The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2001
Diyos ng mga Himala

Diyos ng mga Himala

Sister Sydney S. Reynolds
Unang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Primarya

"Naniniwala ako na lahat tayo ay makapagpapatotoo sa maliliit na himalang ito."

Sister Sydney S. Reynolds

Tulad ni Moroni ng sinauna, naniniwala ako sa Diyos ng mga himala. Sumulat si Moroni sa mga tao ng ating dispensasyon, "Masdan, aking ipakikilala sa inyo ang isang Diyos ng mga himala,. . .at ang siya ring Diyos na lumikha ng kalangitan at ng lupa, at lahat ng bagay na naroroon sa mga yaon" (Mormon 9:11). Ipinahayag ni Moroni na gumawa ng maraming makapangyarihang himala si Jesucristo, ang maraming makapangyarihang himalang iyon ay ginawa sa pamamagitan ng mga kamay ng mga Apostol, at ang Diyos na siya ring nakaraan, kasalukuyan at magpakailanman ay dapat na maging isang Diyos ng mga himala ngayon (tingnan sa Mormon 9:18; 9:9).

Isipin ninyo ang mga himala ng Lumang Tipan. Gunitain ninyo si Moises at ang paghati sa Dagat na Pula. Para sa mga darating na salinlahi ng mga Israelita, ang matitinding himalang humantong sa kanilang paglaya mula sa Egipto ay nagbibigay ng di maitatatuwang katibayan ng pag-iral ng Diyos at ng Kanyang pag-ibig para sa kanila.

Marami sa mga propeta ng Aklat ni Mormon, kabilang na si Nephi, ang tumutukoy sa kuwento ni Moises upang maghikayat ng paniniwala na makapagpapalaya ang Diyos ng Kanyang mga tao sa kanilang paghihirap (tingnan sa 1 Nephi 4:1–3). Pinaalalahanan ng ibang propeta ang mga tao na sila (mga propeta) mismo ay nakasaksi ng mga himala na makapagkukumbinsi sa kanila ng kapangyarihan ng Diyos.

Sa Bagong Tipan, ibinahagi ni Apostol Juan ang dahilan ng pagtatala ng marami sa mga himala ng Tagapagligtas--alalaong bagay, "upang [tayo'y] magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo" (Juan 20:31).

Sa dispensasyong ito nasaksihan natin ang dakilang himala ng panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa daigdig. Nagsimula ito nang pumunta ang isang batang lalaki sa kakahuyan malapit sa Palmyra, New York, at taimtim na nanalangin tungkol sa kanyang mga katanungan sa Diyos na pinaniniwalaan niyang makatutugon sa kanya--ang Diyos ng mga himala. At sumunod na naganap ang mga himala sa dispensasyong ito--mga makapangyarihang himala--kabilang na ang paglabas ng Aklat ni Mormon, na isa pang tipan ni Jesucristo.

Kasinghalaga ng "makapangyarihang himalang ito" ay ang mas maliliit na mga "pansariling himala" na nagtuturo sa atin na magkaroon ng pananampalataya sa Panginoon. Dumarating ito habang kinikilala at pinakikinggan natin ang mga udyok ng Espiritu sa ating buhay.

Nagpapasalamat ako sa isang dating guro na humikayat sa kanyang mga estudyante na mag-ingat ng talaarawan para sa mga pagbulong o mga udyok ng Espiritu sa kanilang buhay. Tinagubilinan niya kaming itala ang nadama namin at ang naging bunga nito. Naging kapansin- pansin ang maliliit na bagay. Isang araw nataranta ako sa pagpupumilit na matapos ang ilang takdang gawain at maghanda sa paglalakbay. Kabababa ko pa lang sa labahan ng dormitoryo para ilipat sa patuyuan ang mga damit ko mula sa labahan. Sa kasamaang-palad, ginagamit lahat ang patuyuan, at matagal pa bago mapatuyo ang mga damit na naroon. Bumalik ako sa itaas na masama ang loob, na nalalamang sa sandaling matapos nang gamitin ang mga patuyuang iyon, dapat ay nasa daan na ako. Hindi pa ako nakababalik sa silid ko nang mahikayat akong bumabang at tingnang muli ang labahan. Kahangalan, ang naisip ko--kagagaling ko lang doon, at wala na akong oras. Ngunit dahil sinisikap kong makinig, sumunod ako. Dalawa sa mga patuyuan ang walang laman--at nagawa kong makumpleto ang lahat ng kailangan kong gawin. Inalala bang pagmalasakitan ng Panginoon ang pag-alis ng sagabal o hadlang sa isang maliit, ngunit para sa akin, ay mahalagang bagay? Natutuhan ko mula sa maraming gayong karanasan na tutulungan tayo ng Panginoon sa bawat aspeto ng buhay natin kapag nagsisikap tayong paglingkuran Siya at gawin ang Kanyang kalooban.

Naniniwala ako na lahat tayo ay makapagpapatotoo sa maliliit na himalang ito. May kilala tayong mga batang nananalangin na tulungan silang makita ang isang nawawalang bagay at nakikita ito. May kilala tayong mga kabataan na nag-iipon ng lakas na tumayo bilang saksi ng Diyos at nadama ang Kanyang tulong. May mga kaibigan tayo na nagbabayad ng ikapu sa kahuli-hulihang salapi nila at pagkatapos, sa pamamagitan ng himala, ay natatagpuan ang kanilang sarili na nakabayad ng panustos sa eskuwela, o ng upa, o kahit paano ay nagkaroon ng pagkain para sa kanilang mag-anak. Makapagbabahagi tayo ng mga panalanging tinugunan, at mga basbas ng pagkasaserdote na nakapagbigay ng tapang, kaaliwan, o kagalingan mula sa sakit. Makilala natin ang pagtulong ng Panginoon sa ating buhay dahil sa mga himalang ito na nangyari sa araw-araw.

Labis kong pinag-isipan ang paksang ito dahil sa karanasang naganap sa aming mag-anak sa nakalipas na ilang buwan. May edad na nang ikasal ang aming anak at ang kanyang asawa, at bagama't lubos nilang inaasam na magkaroon ng mga anak, hindi sila nabiyayaan nito sa loob ng maraming taon. Nanalangin sila at humingi ng pagbabasbas ng pagkasaserdote at tulong-medikal, at sa wakas, nagalak sila nang labis nang malaman nilang magkakaanak sila ng kambal.

Hindi naging madali ang lahat, gayunpaman, tatlo at kalahating buwan bago ang takdang oras ng pagsilang, dinala sa panganakan ang magiging ina dahil sa palatandaan ng maagang panganganak nito. Noong una'y umaasa ang mga duktor na mapipigilan nila ang maagang panganganak ng mga ilang linggo pa. Subalit di nagtagal, ang naging tanong ay, magkakaroon ba sila ng kahit 48 oras na kailangan upang maibigay ang gamot na magpapagana sa hindi pa ganap na nabubuong baga ng mga sanggol?

Pumasok ang nars mula sa intensive care unit ng mga sanggol upang ipakita sa mag- asawa ang mga litrato ng makinang gagamitin sa mga sanggol kung maisisilang sila nang buhay. Ipinaliwanag niya ang posibleng pinsala sa mata, pagbagsak ng mga baga, kakulangang pisikal, at pinsala sa utak. Nakinig ang mag-asawa, nang may pagpapakumbaba ngunit umaasa, at pagkatapos sa kabila ng pagsisikap ng mga doktor, natuloy pa rin ang paglabas ng mga sanggol.

Buhay sila nang isilang. Una ang sanggol na babae at pagkatapos ay ang sanggol na lalaki--tumitimbang sila ng hindi hihigit sa apat na libra. Madali silang inilipat sa intensive care unit at kinabitan ng ventilator, ng tubo sa tiyan at mga tubo sa ugat at binigyan ng matinding atensyon. Hindi sila puwedeng mailawan nang sobra, hindi pwedeng maingayan, laging minamanmanan ang kemikal na balanse nila, habang tinatangka ng magagaling na doktor at nars at ng milyun-milyong dolyar na halaga ng mga kagamitan, na lumikha ng kondisyong tulad ng himala ng sinapupunan ng ina.

Napakaraming nagaganap na maliliit na himala araw-araw: gumaling ang mga baga at sa kabila ng mga peligro, nagpatuloy ito sa paggana nang maayos; napaglabanan ang pulmonya at marami pang nakamamatay na impeksyon; pinalitan ang di na gumaganang tubo. Pagkatapos ng dalawa at kalahating buwan nadagdagan ng dalawang libra ang sanggol na lalaki at nakahihinga na sa pamamagitan ng oxygen. Tinanggal na ang ventilator niya, nakakakain na siya, at iniuwi na siya nang may nakakabit pang monitor ng lubos na nagpapasalamat niyang mga magulang.

Nagpatuloy pa ring humihinga sa pamamagitan ng ventilator ang sanggol na babae. Marahil nais niya ring maging katulad ng kanyang kapatid, pero lagi nang nagbabara ang lalamunan niya at hindi pa rin siya makahinga nang mag-isa. Magang-maga ang kanyang lalamunan, kung kaya nahihirapan ang mga doktor na ikabit na muli ang tubo na halos ikamatay niya. Bumabagal ang paggaling niya dahil sa patuloy na pag-asa sa ventilator.

Sa huli, pagkatapos ng dalawang buwan mula nang iuwi ang kanyang kapatid, naramdaman ng mga doktor na mapipilitan silang imungkahi ang isang operasyon para sa kanya--isang operasyon na makapagpapahintulot sa kanya na makahinga sa pagbutas sa kanyang lalamunan; isang operasyon na maaaring lumutas sa problema sa tiyan sa pagbutas sa kanyang tagiliran; ngunit isang operasyon na makaaapekto sa munting katawan niya sa loob ng maraming buwan at marahil sa buong buhay niya.

Habang nagpupunyaging makapagpasiya, nagpadala ng mensahe ang isang tiyahin para sa mag-anak. Ipinaliwanag niya ang sitwasyon--ang kahalagahan ng pagsasaoras ng mga bagay-bagay, ang kahalagahan ng hindi na pag-asa sa ventilator--at iminungkahi na pag-isahing muli ang aming pananampalataya, at manalangin at mag-ayuno para sa isa pang himala--kung iyon ang kalooban ng Panginoon. Tatapusin namin ang pag-aayuno nang may panalangin sa gabi ng ika-3 ng Disyembre.

Hayaan ninyong basahin ko ang sulat na ipinadala sa mag-anak noong umaga ng ika-4 ng Disyembre. "Minamahal na mag-anak, Magandang balita! Pagpapala mula sa Panginoon. Ang taos-puso naming pasasalamat sa inyong mga panalangin at pag-aayuno para sa aming sanggol. Kahapon ng umaga inalisan na siya ng ventilator at hindi na ito nagamit sa loob ng 24 na oras hanggang sa ngayon. Sa atin, isa itong himala. Hindi pa rin makapagbigay ng katiyakan sa mangyayari ang mga manggagamot, ngunit nagpapasalamat na kami sa Panginoon at sa inyo. Idinadalangin namin na ito na ang makapagpapatapos ng pamamalagi niya sa ospital. At higit pa kaming umaasa na makauwi siya ngayong Pasko."

Nakauwi nga siya noong Pasko, at sa kasalukuyan ay parehong "mabuti" ang lagay ng mga sanggol. Nakaranas din ang aming mag-anak ng sarili nitong "paghati sa Dagat na Pula" at nakahanda kaming patotohanan na mayroon ngayon, tulad din noon, at magpakailanman, ng "Diyos ng mga himala" na nagmamahal sa Kanyang mga anak at nagnanais na pagpalain sila.

Ngayon, alam namin, tulad ninyo, na hindi nakatatanggap ang lahat ng pagsusumamo at lahat ng pag-aayuno ng ganitong kasagutan. Naranasan din ng aming mag-anak ang kamatayan ng mga mahal sa buhay, malulubhang karamdaman, pagsubok sa diborsyo, at mga anak na naliligaw ng landas. Hindi natin laging nauuna waan ang mga dahilan sa likod ng mga pagsubok na kaakibat ng mortalidad. Ngunit tumatag din ang aming pananampalataya, at marahil ay gayundin sa inyo habang nasasaksihan natin ang mga minamahal natin, mga kaibigan, at mga taong nababalitaan o nababasa lang natin na nagtitiis ng pinakamatitinding pagsubok. Nakikilala rin nila ang Diyos ng mga himala at nasasaksihan sa panahon ng kanilang matinding pagsubok na anuman ang inilalaan ng hinaharap para sa kanila, sila ay kilala at minamahal at pagpapalain ng Panginoon. Sila'y ibinuklod sa Kanya at sa bawat isa magpakailanman, at handa silang isuko ang kanilang mga kalooban sa Kanya.

Paano silang nakarating sa puntong iyon? Paano natin matatamo ang tahimik na himala na ginagawa ng Panginoon habang binabago Niya tayong Kanyang mga anak, sa pagiging mga karapat-dapat na tagapagmana ng kaharian ng Diyos? Naniniwala ako na ginawang posible ito dahil "gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan" (Juan 3:16). Naniniwala ako na dumarating ito habang tayo ay nagbibigay-daan sa panghihikayat ng Espiritu, hinuhubad ang likas na tao at napupuspos ng pag-ibig ng Diyos (tingnan sa Mosias 3:19). "Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo" (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3). Ang buong sangkatauhan--kabilang ako; kabilang kayo--ay maaaring makabahagi ang bawat isa sa atin sa Pagbabayad-sala, ang pinakadakila sa lahat ng himala ng Diyos.

Tunay na hinati ng Diyos ang Dagat na Pula, at tunay na ibinigay Niya sa atin ang Aklat ni Mormon. Mapagagaling Niya tayo sa ating mga kasalanan, at mapagpapala at pagpapalain Niya tayo na Kanyang mga anak, sa araw-araw nating pamumuhay. Alam kong buhay Siya at minamahal tayo at siya ngayo'y Diyos ng mga himala, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy