The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2001
"Ang Kanyang Salita ay Inyong Tatanggapin"

"Ang Kanyang Salita ay Inyong Tatanggapin"

Elder M. Russell Ballard
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Hindi maliit na bagay, mga kapatid, na magkaroon ng isang propeta ng Diyos sa ating paligid. Dakila at maganda ang mga biyayang dumarating sa ating buhay habang nakikinig tayo sa salita ng Diyos na ibinibigay sa atin sa pamamagitan niya."

Elder M. Russell Ballard

Naranasan na ba ninyong magpalibut-libot sa mga kalye ng isang lungsod na sinasabi ng drayber na, "Alam ko kung saan iyon; tiyak kong matatagpuan ko ito"? Sa wakas, sa pagkabigo, titigil siya at magtatanong ng direksyon sa isang tao. Alam kong naranasan na ninyo ito, mga kapatid! Kay daling matagpuan ang ating daan kung susunod tayo sa mga direksyon ng isang taong nakaaalam kung paano mararating ang ating patutunguhan.

Marami sa atin ang natatagpuan ang ating sarili sa gayunding kalagayan habang tumatahak tayo sa mga nakalilitong landas sa buhay. Mahirap ang panahon ngayon, at ang mga itinuturing nating angkop, tapat, at katanggap-tanggap sa kultura at lipunan ng mundo ay patuloy na nagbabago. Kung kailan natin inaakalang alam natin ang landas patungong kaligayahan at kapayapaan, may dumarating na bagong kaisipang aakay sa atin pababa ng landas na lalong makalilito at makapagpapatindi ng ating kabiguan. At sa mga ganitong panahon, tanungin natin, "Mayroon bang isang maliwanag, dalisay, walang kinikilingang tinig na maaasahan natin? Isang tinig na laging magbibigay sa atin ng malinaw na direksyon upang matagpuan natin ang tamang daan sa magulong mundong ito sa ngayon? Ang sagot ay oo. Iyon ang tinig ng mga buhay na propeta at apostol.

Nang itatag ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw 171 taon na sa buwang ito, nagbigay ng pahayag ang Panginoon sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang propetang si Joseph Smith Jr. Sa pagtukoy ang pangulo ng Simbahan, nagbilin ang Tagapagligtas sa mga miyembro ng Simbahan na "tumalima sa lahat ng kanyang mga salita at kautusang ibibigay niya sa inyo tuwing siya ay tatanggap ng mga ito, naglalakad nang buong kabanalan sa harapan ko;

"Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya" (D at T 21:4–5).

Pagkatapos ay nagbigay ng dakilang pangako ang Tapagligtas sa mga yaong masunurin: "Sapagkat sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan" (D at T 21:6).

Makaraan ang isa't kalahating taon, idinagdag ng Panginoon sa mahalagang pangakong iyon ang mahigpit na babalang ito: "At ang bisig ng Panginoon ay ipahahayag; at darating ang araw na sila na hindi makikinig sa tinig ng Panginoon, ni sa tinig ng kanyang mga tagapaglingkod, ni tatalima sa mga salita ng mga propeta at apostol, ay ihihiwalay sa mga tao" (D at T 1:14).

"Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon, ay sinabi ko, at hindi ko binibigyang-katwiran ang aking sarili; at bagaman ang kalangitan at ang lupa ay lilipas, ang aking salita ay hindi lilipas, kundi matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa" (D at T 1:38).

Hindi maliit na bagay, mga kapatid, na magkaroon ng isang propeta ng Diyos sa ating kalipunan. Dakila at maganda ang mga pagpapalang dumarating sa ating buhay habang nakikinig tayo sa salita ng Diyos na ibinibigay sa atin sa pamamagitan niya. Kasabay nito, ang pagkaalam na propeta ng Diyos si Pangulong Gordon B. Hinckley ay naggagawad sa atin ng responsibilidad. Kapag naririnig natin ang payo ng Panginoon na ipinahayag sa pamamagitan ng mga salita ng Pangulo ng Simbahan, dapat na positibo at maagap ang ating tugon. Ipinakita ng kasaysayan na may kaligtasan, kapayapaan, kasaganaan at kaligayahan sa pagtugon sa malapropesiyang payo na gaya ng ginawa ni Nephi nang sinauna: "Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon" (1 Ne. 3:7).

Alam natin ang karanasan ni Naaman na nagkaroon ng ketong at nang malaon ay nakipag-ugnayan sa propetang si Eliseo at sinabihang "yumaon at maligo sa Jordan na makapito, at ang iyong laman ay sasauli sa iyo, at ikaw ay magiging malinis" (II Hari 5:10).

Noong una, ayaw sundin ni Naaman ang payo ni Eliseo. Hindi niya maunawaan ang ipinagagawa sa kanya--na maligo nang makapitong ulit sa ilog ng Jordan. Sa madaling salita, hinahadlangan siya ng kanyang kapalaluan at katigasan ng ulo sa pagtanggap sa pagpapala ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Nagpapasalamat, sa wakas ay lumusong siya, at "sumugbong makapito sa Jordan, ayon sa sabi ng lalake ng Dios: at ang kanyang laman ay nagsauling gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis" (II Hari 5:14).

Nakapagpapakumbabang bagay marahil iyon kay Naaman na matanto kung gaano muntik nang mahadlangan ng kanyang sariling kapalaluan at pagtangging makinig sa payo ng propeta ang pagtanggap niya ng gayon kadakila, nakapagpapalinis na pagpapala. At nakapagpapakumbabang bagay ang maisip kung ilan sa atin ang maaaring hindi makaranas ng mga dakila at ipinangakong pagpapala dahil hindi natin pinakikinggan at ginagawa ang mga simpleng bagay na ipinagagawa sa atin ng ating propeta ngayon.

Noong nakaraang taon, halimbawa, nagpahayag ng tatlong mahahalagang pananalita si Pangulong Hinckley tungkol sa pagpapalakas ng pamilya, at lalung-lalo na ng mga kabataan at mga binata't dalaga ng Simbahan. Una ay tuwiran siyang nangusap sa paksang ito sa mga ina sa pangkalahatang pulong ng Samahang Damayan noong Oktubre. Pagkatapos ay nangusap siya sa mga ama at pinuno ng pagkasaserdote sa sesyon ng pagkasaserdote sa pangkalahatang komperensiya. Natatandaan ba ninyo, mga ama? Ipinaalala niya sa inyong mga magulang na "magkasama kayo ng ating Ama sa Langit sa pagbigay ng karanasang mortal sa Kanyang mga anak. Sila ay mga anak Niya at mga anak ninyo, laman ng inyong laman, na para kanino ay mananagot kayo sa Kanya" ("Your Greatest Challenge, Mother," Liahona, Ene. 2001, 113).

Pagkatapos, noong Nobyembre mula sa pulpitong ring ito, nangusap si Pangulong Hinckley sa lahat ng kabataan ng Simbahan. Sa taos-pusong pagtuturong di malilimutan, hinamon niya ang mga kabataan ng Simbahan na magtakda ng layunin para sa kanilang sarili na maging mapagpasalamat, matalino, malinis, matapat, mapagpakumbaba at mapanalangin. Ang anim na "M," na siyang tawag ni Pangulong Hinckley sa mga ito, ay kahanga-hangang pamantayan para sa lahat ng Banal sa mga Huling Araw. Inulit Niya ang mga alituntuning ito sa mga kabataang babae sa pulong nila noong nakaraang linggo, at naniniwala akong naaangkop ito sa mga ina at ama gaya ng sa mga kabataan at mga nasa hustong gulang. Bilang mga magulang at pinunong nasa hustong gulang, hindi natin maaasahan ang ating mga kabataan na maging seryoso sa mga bagay na sinasabi sa kanila ng propeta kung magpapakita tayo ng pagwawalang-bahala sa ating sariling buhay sa payong Kanyang ibinigay.

Mahalagang alalahanin na nagsumamo si Pangulong Hinckley sa Panginoon alang-alang sa ating mga kabataan. Sabi niya, "Nais kong malaman ninyo na lumuhod ako at nagsumamo sa Panginoon na basbasan ako ng lakas at kakayahan at pananalita upang maantig ko ang inyong puso" ("A Prophet's Counsel and Prayer for Youth," Liahona, Abr. 2001, 30).

Sa sesyon ng pagkasaserdote sinabi ni Pangulong Hinckley: "Nawa'y maibahagi [ng inyong mga anak] ang kanilang pasanin sa inyo, mga ama at ina. Nawa ay makinig kayo, maging mapagpasensiya at maunawain, upang mapalapit sila sa inyo at maaliw at maalalayan ninyo sila sa kanilang kalungkutan. Manalangin para sa direksyon, para sa pasensiya, para sa lakas na magmahal kahit na maaaring mabigat ang pagkakasala, para sa pag-unawa at kabutihan at, higit sa lahat, para sa katalinuhan at inspirasyon" (" 'Great Shall Be the Peace of Thy Children,' " Liahona, Ene. 2001, 67).

Napag-aralan na ba natin ang payo niya at natukoy ang mga bagay na kailangan nating iwasan o gawin nang kakaiba? May kilala akong labimpitong-taong-gulang na nakapagpabutas na ng kanyang mga tainga nang makalawang beses bago ang pananalita ng propeta. Umuwi siya galing sa fireside, inalis ang pangalawang pares ng mga hikaw, at sinabi sa kanyang mga magulang, "Kung sinabi ni Pangulong Hinckley na isang pares ng mga hikaw lamang ang dapat nating isuot, sapat na iyon para sa akin."

Ang pagsusuot ng dalawang pares ng mga hikaw ay maaari o hindi maaaring magkaroon ng walang hanggang katuturan para sa dalagitang ito, ngunit ang kanyang pagkukusang sundin ang propeta ay mayroon. At kung susundin niya siya ngayon, sa isang simpleng bagay, magiging mas madali niyang sundin siya kapag may mas malalaking usapin na ang nakasalang.

Nakikinig ba tayo, mga kapatid? Naririnig ba natin ang mga salita sa atin ng propeta bilang mga magulang, pinuno ng kabataan, at kabataan? O pinahihintulutan natin ang ating sarili, gaya ng ginawa ni Naaman noong una, na mabulag ng kapalaluan at katigasan ng ulo, na makahahadlang sa atin na matanggap ang mga pagpapalang nanggagaling sa pagsunod sa mga turo ng propeta ng Diyos?

Ngayo'y nangangako ako sa inyo, simple ito, pero totoo. Kung makikinig kayo sa buhay na propeta at apostol at didinggin ang aming payo, hindi kayo maliligaw.

Ngayon, mga kapatid at kabataan ng Simbahan, huwag sana ninyong palagpasin ang pagkakataong mag-usap-usap na magpapamilya at talakayin ang payong ibinigay ni Pangulong Hinckley. Mga magulang, turuan ang isa't isa at ang inyong mga anak sa mga gabing pantahanan at pagpupulong ng mag-anak. Mga pinuno, alamin at ituro ang mga alituntuning ito sa mga aralin at pulong ng pamunuan at talakayin sa mga pulong ng kapulungan sa purok at istaka kung paano pagpapalain ang buhay ng ating mga miyembro, kapwa bata at matanda. Lahat ng tatlong pananalita ng Pangulo, kasama ang mga mensahe sa mga kabataan mula sa kanyang mga tagapayo, ay nailathala sa mga magasing Ensign at Liahona. Ang Pananalita ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa mga Magulang at Kabataan ay mapapanood na ngayon sa video at magandang gamitin sa gabing pantahanan ng mag-anak at sa mga pakikipagtalakayan ng obispo sa mga kabataan. Mga obispo, hindi namin ipinadala ito sa inyo upang manatili lamang sa inyong kabinet. Mangyaring tiyakin lamang na muling marinig ito ng mga kabataan sa inyong purok at maunawaan at mangakong mamumuhay ayon sa direksyon ng Pangulo ng Simbahan.

Ngayo'y tuwiran akong magsasalita sa mga kabataan ng Simbahan sa mahalagang paksang ito na pagsunod sa propeta. Sa mga paglalakbay ko sa buong Simbahan nitong mga nakaraang buwan napansin kong marami sa inyo ang masiglang sumusunod sa kanyang payo. Marami sa inyo ang nakapagpasiya na na maging mas maayos kaysa rati at mas nagsisikap na umiwas sa masamang pananalita, matalinong pumili ng mga kaibigan, lumayo sa pornograpiya at bawal na gamot, na hindi dumalo sa masasamang konsiyerto at mapapanganib na pagtitipon, na igalang ang inyong katawan at manatiling malinis sa lahat ng paraan. Sa inyong hindi pa nakikinig, binabalaan ko kayong huwag balewalain ang payo ng Pangulo ng Simbahan. Malinaw siyang nagsalita sa inyo. Pag-aralan ang kanyang mga salita at sikaping sundin ang mga ito. Totoo at mula sa Diyos ang mga ito. Hinihimok namin kayong nangangailangang magsisi na sumulong nang may pananalig at maging malinis sa harapan ng Panginoon. Bawat isa sa inyo ay naghahanda na ngayong maging pinuno ng Simbahan sa hinaharap, at kailangan namin kayong maging malinis at nananalig at matapat sa Panginoon.

Huwag kalilimutan kailanman ang nadamang kahalagahan ninyo sa narinig ninyong panalangin para sa inyo ni Pangulong Hinckley. Nadama ba ninyo kung gaano kayo kahalaga sa kanyang dalangin? "Pagpalain Ninyo sila upang makalakad sila nang marapat sa harapan Ninyo bilang Inyong mga anak. Bawat isa ay Inyong anak na may kakayahang gumawa ng mga dakila at mararangal na bagay" (Liahona, Ene. 2001, p. 41).

Ngayon mga kapatid, mangyaring bigyang-pansin ang mga bagay na iyon na itinuro ng mga pinuno ng Simbahan sa pangkalahatang komperensiyang ito. Ipamuhay ang mga turong makatutulong sa inyo at sa inyong pamilya. Lahat tayo, anuman ang kalagayan ng ating pamilya, dalhin natin sa ating tahanan ang mga turo ng mga propeta at apostol upang palakasin ang ating mga ugnayan sa isa't isa at sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo. Ipinangangako ko sa inyo sa pangalan ng Panginoon na kung makikinig kayo hindi lamang sa pamamagitan ng tainga, kundi gayundin sa inyong puso, ihahayag sa inyo ng Espiritu Santo ang katotohanan ng mga mensaheng ipinahayag ni Pangulong Hinckley, ng kanyang mga tagapayo, ng mga Apostol, at iba pang pinuno ng Simbahan. Hihikayatin kayo ng Espiritu na malaman kung ano ang inyong gagawin mag-isa man o bilang pamilya sa pagsunod sa aming payo upang lumakas ang inyong mga patotoo at magkaroon kayo ng kapayapaan at kagalakan.

Mga kapatid, pinatototohanan ko sa inyo na naipanumbalik na sa mundo ang kabuuan ng walang katapusang ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Pinagpala tayo ngayon na magabayan ng propeta ng Diyos na si Pangulong Gordon B. Hinckley. Nawa'y makinig tayo at gawin pagkatapos ang mga bagay na yaon na itinuro niya sa atin ang aking mapagkumbabang dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy