Sister Sharon G. Larsen
Pangalawang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng mga Kabataang Babae
"Kapag madalas kayong nananalangin at naghahangad na malaman ang kalooban ng Panginoon tulad ni Nephi, ipakikita sa inyo ng Panginoon ang daan."
Sa buhay ninyo ngayon, naranasan na ninyo marahil na subukang gampanan ang isang gawaing parang napakahirap at hindi abot ng inyong kakayahan o karanasan. At posible na habang sinisikap ninyong gawin ang parang napakaimposibleng gawaing ito, marahil ay may ilan, kasama na ang inyong mga kaibigan na sinubukang sirain ang inyong loob, hiyain, at matahin kayo. Iba-iba ang hamon ng bawat isa sa atin, ngunit iisa lang ang Pinagmumulan ng tulong. Tingnan natin ang karanasan ni Nephi.
Sa disyerto siya lumaki. Hindi natin alam kung nakakita na siya ng barko bago siya utusan ng Panginoon na gumawa ng barko--kaya parang napakaimposibleng gawain ito! Ngunit nanalig si Nephi na tutulungan siya ng Panginoon. Sabi niya na sa "pana-panahon" ipinakita sa kanya ng Panginoon kung paano gawin ito (1 Nephi 18:1). Sinabi sa atin ni Nephi na hindi niya ito ginawa gaya ng paggawa ng mga barko ng tao. Ginawa niya ito "alinsunod sa pamamaraang" ipinakita sa kanya ng Panginoon (1 Nephi 18:2). At sinabi niya sa atin kung paano. "Madalas akong nanalangin sa Panginoon; anupa't nagpakita sa akin ang Panginoon ng mga dakilang bagay" (1 Nephi 18:3).
Kapag madalas kayong nananalangin at naghahangad na malaman ang kalooban ng Panginoon tulad ni Nephi, ipakikita sa inyo ng Panginoon ang daan. Ngunit makatitiyak kayo na kapag nagsisikap kayong sumunod sa abot ng inyong makakaya, haharap kayo sa matinding oposisyon mula sa mga taong sisirain ang inyong loob at pipigil sa inyo. Ang mga tumutol kay Nephi ay sarili niyang mga kapatid. Isipin ninyo kung gaano kahirap iyon!
Kung minsa'y maaaring madama ninyong mga kabataang babae na dumaranas kayo ng tulad kay Nephi. Hindi kayo inutusan ng Panginoon na gumawa ng barko, kundi ayusin ang buhay ninyo. Hindi pa ninyo alam kung ano ang magiging buhay ninyo sa lupa. Ngunit alam ito ng inyong Ama sa Langit at paunti-unti Niya kayong gagabayan. Inuutusan Niya kayong ayusin ang inyong buhay ayon sa Kanyang mga panuntunan dahil Siya ang lumikha sa inyo at nais Niyang maghanda kayong bumalik sa Kanyang piling balang-araw. Tulad ni Nephi, mayroon ding mga naninira at tumututol sa inyo na naghahangad na baguhin ang inyong landas, o kahit paano'y pabagalin ang inyong pag-unlad.
Ngunit magagamit din ninyo ang komunikasyong ginamit ni Nephi. Bago pa man lumitaw ang e-mail at mga fax, cellphone at satellite dish, kompyuter at Internet, umiiral na ang komunikasyong ito sa inyong Ama sa Langit. Nauna ito sa alinmang uri ng imbensiyong gamit sa pagpapalitan ng impormasyon o serbisyo sa ngayon. Ang kapangyarihan nito'y nasa lahat ng dako ng sansinukob.
Ibinigay sa inyo ng Ama sa Langit ang kaloob na Espiritu Santo upang tulungan kayo sa tuwing kailangan ninyo Siya. Tulad ni Nephi, malalaman ninyo ang dapat gawin upang makabuo ayon sa plano ng Panginoon para sa inyo. Nanaisin ninyong anyayahan ang kapangyarihang ito upang tulungan kayong makipagsapalaran sa buhay hanggang sa ligtas kayong makauwi.
Hindi kailangan ang espesyal na kagamitan o karanasan, ni katayuan sa lipunan o salapi, para kayo gabayan ng Espiritu Santo. Sa susunod na magpanibago kayo ng tipan sa pagbibinyag sa pagtanggap ng sakramento, pakinggan ang pangako: kapag inaalala ninyong lagi ang inyong Tagapagligtas at sinusunod ang Kanyang mga kautusan, mapapasainyo sa tuwina ang Kanyang Espiritu (tingnan sa D at T 20:77, 79). Isipin ninyo iyan! Sa ganoong kadakilang handog, bakit natin tatanggihan ang gayong patnubay?
Noong nagsasanay sa piyano ang anak naming babae, iminungkahi kong limang beses niyang tugtugin ang kanyang piyesa upang maging handa para sa kanyang aralin.
Sabi niya, "Ayoko po, 'Nay. Masyadong marami ang lima."
Sabi ko, "Di piliin mo kung ilang beses mo dapat ulitin."
Sabi niya, "Ayoko po. Kayo po ang pumili--pero huwag pong lima!"
Ganoon ba tayo kapag hinihikayat ng Espiritu kung ano ang dapat nating gawin at hindi ito madali o maginhawa o popular? Sinasabi natin "Pakiulit nga ninyo. Gusto kong sumunod, pero magsabi kayo sa akin ng mas madali--at mas masaya." Maaaring maging mapanganib na pilitin nating bigyang-lugod ang ating sarili.
Natatandaan ko noong kaedad pa lamang ninyo ako at nangangarap na sabihan ako ng kakaiba ng Espiritu. Lumaki ako sa isang maliit na bayan sa Canada. Sampu kaming magkakaklase na magtatapos sa haiskul, kaya nagtapos akong isa sa pinakasampu sa nangunguna sa klase! Isang gabi patungo kami ng kapatid kong si Shirley sa iisang parti sa bahay ng isang kaibigan. Pinaalalahanan kami ni Inay at Itay na umuwi kaagad matapos ang parti. Bata sa akin nang isang taon si Shirley pero sumama kami sa kani-kanya naming grupo. Pagkatapos ng parti, umuwi agad si Shirley, malinaw na pahiwatig kina Inay at Itay na tapos na ang parti. Hindi ko naisip iyon. Kasama ang mga kaibigan ko nilibot namin ang lahat ng magagandang lugar sa kabayanan--ang mga kamalig at ang sementeryo!
Nang magtagal ay lumakas ang kutob kong kailangan ko nang umuwi. Ngunit ayaw kong ako ang maunang magsabi ng, "Kailangan ko nang umuwi"? Kaya hindi ko ito ginawa. Nanatili ako sa piling ng mga kaibigan ko na nakikipagtawanan at nagkukunwaring masaya. Palakas nang palakas ang kutob kong kailangan ko nang umuwi. Sa wakas ay pabiro kong sinabi sa mga kaibigan ko, "Kung may masalubong kayong kotseng asul, tatay ko lang 'yon na hinahanap ako." Pagkasabi ko niyon ay nakakita nga kami ng kotseng asul at ang tatay ko'y nakatayo sa gitna ng daan (walang gaanong sasakyan) kumakaway at pinahihinto kami.
Pumunta si Itay sa kotse at binuksan ang pinto at payapang sinabi, "Sharon, mabuti pa'y sumama ka nang umuwi." Gusto kong gumapang sa ilalim ng sapin ng kotse at magtago nang tuluyan! Bakit naman sobrang lupit at manhid ni Itay at bakit hindi naman ako hinintay ng kapatid ko sa labas ng bahay para hindi malaman nina Inay at Itay na tapos na ang parti? Kamakailan ay kinausap ko ang kapatid ko tungkol dito, at sinabi niya, "Naghintay ako sa labas hanggang sa halos mamatay na ako sa ginaw." At sa oras na iyon ay nasisiguro kong kasalanan iyon ng iba kaya ako napahiya sa harap ng mga kaibigan ko!
Sa paggunita ko sa pangyayaring ito sa ibang pananaw, mas malinaw kong naunawaan kung ano talaga ang nangyari. Hinikayat ako at ilang beses na binalaan--hindi ng lupon ng mga anghel o kahit isang anghel man lang, kundi ng marahan at banayad na tinig. Ang totoo'y nadama ko lang iyon. Napakabanayad nito, napakapayapa na madaling balewalain at maaari akong magkunwaring wala lang iyon--at naroon ang mga kaibigan ko.
Nakaligtaan kong gawin ang bagay na inaasahan sa akin. Pinili kong maging popular sa mga kaibigan ko sa halip na magbigay-lugod sa mga magulang ko at sa Panginoon. Pero kahit sadyain kong huwag sumunod, naroon pa rin ang Espiritung naghihikayat sa akin. Hindi kayo makagagawa ng mali at makadarama ng mabuti. Ang pagkukunwaring hindi kayo hinihikayat ng Espiritu gayong totoo naman, ay parang pagsagot ng mali sa isang pagsusulit nang alam naman ninyo ang tamang sagot.
Maaaring may mga panahong nahihirapan ang Espiritung tulungan kayo dahil hindi kayo marahil humihingi ng tulong Niya sa mga panalangin ninyo, o marahil ay hindi kayo nakikinig, o marahil ay hindi marinig ang mensahe dahil sa lakas ng tunog ng musika o radyo o video.
Sinabi ni Kirstin. "Batay sa karanasan ko kung [tayo'y] makikinig sa Espiritu, hindi magiging masalimuot ang ating buhay at hindi tayo madaling matutukso" (liham na nasa pagmamay-ari ng tanggapan ng Mga Kabataang Babae). Maraming ulit na tumangging makinig sina Laman at Lemuel kaya naging "manhid" sila sa mga sagradong pag-uudyok na iyon (1 Nephi 17:45).
Maaari ninyong itanong sa inyong sarili, "Paano ko masasabing ang Espiritu Santo ang nagtuturo sa akin at hindi ang damdamin o ang kalagayan ko?" Mag-isip kayo ng sandaling nadama ninyo ang Espiritu ng Panginoon. Marahil ay sa pulong ng patotoo sa kamping o kasama ninyo ang inyong pamilya o nagbabasa kayo ng mga banal na kasulatan o nananalangin. Marahil sa pulong na ito habang nakikinig kayo sa musika o naririnig ang pagsasalita ng propeta, madarama ninyo ang pag-aalab na iyon sa inyong puso. Iyan ang Espiritu Santo na nagpapatotoo sa inyo. Tandaan, tandaan kung paano damhin ang Espiritu. Gamitin ninyo ang karanasang iyon upang muli at muling makilala ang Espiritu.
Tuturuan kayo ng Espiritu Santo sa iba't ibang paraan at sa iba't ibang panahon. Kinailangan itong matutuhan ni Nephi. Matuto kung paano nakikipag-usap ang Panginoon sa inyo. Sinabi ni Amanda: "Isang araw ay pinakikinggan ko sa seminary ang 'Talumpati tungkol sa Plano ng Kaligtasan' na milyun-milyong ulit ko nang narinig noon, nang bigla'y naunawaan ko iyon. Parang nakita ko ang lahat-lahat sa aking isipan at kung paano isinasagawa ang plano. Talagang nadama kong kapiling ko ang Espiritu Santo at nalaman kong totoo ang lahat ng nasa ebanghelyo" (liham).
Kung minsan ang panghihikayat ay para ka lamang asiwa. Sabi ng isang kabataang babae, "Pakiramdam ko'y masusuka ako at may nagsasabi sa aking tumanggi at lumayo ako."
May problema noon si Carolani. Sabi niya, "Tinanong ko sa aking sarili, 'Ano ang gustong ipagawa sa akin ng Ama sa Langit?' Naisip kong basahin ang basbas sa akin ng patriyarka, kaya binasa ko ito. Napaiyak ako sa tuwa na malamang ako ay minamahal at mahalaga" (liham).
Mga kabataang babae, kayo ay minamahal at mahalaga, maging kasinghalaga ng buhay ng inyong Tagapagligtas. Napatunayan ko ang pagmamahal na ito sa isang maliit na sangay sa British Columbia, Canada. Nagpulong kami sa isang dampa para sa komperensiya ng sangay at sa silong para sa Mga Kabataang Babae. Nakapaskil sa pader ang poster ng paksa ng mga Kabataang Babae. Nakapatong ang ginantsilyong sapin at mga bulaklak sa maliit na mesang napaliligiran ng apat na silya. Dumalo ang mga pangulo ng mga Kabataang Babae ng sangay at ng Mga Kabataang Babae ng istaka, isang pangkalahatang opisyal ng mga Kabataang Babae, at isang dalagitang nagngangalang Hawley. Naroon din ang impluwensiya ng Espiritu Santo. May natutuhan akong aral sa sandaling iyon--na ang malasakit ng Panginoon sa isang natatanging dalagita ay tulad din ng malasakit Niya sa inyong libu-libong narito.
Pangunahing priyoridad ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak. Kung mahalaga ito sa inyo, mahalaga rin ito sa Kanya. Anumang alalahaning mayroon kayo ay alalahanin din Niya. Anumang katanungan mayroon kayo, alam ng Panginoon ang sagot. Anumang kalungkutan ang nadarama ninyo, batid Niya ang inyong damdamin at iibsan ang sakit nito. Alam Niya kung paano mag-isa. Aaliwin Niya kayo.
Kung ako na isang batang lumaki sa isang maliit na bayan na halos hindi makita sa mapa ay kilala ng Ama sa Langit, kilala rin Niya kayo. Kung kilala Niya ang isang dalagita sa isang malayong sangay sa British Columbia, kilala rin Niya kayo--saan man kayo naroon. Nalaman ko ang katotohanang iyan sa sarili ko at pinatototohanan ko ito sa inyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.