The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2001
Ang Himala ng Pananampalataya

Ang Himala ng Pananampalataya

Pangulong Gordon B. Hinckley

"Ang pananampalataya ang saligan ng patotoo. Ang pananampalataya ang pundasyon ng katapatan sa Simbahan. Ang pananampalataya ay sumasagisag sa pagsasakripisyo, na malugod na ipinagkakaloob sa pagpapasulong ng gawain ng Panginoon."

Pangulong Gordon B. Hinckley

Salamat sa kahanga-hangang awit ng koro. Bagama't lumipas na ang ilan sa aking panahon, napahihinuhod ako dahil sa napakagandang musikang iyan. Salamat, Brother Ballard, sa pagbibigay muli ng aking talumpati.

Mga minamahal kong kapatid, nais kong ipaabot ang pagmamahal ko sa inyo saanman kayo naroron ngayong umaga ng Sabbath. Itinuturing ko kayong lahat na miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang kapamilya ko. Mahal ko ang gawaing ito, at ako'y namamangha sa lakas at pag-unlad nito, sa paraan na inaantig nito ang buhay ng mga tao sa buong mundo. Lubos ang aking kapakumbabaan na magsalita sa inyo. Nagsumamo ako sa Panginoon na gabayan ang aking isipan at mga sasabihin.

Kababalik lamang namin mula sa malayong paglalakbay mula sa Lungsod ng Salt Lake, kami ay nagtungo sa Montevideo, Uruguay, upang magtalaga ng templo, ang ika-isang daan at tatlong gumaganang templo ng Simbahan. Panahon iyon ng kagalakan para sa ating mga miyembro doon. Libu-libo ang nagtipon sa maganda at sagradong gusaling iyon, at sa mga nakapalibot na kapamilya kung saan isinahimpapawid ang mga paglilingkod.

Isa sa mga tagapagsalita, isang babae, ang nagkuwento ng katulad nito na maraming beses na ninyong narinig. Sa naalaala ko, ikinuwento niya ang panahon sa buhay nila nang kumatok sa kanilang pinto ang mga misyonero. Wala siyang kahit na anong ideya tungkol sa mga itinuturo nila. Gayunman, pinapasok niya sila, at nakinig silang mag-asawa sa kanilang mensahe.

Ito, para sa kanila, ay isang hindi kapani-paniwalang kuwento. Ikinuwento ng mga misyonero ang tungkol sa isang batang lalaki na nanirahan sa estado ng New York. Siya ay labing-apat na taong gulang nang magbasa siya sa aklat ni Santiago: "Ngunit kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Diyos, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat: at ito'y ibibigay sa kaniya" (Santiago 1:5).

Dahil naghahangad siya ng karungan, sapagkat ipinapahayag ng bawat iba't ibang sekta na nasa kanila ang katotohanan, nagpasiya ang batang si Joseph na magtungo sa kakahuyan at manalangin sa Panginoon.

Kanyang ginawa ito, at nagkaroon siya ng pangitain bilang sagot sa kanyang panalangin. Ang Diyos, ang Walang Hanggang Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ang Nabuhay na Mag-uling Panginoon, ay nagpakita sa kanya at nakipag-usap sa kanya.

Kasunod nito ang iba pang pagpapakita. Kabilang sa mga ito ang pagkuha mula sa isang burol ng mga laminang ginto na malapit sa kanyang tahanan na isinalin niya sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.

Nagpakita sa kanya ang mga sugo sa langit, ipinagkaloob sa kanya ang mga susi ng pagkasaserdote at ang awtoridad na magsalita sa pangalan ng Diyos.

Paano paniniwalaan ng sinuman ang gayong kuwento? Ito'y parang isang gawa-gawa lamang. Ngunit gayunman, naniwala ang mga taong ito nang sila'y turuan. Dumating sa puso nila ang pananampalataya upang matanggap ang mga bagay na itinuro sa kanila. Ito'y isang himala. Ito'y kaloob mula sa Diyos. Hindi sila makapaniwala, ngunit gayunman sila'y naniwala.

Pagkatapos ng kanilang pagbibinyag, lumago ang kaalaman nila tungkol sa Simbahan. Natutuhan pa nilang lalo ang kasal sa templo, ang pagsasama ng mag-anak sa kawalang-hanggan sa ilalim ng awtoridad ng banal na pagkasaserdote. Determinado silang matanggap ang pagpapalang ito. Subalit walang templo na malapit sa kanila. Sila'y nagtipid at nag-ipon. Nang sapat na ang kanilang ipon, sila'y naglakbay mula Uruguay patungong Utah kasama ang kanilang mga anak, upang mabuklod dito bilang mag-anak sa ilalim ng walang hanggang kasal. Katuwang siya ngayon ng matron sa bagong Templo ng Montevideo sa Uruguay. Ang kanyang asawa ay tagapayo sa panguluhan ng templo.

Hindi ako nagtataka na kaunti lamang ang sumasapi sa Simbahan mula sa napakalaking bilang ng mga tinuturuan ng mga misyonero. Wala silang pananampalataya. Sa kabilang dako, nagugulat ako na maraming naniniwala. Ito'y isang kahanga- hanga at kamangha-manghang bagay, na libu-libo ang naaantig ng himala ng Banal na Espiritu, na sila'y naniwala at tumanggap at naging miyembro. Nabinyagan sila. Naimpluwensiyahan magpasawalang-hanggan ang kanilang buhay sa kabutihan. Nagaganap ang mga himala. Dumarating sa kanilang mga puso ang binhi ng pananampalataya. Lumalaki ito habang sila'y natututo. At tumatanggap sila ng alituntunin tungo sa isa pang alituntunin, hanggang sa matanggap nila ang bawat isa sa mga kamangha-manghang pagpapala na dumarating sa mga lumalakad sa pananampalataya sa simbahang ito, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ang pananampalataya ang tagapagbalik-loob. Ang pananampalataya ang siyang guro.

Gayon ito mula pa sa simula.

Namamangha ako sa uri ng kalalakihan at kababaihan na tumanggap sa patotoo ni Joseph Smith at sumapi sa Simbahan. Kabilang dito ang kalalakihan na gaya ni Brigham Young, ang magkapatid na Pratt, Willard Richards, John Taylor, Wilford Woodruff, Lorenzo Snow, ang mga asawa ng kalalakihang ito, at marami pang iba. Sila ay mga taong may katatagan. Marami sa kanila ang edukado. Pinagpala sila ng Panginoon ng pananampalataya na tanggapin ang kuwento na kanilang narinig. Nang tanggapin nila ang mensahe, nang maimpluwensiyahan ang buhay nila ng kaloob na pananampalataya, sila'y nabinyagan. Masayang tinalikuran ng mga kapatid ang kanilang ginagawa at, taglay ang suporta ng kanilang pamilya, ay tumugon sa tawag na tumawid sa dagat upang ituro ang mga bagay na tinanggap nila batay sa pananampalataya

Muli kong binasa noong isang araw ang salaysay ni Parley P. Pratt tungkol sa pagbabasa niya ng Aklat ni Mormon at ang pagsapi niya sa Simbahan. Sinabi niya:

"Binuklat ko ito nang may pananabik, at binasa ang pamagat na pahina nito. Pagkatapos ay binasa ko ang patotoo ng ilang saksi hinggil sa kung paano ito natagpuan at naisalin. Pagkatapos nito ay sinimulan kong basahin ito nang sunud-sunod. Nagbasa ako nang buong araw; pabigat lamang ang kumain, wala akong ganang kumain; pabigat lamang ang pagtulog nang dumating na ang gabi, sapagkat mas nais kong magbasa kaysa matulog.

"Sa aking pagbabasa, ang Espiritu ng Panginoon ay sumaakin, at nalaman at naunawaan ko na ang aklat ay totoo, gaya ng kung gaano kalinaw at kasimple na nauunawaan ng tao na siya ay umiiral" (Autobiography of Parley P. Pratt, inedit ni Parley P. Pratt Jr. [1938], 38).

Naimpluwensiyahan ng kaloob na pananampalataya ang kanyang buhay. Kulang ang anumang kanyang magagawa upang makabayad sa Panginoon sa bagay na dumating sa kanya. Iniukol niya ang mga nalalabing araw ng kanyang buhay sa gawaing misyonero. Siya'y namatay, isang martir sa dakilnag gawain at kahariang ito.

Bago at magagandang templo ang itinatayo ngayon sa Nauvoo, Illinois, at sa Winter Quarters, Nebraska. Ang mga ito ay magsisilbing patotoo sa pananampalataya at katapatan ng libu-libong Banal sa mga Huling Araw na nagtayo at pagkaraan ay nilisan ang Nauvoo, upang magpatuloy na magdusa patawid sa ngayon ay Estado ng Iowa patungo sa kanilang pansamantalang tirahan sa Council Bluffs at sa Winter Quarters sa gawaing hilaga ng Omaha.

Ang lupa na sakop ng Templo ng Winter Quarters ay karugtong lamang ang libingan ng marami sa nagbigay ng kanilang buhay para sa layuning ito na kanilang itinuring na higit na mahalaga sa buhay mismo. Ang kanilang paglalakbay patungo sa lambak ng Great Salt Lake ay isang adhikain na walang kapantay. Ang pagdurusa na kanilang tiniis, ang mga sakripisyo na kanilang ginawa, and siyang naging katumbas ng kanilang pananiniwalaan.

Naroon sa aking tanggapan ang maliit na rebulto ng lolo kong tagabunsod na inililibing sa tabing daan ang kanyang asawa at ang kapatid na lalaki ng kanyang asawa na namatay nang araw ding iyon. Kasunod nito ay kinarga niya ang kanyang maliit na anak at dinala sa lambak na ito.

Pananampalataya ba ito? Wala nang dapat ipag-alinlangan. Kapag dumating ang pag-aalinlangan, kapag humagupit ang trahedya, ang payapang tining ng pananampalataya ay naririnig sa katahimikan ng gabi na kasing tiyak ng kinaroroonan ng bituin sa hilaga sa kalangitan.

Ang mahiwaga at kamangha-manghang pagpapamalas na ito ng pananampalataya na naghatid ng katiyakan, na nagsalita nang may katiyakan, na dumating bilang kaloob mula sa Diyos hinggil sa dakilang gawain sa mga huling araw. Hindi mabibilang, sadyang hindi mabibilang, ang mga nagpamalas ng pananampalataya sa panahon na itinataguyod ang Simbahan. Subalit hindi ito tumitigil doon.

Kung ano noon, ganoon din naman ngayon. Ang mahalaga at kamangha-manhang kaloob na pananampalatayang ito, ang kaloob na ito na mula sa Diyos ang ating Amang Walang Hanggan, ay ang siya pa ring lakas ng gawaing ito at ang tahimik na tibok ng mensahe nito. Ang pananampalataya ang pundasyon ng lahat ng ito. Ang pananampalataya ang sustansiya ng lahat ng ito. Maging ito man ay pagtungo sa misyon, pamumuhay sa Salita ng Karunungan, pagbabayad ng ikapu, pawang magkatulad ang mga ito. Ito ay pananampalataya na nasa atin na makikita sa lahat ng ating ginagawa.

Hindi ito mauunawaan ng mga bumabatikos sa atin. Dahil hindi nila nauunawaan, sila ay nanunuligsa. Ang tahimik na pagtatanong, ang masidhing pagnanais na maunawaan and alituntunin sa likod nag pangyayari, ay makapaghahatid ng mas malaking pag-unawa at pasasalamat.

Minsan ay tinanong ako sa isang pakikipagkomperensiya sa balita kung paano natin nahihikayat ang mga miyembro na iwan ang kanilang hanapbuhay, tahanan, at maglingkod sa Simbahan.

Sinabi ko sa kanila na hinihilingan lamang namin sila, at alam namin kung ano ang kanilang isasagot.

Tunay na kamangha-manha at kahanga-hanga ang bagay na ito, ang matibay na paniniwalang ito, na nagsasabing ang Simbahan ay totoo. Ito'y banal na gawain ng Diyos. Pinamumunuan Niya ang mga bagay sa Kanyang kaharian at ang buhay ng Kanyang mga anak. Ito ang dahilan ng pag-unlad ng Simbahan. Hindi matatagpuan ang lakas ng gawain at kahariang ito sa temporal na mga pag-aari nito, gaano man ito kahanga-hanga. Matatagpuan ang mga ito sa puso ng mga miyembro nito. Dahil dito ito'y matagumpay. Dahil dito, ito'y malakas at umuunlad. Dahil dito'y nagagawa nitong maisakatuparan ang mga kamangha-manghang bagay na ginagawa nito. Lahat ng ito'y nagmumula sa kaloob na pananampalataya, na ipinagkakaloob ng Makapangyarihan sa Kanyang mga anak na hindi nag-aalinlangan at hindi natatakot, ngunit patuloy na sumusulong.

Dumalo ako sa isang pulong sa Aruba noong isang gabi. Malakas ang loob kong sabihin na karamihan sa nakikinig sa akin ay hindi alam kung saang lugar ang Aruba, o kung mayroon ngang ganitong lugar. Isa itong isla malayo sa baybayin ng Valenzuela. Ito'y nasa ilalim ng pamamahala ng Netherlands. Isa itong napakaliit na lugar sa napakalaking daigdig na ito. May mga isandaan at walumpu ang nasa pulong iyon. Sa upuan sa harap naroon ang walong misyonero: anim na elder at dalawang sister. Binubuo ang kongregasyon ng kalalakihan at kababaihan, mga batang lalaki at babae na pinaghalu-halong lahi. May nagsasalita ng kaunting Ingles, karamihan ay Kastila, at may ilang nababanggit na salita mula sa ibang wika. Habang tinitingnan ko ang mga mukha ng kongregasyon iyon, naisip ko ang pananampalataya na naroon. Mahal nila ang Simbahang ito. Pinasasalamatan nila ang lahat ng nagagawa nito. Sila'y tumatayo at nagpapatotoo tungkol sa katotohanan ng Diyos ang Walang Hanggang Ama at ang Kanyang Nabuhay na Mag-uling Minamahal na Anak, ang Panginoong Jesucristo. Nagpapatotoo sila hinggil kay Propetang Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon. Sila'y mga naglilingkod saanman sila tinawag na maglingkod. Sila'y kalalakihan at kababaihan ng pananampalataya na niyakap ang tunay at buhay na ebanghelyo ng Guro, at sa gitna nila ay naroroon ang walong misyonerong iyon. Alam ko na malungkot na lugar iyon para sa kanila. Subalit ginagawa nila ang bagay na ipinagagawa sa kanila sa kanilang pananampalataya. Ang dalawang kabataang babae ay magaganda at masasaya. Habang tinitingnan ko sila, sinabi ko sa aking sarili, Napakahabang pahanon ang labingwalong buwan para manatili sa malayong lugar na ito. Subalit hindi sila dumadaing. Ikinukuwento nila ang magagandang karanasan nila doon at ang mabubuting tao na kanilang nakakasalamuha. Ang nagniningning sa lahat ng kanilang paglilingkod ay ang nagbibigay katiyakang pananamplataya na totoo ang gawain na kanilang ginagawa, at ang paglilingkod na kanilang ibinibigay ay ipinagkakaloob sa Diyos.

Totoo ang bagay na ito sa ating mga misyonero, saanman sila naglilingkod, maging ito man ay sa Lungsod ng Salt Lake o sa Mongolia. Humahayo at naglilingkod sila nang may pananampalataya sa kanilang mga puso. Ito'y napakalaking kaganapan na banayad na nagsasabing, "Ang gawaing ito ay totoo, at mararamdaman mong obligasyon mo ang maglingkod anuman ang maging kabayaran nito."

Muli, hindi ito mauunawaan ng mga tao, ang libu-libong matatalino at may kakayahang kabataang lalaki at babaeng ito na tinalikuran ang buhay sa labas, iniwan ang pag-aaral, at hindi iniisip ang sarili ay naglilingkod saanmang lugar sila ipadala para ituro ang ebanghelyo. Humahayo sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pananampalataya at nagtuturo sila sa pamamagitan ng pananampalataya na nagtatanim ng binhi ng pananampalataya dito at doon, na lumalago at nagiging ganap sa mga bagong kasapi na may lakas at kakayahan.

Ang pananampalataya ang saligan ng patotoo. Ang pananampalataya ang pundasyon ng katapatan sa Simbahan. Ang pananampalataya ay sumasagisag sa pagsasakripisyo, na malugod na ipinagkakaloob sa pagpapasulong ng gawain ng Panginoon.

Inutusan tayo ng Panginoon na taglayin natin sa ating sarili "ang kalasag ng pananampalatay at sa pamamagitan nito ay masusubuhan ninyo ang lahat ng nag-aapoy na sibat ng masama" (D at T 27:17).

Sa diwa ng pananampalataya na aking binanggit, ako'y nagpapatotoo na gawain ito ng Panginoon, na ito ay kaharian Niya, na ipinanumbalik sa lupa sa ating panahon upang pagpalain ang mga anak ng Diyos sa lahat ng salinlahi.

O Ama, tulungan po Ninyo kami maging matapat sa Inyo at sa aming maluwalhating Manunubos, upang mapaglingkuran Kayo sa katotohanan, na magawa ang paglilingkod na iyon na siyang pahiwatig ng aming pagmamahal, ang aking mapagpakumbabang panalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy