The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2001
Sakripisyo: Isang Walang Hanggang Pamumuhunan

Sakripisyo: Isang Walang Hanggang Pamumuhunan

Carol B. Thomas
Unang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng mga Kabataang Babae

"Ang sakripisyo ay isang kahanga-hangang alituntunin.. . . Pauunlarin nito sa atin ang marubdob na pagmamahal sa isa't isa at sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo

Bilang ina, palagay ko'y isa sa mga pinakamakabagbag- damdaming kuwento sa Lumang Tipan ang kay Abraham, na inutusan ng Panginoon na ialay ang kanyang batang anak na si Isaac bilang sakripisyo. Mga 100 taon na marahil si Sara noon nang dalhin si Isaac sa bundok. Dala ng awa sa kanya, maaaring hindi sinabi sa kanya ni Abraham ang balak nitong gawin, at nangahulugan iyan na kinailangan niyang kayaning mag-isa ang matinding pagsubok na ito ng pananampalataya.

Sinabing minsan ni Pangulong Lorenzo Snow, "Walang mortal na taong makagagawa ng ginawa ni Abraham. . .maliban kung nabigyang-inspirasyon siya at taglay ang katangiang tulad sa Diyos upang matanggap ang inspirasyong iyan" (TheTeachings of Lorenzo Snow, inedit ni Clyde J. Williams [1984],116 ).

Mula kay Adan, tinupad ng lahat ng propeta sa Lumang Tipan ang batas ng sakripisyo. Bahagi ng batas ng selestiyal ang sakripisyo, na nagpapakilala sa atin sa pinakamaluwalhating sakripisyo sa lahat: ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Napakaganda ng paliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa sakripisyo nang sabihin niya, "Kung walang sakripisyo walang tunay na pagsamba sa Diyos.. . . 'Ibinigay ng Diyos ang kanyang Anak, at ibinigay ng Anak ang kanyang buhay,' at hindi tayo sumasamba kung hindi tayo nagbibigay--nagbibigay ng ating kabuhayan, . . .panahon, . . .lakas, . . .talento, . . . pananampalataya, . . .[at] mga patotoo" (Teachings of Gordon B. Hinckley [1997], 565).

Mga kapatid, ang pagsasakripisyo ang isa sa mga bagay na nagpapaiba sa atin sa mundo. Tayo ay mga tao ng tipan, na pinagpala ng mga pagkakataong sumamba at magbigay; ngunit ganap ba tayong nagbalik-loob sa alituntunin ng sakripisyo? Naalaala ko ang isang mayamang binatang tinuruan ng Panginoon, na nagtanong, "Ano pa ang kulang sa akin?"(tingnan sa Mat. 19:20). Sinabi sa kanya ni Jesus, "Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka, ipagbili mo ang [lahat ng] tinatangkilik mo. . .at pumarito ka, sumunod ka sa akin" (Mat. 19:21).

Talakayin natin ang tatlong paraan kung paano makatutulong ang sakripisyo sa pagsunod natin sa Tagapagligtas: pagtuturo sa ating pamilya, pagbibigay sa mga maralita at nangangailangan, at pagbabahagi ng ating sarili sa gawaing misyonero.

Una, paano natin matuturuang magsakripisyo ang ating pamilya? Napakagandang halimbawa sa akin ang lolo kong si Isaac Jacob. Isa siyang rantsero na nagpadala ng apat na anak na lalaki sa misyon. Noong panahon ng Taghirap, naging pagkakataon ito sa aking ina na maglingkod, at tinawag siya na magmisyon sa Canada.

Naging kritikal ang kalagayan ni Lolo nang tawagan siya ng bangko at tanungin kung para saan ang 50 dolyar buwan-buwan na ipinadadala para sa misyon ni Inay. May utang siya sa bangko at nagbabayad ng mataas na 12 porsiyentong patubo. Hindi nasiyahan ang mga taga- bangko at sinabi sa kanyang pauwiin si Inay mula sa misyon.

Nang sumunod na araw sumagot si Lolo: "Kapag umuwi ang anak ko, inyo na ang mga tupa--at dadalhin ko pa ang mga ito sa inyong pintuan." Nagulat dito ang mga taga-bangko. Ginagamit na nila si Lolo para alagaan ang iba pang tupahang nailit nila, at wala na silang ibang mag-aalaga sa mga tupang iyon. Natapos ni Inay ang kanyang misyon at ang halimbawa ni Lolo ay nagturo sa kanyang pamilya ng kahalagahan ng sakripisyo.

Sa pagtuturo natin ng sakripisyo sa ating mag-anak, dapat din natin silang turuang pagkaitan ang kanilang sarili. Naisalaysay ang kuwento tungkol sa heneral sa Digmaang Sibil na si Robert E. Lee na nang hingan ng payo ng isang babae sa pagpapalaki ng kanyang anak, ay nagsabing, "Turuan mo ang [anak mong] pagkaitan ang kanyang sarili." (Tingnan sa Recollections a of Long Life ni Joseph Packard [1902], 158).

Iwasan nating palakihin sa layaw ang ating mga anak. Maaari nating pagkaitan ng kasiyahan ang ating anak kapag binibigyan natin siya nang labis-labis. Kung hindi natin siya hahayaang maghanap ng isang bagay, hindi siya kailanman masisiyahan sa pagtanggap nito.

Hinihikayat ba natin ang ating mga anak na isakripisyo ang kanilang oras at kabuhayan, gaya ng pagtulong sa isang nag-iisang kapitbahay o pakikipagkaibigan sa isang nangangailangan noon? Habang abala sila sa mga pangangailangan ng iba, nababawasan ang bigat ng sarili nilang mga pangangailangan. Dumarating ang tunay na kagalakan sa pagsasakripisyo para sa iba.

Ikalawa, makapagbibigay pa tayo nang husto sa mga maralita at nangangailangan. Sa pagdalaw ko sa mga miyembro ng Simbahan, nagulat ako sa kabutihan ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw. Isang binata sa Colombia, na laki sa lola, ang nagmamay-ari ng ilang pagawaan ng sapatos at naglilingkod bilang katiwala sa kanyang purok. Nang matawag siya sa misyon, nakaipon siya hindi lamang ng sapat na pera para gugulin sa sarili niyang misyon, nakapagbigay rin siya ng karagdagang pondo para suportahan ang isa pang misyonero.

Magbahagi kaya tayo ng ating pagkain, damit, at kasangkapan? Iniuutos sa atin ng Panginoon na huwag tayong mag-imbot sa sarili nating ari-arian (tingnan sa D at T 19:26). Sa maraming lugar pinagpala tayong magkaroon ng Deseret Industries. Matuturuan natin ang ating mga anak na maghalungkat sa kanilang mga aparador at magbahagi ng kanilang damit, habang uso pa ito, at nang makapanamit rin naman ng nauuso ang iba.

Maraming gantimpalang dumarating mula sa pagbabahagi ng sarili nating mga ari-arian. Ipinaalaala ito sa atin ni Haring Benjamin nang sabihin niyang, "Alang-alang sa pananatili ng kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa araw-araw, upang kayo ay makalakad nang walang kasalanan sa harapan ng Diyos. . .ibahagi ninyo ang inyong kabuhayan sa mga maralita. . .gaya ng pagpapakain sa nagugutom, pagpapanamit sa hubad, pagdalaw sa may karamdaman, at pangangasiwa ng kanilang ikagiginhawa" (Mosias 4:26). Maaari tayong maghanap lahat ng maraming pagkakataon sa ating buhay upang magbigay--magbahagi.

Ang ikatlong paksa ng sakripisyo ay ang gawaing misyonero. Bilang bahagi ng ating gawain sa pagdalaw sa mga purok at sangay sa buong Simbahan, nakikita natin ang malaking pangangailangan para sa matatandang misyonero. Hindi ninyo maiisip ang laki ng nagagawa nila habang nagmamahal sila sa mga misyonero at nagtuturo sa mga lokal na miyembro ng doktrina at kultura ng Simbahan.

Kamakaila'y dumalaw si Pangulong Hinckley sa isang komperensiya ng istaka sa isang mayamang lugar kung saan aapat lamang na matatandang mag-asawang misyonero ang nagmimisyon. Sa pag-asang mabigyang-inspirasyon pa ang ibang mag-asawa upang maglingkod, pinangakuan niya sila na ni hindi mapapansin ng mga anak at apo nila ang kanilang pagkawala. Sa pagkaimbento ng e-mail, maipadadala at matatanggap ng matatandang misyonero ang mga liham ng mga kaibigan kahit anong araw.

Pagpapalain ng inyong maraming karanasan ang iba at matutuklasan ninyo kung gaano talaga kabuti ang mga tao. Kailangan kayo ng mga misyon ng daigdig! Manalangin para sa diwang iyon ng pakikipagsapalaran at sa hangaring makapagmisyon. Mas magtatamasa kayo ng higit na kagalakan kaysa sa pamamasyal sa motor home o pag-upo sa tumba- tumba.

Mga kabataan, umaasa kaming sabik kayo sa gawaing misyonero. Noon lang nakaraang linggo bawat kabataang babae sa Simbahan ay inanyayahang magdala ng isang kabataang babae pabalik sa pagiging aktibo. Maganda sana kung sasamahan kami ng mga kabataang lalaki sa pagsisikap na ito!

Marami sa inyo ang gumagawa ng mga pambihirang bagay. Si Megan ay nanalangin nang maraming buwan para sa dalawang kaibigang hindi miyembro ng Simbahan, ang isa ay inaayos niyang magpalista sa seminary at ang isa naman ay inaanyayahang magpaturo sa mga misyonero. Nabinyagan kamakailan ang dalawang kabataang babaeng ito. Kailangan kayo ng Simbahan. Hindi makapupunta si Pangulong Hinckley sa inyong mga paaralan para magturo sa mga kaibigan ninyo, ngunit kaya ninyo, at umaasa sa inyo ang Panginoon. Ipinagmamalaki namin ang katapangan ninyo habang ibinabahagi ninyo sa inyong mga kaibigan ang inyong pagmamahal sa ebanghelyo.

Ang sakripisyo ay isang kahanga-hangang alituntunin. Kapag kusa tayong nagbibigay ng ating panahon at mga talento at lahat ng ating ari-arian, nagiging isa ito sa ating pinakamakatotohanang anyo ng pagsamba. Pauunlarin nito sa atin ang marubdob na pagmamahal sa isa't isa at sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa pagsasakripisyo, mababago ang mga puso natin, mapapalapit tayo sa Espiritu, at mababawasan ang hilig natin sa mga bagay ng mundo.

Nagturo si Pangulong Hinckley ng dakilang katotohanan nang sabihin niyang, "Hindi sakripisyo ang ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Hindi kailanman sakripisyo kapag tumatanggap ka ng mas marami kaysa sa ibinibigay mo. Pamumuhunan ito,. . . isang napakahalagang pamumuhunan kaysa anupaman.. . . Ang kapalit nito ay walang hanggan at walang katapusan" (Teachings of Gordon B. Hinckley, 567–68).

Nakaaaliw na malamang hindi tayo inaasahang gawing mag-isa ang pamumuhunang ito. Tulad ni Abraham ng sinauna, may kabanalan tayo upang tumanggap ng inspirasyon sa pamamagitan ng mga kapangyarihan ng langit. Mga kapatid, idinadalangin ko na sa paggawa ng mga bagay na ito ay mamahalin natin ang alituntunin ng sakripisyo, upang ang dakilang alituntuning ito ay mailapit tayo sa ating Tagapagligtas, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy