Elder L Whitney Clayton
Ng Pitumpu
"Pinabibilis natin ang proseso ng pagpapalakas ng ating pananampalataya kapag ginagawa natin ang tamalagi nang may kasunod na karagdagang pananampalataya."
Sa isang pagkakataon, nakita ng Tagapagligtas ang malaking bilang ng mga tao, na nakikinig sa pagtatalu-talo ng mga disipulo at mga eskriba. Tinanong niya ang mga eskriba ng, "Ano ang ipinakikipagtalo ninyo sa kanila?"
Isang lalaki na nakaluhod sa Kanya ang sumagot na hiniling niya sa mga disipulo na itaboy ang masamang espiritu sa kanyang anak, ngunit "hindi nila siya mapagaling." Nagsumamo sa Kanya ang ama sinasabing, "Datapuwa't kung mayroon kang magagawang anomang bagay, ay maawa ka sa amin, at tulungan mo kami.
"At sinabi sa kanya ni Jesus, kung kaya mo, ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa kanya na nananampalataya.
"Pagdaka'y sumigaw ang ama ng bata, at sinabi [nang lumuluha], Nananampalataya ako [Panginoon]; tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya."
Pagkaraan ay pinagwikaan ng Tagapagligtas ang karumal-dumal na espiritu at inutusan itong, ". . . lumabas sa kaniya, at huwag . . . nang pumasok na muli sa kaniya. At nang makapagsisisigaw, at nang siya'y mapangatal na mainam ay lumabas siya."1
Lahat tayo'y nakaranas ng mahihirap, maging mga nakapanlulumong sandali kung kailan lumuluha tayong nananalangin, at sumasamo tulad ng amang ito, "Panginoon, nananampalataya ako, tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya."
Kung paano handang tulungan ng Tagapagligtas ang amang ito na "lubhang naghihirap,"2gayundin na handa Niya tayong tulungan sa ating kakulangan ng pananampalataya ngayon, upang mapanampalataya nating makayanan ang ating mga pakikibaka at "magtagumpay."3
Pananampalataya sa Panginoon ang unang alituntunin ng ebanghelyo, at higit pa sa paniniwala lang.4Ang pananampalataya ay "[Ang] umasa ka sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo."5"Lagi nang nahihikayat ang nananampalataya na . . . kumilos at mag-isip . . . "6"Ang ibig sabihin ng manampalataya kay Jesucristo ay magtiwala sa kanya nang sapat para sundin natin ang anumang iniuutos Niya. Walang pananampalataya kung walang pagsunod."7
Nagmumula ang pananampalataya sa pakikinig sa salita ng Diyos, at isang espirituwal na kaloob.8Tumitibay ang pananampalataya kapag hindi lang tayo nakikinig, kundi ipinamumuhay din ang salita ng Diyos, bilang pagsunod sa mga katotohanang itinuturo sa atin.9
Isang napakagandang halimbawa ang pagtalima ni Maria sa pahayag ng anghel. Sinabihan si Maria ng anghel na si Gabriel, "Maglilihi ka sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalaki, at tatawagin mo ang kanyang pangalang JESUS. Siya'y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan." Pagkatapos, masunuring sinabi ni Maria kay Gabriel, "Narito, ang alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa inyong mga salita."10
Sa isa pang pagkakataon, "sa paglalakad [ni Jesus] sa dagat ng Galilea, ay nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simeon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, na inihuhulog ang isang lambat sa dagat; sapagka't sila'y mga mamamalakaya.
"At sinabi niya sa kanila, magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.
"At pagdaka'y iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya."11
Matapos ang Pagkabuhay na Muli ng Tagapagligtas, "nangisda" sina Pedro at ang ibang disipulo. Subalit, "nang gabing yaon ay wala silang nahuling anoman. Ngunit nang nagbubukang liwayway na, si Jesus ay tumayo sa baybayin: gayonma'y hindi napag-alaman ng mga alagad na yaon ay si Jesus." Sinabi niya sa kanila na "ihulog . . . ang lambat sa dakong kanan ng daong, at makasusumpong kayo. Inihulog nga nila, at hindi na nila mahila dahil sa karamihan ng mga isda."12
Makikita natin ang gayunding pagsunod na nagpapatatag ng pananampalataya sa buhay ng Propetang Joseph Smith. Kasunod ng magdamag na pagdalaw ni Moroni sa kanya noong Setyembre 1823, kinabukasan ay nagtrabaho si Joseph kasama ang kanyang ama. Dahil halos hindi siya nakatulog magdamag, "napansin [niyang] ang [kanyang] lakas ay naglaho kaya [siya'y] lubusang nawalan ng kakayahang" magsagawa ng "mga gawaing kinakailangan sa araw na iyon." Sinabihan siya ng kanyang ama na umuwi at "tumalima nang may layuning umuwi ng bahay; ngunit . . . tuluyang nawala ang [kanyang] lakas at [siya'y] bumagsak sa lupa nang nanghihina, at ilang sandali ring nawalan ng kamalayan sa anumang bagay." Nang magising siya, "tumingala [siya], at nakita ang sugo ring yaon na nakatayo sa [kanyang] ulunan, at napalilibutan ng liwanag tulad noong una." Inutusan si Joseph na "magtungo sa [kanyang] ama at ilahad sa kanya ang mga pangitain at kautusang natanggap [niya]." Bagamat maiintindihang pagod siya, masunuring "nagtungo [siya] sa kanyang ama sa bukid at inilahad . . . sa kanya ang buong pangyayari." Tumugon ang kanyang ama na "yaon ay sa Diyos, at sinabihan [siya] na humayo at sundin ang iniuutos ng sugo." Pagkatapos, ang pagod ngunit masunuring si Joseph ay "nilisan ang bukid, at nagtungo sa pook na sinabi ng sugo na pinaglalagakan ng mga lamina . . ."13na ilang milya ang layo.
Araw-araw nagpapasiya tayo kung ano ang gagawin at hindi natin gagawin, sa gitna ng di mabilang na pagpipilian. Kapag pinili nating sundin ang mga utos bilang ating unang priyoridad, nang hindi bumubulong-bulong ni inuurirat ang mga bagay na inuutos Niya, nagiging mga alipin tayo ng Panginoon at mamamalakaya ng mga tao, at inihuhulog ang ating mga lambat sa kanang dako ng sarili nating mga bangka. Humahayo tayo at ginagawa natin ang mga inuutos ng Panginoon, kahit pagod tayo, naniniwalang tutulungan Niya tayong gawin ang eksaktong nais niyang ipagawa.14Kapag ginagawa natin ito, tinutulungan ng Panginoon ang kakulangan natin ng pananampalataya, at nagiging mabisa, masigla at di matitinag ang ating pananampalataya. Ito ang isinulat ng Propetang Joseph sa piitan ng Liberty, "Samakatwid, mga minamahal na kapatid, ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan [o pananampalataya], na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag."15
Sino man o saan man tayo nakatira, marami sa araw-araw nating ginagawa ang paulit-ulit. Sa paggawa sa mga ito, dapat nating sadyaing gawin ang mga bagay na pinakamahalaga. Kabilang sa mga bagay na dapat nating gawin ang pag-uuna ng kainamang dami ng pang-araw-araw na pangangailangan ng matapat na pag-uugali: tunay na pagsunod, mapagkumbabang panalangin, seryosong pag-aaral ng banal na kasulatan at mapagparayang pagsisilbi sa iba. Wala ng iba pang pang-araw-araw na pampalakas ang makapagpapatibay ng ating pananampalataya nang kasingbilis ng mga pag-uugaling ito. Dapat din nating tandaan na nakapagpapalakas ng pananampalataya ang taimtim na patotoo. Mahalaga ito lalung-lalo na kapag tapat tayong naghahangad na baguhin ang mga mali sa ating pag-uugali na matagal na nating taglay at hindi maaalis kundi sa "pamamagitan ng panalangin at ayuno."16
Ang pagkakaroon ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ay isang proseso na taludtod sa taludtod, at tuntunin sa tuntunin. Pinabibilis natin ang proseso ng pagpapalakas ng ating pananampalataya kapag ginagawa natin ang tamalagi nang may kasunod na resulta ang naragdagang pananampalataya.17Kung araw-araw tayong sasampalataya sa panalangin, pag-aral at pagsunod, tutulungan ng Tagapagligtas ang ating kawalang kakulangan ng pananampalataya at ang pananampalataya natin ay magiging proteksyon upang "masubuhan . . . ang lahat ng nag-aapoy na sibat ng masama."18Itinuro ni Alma na maaari nating labanan ang bawat tukso ng diyablo kung may pananampalataya tayo kay Jesucristo."19Gayunman, hindi natin maipagwawalang-bahala ni matatanggihan ang mahahalagang sangkap ng ating pananampalataya at pagkatapos ay umasang umani nang sagana.
Maraming halimbawa ng lumalagong pananampalataya sa mga miyembro ng Simbahan ngayon. Habang tumatanggap ng tawag sa misyon ang mga kabataan at mga mag-asawang may edad na, habang inihahanda ng isang magkasintahan ang kanilang sarili upang marapat na makasal sa banal na templo, habang tinuturuan ng mga magulang ang mga anak sa landas na dapat nilang tahakin,20ay lumalakas ang kanilang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Habang pinananatili nating banal ang araw ng Sabbath, tumutupad sa tungkulin, nagbabayad ng ikapu at mga handog-ayuno, malugod na tinatanggap ang mga bagong miyembro sa mga samahan sa Simbahan, at inaanyayahan ang mga kaibigan at kapitbahay na matutuhan ang mga katotohanan ng ebanghelyo, pinalalakas natin ang ating pananampalataya. Kapag pinipili nating iwaksi ang ating mga kasalanan at kusang nagsisisi, at kapag lumuluhod tayo upang manalangin sa maayos o kaya'y magulong panahon, bumubuo tayo ng malakas na pananampalataya.
Sa gayon makikita nating nangyayari sa buhay natin ang isang karanasan sa Aklat ni Mormon: "Gayon pa man, sila ay madalas na nag-ayuno at nanalangin, at tumibay nang tumibay sa kanilang pananampalataya kay Cristo, hangang sa mapuspos ang kanilang mga kaluluwa ng kagalakan at kasiyahan, oo, maging hanggang sa pagpapadalisay at sa pagpapakabanal ng kanilang mga puso, kung aling pagpapakabanal ay napasakanila dahil sa paghahandog ng kanilang mga puso sa Diyos."21
Pinatototohanan ko na buhay ang Tagapagligtas at tinutulungsan Niya ang kakulangan natin ng pananampalataya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Tingnan sa Marcos 9:1429; tingnan din sa Mat. 17:1421.
2. Mat. 17:15.
3. D at T 10:5.
4. Tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, "Pananampalataya," 203204.
5. Alma 32:21; tingnan din sa Heb.1:1; Eter 12:6.
6. Bible Dictionary, 670.
7. Mga Alituntunin ng Ebanghelyo(1997), 118.
8. Tingnan sa Rom.10:17; Moro.10:11; Bible Dictionary, 669.
9. Tingnan sa Bible Dictionary, 66970.
10. Lucas 1;31 32, 38.
11. Mat. 4:18-20.
12. Juan 21:24, .6
13. JSK 1:4750.
14. Tingnan sa 1 Ne. 3:7.
15. D at T 123:17.
16. Mat. 17:21; tingnan din sa Marcos 9:29.
17. Tingnan sa Bible Dictionary, 669.
18. D at T 27:17,
19. Alma 37:33.
20. Tingnan sa Kawikaan 22:6.
21. Hel. 3:35.