Elder M.Russel Ballard
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
"Kung tunay tayong mga disipulo ng Panginoong Jesucristo, kakalingain natin nang may pagmamahal at pang-unawa ang ating kapwa sa lahat ng oras."
Marahil isa rin iyong kaaya-ayang taglamig na tulad ngayon. Nakaupo ang Tagapagligtas, tinuturuan ang ilan sa Kanyang mga disipulo, nang may isang taong kilala lang bilang "isang tagapagtanggol," ang tumindig at tinanong Siya: "Guro, anong aking gagawin upang magmana ng walang hanggang buhay?"
Alam ni Jesus ang layunin ng taong iyon, at ang katanungan ay pakana lang upang makapagsalita siya ng salungat sa batas ni Moises.
Sinagot iyon ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng dalawa Niyang tanong: "Ano ang nasusulat sa kautusan? ano ang nababasa mo?"
Tulad nang inaasahan ninyo, nabigkas ng tagapagtanggol ang batas: "Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong lakas mo, at ng buong pagiisip mo; at ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili."
"Matuwid ang sagot mo," ang sabi ng Tagapagligtas. "Gawin mo ito at mabubuhay ka."
Ngunit hindi kontento roon ang tagapagtanggol. Dahil alam niyang mahigpit ang mga patakaran at paniniwala ng mga Judio hinggil sa pakikitungo sa hindi nila kapanalig, nagpilit siyang makakuha pa ng impormasyon sa Panginoon, sa pag-asang malalagay niya Siya sa alanganin: "At sino ang aking kapuwa tao?" tanong niya.
Oras na muli para magturo. Ginamit ni Jesus ang isa sa Kanyang mga paborito at mabisang istilo sa pagtuturo: isang parabula na marahil ay isa sa mga pinakagusto at bantog na parabula sa buong Kristiyanismo.
Alam n'yo ang parabulang ito, tungkol sa isang lalaking pababa ng Jerico at nahulog sa kamay ng mga tulisan at iniwang halos patay na. Nagdaan ang isang saserdote sa kabilang tabi —upang iwasan siya]; ganoon din ang ginawa ng isang Levita. Tapos ay itinuro ni Jesus:
"Datapuwa't ang isang Samaritano, sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa kinaroroonan niya: at nang siya'y makita niya, ay nagdalang habag,
"At lumapit sa kaniya, at tinalian ang kaniyang mga sugat, na binuhusan ng langis at alak; at siya'y isinakay sa kanyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-tuluyan, at siya'y inalagaan."
Pagkatapos, tinanong muli ni Jesus ang tagapagtanggol: "Sino sa tatlong ito, sa akala mo, ang nagpakilalang kapuwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan?"
At sumagot ang tagapagtanggol: "Ang nagkawanggawa sa kanya."
Pagkatapos ay ibinigay ni Jesus ang huling tagubilin Niya sa tagapagtanggolat sa lahat ng nakabasa ng parabula ng mabuting Samaritano: "Humayo ka, at gayon din ang gawin mo" (tingnan sa Lucas 10:2537).
Sa tuwing maririnig ko ang parabulang ito humahanga ako sa bisa at kasimplihan nito. Ngunit napag-isip na ba ninyo kung bakit pinili ng Tagapagligtas na gawing bayani ang isang Samaritano sa kwentong ito? Hindi nagkakasundo ang mga Judio at Samaritano noong panahon ni Cristo. Karaniwan ay iniiwasan ng dalawang grupong ito ang makahalubilo ang isa't isa. Maganda at may aral pa rin ang parabula kung ang taong nahulog sa kamay ng tulisan ay tinulungan ng kapwa niya Judio.
Ang sadyang paggamit Niya ng mga Judio at Samaritano ay malinaw na nagtuturo sa atin na tayong lahat ay magkakapitbahay, at na dapat nating mahalin, pahalagahan, igalang, at paglingkuran ang isa't isa sa kabila ng malaking kaibhankabilang na ang kaibhan sa relihiyon, pulitika, at kultura.
Umiiral pa rin ang aral na ito ngayon bilang bahagi ng mga turo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nang isa-isahin ni Joseph Smith ang mga saligang doktrina ng pinanumbalik na Simbahan, nilinaw niya na bagaman "inaangkin —natin] ang natatanging karapatang sambahin ang Pinakamakapangyarihang Diyos, alinsunod sa mga atas ng aming sariling budhi," tayo rin ay "—nagpapahintulot sa] lahat ng tao ng gayon ding karapatan, hayaan silang sumamba, kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila" (Saligan ng Pananampalataya 1:11).
Salamat at maraming miyembro ang nakauunawa sa doktrinang ito, at ipinamumuhay ito araw-araw. Nabasa ko kamakailan ang kalunus-lunos na kamatayan sa isang komunidad dito sa Utah. Isang nagdadalamhating balo ang naringgan: "Lubus-lubos ang suporta sa amin. Hindi kami mga Mormon, ngunit tinustusan kami ng ward dito ng mga pagkain at tulong at mapang-along mga salita. Tunay na pagpapakita ng pagmamahal, at pinasasalamatan namin iyon" (sinipi sa "Former Ute's Death Leaves Wife Coping, Wondering," ni Dick Harmon,Daily Herald—Provo, Utah], ika-11 ng Aog. 2001, A3).
Iyan naman ang dapat mangyari. Kung tunay tayong mga disipulo ng Panginoong Jesucristo, kakalingain natin nang may pagmamahal at pang-unawa ang ating mga kapwa sa lahat ng oras, lalo na sa oras ng pangangailangan. Kamakailan ay nabalita saChurch Newsang kuwento sa dalawang babae na matalik na magkaibigan, isang "duktor na Judio mula sa New York at ang isa ay simpleng maybahay na —Banal sa mga Huling Araw] na may anim na anak mula sa Utah, na parehong malayo sa tahanan sa Dallas —Texas]."
Ang sabi ng ating miyembro: "Kung pag-aakmain ng kompyuter ang pagkakaibigan namin, ewan ko kung makakapasa kami sa unang pagsusuri pa lang. . . .
". . .Palagay ko ang isang babae na abala sa panggagamot ay hindi nanaising pag-usapan kung ano ang kulay ng napkin na ginagamit sa PTA.
"Ito ang mali sa pala-palagaymapuputol nila ang ugat ng isang bagay na maaaring lumaki at lumago sana kung nabigyan lang ng pagkakataon. Walang katapusan ang pasasalamat ko dahil hindi namin hinayaan ito" ("Unlikely Friends Sharing a Lifetime," ni Shauna Erickson,Church News, ika-18 ng Ago. 2001, 10).
Maaaring maging mapanganib at di-makatarungan ang mga pala-palagay. May mga miyembro tayo marahil na hindi laging nagagawang ngitian, kamayan nang mahigpit at magiliw na pagsilbihan ang kanilang mga kapitbahay. Gayundin na maaaring may mga bagong lipat tayong kapitbahay na hindi natin kapanalig na negatibo ang tingin sa Simbahan at sa mga miyembro nito. Talagang dapat pagsikapan ng mabubuting magkakapitbahay na unawain at maging mabait sa isa't isa anuman ang relihiyon, nasyonalidad, lahi, o kultura.
Paminsan-minsan may nababalitaan ako na mga miyembrong nakakasakit ng damdamin ng ibang di-miyembro dahil hindi nila pinapansin at hindi ibinibilang ang mga ito. Madalas itong mangyari sa mga komunidad kung saan mas marami ang ating miyembro. May mga magulang na makikitid ang isip na pinagbabawalang makipaglaro ang mga anak sa isang bata dahil hindi ito miyembro o kaya'y ang pamilya nito. Hindi akma ang ganitong ugali sa mga turo ng ating Panginoong Jesucristo. Hindi ko maunawaan kung bakit hinahayaang mangyari ito ng sinumang miyembro ng ating Simbahan. Buong buhay ko'y miyembro na ako ng Simbahang ito. Naging full-time na misyonero ako, makalawang naging bishop, president ng misyon, naging Pitumpu, at Apostol. Hindi ko kailanman itinuro ni narinig na itinuroang doktrina ng pagiging ekslusibo. Lagi kong naririnig na hinihimok ang mga miyembro ng Simbahang ito na maging mapagmahal, mabait, mapagbigay, at makipagkaibigan sa mga kakilala at kapitbahay na hindi natin kapanalig.
Malaki ang inaasahan ng Panginoon sa atin. Mga magulang, sana'y turuan ninyo ang inyong mga anak at gawin ninyo mismo ang doktrina ng pagsasali ng iba, hindi ang pagpupuwera sa kanila dahil sa mga pagkakaiba sa relihiyon, pulitika, o kultura.
Bagaman totoo na ipinahayag natin sa daigdig na ang kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik na sa mundo sa pamamagitan ng Propetang Joseph Smith at hinihimok natin ang ating mga miyembro na ibahagi ang pinaniniwalaan at patotoo nila sa iba, hindi kailanman naging patakaran ng Simbahan na ang mga nagpasiyang huwag pakinggan o tanggapin ang ating mensahe ay iwasan o balewalain. Ang kabaligtaran ang siyang totoo. Paulit-ulit na ipinaalala sa atin ni President Hinckley ang natatangi nating obligasyon bilang mga tagasunod ng Panginoong Jesucristo. Magbabanggit lang ako ng isa:
"Bawat isa sa atin ay indibiduwal. Magkakaiba tayo. Kailangang igalang natin ang mga pagkakaibang iyon. . . .
" . . . Kailangang lalo tayong magsikap na igalang ang isa't isa, maging mapagpaumanhin, mapagpaparaya sa isa't isa anuman ang mga doktrina at pilosopiya na tinatangkilik natin. Maaaring hindi tayo nagkakasundo sa mga bagay na ito, ngunit magagawa natin ito nang may paggalang at magandang pakikitungo sa isa't isa" (Teachings of Gordon B. Hinckley—1997], 661, 665).
Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nauunawaan natin na nakikita ng ilan na tayo ay "bayang pagaaring sarili ng Dios" (1 Pedro 2:9). Mahalaga sa atin ang mga doktrina at paniniwala natin. Tinatanggap at pinahahalagahan natin sila. Hindi ko sinasabing isantabi muna natin ito. Sa katunayan, ang pagiging kakaiba natin at ang kaibhan ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay mahahalagang sangkap sa pagbibigay ng malinaw na pagpipilian sa mga tao ng daigdig. Hindi ko rin mungkahing makipag-ugnayan tayo sa anumang espirituwal na magpapahamak sa atin at sa ating mga pamilya. Dapat nating unawain na hindi tatanggapin ng lahat ang doktrina ng Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kadalasan, mabubuti at mararangal na tao ang mga kapitbahay nating hindi miyembrotulad ng sinisikap nating gawin. May malasakit sila sa kanilang pamilya, tulad natin. Gusto rin nilang gawing mas magandang tirahan ang mundo tulad natin. Mabait at mapagmahal at mapagparaya at matapat din sila tulad ng minimithi natin. Halos 25 taon na ang nakalipas, ipinahayag ng Unang Panguluhan: "Ang mensahe natin. . .ay natatanging pagmamahal at malasakit sa walang hanggang kapakanan ng lahat ng lalaki at babae, anuman ang mga pananalig sa relihiyon, lahi o nasyonalidad, nalalamang tayo ay tunay na magkakapatid dahil tayo ay mga anak ng iisang Amang Walang Hanggan" (pahayag ng Unang Panguluhan, ika-15 ng Peb. 1978).
Iyan ang ating doktrinadoktrina ng pagsasali sa iba. Iyan ang pinaniniwalaan natin. Iyan ang turo sa atin. Sa lahat ng mga tao sa mundo, tayo ang nararapat maging mapagmahal, pinakamabait, at pinakamapagparaya dahil sa doktrinang iyan.
Maaari bang magmungkahi ako ng tatlong simpleng bagay na magagawa natin upang maiwasan ang hindi pagsasali sa ating mga kapitbahay?
Una, kilalanin ang inyong mga kapitbahay. Alamin ang tungkol sa kanilang pamilya, trabaho, pananaw. Makihalubilo sa kanila, kung gusto nila at gawin ito nang hindi sapilitan o ng walang ibang motibo. Huwag makipagkaibigan dahil lamang sa may pakay kayo; dapat ay ito mismo ang maging layunin ninyo. Nakatanggap ako ng liham mula sa isang babaeng kalilipat sa Utah at babanggitin ko ang bahagi nito: "Alam ninyo Elder Ballard, kapag binabati ko ang mga kapitbahay ko, o kaya'y kinakawayan sila, hindi nila ako pinapansin. Kapag nasasalubong ko sila sa paglalakad ko sa umaga o gabi, hindi nila ginagantihan ang pagbati ko. Laging ganoon ang tugon nila sa hindi nila kakulay." Sakali mang may mga kapitbahay siya na mga miyembro ng Simbahan, dapat ay alam nilang di dapat mangyari ito. Tayo nang bumuo ng mabubuting ugnayang may pagtitiwala at pang-unawa sa mga taong iba ang kinagisnan at paniniwala.
Pangalawa, naniniwala akong makabubuting tanggalin natin ang ilang salita sa ating bokabularyo tulad ng: "di-miyembro" at "di- Mormon." Nanlilibak at nangungutya ang ganitong mga salita. Para sa akin, hindi ko itinuturing ang sarili ko na "di-Katoliko" o "di-Judio." Ako'y isang Kristiyano. Miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Gusto kong ganyan ako makilalasa kung sino at ano ako, sa halip na makilala ako sa kung ano ang hindi ako. Igalang din natin sa gayong paraan ang mga nakapaligid sa atin. Kung kailangan ng pangkalahatang paglalarawan, tila pinakamainam ang salitang "magkakapitbahay."
At ikatlo, kung naiinis o nawawalan man ng gana ang mga kapitbahay natin dahil mayroon silang hindi gusto sa Ang Simbahan ni Jesucristo sa mga Banal sa mga Huling Araw o sa ilang batas na tinatangkilik natin dahil sa isyu ng moralidad, sana'y huwag ninyong imungkahi sa kanilakahit pabirona mabuti pang lumipat sila sa ibang lugar. Hindi ko maintindihan kung bakit maiisip man lang ito ng kahit sino mang miyembro ng ating Simbahan! Ang ating mga ninuno ay itinaboy kung saan-saan ng mga kapitbahay na walang-alam sa atin at di mapagparaya. Dumanas sila ng matinding hirap at pag-uusig dahil iba ang pag-iisip, kilos, at paniniwala nila kaysa sa iba. Kung may isa mang ituturo sa atin ang kasaysayan, dapat na ituro nito sa atin na igalang ang karapatan ng lahat ng tao upang payapa tayong mamuhay nang magkakasama.
Nais ko ngayong magsalita sa mga hindi natin kapanalig. Kung may mga isyu mang dapat harapin, pag-usapan natin ito. Gusto naming makatulong. Gayunman, sana'y maunawaan ninyo na ang mga doktrina at turo namin ay itinakda ng Panginoon, kaya minsan ay mapitagan kaming di sumasang-ayon sa inyo. Sa ating mga komunidad, dapat at kailangan tayong sama-samang kumilos nang may paggalang at pagsasaalang-alang sa isa't isa. Dito sa Utah isang grupo ng mapagmalasakit na mamamayan ang bumuo ng Alliance for Unity. Tinatangkilik ito ng ating Simbahan gayundin ng iba pang simbahan at organisasyon. Isa sa mga layunin nito ang "magtayo ng komunidad kung saan kinikilala at pinahahalagahan ang iba't ibang pananaw." Marahil ngayon lamang nagkaroon ng mahalagang panahon ng pagkakaisa ng lahat ng magkakapitbahay sa buong daigdig para sa kabutihan ng isa't isa.
Ilang oras bago Niya danasin ang masakit na pisikal at espirituwal na proseso ng Pagbabayad-sala, pinulong ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol upang makibahagi sa Paskuaang Kanyang Huling Hapunanat bigyan sila ng mga huling tagubilin na ibibigay Niya sa kanila sa buhay na ito. Kabilang sa mga turong ito ay ang nakapupukaw at nagpapabago ng buhay na pahayag: "Isang bagong utos ang sa inyo'y ibibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong inibig ko kayo, ay mangag-ibigan naman kayo sa isa't isa.
"Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pagibig sa isa't isa" (Juan 13:34-35).
Iyan ang itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulokabilang na ang "isang tagapagtanggol"sa pamamagitan ng parabula ng mabuting Samaritano. At iyan ang itinuturo Niya sa atin ngayon sa pamamagitan ng mga buhay na propeta at mga apostol. Magmahalan. Maging mabait sa isa't isa sa kabila ng matitinding pagkakaiba. Pakitunguhan ang isa't isa nang may paggalang at mabuting pakikitungo. Alam ko at pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos, at alam kong umaasa Siya na susundin nating lahat ang Kanyang payo upang maging mas mabubuting kapitbahay at iyan ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.