The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2001
Nagkakaisa sa Pag-ibig at Patotoo

Nagkakaisa sa Pag-ibig at Patotoo

Elder John K. Carmack
Ng Pitumpu

"Ang mga miyembro ng Simbahan ay nagkakaisa kay Cristo, sa pag-ibig at patotoo. Ang landas ng dispensasyong ito patungo sa ating Tagapagligtas ay sa pamamagitan ni Joseph at ng Aklat ni Mormon."

Elder John K. Carmack

Labimpitong taon na ang nakalilipas, sa sesyon ng pangkalahatang komperensiya ng Linggo ng hapon, tinanggap ko ang gawaing ibinigay ni Pangulong Hinckley na magsalita bilang kinatawan ng anim na katatawag na Pitumpu sa pagtanggap ng aming tungkulin. Habang naghihintay akong makapagsalita sa kalagitnaan ng sesyon, napapagitnaan ako ng dalawang dakilang Apostol: sina Elder Marvin J. Ashton at Bruce R. McConkie. Nadama ko ang kanilang pag-ibig at suporta habang kinakabahan akong nakatingin sa kongregasyon ng mga Banal na nagtipon sa Tabernakulo, na apat na beses ang dami ngayon. Si Elder Ashton, na nahiwatigan ang aking nadarama, ay bumulong: "Alam kong nakakakaba ang tanawing iyan, pero kaibigan mo silang lahat." Nang tumayo ako upang magsalita sa unang pagkakataong iyon, nadama ko ang pag-ibig ng mga Banal sa akin. Mula noon, sa lahat ng dakong napuntahan namin, nadama namin ni Shirley ang gayunding pag-ibig at sinikap na tumbasan ito.

Kakaiba at mabisa ang pagkakaisa ng mga Banal. Namalas ko iyon at nadama sa lahat ng kontinente at pulo. Ang pagkakaisa ang pangunahing dahilan ng pagsulong ng Simbahan. Kung wala ito manghihina tayo. Katulad ng ipinaliwanag ni Jesus: "ang bawat bayan o bahay na nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili."1 Laganap ang paghahati-hati at mga pangyayaring sanhi nito sa mundo, ngunit "Ating mga puso'y nagkakaisa."2 May ganoon tayong pagkakaisa sa ilalim ng espirituwal na direksyon ng ating propeta. Hindi mahalaga ang ating yaman, katayuan sa buhay, o kulay ng balat. Lahat ay malayang magpakabusog sa ebanghelyo ni Jesucristo. Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo "na marami ang magsisipanggaling sa silangan at sa kanluran, at magsisiupong kasama ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, sa kaharian ng langit."3 Ang Simbahan ay unti-unting lumalaki, gaya ng malaking orkestrang patungo sa kasukdulan nito, na pinalalakas ang mga komunidad habang lumalaki ito.

Tinatamasa natin ang pagkakaisang iyon sa pamamagitan ng pag-ibig. Hindi ito binibili o ipinagpipilitan. Ang sa ati'y "humikayat,. . .at magpala nang may karunungan, pagmamahal, at liwanag.. . . Ngunit hindi pinipilit ang isipan ng tao."4 Kung hindi natin ito susundin, pinaliliit natin ang ating karapatang makilala bilang mga alagad ni Cristo. "Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pag-ibig sa isa't isa."5

Ang nagbibigkis na pag-ibig na iyon ay sinasamahan ng ating sari-sariling patotoo. Makatutugon ang halos lahat ng miyembro, kung tatawagin upang magpatotoo sa komperensiyang ito. Oo, nabibigkis tayo sa pag-ibig at patotoo.

Ang patotoo ko'y nakasalig sa matitibay na paniniwalang totoo ang Aklat ni Mormon at Tagapagligtas natin si Jesus. Nakatulong sa akin ang espirituwal na pundasyong ito na mapaglabanan ang mga hamon at alinlangan. Sinimulan kong basahin ang Aklat ni Mormon sa aking kabataan, at nagpatuloy, na natututuhan at ninanamnam ang diwa nito sa bawat pag-aaral.

Bilang isa sa huling grupo ng mga tinawag na misyonero bago natawag ang mga kabataang lalaki sa serbisyo-millitar para sa Digmaan sa Korea, sumali ako sa limang araw na pagsasanay sa Salt Lake Mission Home sa State Street. Isa sa mga tagasanay namin si Bryant S. Hinckley, isang kilalang pinuno ng Simbahan at nakapagpapasiglang guro. Inanyayahan niya ang mga nagtipong misyonero na ibahagi kung bakit nila pinaniwalaan na totoo ang Aklat ni Mormon. Naantig ako ng iba't ibang kadahilanang ibinahagi ng mga misyonero. Sa pagkakataong iyon, iminungkahi ko na, bilang karagdagan sa patotoo ng Espiritu Santo, nakintal sa isipan ko ang bilang ng mga kakaibang pangalan sa pagtukoy sa mga tao, lugar, hayop, at bagay sa Aklat ni Mormon.

Ngayon, 50 taon na ang lumipas, naiisip ko pa rin ang mga kakaibang pangalang ito. Nang ibalita ng isang mananaliksik na nakatuklas sila ng mga bato sa dakong timog ng Arabian Desert na may nakaukit na pangalang Nahom sa mga ito, nakinig ako. Lumalabas na ang mga ito ay mula pa noong 700 b.c. Nabasa natin na inilibing si Ismael sa lugar na tinawag na Nahom. Ang pangalang Nahom ay isa sa mga yaong natimo sa isipan ko.

Patuloy sa pagdami ang mga ebidensiya ng katotohanan ng Aklat ni Mormon. Nakatuklas si Jack Welch sa kanyang misyon sa Germany ng mga talata sa Aklat ni Mosias na malinaw na pinagbali-baligtad o hugis-X ang pagkakasulat. Ang tuklas na iyon ay ebidensiya ng sinauna kaysa makabagong akda. Tumutuklas at naglalathala pa ang mga iskolar ng mga bagong pagkaunawa sa sinasabi ng aklat at sa pagkakapahayag dito. Isang kilalang propesor sa literatura ang naglathala ng isang bagong aklat na naglalaman ng buong buhay niyang pag-aaral ng Aklat ni Mormon, na idinedetalye ang kahanga-hangang pagkakaiba-iba ng mga uri ng literatura nito.b.c. Nakakita ng ebidensiya ang mga dalubhasa sa estadistika na maraming nag-akda sa aklat. Bagama't nakadagdag ang mga ebidensiyang ito sa aking patotoo, nanatiling hindi natitinag at hindi nagbabago ang orihinal na makapangyarihang patotoo ng Espiritu Santo. Pabalik-balik din ito.

Iniisip ko rin kung lubos nating pinasasalamatan ang kahalagahan at lakas ng mga patotoo ng mga saksi na inilathala sa bawat kopya ng Aklat ni Mormon. Nakita nina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris ang mga lamina at ang anghel. Ipinakita rin ni Joseph ang mga laminang ginto sa walo pang kalalakihang nakakita at "nahawakan" ang mga ito.7 Kailanma'y hindi binawi ng mga saksing ito ang kanilang mga patotoo, ni sinabing mali ang mga ito. Ang walong karagdagang saksing yaon, sa katunayan, ay nagpatotoo: "Oo, nakita at nahawakan namin ang mga laminang iyon. Si Joseph ang may hawak nito." Naging mahalaga sa akin ang mga saksi. Sinabi ng Panginoon kay Joseph na pinatutunayan ng mga pahayag ng mga saksing ito "sa sanlibutan na ang mga banal na kasulatan ay totoo, at ang Diyos ay humihikayat ng mga tao at tinatawag sila para sa kanyang banal na gawain sa panahon at salinlahing ito, maging sa mga sinaunang salinlahi."8

Matapos matuklasang totoo ang aklat, dapat nating itanong: "Ano ang mensahe nito?" Si Alma--at sinabi rin ni Propesor Welch na natuklasan nila kailan lang ang gamit ng salitang Alma--si Alma, sa pagsasalita sa mga tao ng Gideon, ay binigyang-diin ang pinakamensahe ng aklat. Sinabi niya: "Maraming bagay ang darating; at masdan, may isang bagay na higit na mahalaga kaysa sa lahat ng ito--sapagkat masdan, ang panahon ay hindi na nalalayo na ang Manunubos ay mabubuhay at paroroon sa kanyang mga tao."9 Mangyari pa, kay Alma--totoong mas mahalaga kaysa ibang kaalamang makakamtam ng isang tao ang pagdating ni Jesus at ang Kanyang Pagbabayad-sala, na isinagawa sa Getsemani at sa krus. At ang Aklat ni Mormon ay "Isa pang Tipan ni Jesucristo," gaya ng inihahayag ng pangalawang pamagat nito.

Bago ko pa sinimulang basahin ang Aklat ni Mormon, bata pa'y may patotoo na ako tungkol kay Jesus. Ang una kong pagkaalam kay Jesus ay nang ipakita ng aking Lola Carmack, isang pintor na kilala sa kanilang komunidad, ang kagandahan ng paglubog ng araw sa Arizona, at nagtanong: John Kay, sino ang gumawa ng magandang daigdig na ito?" Sa pagsagot sa sarili niyang tanong, ipinaliwanag niyang: "Si Jesus ang lumikha ng daigdig na ito. Siya nga." Mangyari pa'y tama si Lola. Si Jesus, na Anak ng Diyos, ay nilikha ang sanlibutan sa ilalim ng direksyon ng Ama.10 Hindi dapat maliitin ng mga lolo at lola ang kanilang impluwensiya sa buhay ng kanilang mga apo.

Ang Pagbabayad-sala ni Cristo ang pangunahing doktrina, ngunit ang mas nakaaaliw at kapaki-pakinabang ay ang pagiging abot-kamay ng Kanyang awa at tulong sa akin mismo. Napapaloob sa mga pamilyar na salitang ito ang aking nadarama tungkol sa mahalagang aspeto ng impluwensiya at ministeryo ni Jesus:

Maging malusog man o may karamdaman,
Kahit magipit o may kasaganaan,
Sa ibayong dagat man o sa 'ting tahanan
Sa 'twing may pangangailangan, ang s'yang laan.
11
 
Sa magugulong sandaling iyon na nararanasan nating lahat; kapag nagdurusa o nalulungkot; kapag di nauunawaan at nababalewala; kung kakailanganin natin, tutulong at tutulong ang ating Tagapagligtas. Pinapayapa tayo ng Kanyang pagtulong. Hindi ba't sinabi Niyang: "Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian" ngunit "kayo'y magkakaroon sa akin ng kapayapaan"?12 A, kailangang-kailangan ko ang kapayapaang iyon! At abot-kamay ito sa lahat ng kalagayan, ayon sa aking mga pangangailangan.

Bilang pagwawakas, ang mga miyembro ng Simbahan ay nagkakaisa kay Cristo, sa pag- ibig at patotoo. Ang landas ng dispensasyong ito patungo sa ating Tagapagligtas ay sa pamamagitan ni Joseph at ng Aklat ni Mormon.13 Sa gayo'y makatitiyak tayong totoo ang kuwento sa Bagong Tipan tungkol kay Jesus. Si Jesus ang ating Panginoon at Manunubos. Sa bawat pagkakataon dapat nating ipahayag: "Aleluya, Kay Dakila Mo!"

Si Pangulong Hinckley ang Kanyang Propeta sa mundo. Ito ang Kanyang Simbahan. Ang pagkakaisa nawa natin ay kapalooban ng patunay sa mundo na tayo ay Kanyang mga alagad. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

`

MGA TALA

1. Mat. 12:25.
2. "O Mga Sundalong Sakop ni Cristo," Mga Himno, blg. 174.
3. Mat. 8:11.
4. "Lahat ng Kaluluwa ay Malaya," Mga Himno, blg. 240.
5. Juan 13:35.
6. Richard Dilworth Rust, Feasting on the Word: The Literary Testimony of the Book of Mormon, (1997).
7. "Ang Patotoo ng Walong Saksi," Aklat ni Mormon.
8. D at T 20:11.
9. Alma 7:7.
10. Tingnan sa Heb. 1:1–2.
11. "Saligang Kay Tibay," Mga Himno, blg. 56.
12. Juan 16:33.
13. D at T 5:10.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy