang maliit na bahagi ng langit"6 ang tahanan, hindi lang isang panuluyan. Ang mag-anak ay hindi lamang isang yunit sa lipunan at produkto ng biyolohiya. Isa itong pangunahing walang hanggang yunit sa kaharian ng Diyos kung saan ang ebanghelyo ni Jesucristo ay itinuturo at ipinamumuhay. Tunay na sinisikap ng mga Banal sa mga Huling Araw na maging mas mabuti, mas mabait, mas marangal sa araw-araw na pamumuhay.

    Inihayag ng Panginoon ang paraan kung paano magagawa ang gayong pag-unlad. Aniya: "Kaya nga, huwag hanapin ang mga bagay ng daigdig na ito sa halip inyo munang hangaring itatag ang kaharian ng Diyos, at pagtibayin ang kanyang katwiran."7

    Ang pagsunod sa hakbang na ito ay naglalaan sa mga Banal sa mga Huling Araw ng paraan upang maiwasan ang mapanganib na batuhan ng kamunduhan. Ang pamumuhay sa ganitong paraan ay nagbibigay-daan sa mga miyembro ng Simbahan na maging mga tao ng tipan ng Panginoon. Para sa ating panahon, nasa atin ang sumusunod na malapropesiyang paggabay mula kay Pangulong Hinckley tungkol sa paraan ng paggawa nito. Binabanggit ko:

    "Tayo ay mga tao ng tipan. Nadarama ko na kung mahihikayat lang natin ang ating mga tao na ipamuhay ang tatlo o apat na tipan malulutas na nang kusa ang iba pang mga suliranin.. . .

    "Ang una sa mga ito ay ang tipan ng sakramento, kung saan tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ng Tagapagligtas at sumasang-ayon na sundin ang Kanyang mga kautusan kaakibat ang pangako sa Kanyang tipan na pagpapalain tayo ng Kanyang espiritu.. . .

    "Pangalawa, ang tipan ng ikapu. . .. Ang pangako. . .ay pagsasabihan Niya ang maninila at bubuksan ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ang isang pagpapala na walang sapat na silid na kalalagyan.. . .

    "Pangatlo, ang mga tipan sa templo: Ang pagsasakripisyo, ang kahandaang magsakripisyo para sa gawaing ito ng Panginoon. . .at likas sa batas na iyan ng sakripisyo ay ang pinakadiwa ng Pagbabayad-sala.. . . Ang paglalaan, na kaakibat nito, ay kahandaang ibigay ang lahat, kung kinakailangan, upang tumulong sa pagsulong ng dakilang gawaing ito. At isang tipan ng pagmamahal at katapatan sa isa't isa bilang mag-asawa, katapatan, kalinisang-puri, moralidad.

    "Kung magagawa lang ng ating mga tao na ipamuhay ang mga tipang ito, naniniwala ako na malulutas nang kusa ang iba pang mga suliranin."8

    Nawawala ang pang-akit ng makamundong pagnanasa habang binibigyang halaga natin ang banal na sakramento sa ating buhay. Pinangyayari ng tipang ito na mapanatili ng matatapat ang kanilang sarili na "walang bahid-dungis mula sa sanlibutan."9

    Nawawala ang panganib sa makamundong kayamanan sa pamamagitan ng masigasig na pagsunod sa [batas ng] ikapu ng Panginoon. Ang pagbabalik sa Kanya ng ikasampung bahagi ng lahat ng Kanyang inilaan ay nagdudulot sa nagbibigay ng pagmamahal ng Diyos higit sa anupaman. Dinadala nito ang masunuring tao sa mas mataas na batas ng pagbibigay nang hindi na kailangan pang utusan. Ang ayuno at mga handog-ayuno ay tinatanggap at ang impluwensiya nito ay kumakalag sa mga tali ng kasamaan, pinagagaan ang mga pasanin at pinagpapala ang mga kapus-palad at pinagtitibay ang mga ugnayang-mag-anak.10 Dahan-dahang inihihiwalay ng tipan ng ikapu ang matatapat mula sa pag-ibig sa salapi at sa mga bagay na kaakibat nito.

    Ang makamundong pagkamakasarili ay napasasailalim sa sakripisyo, paglalaan at iba pang banal na tipan sa templo. Dahil ginawa ng Manunubos ang lahat upang maligtas tayo, pinahihintulutan ng mga tipang ito na gawin natin ang lahat para sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak.

    Kaya, huwag matakot. Ang bagay na itinuturing na mahina ng sanlibutan ay lumulupig sa mga kasamaan na tila labis na makapangyarihan at napakalakas. Ang mga taong matwid ay nakapangungusap sa pangalan ng Diyos, ang Panginoon. Ang pananampalataya ay nadaragdagan sa mundo. Bumubukadkad ang mga walang hanggang tipan sa buhay ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang kabuuan ng ebanghelyo ni Cristo ay ipinahayag sa pamamagitan ng tuntunin at halimbawa hanggang sa mga dulo ng daigdig. At inihahanda ng mga tao ng tipan ng Panginoon ang mundong ito para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.11 Ito ang ating tungkulin. Nawa'y itaguyod tayo ng Panginoon ang aming dalangin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

    MGA TALA

    1. D at T 1:4.
    2. D at T 1:17, 35.
    3. D at T 84:49.
    4. I Kay Timoteo 6:10.
    5. D at T 1:36.
    6. David O. Mckay, sa Conference Report, Abr. 1964, 5.
    7. JST, Mat. 6:38; tingnan sa Mat. 6:33, talababa a.
    8. Teachings of Gordon B. Hnckley (1997), 146–47; idinagdag na pagkakahilig ng mga titik.
    9. D at T 59:9; tingnan din ang talata 10, 12–13.
    10. Tingnan sa Isa. 58:6–11.
    11. Tingnan sa D at T 1:19–23.

  •  
    © 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy