Pangulong Gordon B. Hinckley
"Kayo ay mga anak ng Makapangyarihan. Walang hangganan ang inyong potensiyal. Napakaganda ng inyong hinaharap, kung pamamahalaan ninyo ito nang husto."
Salamat sa napakagandang himnong iyon. Salamat sa inyong mga panalangin; salamat sa inyong pananampalataya; salamat sa inyong pagkatao. Mga kabataang babae ng Simbahan, maraming salamat. At salamat sa inyo, Sister Nadauld, Sister Thomas, Sister Larsen, para sa napakagagandang talumpating ibinigay ninyo sa mga kabataang babaing ito ngayong gabi.
Napakaganda ninyong tingnan sa bulwagan ngayong gabi. Daang libo pa ang nagtitipun-tipon sa lahat ng dako ng mundo. Maririnig nila tayo sa mahigit dalawampung wika. Isasalin ang ating talumpati sa kanilang mga katutubong wika.
Napakalaking responsibilidad ang magsalita sa inyo. At napakalaking oportunidad din nito. Idinadalangin ko ang patnubay ng Espiritu, ng Espiritu Santo, na lubos nating napakinggan ngayong gabi.
Kahit iba-iba ang inyong pinanggalingan, iisa ang inyong dakilang pamilya. Kayo ay mga anak ng Diyos. Mga miyembro kayo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa inyong kabataan pinag-uusapan ninyo ang hinaharap, at puno ito ng pangako. Binabanggit ninyo ang pag-asa at pananalig at tagumpay; ang kabutihan at pag-ibig at kapayapaan; ang isang mas magandang daigdig na higit sa aming nalalaman.
Kayo ay mga banal na nilalang; kayo ay mga anak ng Makapangyarihan. Walang hangganan ang inyong potensiyal. Napakaganda ng inyong hinaharap, kung pamamahalaan ninyo ito nang husto. Huwag hayaang maanod ang inyong buhay tungo sa walang kabuluhan.
May nagbigay sa akin ng kopya ng yearbook ko sa hayskul noong isang araw. Isang oras ang ginugol ko sa pagtingin sa mga larawan ng mga kaibigan ko 73 taon na ang nakalipas, ang klase ko sa hayskul ng 1928.
Karamihan sa nasa yearbook na iyon ay namayapa na. Ang ilan ay parang nabuhay nang halos walang layunin, samantalang ang ilan naman ay naging matagumpay.
Tiningnan ko ang mga mukha ng mga batang lalaking kaibigan ko at kasamahan. Noong araw ay mga bata pa sila at maniningning at masisigla. Ngayo'y kulubot na at mababagal lumakad ang mga natira. May kahulugan pa ang kanilang buhay, ngunit hindi na sila kasinghalaga gaya ng dati. Tiningnan ko sa lumang yearbook na iyon ang mga mukha ng mga batang babaing kilala ko. Marami sa kanila ang namayapa na, at ang natitira ay namumuhay nang tahimik at payapa. Ngunit magaganda pa rin sila at kaakit-akit.
Nagbabalik sa alaala ko ang mga binatilyo't dalagitang iyon ng aking kabataan, noong kasing-edad pa ninyo ako. Karamihan sa amin ay masasaya. Nagagalak kami sa buhay. Palagay ko'y naging ambisyoso kami. Ang madilim at teribleng Taghirap na kumalat sa buong mundo ay naganap makalipas pa ang isang taon. Ang taong labinsiyam dalawampu't walo ay panahon ng malalaking pag-asa at magagandang pangarap.
Sa aming matatahimik na sandali lahat kami'y nangangarap. Ang mga batang lalaki'y nangarap ng mga bundok na aakyatin at mga karerang tatapusin. Ang mga batang babae'y nangarap na maging katulad ng babaing karamihan sa kanila'y nakita sa kanilang mga ina.
Nang mapag-isipan ko ito, napagpasiyahan kong pamagatan ang aking talumpati ngayong gabi ng, "Paano Ako Magiging ang Babaing Pinapangarap Ko?"
Ilang buwan na nang magsalita ako sa inyo at sa mga kabataang lalaki ng Simbahan. Nagmungkahi ako ng anim na M na dapat ninyong pagsumikapan. Mababanggit kaya natin ang mga ito nang sabay-sabay? Subukan natin: Maging Mapagpasalamat, Matalino, Malinis, Matapat, Mapagpakumbaba, Mapanalangin.
Wala akong duda na ang mga huwarang ito ng pag-uugali ay magbubunga ng tagumpay at ligaya at kapayapaan. Inirerekomenda kong muli sa inyo ang mga ito, na may pangakong kung susundin ninyo ang mga ito ay malaking kabutihan ang ibubunga ng inyong buhay. Naniniwala akong magtatagumpay kayo sa inyong mga pagsisikap. Pagtanda ninyo, naniniwala akong lilingon kayo nang may pasasalamat sa pinili ninyong pamamaraan sa buhay.
Ngayong gabi, sa pagsasalita ko sa inyong mga kabataang babae, maaaring mabanggit ko ang ilan sa mga bagay na ito sa ibang pamamaraan. Nararapat ulit-ulitin at muli kong inihahabilin ang mga ito sa inyo.
Sa sinasabi kong yearbook ay may larawan ng isang dalagita. Siya ay matalino at masigla at maganda. Kaakit-akit siya. Ang buhay para sa kanya ay maibubuod sa maikling salita--saya. Nakipagtipanan siya sa mga batang lalaki at nag-aksaya ng oras gabi't araw sa pakikipagsayaw, nag-aaral nang kaunti pero di-gaano, sapat lamang upang pumasa hanggang sa makatapos. Nagpakasal siya sa isang lalaking kauri niya. Nalulong siya sa alak. Hindi niya ito matigilan. Alipin siya nito. Nanghina siya bunga ng nakapipinsalang epekto nito. Nakalulungkot na ang buhay niya ay unti-unting humina nang walang-saysay.
May larawan ng isa pang dalagita sa yearbook na iyon. Hindi siya masyadong maganda. Ngunit malusog siya at mabait tingnan, may ningning sa kanyang mga mata, at ngiti sa kanyang mga labi. Batid niya kung bakit siya nasa paaralan. Naroon siya upang matuto. Pinangarap niya ang uri ng babaing nais niyang tularan at ginawa niyang huwaran ito sa buhay.
Alam din niya kung paano maging masaya, ngunit alam niya kung kailan titigil upang pagtuunan ng pansin ang ibang bagay.
May isang batang lalaki sa paaralan noong panahong iyon. Galing siya sa isang lalawigang bayan. Kakaunti ang kanyang pera. Nagbabaon siya sa isang supot. Medyo mukha siyang tagabukid kung saan siya sa nanggaling. Walang anumang nakakaakit sa kanya. Magaling siyang estudyante. Nagtakda siya ng layunin para sa kanyang sarili. Matayog iyon at kung minsan ay mukhang halos imposibleng makamit.
Nag-ibigan ang dalawang ito. Sabi ng mga tao, "Ano ang nakita niya sa babae?" O, "Ano ang nakita niya sa lalaki?" Kapwa sila may nakitang maganda sa isa't isa na hindi nakita ng iba.
Pagkatapos ng kolehiyo ay nagpakasal sila. Nagtipid sila at nagtrabaho. Mahirap kumita ng pera. Nag-aral ang lalaki sa graduate school. Nagpatuloy sandali ang babae sa pagtatrabaho, at nang malaon ay nagkaroon sila ng mga anak. Ibinigay ng babae ang kanyang atensyon sa kanila.
Ilang taon pa lamang ang nakalipas, sakay ako ng eroplano pauwi mula sa Silangan. Hatinggabi na. Lumakad ako sa madilim na pasilyo. Nakita ko ang isang babaing natutulog sa balikat ng kanyang asawa. Nagising siya habang papalapit ako. Nakilala ko agad ang babaing kakilala ko sa hayskul noong araw. Nakilala ko rin ang lalaking iyon. Tumatanda na sila. Habang nag-uusap kami, ipinaliwanag niya na malalaki na ang kanilang mga anak at mga lolo at lola na sila. Nagmamalaki niyang sinabi sa akin na pauwi sila galing sa Silangan kung saan nagsumite ang lalaki ng term paper. Doon sa isang malaking kombensiyon pinarangalan siya ng kanyang mga barkada mula sa lahat ng dako ng bansa.
Nalaman kong naging aktibo sila sa Simbahan, na naglilingkod sa anumang tungkuling maitalaga sa kanila. Sa lahat ng bahagi, nagtagumpay sila. Naisakatuparan nila ang mga layuning itinakda nila sa kanilang sarili. Pinarangalan sila at iginalang, at nakapag-ambag nang malaki sa lipunang kinabibilangan nila. Siya'y naging katulad ng babaing pinangarap niya. Nahigitan niya ang pangarap na iyon.
Nang bumalik ako sa aking upuan sa eroplano, pumasok sa aking isipan ang dalawang babaing iyon na binanggit ko sa inyo ngayong gabi. Ang buhay ng isa ay mababanghay sa apat-na-letrang salita--SAYA. Wala iyong pinatunguhan, walang katiyakan, walang naiambag sa lipunan, walang ambisyon. Nagwakas ito sa kahirapan at pasakit at maagang kamatayan.
Ang buhay ng isa pa ay naging napakahirap. Nangahulugan ito ng pagtitipid at pag- iimpok, ng pagtatrabaho at pagsisikap para makapagpatuloy, ng simpleng pagkain at pananamit at disenteng tirahan sa mga taon ng mga unang pagsisikap ng kanyang asawa upang makapagsimula sa kanyang propesyon. Ngunit mula sa tila walang ibubungang lupang iyon ay tumubo ang isang halaman, oo, dalawang halamang magkatabi na yumabong at lumaki sa maganda at marangal na paraan.
Ang magagandang bunga ay dala ng paglilingkod sa kapwa, ng pagiging hindi makasarili sa isa't isa, ng pag-ibig at paggalang at pananalig sa kasama, at ng kaligayahan sa pagtugon nila sa mga pangangailangan ng iba sa marami nilang aktibidad.
Habang pinag-iisipan kong mabuti ang pakikipag-usap sa dalawang ito, napagpasiyahan kong lalo pang magsumikap, lalong maging dedikado, magtatag ng mas matatayog na hangarin para sa aking sarili, mahalin pa nang lubos ang aking kabiyak, tulungan siya, pahalagahan, at pangalagaan.
Kaya nga, minamahal kong mga kaibigang kabataan, buong taimtim, taos-puso, at kasabikan akong magsasalita sa inyo ngayong gabi ng makakatulong sa inyo upang maging katulad ng babaing pinapangarap ninyo.
Bilang panimula, kailangang may kalinisan, dahil wawasakin ng imoralidad ang inyong buhay at mag-iiwan ng pilat na di-kailanman mawawala. Kailangang may layunin sa buhay. Narito tayo upang magsakatuparan ng isang bagay, biyayaan ang lipunan ng ating mga talino at pinag-aralan. Magkakaroon ng saya, siyempre. Ngunit kailanga'y may pagkilala sa katotohanan na seryoso ang buhay, at may mga panganib, ngunit makakaya ninyong labanan ang mga ito kung didisiplinahin ninyo ang inyong sarili at hahangarin ang di- nagbabagong lakas ng Panginoon.
Hayaan muna ninyong tiyakin ko sa inyo na kung nakagawa kayo ng pagkakamali, kung nasangkot kayo sa kahalayan, hindi pa huli ang lahat. Marahil ay nariyan pa rin ang alaala ng pagkakamali, ngunit mapapatawad iyon, at maaari ninyong iwanan ang nakaraan at mamuhay sa paraang katanggap-tanggap sa Panginoon kung nagsisi kayo. Nangako Siyang patatawarin ang inyong mga kasalanan at hindi na aalalahanin pa ang mga ito (tingnan sa D at T 58:42).
Binuo Niya ang sistema na may matulunging mga magulang at pinuno ng Simbahan na aalalayan kayo sa inyong kahirapan. Maaari ninyong talikuran ang anumang kasamaang kinasangkutan ninyo. Makakasulong kayo nang may panibagong pag-asa at pagkamarapat tungo sa mas mabuting pamumuhay.
Ngunit may mga pilat na maiiwan. Ang pinakamabuting paraan, ang tanging paraan, ay ang iwasan ninyo ang anumang bitag ng kasamaan. Malimit sabihin ni Pangulong George Albert Smith, "Manatili sa panig ng Panginoon" (Sharing the Gospel with Others, pinili ni Preston Nibley [1948], 42). Mayroon kayong mga likas na pag-uugali, na malakas at labis na mapanghikayat, na nag-uudyok sa inyo kung minsan na hayaang makaranas kayo ng kaunting layaw. Hindi ninyo dapat gawin ito. Hindi ninyo magagawa ito. Kayo ay mga anak ng Diyos at malaki ang inyong potensyal. Malaki ang inaasahan Niya sa inyo, at gayundin sa iba. Hindi kayo dapat magpabaya kahit saglit. Hindi kayo dapat magpabigla-bigla. Kailangan ang disiplina, malakas at matatag. Lumayo sa tukso, tulad ni Jose na lumayo sa mga panlilinlang ng asawa ni Potiphar.
Walang anumang bagay sa mundong ito na kasingdakila ng kabanalan. Kumikinang ito na parang walang kupas na hiyas. Mamahalin ito at maganda. Wala itong kasinghalaga. Hindi ito maaaring bilhin o ipagbili. Ito ang bunga ng lubos na pagkakilala sa sarili.
Kayong mga kabataang babae ay laging iniisip ang mga lalaki. Maaari kayong makipagsaya sa kanila, ngunit kailanma'y huwag kayong lalampas sa kabanalan. Sinumang binatilyong mag-aanyaya o hihimok sa inyo o magpipilit na gumawa kayo ng anumang uri ng kahalayan ay di-nararapat sa inyong pakikisama. Iwaksi ninyo siya sa inyong buhay bago mawasak ang buhay ninyong dalawa. Kung madidisiplina ninyo nang gayon ang inyong sarili, pasasalamatan ninyo ito habang kayo'y nabubuhay. Karamihan sa inyo'y mag-aasawa at mas liligaya ang inyong pag-aasawa dahil sa nauna ninyong pagpipigil sa sarili. Magiging karapat-dapat kayong pumasok sa bahay ng Panginoon. Walang sapat na makakahalili sa kagila-gilalas na pagpapalang ito. Nagbigay ang Panginoon ng napakagandang utos. Sabi Niya, "Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay" (D at T 121:45). Ito'y nagiging kautusang dapat sundin nang may sigasig at disiplina. At kaakibat nito ang pangako ng kahanga-hanga at kagila-gilalas na pagpapala. Sinabi Niya sa mga namumuhay nang may kabanalan,
"Ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos.. . .
"Ang Espiritu Santo"--na ating binanggit ngayong gabi--"ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan; at ang iyong pamamahala ay magiging walang hanggang pamamahala, at sa walang sapilitang pamamaraan ito ay dadaloy sa iyo magpakailanman at walang katapusan" (D at T 121:4546).
May mas dadakila o gaganda pa bang pangako kaysa rito?
Hanapan ng layunin ang inyong buhay. Piliin ang mga bagay na gusto ninyong gawin at turuan ang inyong sarili na maging mabisa sa paghahangad sa mga ito. Napakahirap para sa karamihan ang manatili sa isang gawain. Umaasa kayong makapag-aasawa at lahat ay malalagay sa ayos. Sa panahong ito, kailangang makapag-aral ang babae. Kailangan niyang matutong magtrabaho sakaling malagay siya sa sitwasyong kakailanganin niyang gawin iyon.
Pag-aralan ang inyong mga pagpipilian. Taimtim na manalangin sa Panginoon para sa direksiyon. At buong tatag ninyong tahakin ang inyong landas.
Ngayon, lahat ng oportunidad ay bukas na sa mga kababaihan. Walang anumang bagay na hindi ninyo magagawa kung itutuon ninyo ang inyong isipan dito. Maaari ninyong isama sa pinapangarap ninyong babaing nais ninyong tularan ang larawan ng isang taong nararapat maglingkod sa lipunan at gumawa ng malaking ambag sa lipunan kung saan magiging kabahagi siya.
Ilang oras akong nasa ospital noong isang araw. Nakakilala ko ang napakamasayahin at dalubhasa kong narses. Siya ang uri ng babaing papangarapin ninyong tularan. Noong bata pa siya pinangarap niyang maging narses. Nakapag-aral siya para maging marapat sa pinakamataas na ranggo sa larangan. Pinagtrabahuhan niya ang kanyang bokasyon at naging dalubhasa rito. Nagpasiya siyang magmisyon at ginawa niya iyon. Nag-asawa siya. Tatlo ang kanyang naging anak. Nagtatrabaho siya ngayon kung kailan niya nais. Malaki ang pangangailangan sa mga taong may kasanayang tulad niya na nagagawa niya ang lahat ng kanyang naisin. Naglilingkod siya sa Simbahan. Maganda ang samahan nilang mag-asawa. Maganda ang kanyang buhay. Siya ang babaing papangarapin ninyo sa pag-asam ninyo sa hinaharap.
Para sa inyo, mga kaibigan kong kabataan, walang katapusan ang oportunidad. Maaari kayong magpakadalubhasa sa lahat ng bagay. Maaari kayong maging pinakamagaling. Hindi ninyo kailangang magpakababa. Igalang ang inyong sarili. Huwag maawa sa inyong sarili. Ipagwalang-bahala ninyo ang masasamang sinasabi ng iba tungkol sa inyo. Lalo na, huwag pansinin ang panghahamak ng sinumang lalaki sa inyo. Hindi siya mas magaling kaysa sa inyo. Katunaya'y hinamak na niya ang kanyang sarili sa kanyang mga kilos. Pagbutihin at pinuhin ang anumang talentong bigay sa inyo ng Panginoon. Sumulong kayo sa buhay nang may kislap sa mga mata at ngiti sa mga labi, ngunit may dakila at matatag na layunin sa inyong puso. Mahalin ang buhay at hanapin ang mga oportunidad, at maging tapat habang panahon sa Simbahan.
Huwag kalimutan kailanman na naparito kayo sa lupa bilang anak ng banal na Ama, na may kabanalan sa inyong pagkatao. Hindi kayo ipinadala rito ng Panginoon upang mabigo. Hindi Niya kayo binigyan ng buhay para sayangin ito. Binigyan Niya kayo ng kaloob na mortalidad upang magtamo kayo ng karanasan--positibo, kagila-gilalas, makabuluhang karanasan--tungo sa buhay na walang hanggan. Ibinigay Niya sa inyo ang maluwalhating Simbahang ito, ang Kanyang Simbahan, upang gabayan at pangasiwaan kayo, at bigyan kayo ng pagkakataong umunlad at magkaroon ng karanasan, upang turuan kayo at akayin at hikayatin, upang biyayaan kayo ng kasal na walang hanggan, upang ibigkis kayo sa inyong tipan sa Kanya para gawin kayong piling anak Niya, isang anak na mapag-uukulan Niya ng pagmamahal at nanaising tulungan. Nawa'y masagana kayong pagpalain ng Diyos, mahal kong mga kaibigang kabataan, ang Kanyang kahanga-hangang mga anak.
Mangyari pa'y magkakaroon ng mga sagabal sa daan, ng mga kahirapang dapat paglabanan. Ngunit hindi magtatagal ang mga ito. Hindi Niya kayo pababayaan.
Kung ang buhay mo'y puspos ng pighati,
Kawalang pag-asa ay naghahari,
Mga pagpapala ay bilangin mo;
Mamamangha ka sa kaloob sa 'yo.
Sa munti ma't malaking suliranin,
H'wag manghihina, ang Diyos ay nasa 'tin.
Mga pagpapala ay bilangin mo;
Anghel sa langit ang s'yang karamay mo.
("Mga Pagpapala ay Bilangin," Mga Himno)
Tingnan ang maganda. Dapat ninyong mabatid na binabantayan Niya kayo, na dinidinig Niya ang inyong mga panalangin at sasagutin ang mga ito, na mahal Niya kayo, at ipakikita sa inyo ang pagmamahal na iyon. Hayaang akayin kayo ng Banal na Espiritu sa lahat ng inyong ginagawa habang inaasam ninyong maging katulad ng babaing pinapangarap ninyo. Magagawa ninyo ito. May tutulong sa inyong mga kaibigan at mahal sa buhay. At pagpapalain kayo ng Diyos habang nagsusumikap kayo sa inyong landas. Ito, mga dalaga, ang aking abang pangako at dalangin para sa inyo, sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.