The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2001
Ang Plano ng Ating Ama

Ang Plano ng Ating Ama

Elder Christoffel Golden Jr.
Ng Pitumpu

"Hangarin ng ating —Ama sa Langit ] na maglaan sa atin ng pagkakataong tumanggap ng kabuuan ng kagalakan, maging ng kabuuan ng Kanyang tinataglay."

Elder Christoffel Golden Jr.

Sa paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith noong mga Hunyo 1830, binanggit sa atin ang naipahayag na layunin ng ating Ama sa Langit: "Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao."1Ayon sa pahayag na ito, hangarin ng Ama na maglaan sa atin ng pagkakataong tumanggap ng kabuuan ng kagalakan, maging ng kabuuan na kanyang tinataglay, sa Kanyang ganap at maluwalhating kalagayan.2

Mapagkumbaba nating ipinahahayag sa napakahalagang mga huling araw na ito, tulad nang ibinadya ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta na ang Diyos, ang ating Amang Walang Hanggan ay buhay. Pinatototohanan natin na nabuhay tayong kasama Niya bago tayo nabuhay rito, tinuruan tayo sa kapaligirang naglaan sa atin ng pagkakataong paunlarin ang ating mga talino at kakayahan, sa pinagpalang tirahang iyon "malaya tayong pumili ng mabuti o masama" at "pinili natin ang mabuti," nagpairal tayo ng "labis na pananampalataya," at nagsagawa ng "mabubuting gawa." Sa gayon, nakapanatili tayo sa unang kalagayan, samantalang inordenan na tayo noon pa man ng ating Ama na tumanggap ng ilang pribilehiyo sa buhay na ito.3

Gayundin na isinasaad ng paghahayag sa mga huling araw na inordena ng ating Ama sa Langit ang Dakilang Plano ng Kaligayahan para sa lahat ng Kanyang mga espiritung anak na nakapanatili ng kanilang unang kalagayan.4Ibinibilang nito ang posibilidad na makakatulad tayo balang araw ng ating Ama sa Langit, at tataglayin ang lahat ng katangian at karapatan na tinatamasa Niya ngayon. Ipinagunita ni Apostol Pablo sa mga Banal na ipinagkaloob sa atin ng —ating Panginoon] ang kanyang banal na kapangyarihan na nauukol sa kabuhayan at sa kabanalan, "nang sa gayon" sa pamamagitan ng mga ito ay makabahagi kayo sa kabanalang mula sa Dios"5Maituturing na mabigat ang pahayag ni Pedro, at inaamin nating gugugol ng habambuhay, at higit pa, upang maisakatuparan ito, gayunman, naipahiwatig na muli ang damdamin niyang ito sa utos ng Tagapagligtas, "Kayo nga'y mangagpakasakdal na gaya ng inyong Ama sa Kalangitan na sakdal."6

Hinihingi rin ng Plano ng Ating Ama na ang lahat ng nakapanatili sa kanilang unang kalagayan ay masubok sa mortalidad o sa ikalawang kalagayan. Sa sitwasyong ito, hinihilingan tayong kumilos para sa ating sarili at patunayan sa ating sarili at sa Diyos kung susundin ba natin ang lahat ng Kanyang kautusan at madadaig ang kasalanan at pagsalungat.7

Mula noong pagkahulog ni Adan at dahil sa likas na katangian ng sangkatauhan, nagkaroon ng likas na pagkahilig ang tao na lumabag sa mga batas ng Diyos, at sa gayon ay naging alipin ng mga hinihinging katarungan. Gayunman, dahil sa maagang kaalaman ng ating Ama sa Langit, at sa pamamagitan ng dakilang plano ng kaligayahan, gumawa siya ng plano ng awa. Nagbigay-daan ito upang matugunan ang mga tiyak na hinihingi ng katarungan sa pamamagitan ng walang hanggang Pagbabayad-sala.8

Si Jesucristo, bilang pinili ng Ama mula sa simula,9ay nag-aangkin ng lahat ng kwalipikasyon at katangiang hinihingi upang pag-akmain ang mga batas ng katarungan at awa sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.10

Itinuro ni Haring Benjamin na ang Pagbabayad-sala ay nagpapahintulot sa tao na hubarin ang likas na tao sa pagbibigay-daan niya sa panghihikayat ng Banal na Espiritu.11Samakatuwid, pinatototohanan natin na ang lahat ng lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng mga batas at ordenansa ng ebanghelyo ay may kakayahang manampalataya para sa "walang hanggang kaligtasan at buhay na walang hanggan."12

Pinatototohanan din natin na ang pagsunod sa lahat ng kundisyon ng dakilang plano ng kaligayahan, ay hindi posible hanggat hindi naitatatag na muli ng ating Ama sa Langit, at ng kanyang Anak na si Jesucristo, ang ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.13

Ipinahayag ng ating minamahal na propeta, si President Gordon B. Hinckley, na "ang mga tala ni propetang Joseph tungkol sa mga pangyayaring ito ay totoo, na nagpatotoo ang Ama sa pagka-Diyos ng Kanyang Anak, na tinagubilinan ng Anak ang batang propeta, at may sumunod na mga pangyayaring humantong sa organisasyon ng "tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo."14

Taimtim na ninanais ng lahat ng matatapat na mapanatili ang kanilang pangalawang kalagayan. Hindi tayo nag-iisa sa paghahanap ng landas natin pauwi. Itinatag ng Panginoon ang Kanyang kaharian sa lupa kung saan matitipon ang mga hinirang ng Diyos.

Sa mapagmahal na pangangalaga ng Panginoon, naglaan Siya sa atin ng lahat ng mahahalagang mapagkukunang kinakailangan upang madaig ang mga pahirap na ginagawa sa atin ni Satanas.15

Kasama sa mga mapagkukunang kailangan natin ang mga ordinansa at tipan ng ebanghelyo, kung saan naipapakita ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.16Mayroon din tayong mga banal na kasulatan na nagbibigay sa atin ng pamantayang malaman ang tama at mali.17

Makabuluhang nabubuhay tayo sa pinagpalang panahon kung kailan naglagay ang Panginoon ng Kanyang mga bantay, maging ng mga buhay na apostol at propeta sa gitna natin. Hawak nilang lahat ang mga kinakailangang susi at karapatan na mahalaga sa pangangasiwa ng mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan.18

Higit sa lahat, bilang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo, mayroon tayong di pangkaraniwang kaloob ng Espiritu Santo. Nang gabing maghirap ang Tagapagligtas para sa ating mga kasalanan, sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo na "ang Espiritu . . . ay papatnubayan kayo sa buong Katotohanan."19

Si Juan ang Tagapagpahayag sa pangitaing tinanggap niya sa langit, ay nakita ang katuparan ng plano ng ating Ama, at itinala ang kalagayan ng mga nanggaling sa malaking kapighatian, at naghugas ng kanilang mga damit at pinaputi sa dugo ng Cordero. Nakita niya kung paano nila dinaig ang daigdig, tumayo sa harapan ng trono ng Diyos, at pinaglingkuran Siya sa Kanyang Templo. Nasa gitna nila ang Panginoon, at hindi na nagugutom at nauuhaw ang matatapat, at pinahid ng Diyos ang bawat luha ng kanilang mga mata.20

Hindi tayo dapat matakot, may pananampalataya tayong susunod sa dakilang plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit. Inaanyayahan natin ang lahat na lumapit at tumanggap ng biyaya at awa ng Panginoon, sapagkat siya'y may kapangyarihang magligtas, at hindi tayo pababayaan!21

Nawa'y pagpalain tayo ng Panginoon sa dakilang gawaing ito, ang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Moises 1:39.
2. Tingnan sa Moises 7:67; D at T 76:69–70.
3. Tingnan sa Alma 13:3–13; I Ped. 1:20.
4. Alma 42:8.
5. 2 Ped. 1:3–4.
6. Mat. 5:48; tingnan din sa 3 Ne. 12:48.
7. Mat. 7:21; Apoc. 3:21; D at T 98:14–15.
8. Tingnan sa Alma 42:15.
9. Tingnan sa Moises 4:2.
10. Doctrines of the Gospel: Student Manual(1986), 22.
11. Tingnan sa Mosias 3:19.
12. Mosias 5:15; tingnan din sa Moro. 10:32.
13. Tingnan sa I Ne. 11:13–36; 2 Ne. 3:5–11.
14. D at T 1:30; "Mga Natatanging Saksi ni Cristo,"Liahona,Abr. 2001, 24.
15. Tingnan sa Moises 4:3–4; D at T 93:39.
16. Tingnan sa Juan 3:5; Mosias 5:1–2; D at T 76:50–54.
17. Tingnan sa Alma 4:19; 31:5.
18. Tingnan sa Mat. 10:1–15; D at T 1:14–15; 21:1–8.
19. Juan 16:13.
20. Apoc. 7:14–17.
21. Tingnan sa Deut. 7:7–18.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy