The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2001
Iukit ang mga Alituntunin ng Ebanghelyo sa Ating Puso

Iukit ang mga Alituntunin ng Ebanghelyo sa Ating Puso

Elder Walter F. González
Ng Pitumpu

"Hindi sapat ang kaalaman lamang. Dapat na pag-ukulan natin ng panahong ipamuhay ang mga alituntunin."

Elder Walter F. González

Ingles ang wika ng Pagpapanumbalik, at sa sesyong ito ng komperensya, ang Ingles na sinalita nang may punto ang sagisag ng paglago ng Simbahan sa buong mundo. Taga South America ako at doo'y napakalaki ng pag-unlad ng Simbahan. Nang sumapi ako sa Simbahan 30 taon na ang nakalipas, kami ay may 108,000 miyembro at 6 na stake. Noo'y walang templo sa aming kontinente. Ngayo'y mayroon na kaming 2,600,000 miyembro at 557 stake. Labing-isang templo ang gumagana, at dalawa ang kasalukuyang itinatayo. Sinabi ni Nephi na anak ni Lehi: "Datapwat ako, si Nephi, ay isinulat na ang aking naisulat, at itinuturing ko ito na may malaking kahalagahan, at lalung-lalo na sa aking mga tao. Sapagkat ako ay patuloy na dumadalangin para sa kanila sa araw, at nababasa ng luha ang aking unan sa gabi, dahil sa kanila" (2 Ne. 33:3). Ang taimtim na panalanging ito ay sinasagot sa ating panahon sa Aklat ni Mormon. Dalangin ni Nephi na ang salitang kanyang "isinulat sa kahinaan ay palalakasin para sa" atin, "sapagkat ito ay humihikayat sa kanila na gumawa ng mabuti; ipinaaalam nito sa kanila ang tungkol sa kanilang mga ama; at ito ay nangungusap tungkol kay Jesus, at hinihikayat silang maniwala sa kanya, at magtiis hanggang wakas, na siyang buhay na walang hanggan" (2 Ne. 33:4).

Nakita ko ang paggabay ng mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo sa marami pang miyembro sa South America. Tungkulin namin sa South America at saanman na patuloy na saliksikin ang mga alituntuning nasa banal na kasulatan at sa mga turo ng propeta at pag-ukit nito "hindi. . .ng tinta, kundi ng espiritu, ng Dios na buhay, hindi sa mga tapyas ng pusong laman" (2 Cor. 3:3). Ang gayong pagtatatag ng mga alituntunin ng ebanghelyo ay nangangailangan ng panahon. Panahon ang kailangan upang malantad sa mga katotohanan ng ebanghelyo at maipamuhay ang mga ito.

Ang karamihan sa aming mga miyembro na taga South America ay nagsimulang malantad sa alituntunin ng ebanghelyo sa pakikinig sa mga talakayan at patotoo ng mga misyonero. Nakinig kami at ngayo'y lubos kaming nagpapasalamat sa mga misyonerong naglingkod sa aming bansa at gayundin sa kanilang pamilya. (Ngayon libu-libong taga South America ang nagpapadala ng kanilang mga anak sa misyon upang ibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo.) Kaming mga naunang miyembro ng Simbahan ay nagpapasalamat din sa aming mga magulang na di miyembro na nagturo sa amin ng mga matwid na alituntunin na naghanda sa amin sa pagkilala at pagtanggap ng mensahe ng ebanghelyo.

Ang mga misyonero ang naunang nag-aral ng mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo; gayunman, ang pagpapanatili ng ebanghelyo sa ating puso ay patuloy na gawain na nangangailangan ng panahon. Hindi sapat ang kaalaman lamang. Dapat nating pag-ukulan ng panahon ang pamumuhay ng mga alituntunin. Halimbawa, alam ni Nephi na sinasagot ng Panginoon ang ating mga dalangin. Ipinamuhay niya ang nalalaman niya noon at nagdulot ito ng walang hanggang mga biyaya sa atin nayon. Makikita natin na nanalangin si Nephi nang may malaking pananampalataya sa Diyos dahil alam niya na diringgin ng Diyos ang kanyang "pagsusumamo" (tingnan sa 2 Ne. 33:3). Salamat sa pag-uukol ni Nephi ng panahon upang ipamuhay ang kanyang nalalaman. Salamat din na inukit ni Nephi ang kaalamang ito "hindi. . .ng tinta, kundi ng Espiritu ng buhay na Dios."

Tulad ng pag-aaral sa paaralan, panahon din ang kailangan sa pagkadisipulo. Minsan nalalaman nating totoo ang isang alituntunin, ngunit di tayo nagbabago ng mga priyoridad upang ipamuhay ang alituntunin. Dahil dito'y nawawala ang mahahalagang oportunidad na mapagbago ang ating puso tulad ng itinuturo ng Espiritu Santo. Tingnan si Enos, na nagpaliban sa pamumuhay ng kaalamang natanggap niya sa kanyang ama. Sa huli'y ipinamuhay niya iyon at dumating sa atin ang maraming biyaya dahil sa ginawa niya. Sinabi ni Enos na noong nangaso siya sa gubat ay tumimo sa puso niya ang mga turo ng kanyang ama tungkol sa buhay na walang hanggan at kagalakan ng mga banal, kaya siya ay manalangin (tingnan sa Enos 1:3–4). Bilang tugon, nakipagtipan ang Panginoon kay Enos na ihahayag Niya ang tala sa mga Lamanita sa Kanyang takdang panahon (tingnan sa Enos 1:16). Sinasagot ng Diyos ang ating mga panalangin. Sinunod ni Enos ang prinsipyong ito mula sa mga tapyas na bato at iniukit sa kanyang pusong laman at nadagdagan ang kanyang kaalaman. Nagdulot ito ng biyaya sa kanya at sa atin sa dispensasyong ito.

Maraming hadlang sa ating mabuting layunin na mag-ukol ng panahon sa pag-aaral lalo na sa pamumuhay ng alituntunin ng ebanghelyo. Gaya ng mga impormasyon tungkol sa anumang partikular na paksa mula sa mga larangan ng media na napakarami. Ang gayong dami ng impormasyon ay maaaring maging sanhi upang ang ilan ay "laging nagsisipag-aral, at kailan pa man ay hindi nakararating sa katotohanan" (2 Tim. 3:7).

Suriin ang ating sarili, alamin kung ano ang humahadlang sa atin upang ipamuhay ang alituntunin ng ebanghelyo. Magsisi at magbago upang maipamuhay ang alituntuning iyon ng ebanghelyo. Sa gayon ay nangako ang Panginoon na madaragdagan ang ating kaalaman sa Kanyang katotohanan gaya ni Enos. Sabi ng Panginoon, "Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito'y sa Dios, o kung ako'y nagsasalita na mula sa aking sarili" (Juan 7:17).

Ang panahon sa pag-aaral, pagninilay lalo na ang pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo ay magdudulot ng galak at kapayapaang mula sa Espiritu. Patuloy na lalago ang Simbahan sa South America at sa buong daigdig dahil sa mga miyembrong patuloy na mag-uukit sa kanilang puso ng mga alituntunin ng ebanghelyo, hindi sa pamamagitan ng tinta, kundi ng Espiritu Santo; hindi sa mga tapyas na bato, kundi sa kanilang pusong laman. Saksi ako na ang katotohanan sa banal na kasulatan ay nagmumula sa pagpapahalaga sa ating pagiging tulad ni Cristo habang nag-uukol tayo ng panahong iugnay ang mga katotohanang iyon sa ating buhay. Alam kong ang Tagapagligtas ay ang Buhay na Cristo. Pinatototohanan ko ang mga bagay na ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy