The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2001
Pasasalamat at Paglilingkod

Pasasalamat at Paglilingkod

Elder David B. Haight
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Nawa'y magkaroon kayo ng nag-aalab na damdamin sa inyong puso. Nawa'y madama ninyo katulad ko sa araw na ito na totoo ang gawaing ito at nangangahulugan ito para sa atin na tumulong na mapalaganap ang walang hanggang plano ng kaligtasan at kadakilaan."

Elder David B. Haight

Mga minamahal kong kapatid, nananalangin ako na mapasaakin ang mga pagpapala ng langit sa sandaling ito na narito ako sa pulpito ngayong hapong ito. Nais kong magpasalamat sa mga taong nagkaroon ng impluwensiya sa aking buhay.

Ilarawan sa inyong isipan ang ika-1 ng Mayo, 1890. Isang binata at dalaga sa maliit na bayan, mga 250 milya ang layo mula sa templo ng Logan, ang nagpasyang magpakasal. Walang haywey. Walang maayos na kalsada, subalit mayroong daan sa mga palumpong at sa dinadaanan ng bagon.

Marahil aabutin ng anim o pitong araw ang paglalakbay. Kapag Mayo, umuulan sa dakong timog ng Idaho at sa Utah. Ilarawan na nakasakay kayo sa karuwahe dala ang lahat ng inyong damit--at iba pa, siguro para sa mga kabayo, may mga baong pagkain. Wala silang magaganda at panlamig na kasuotan. Walang gamit na tulugan, lampara o lutuan. Mayroon silang posporo at naghahanap ng mga tuyong palumpong upang makapagluto.

Panandalian ninyong ilarawan ito sa inyong isipan at isipin ang aking pasasalamat at ang mga pagpapala na dinala nila sa aking buhay sa paglalakbay sa isang malayong lugar upang magpakasal. Mahirap ba iyon? Hindi iyon problema; gagawin nila iyon. At alalahanin ang nangyari sa ilang nakalipas na taon kay Pangulong Hinckley--ang pagkakaroon niya ng inspirasyon at tagubilin sa pagtatayo ng mga templo sa buong mundo. At isipin ang napagdaanan ng mga tao sa nakalipas na ilang taon.

Dumating ang mga pagpapalang iyon sa aking buhay mula sa aking mga magulang at sa aking mga lolo't lola na nakaapekto sa aking buhay--mga guro at mabubuting tao na nakasalamuha ko.

Nang ako'y 11 taong gulang, isang lalaki ang dumating sa aming maliit na bayan upang magturo sa akademya ng Simbahan. Marunong siya nang kaunti ng biyolin, at sa mahabang panahon wala kaming taong marunong magbiyolin. Nasiyahan ang aking ina at bumili ng isang mura at maliit na biyolin, at nagpasiyang dapat akong mag-aral magbiyolin.

Bagama't wala akong nakikita na nagbibiyolin, nagtungo siya sa aming bahay at sinimulan akong turuan ng ilang simpleng aralin sa pagbibiyolin. Medyo mahusay na ako sa panahong magtatapos na kami sa ikawalong grado, at sa seremonya ng aming pagtatapos na ginanap sa mataas na paaralan, ako ay nahilingang magbiyolin nang solo.

Sinanay kong mabuti ang "Traumerei," sa pagkakaalala ko ng pangalan nito. Ang aking ate na matanda nang apat na taon sa akin na isa sa mga sikat na babae sa hayskul noon ang aking piyanista. Sa pagtatapos, si Connie McMurray ang nagtamo ng unang karangalan. Mas magagaling sa tuwina ang mga babae kaysa mga lalaki sa paaralan. Habang ibinibigay niya ang kanyang talumpati, may isang maliit na pedestal na may isang pitsel ng tubig at baso para sa mga miyembro ng lupon ng paaralan. Nasa entablado ang mga ito at kami na iilan lamang na magtatapos sa ikawalong grado.

Sa pagtatapos ng pagtatalumpati ni Connie McMurray, napansin namin ang maliit na doyli sa ilalim ng pitsel ng tubig sa pedestal na dumadausdos sa malapit sa dulo ng mesa, at kasabay nito nahulog ang pitsel at baso! Namutla nang husto si Connie McMurray.

Sa pagmamadali na linisin ang ang tubig sa entablado at ayusing muli ang mga upuan, ipinahayag nila na magtatanghal nang solo sa pagbibiyolin si David Haight. Nadaanan ko ang maliit at lumang piyano, at tumayo ang aking ate. Kinuha ko ang maliit at simpleng biyolin sa lalagyan nito na yari sa kahoy habang naupo naman ang aking ate sa may piyano at tumipa ng A. Sinabi ko, "Tumugtog ka na."

Sinabi niyang, "David, itono mo muna iyan."

Sinabi ko, "Hindi na, naitono ko na ito sa piyano natin sa bahay." Mayroon kaming lumang Kimball na piyano sa bahay. Alam ninyo, nang mga panahong iyon sa tahanan--kung mayroon kayong piyano at mga aklat, iyon lamang ang kailangan ninyo sa pamilya. Naitono ko nang mabuti ang mga kuwerdas sa pihitan ng biyoling iyon, subalit hindi ko alam na hindi pala magkakatulad ang lahat ng piyano. Kaya nang sinabi ng aking ate na, "Itono mo iyan," sinabi kong, "Huwag na, naitono ko na lahat ito sa bahay."

Kaya tumugtog na siya ng pambungad, at tinugtog ko ang unang nota. Hindi kami nagkasabay ng mga dalawang nota.

Nang magpabagal siya, sinabi ko, "Ituloy mo ang pagtugtog," dahil hindi ko maisip na maatim ninuman na paghintayin ang isang kilalang grupo ng manonood na gaya ng tinutugtugan ko--alam ninyo na, 100 katao sa maliit na awditoryum ng hayskul na iyon. Hindi mo paghihintayin ang buong Carnegie Hall para lamang itono ang iyong biyolin! Sa pagawaan lang ginagawa ang gayon. Gagawin mo iyon sa likod ng tabing para kapag nagsimula ka nang tumugtog, aba, talagang handang- handa ka nang tumugtog.

Binagalan niya ang pagtugtog. Sinabi ko, "Ituloy mo ang pagtugtog." Natapos namin ito, at hindi niya ako kinausap nang ilang araw pagkatapos ng pagtatanghal na iyon.

Nais kong parangalan ang maliit na bayan na aking kinalakhan kasama ang aking mga magulang, kung saan ako inaruga at sila ay mabubuti at mababait sa akin. Nagpapasalamat ako sa kaalamang natamo ko mula sa aking mga mapagmahal na magulang.

Nagpapasalamat ako sa aking maybahay na si Ruby, na dumating sa aking buhay, sa aming mga anak, at sa aming mga apo, at apo sa tuhod, at sa mga tao na bahagi ng aking buhay ngayon na nagkaroon ng impluwensiya sa aking buhay. At umaasa ako na nakaimpluwensiya ako para sa ikabubuti ng kanilang buhay.

Naalala ba ninyo ang ulat tungkol sa pakikipag-usap ni Juan Bautista kina Juan ang Minamahal at Andres tungkol sa pangyayaring nakita sila ng Tagapagligtas. At sinabi ni Juan Bautista, "Narito, ang Cordero ng Dios!" (Juan 1:36). At nang makita ng Tagapagligtas ang mga kabataang lalaking iyon--sina Juan Bautista, Juan ang Minamahal, at Andres--sinabi Niyang, "Ano ang inyong hinahanap?"

At sa inulat na iyon na pag-uusap, sinabi ng isa sa kanila," saan ka tumitira?" (Juan 1:38).

At sinabi ng Tagapagligtas, "Magsiparito kayo, at inyong makikita" (Juan 1:39).

Sumunod sila sa Tagapagligtas, at ayon sa maikling ulat na nasa atin, sila ay nanatiling kasama Niya hanggang alas-tres ng hapon. Maaaring magkasama sila nang gabi, gayunpaman hindi natin alam kung saan Siya tumutuloy.

Kasama ng Tagapagligtas nang maraming oras sina Juan at Andres. Isipin ang makasama Siya o umupo at tumingin sa Kanyang mga mata o marinig ang Kanyang pagpapaliwanag kung sino Siya at kung bakit Siya narito sa lupa at marinig ang pagbabagu-bago ng tono ng Kanyang tinig sa paglalarawan na Kanyang mga sinabi sa mga kabataang lalaking iyon. Maaring nakamayan nila Siya. Maaring nadama nila ang kahanga-hangang katauhan habang nakikinig sila sa Kanya.

At kasunod ng pangyayaring iyon, sinabi ng ulat na hinanap ni Andres ang kanyang kapatid na si Simon sapagkat gusto niya itong ibahagi. Sa ating pagpupulong sa dakilang komperensiyang katulad nito at nangungusap tungkol sa ebanghelyo at tungkol sa responsibilidad at pagkakataong mayroon tayo, isipin kung iyon ang mangyayari sa sinuman sa atin, ang maparoon sa banal at kahanga-hangang personalidad na iyon at mapakinggan Siya at makamayan at matingnan ang Kanyang mga mata at marinig ang mga kailangan Niyang sabihin.

Nang matagpuan ni Andres ang kanyang kapatid na si Simon, sinabi nito sa kanya, "Nasumpungan namin ang Mesias" (Juan 1:41). Marahil ay sasabihin niya: "Nakasama namin Siya. Nadama namin ang Kanyang katauhan. Alam namin na totoo ang Kanyang sinasabi." Oo, kailangang ibahagi ito ni Andres sa isang tao.

Iyon ang ginagawa natin sa pagbabahagi ng nalalaman at nauunawaan natin. Nagpapasalamat ako sa aking kaalamang buhay ang Diyos, na Siya ang ating Ama, at sa pagkaunawa ko tungkol sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos ng buong sangkatauhan.

Nakatanggap ako ng sulat mga ilang araw na ang nakararaan mula sa isang lalaki sa Edinburgh, Scotland. Ang pangalan niya ay George Stewart. Magugulat siya sa pagbanggit ko nito, gayunpaman nais niya akong pasalamatan dahil noong siya ay 15 taong gulang (mga 40 taon na ang nakalilipas), ako ang siyang nangungulo sa misyon sa Scotland. Gusto niya akong pasalamatan sa mga misyonerong dumating sa kanilang tahanan sa Thornliebank, isa sa mga pook sa Glasgow. Sumapi siya sa Simbahan kasama ang kanyang ina.

Sinabi niyang sa pagkakaroon niya ng patotoo sa Aklat ni Mormon, sa pagbabasa niya nito at sa patuloy pang pagbabasa, hindi niya ito maiwan sapagkat alam niyang totoo ito. Patuloy siyang nagbasa at umunlad ang kanyang patotoo. Ikinuwento niya kung paano siya nakapunta sa tahanan ng misyon at ang kabutihan namin sa kanya at ang paggugol namin ng oras sa mga kabataan sapagkat dumadalo sila sa Mutual, na nagsisimula na sa sangay.

At ikinuwento niya rin ang mga dumating na pagpapala sa kanyang buhay nang siya'y isang binata na, nakilala niya ang kanyang mahal sa maliit na sangay na iyon--ang kanyang maybahay--at sila ay ikinasal at nagkaroon ng apat na anak: isang anak na lalaki na nagmisyon sa Washington D.C. Mission; isang anak na lalaki na nagmimisyon sa England Leeds Mission; isang anak na babae na ikinasal sa templo; at isa pang na naghihintay sa pagbabalik ng misyonero. Ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat sa lahat ng pagpapala na dumating sa kanyang buhay at sa buhay ng kanyang mga nagmisyong anak at sa kanyang mga anak na babae.

Sa loob ng nakalipas na 40 taon, naglingkod siya bilang obispo ng apat na beses sa apat na iba't ibang yunit, at nanglingkod naman ang kanyang maybahay bilang pangulo ng Samahang Damayan sa tatlong pagkakataon. Kasalukuyan siyang naglilingkod bilang tagapayo sa panguluhan ng istaka sa Edinburgh. Sinabi niyang, "Malapit na akong magretiro sa kompanyang pinapasukan ko. Nakaipon ako nang sapat at plano naming magmisyon ng aking asawa."

At pagkatapos sinabi niya sa akin ang mga salitang ito: "Ang kahanga-hangang Simbahang ito ay humubog ng sunud-sunod na himala sa aming buhay." Uulitin kong muli ito: "Ang kahanga-hangang Simbahang ito ay humubog ng sunud-sunod na himala sa aming buhay."

At sinabi niyang dumating ang ebanghelyo sa kanyang buhay, sa kanilang asawa, sa lahat ng kanyang anak, at sa kanyang mga apo. Aktibo ang mga apo sa Simbahan, at ngayon may matindi silang hangarin ng kanyang asawa na humayo sa sanlibutan kapag nagretiro na sila sa kanilang propesyon.

Kapag naisip ninyo ang kalakhan at ang bisa at espirituwal na patutunguhan ng gawaing ito sa sanlibutan at nangangahulugang ang gawaing ito ay dapat na umabot sa mga tao ng sa mundo, nakapananabik na pagbulay-bulayin lamang ang naghihintay sa atin sa hinaharap.

May Brother at Sister Andrus mula sa Walnut Creek, California, na naglingkod sa apat na misyon, at pagkatapos ay natawag sila na magtungo sa Zimbabwe at itinalaga sa distrito sa Bulawayo sa Zimbabwe. Ito ang ikalima nilang misyon.

Sa pagsasalaysay nila tungkol sa kahanga-hangang bagay na nagawa nila sa pagpapaaktibo sa mga tao, ikinuwento niya ang pagkakaroon ng maliit na organ sa kapilya at paano niya sinimulang turuang tumugtog ng organ ang mga batang lalaki at babae. Mayroon ding piyano sa kabilang silid, at nagklase siya kung saan naroon ang organ at ang piyano. Tinuturuan niya ang mga bata ng organ pagkatapos ng klase. Sinabi nila na nagsimula na sila sa pagkaklase para sa paghahanda sa templo sa proseso ng pagpapaaktibo, at bago sila umalis doon ay nakapagpapunta sila ng 28 katao sakay ng bus mula Bulawayo patungong Johannesburg at templo, 650 milya ang layo--dalawang araw at isang gabi. Sinabi nila "Nag-uusap kami kung paanong sa aming edad na magwawalumpu ngayon--ang dalawang matandang ito na nagpalibut-libot sa Africa ay may pinakadakilang panahon sa aming buhay, ang pinakamasaya na maaari naming makamtan."

Alalahanin si Dr. Alan Barker, na nagretiro mula sa Salt Lake Clinic, isang dalubhasa sa puso rito sa Salt Lake, na kasama ang kanyang maybahay, ay tinanggap ang tawag na magmisyon sa Pilipinas. Habang sila ay naroroon, nakagawa sila ng mga dakilang gawain sa pagtulong sa paggagamot ng malulubhang sakit. Matagal na siya roon upang makatulong na makahanap ng lunas sa sakit at nakatamo ng mga kinakailangang kagamitan sa panggagamot.

Ang mga ito ay halimbawa ng mga dakilang paglilingkod na ibinigay ng matatandang mag-asawang misyonero sa iba't ibang bahagi ng mundo.

Iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal, ang aking patotoo na buhay ang Diyos, na totoo ang gawaing ito. Hindi ninyo mahahanap ang salitang pagreretiro sa Biblia. Sa palagay ko hindi rin ninyo ito mahahanap sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Hindi ba kapana- panabik na isipin kung ano an g mangyayari sa ating buhay ngayon at ang mga posibilidad na naghihintay sa atin sa hinaharap kung naniniwala at nauunawaan natin at may pananabik at dedikasyon tayo na ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo at pagpalain ang buhay ng mga tao?

Nawa'y pagpalain kayo. Nawa'y magkaroon kayo ng nag-aalab na damdamin sa inyong puso. Nawa'y madama ninyo katulad ko sa araw na ito na totoo ang gawaing ito, at nangangahulugan ito para sa atin na tumulong na mapalaganap ang walang hanggang plano ng kaligtasan at kadakilaan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy