Elder Jeffrey R. Holland
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
"Para sa mga yaong nahihirapang simulan ang mga pag-uusap na pangmisyonero--at marami ang ganito--ang bagong tarhetang gawa ng Simbahan na pinagpapasa-pasahan ay isang kaakit-akit at walang kapagud-pagod na paraan upang ipaalam sa iba ang ilan sa inyong mga pangunahing paniniwala at kung paano sila higit na matututo."
Sa pagtatapos ng ministeryo sa lupa ng nabuhay na mag-uling si Jesus, Ibinigay Niya ang napakahalagang utos sa Kanyang mga apostol at sa mga yaong susunod sa kanila:
"Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo."1
"Tatanggapin ninyo ang kapangyarihan,. . .at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, at sa buong Judea, at Samaria, at hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa."2
Laging inaalalang kumilos nang may paggalang at kagandahang-asal, responsibilidad nating maging mga saksi ni Jesucristo, "sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar,"3 upang ipahayag ang bawat isa sa sarili nating paraan ang dakilang layunin ng tungkuling iniatas sa atin ni Cristo.
Ngayo'y napakahuhusay na ninyong mga misyonero, mas mahusay pa sa inaakala ninyo, at may kakayahan pa kayong maging mas mahuhusay na misyonero. Ipauubaya natin sa mga full time na misyonero ang mabigat na gawain sa loob ng 12 oras araw-araw, ngunit bakit sila lang ang masisiyahan? May karapatan din tayong magbahagi at mabahaginan ng patotoo, at sa kabutihang-palad ay may nakalaan nang lugar para sa bawat miyembro ng Simbahan.
Tunay ngang isa sa mga kasabihan ng ating panahon ay na walang misyon o mga misyonero na ganap na magtatagumpay kung walang magiliw na pakikilahok at espirituwal na pagtulong ng mga lokal na miyembrong kasama nilang nagsisikap. Kung sa ngayo'y nag-uukit kayo ng tala sa bato, laliman ninyo ang pag-ukit. Ipinangangako ko sa inyo na hindi na ninyo kakailanganin pang burahin ito. Sa una'y maaaring iba-iba ang panggalingan ng mga nagsisiyasat, ngunit ang mga talagang nabibinyagan at matatag na napananatiling aktibo sa Simbahan ay dumadagsa mula sa mga kaibigan at kakilala ng mga miyembro ng Simbahan.
Mahigit 24 na buwan pa lang ang nakararaan sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa isang pagsasahimpapawid sa buong Simbahan:
"Ipinaaabot ko ang aking pagmamahal sa inyong mga misyonero. Talagang hindi ninyo ito magagawang mag-isa nang mabuti. Kailangan ninyo ang tulong ng iba. Ang lakas na tumulong ay nasa kalooban ng bawat isa sa atin.. . .
"Ngayon, mga kapatid, maaari nating pasubukang gawin itong mag-isa ng mga misyonero, o maaari natin silang tulungan. Kung gagawin nila itong mag-isa, kakatok sila sa mga pinto araw-araw at kakaunti ang kanilang maaani. O bilang mga miyembro matutulungan natin silang maghanap at magturo ng mga magsisiyasat.. . .
"Mga kapatid, lahat kayong nasa mga purok at istaka at sa mga distrito at sangay, inaanyayahan ko kayong maging isang malaking hukbong sabik sa gawaing ito at isang matinding pagnanasang alalayan ang mga misyonero sa kanilang napakalaking responsibilidad na dalhin ang ebanghelyo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao."4
Gusto ko ang tunog ng mga pariralang "isang malaking hukbong sabik sa gawaing ito" at "isang matinding hangaring alalayan ang mga misyonero." Hayaan ninyong magsabi ako ng ilang bagay na magagawa natin upang makatugon sa panawagang iyon. Matutukoy ninyo kung ilan doon ang ginagawa na ninyo.
Unang-una sa lahat, maipamumuhay natin ang ebanghelyo. Tiyak na wala nang iba pang higit na mabisang mensaheng pangmisyonero kaysa sa halimbawa ng mapagmahal at masayang buhay ng pagiging Banal sa mga Huling Araw. Ang kilos at pagdadala sa sarili, ang ngiti at kabaitan ng isang matapat na miyembro ng Simbahan ay nagdudulot ng sigla at pagkalingang hindi maipadarama ng anumang pagbabahay-bahay ng mga misyonero o videotape. Hindi sumasapi ang mga tao sa Simbahan dahil sa nalalaman nila. Sumasapi sila dahil sa espirituwal na nadarama, nakikita at ninanais nila. Madarama ng iba ang diwa ng patotoo at kaligayahang iyan kung pahihintulutan natin ito. Tulad ng sinabi ng Panginoon kay Alma at sa mga anak ni Mosias, "Humayo kayo. . .upang kayo ay makapagpakita ng halimbawa sa akin at gagawin ko kayong kasangkapan sa aking mga kamay tungo sa kaligtasan ng maraming tao."5
Isang nagbalik na misyonerong babae mula sa Hong Kong ang nagsabi sa akin kamakailan na nang tanungin niya at ng kanyang katuwang ang isang nagsisiyasat kung naniniwala siya sa Diyos, sumagot ang babae, "Dati'y hindi hanggang sa makilala ko ang isang miyembro ng Simbahan ninyo at napagmasdan ko kung paano siya mamuhay." Kahanga-hangang gawaing pangmisyonero! Ang paghiling sa bawat miyembro na maging misyonero ay hindi halos kasimbigat ng paghiling sa bawat miyembro na maging matapat! Salamat sa pagpapamuhay ninyo ng ebanghelyo.
Salamat din sa pananalangin ninyo para sa mga misyonero. Bawat isa ay nananalangin para sa mga misyonero. Nawa'y magpatuloy ito. Sa diwa ring iyon, dapat din nating ipanalangin ang mga yaong tinuturuan (o kailangang maturuan) ng mga misyonero. Sa Zarahemla, inutusan ang mga miyembro na "magkaisa sa pag-aayuno at mataimtim na pananalangin"6 alang-alang sa mga hindi pa sumasapi sa Simbahan ng Diyos. Magagawa rin natin iyon.
Maipananalangin din natin araw-araw ang ating mga pansariling karanasang pangmisyonero. Ipanalangin na sa ilalim ng banal na pamamahala ng gayong mga bagay, ang pagkakataong pangmisyonero na nais ninyong makamit ay inihahanda na sa puso ng taong nagnanais at naghahanap ng mayroon kayo. "Sapagkat marami pa sa mundo. . .na napagkakaitan lamang ng katotohanan, sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan."7 Ipanalangin na matagpuan nila kayo! at pagkatapos ay maging alisto, sapagkat napakarami sa inyong daigdig ng mga taong dumaranas ng matinding taggutom sa kanilang buhay, hindi kagutuman sa tinapay, o kauhawan man sa tubig kundi sa pagdinig sa salita ng Panginoon.8
Kapag inihahatid ng Panginoon sa inyong paningin ang taong ito, makipag-usap lang kayo--tungkol sa kahit ano. Hindi kayo magkakamali. Hindi ninyo kailangang magkaroon ng iminungkahing mensaheng pangmisyonero. Ang pananampalataya ninyo, ang kaligayahan ninyo, ang mismong nakabakas sa inyong mukha ay sapat na upang antigin ang matapat ang puso. Hindi pa ba ninyo naririnig ang isang lola na nagkukuwento tungkol sa kanyang mga apo? Iyan ang ibig kong sabihin--nang walang mga larawan! Lilitaw na lamang at sukat ang ebanghelyo. Hindi ninyo mapipigil ang sarili ninyo!
Pero marahil ay higit na mahalaga kaysa sa pagsasalita ang pakikinig. Ang mga taong ito ay hindi mga bagay na walang buhay na na ibibilang lamang na mga taong bibinyagan. Sila ay mga anak ng Diyos, mga kapatid natin, at kailangan nila ang anumang mayroon tayo. Maging tapat. Makipag-usap nang taos-puso. Itanong ninyo sa mga kaibigang iyon kung ano ang pinakamahalaga sa kanila. Ano ang itinatangi nila, at ano ang kanilang pinakamamahal? Makinig pagkatapos. Kung naaangkop ang sitwasyon maaari ninyong tanungin kung ano ang mga kinatatakutan nila, ano ang mga pinananabikan nila, o ano sa damdam nila ang kulang sa kanilang buhay. Ipinangangako ko sa inyo na may isang bagay sa sinasabi nila na laging magtatampok sa isang katotohanan ng ebanghelyo na mapapatotohanan ninyo at makapagdaragdag pa kayo. Minsa'y sinabi sa akin ni Elder Nelson na isa sa mga unang patakaran sa mga itinatanong ng doktor ay ang "Tanungin ang pasyente kung alin ang masakit. Ang pasyente," sabi niya, "ang pinakamainam na gabay mo para sa wastong pagsusuri at sa ilalapat na lunas." Kung makikinig tayo nang may pagmamahal, hindi na natin iisipin kung ano ang sasabihin. Ibibigay ito sa atin--ng espiritu at ng ating mga kaibigan.
Para sa mga yaong nahihirapang simulan ang mga pag-uusap na pangmisyonero--at marami ang ganito--ang bagong tarhetang gawa ng Simbahan na maipamimigay ay isang kaakit-akit at walang kapagud-pagod na paraan upang ipaalam sa iba ang ilan sa inyong mga pangunahing paniniwala at kung paano sila higit na matututo. Halimbawa, ang pinakamadaling paraang natuklasan ko sa sarili ko ay mamigay sa mga tao ng kopya ng Aklat ni Mormon nang hindi na kakailanganing magdala pa ng isang bag na puno ng mga aklat habang naglalakbay.
Ngayon hayaan ninyong pabilisin ko nang kaunti ang mensaheng pangmisyonerong ito. Marami pa sa atin ang makapaghahanda bilang mga nakatatandang misyonero kapag dumating na tayo sa ganoong panahon sa ating buhay. Gaya ng binanggit sa isang poster ng mga nakatatandang mag-asawa sa MTC sa Provo, "Habaan natin ang ating paghahalo!" Kagagaling ko pa lang mula sa mahabang paglalakbay na nagdala sa akin sa anim na misyon. Sa lahat ng pinuntahan ko sa loob ng mga linggong iyon, nakakita ako ng mga nakatatandang misyonero na ginagawa ang pinakapambihira at pinakamakabuluhang gawaing magagawa, na nagbibigay ng katatagan, kahustuhan ng isip at karanasang hindi maaasahang mailalaan ng 19 o 21 taong gulang na misyonero. Nakita ko ang lahat ng uri ng mga pareha, kabilang na ang mga dating pangulo ng misyon at templo at kani-kanilang mga kabiyak, na nagbuhat pa sa iba't ibang panig ng mundo na ganap na dayuhan sa kanila na payapa at mapagparayang naglilingkod sa pangalawa o pangatlo o pang-apat na misyon. Lubos akong naantig sa bawat isa sa kanila.
Nananghalian ako kasama nina Elder at Sister John Hess ng Ashton, Idaho. "Matatandang tagapagtanim lang kami ng patatas," sabi ni John sa akin, ngunit iyon mismo ang kailangan ng bansa ng Belarus sa Russia Moscow Mission. Sa loob ng maraming taon ang pinakamagagandang patatas na naaani sa mga taniman ng pamahalaan doon ay 50 sako bawat ektarya. Kung iisiping kakailanganin ng 22 sako ng binhi para tamnan ang isang ektarya, talagang mahina nga ang produksyon. Kailangan nila ng tulong.
Humiling si Brother Hess ng taniman na tatlong piye lang ang layo sa taniman ng pamahalaan, inihanda ang sarili, at nagsimulang itanim ang mga binhing iyon, mga gamit, at patabang nakukuha sa Belarus. Nang dumating ang tag-ani nagsimula silang magbungkal, at pagkatapos ay tinawag ang iba para magbungkal, at pagkatapos ay tinawag ang lahat para magbungkal. Gamit ang tubig-ulan at lupa ring iyon, ngunit may karagdagang sipag, karanasan, at panalangin ng mga taga-Idaho, umani ang mga itinanim ng mga Hess ng 550 sako bawat ektarya--11 beses ang dami sa alinmang dating ani sa lupaing iyon. Noong una'y walang makapaniwala sa naging kaibhan. Inisip nila na baka may mga lihim na pangkat na pumupunta sa gabi o kung may ginamit na kahima-himalang gamot. Ngunit walang anumang ganito. Sabi ni Brother Hess, "Nangailangan kami ng himala kaya hiniling namin ito." Ngayon mahigit isang taon lamang ang nakalipas, sa komunidad na iyon nakakatagpo ng higit na tagumpay ang mga batang misyonero dahil lamang sa tumugon ang isang "matandang tagapagtanim ng patatas" mula sa Idaho sa tawag ng kanyang Simbahan.
Karamihan sa mga mag-asawang misyonero ay naglilingkod nang higit na karaniwan kaysa roon, na ginagamit ang kanilang karanasan sa pamumuno sa mga purok at sangay, ngunit ang punto rito ay may iba't ibang uri ng pangangailangan sa gawaing ito, at may matibay na tradisyong pangmisyonero na tumugon sa tawag na maglingkod sa bawat panahon at sa bawat kalagayan. Kamakailan ay natutuhan ko mula sa pangulo ng isang misyon na isa sa kanyang mga batang misyonera, na papatapos na sa matapat at matagumpay na misyon, ang umiiyak na nagsabing kailangan niyang makauwi kaagad. Nang itanong namin kung ano ang problema, sinabi niya na naging mahirap na ang pera sa pamilya niya para maipagpatuloy pa ang pagsuporta sa kanya, pinaupahan ng pamilya ang kanilang bahay at ipinadadala sa kanya ang bayad sa upa para sa mga gastusin niya sa misyon. Para may matirhan, lumipat sila sa isang bodega. Nakikigamit sila ng gripo at tubong-goma sa kapitbahay para sa tubig; at pumupunta sila sa kalapit na gasolinahan para magbanyo. Ang pamilyang ito, kung saan kamamatay pa lamang ng ama, ay labis na ipinagmamalaki ang kanilang misyonera at hindi palaasa sa iba kung kaya nagawa nilang ipaglihim ang mga pagbabagong ito sa karamihan sa kanilang mga kaibigan at sa halos lahat ng mga pinuno ng Simbahan.
Nang matuklasan ang sitwasyong ito, kaagad naibalik ang pamilyang ito sa kanilang tahanan. Naisaayos ang mga pangmatagalang suliranin nila sa kabuhayan, at naibigay sa buong magdamag ang kumpletong halaga ng natitira pang suporta para sa misyon ng misyonerang ito. Matagumpay na tinapos ng matapat, masipag na batang kapatid na babaeng ito ang kanyang misyon nang panatag at walang takot at ikinasal siya kamakailan sa templo sa isang kahanga- hangang binata.
Sa pinagpala nating panahon hindi natin hinihingi ang ganitong uri ng matinding sakripisyong inilaan ng pamilya ng misyonerang ito, ngunit ang ating henerasyon ang nakikinabang sa mga naunang henerasyong talagang nagsakripisyo nang husto sa pagsasakatuparan ng layuning ipinahahayag natin. May higit pa tayong magagawa upang maipamana ang tradisyong iyon sa mga kasunod natin.
Hiniling ni Apostol Juan sa Panginoon kung siya, si Juan, ay maaaring mamalagi sa mundo nang higit sa karaniwang itatagal ng buhay ng tao upang makapagdala ng mga kaluluwa sa Diyos. Bilang pagkakaloob sa kahilingang iyon, sinabi ng Panginoon na ito ay "mas dakila pang gawain" at mas marangal na "naisin" kaysa sa pagnanasang "kaagad" na makapiling ang Panginoon.9
Gaya ng lahat ng propeta at apostol, naunawaan ni Propetang Joseph Smith ang malalim na kahulugan ng kahilingan ni Juan nang sabihin niyang, "Matapos masabi ang lahat ng iyon, ang [ating] pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ang ipangaral ang Ebanghelyo."10 Pinatototohanan ko ang ebanghelyong iyon at si Jesucristo, na nangatawan nito. Pinatototohanan ko na ang "mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos"11 at na ang pagliligtas sa mga kaluluwang iyon sa pamamagitan ng nakapagliligtas na Pagbabayad-sala ng Kanyang Pinakamamahal na Anak ay nasa pinakaibuturan ng Kanyang gawain at kaluwalhatian.12 Sa pagsusumikap na maisakatuparan ang gawaing iyon nakikiisa ako kay Jeremias sa pagpapatotoo na sa huli'y magiging mas dakilang himala kaysa sa pagtawid ng sinaunang Israel sa Dagat na Pula ang huling dakilang paghahayag na pangmisyonero sa makabagong Israel.13 Dalangin kong nawa'y buong tapang at pananabik nating ibahagi ang himala ng mensaheng ito, sa banal na pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Mat. 28:19.
2. Mga Gawa 1:8.
3. Mosias 18:9.
4. "Hanapin ang mga Kordero, Pakainin ang mga Tupa," Liahona, Hulyo 1999, 120, 124.
5. Alma 17:11.
6. Alma 6:6.
7. D at T 123:12.
8. Tingnan sa Amos 8:11.
9. Tingnan sa D at T 7.
10. Teachings of the Propet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith (1976), 113.
11. D at T 18:10.
12. Tingnan sa Moises 1:39.
13. Tingnan sa Jer. 16:1416.