Elder Cecil O. Samuelson Jr.
Ng Panguluhan ng Pitumpu
"Ang pagtataglay ng priesthood at pagganap ng inyong tungkulin sa Diyos ay hindi lamang napakabigat na responsibilidad, kundi isa ring kakaibang pribilehiyo."
Noong binatilyo pa ako, humanga ako sa kuwento sa Lumang Tipan tungkol kay Samuel, na ang buhay ay inilaan sa Diyos ng kanyang mapagpasalamat na inang si Hannah. Nang bata pa siya, tumira siya at naglingkod sa templo. Isang gabi tatlong beses siyang tinawag ng Panginoon at sa tuwina ay sumasagot, "Narito ako"
1na akala ay tinatawag siya ng guro niyang high priest na si Eli. Ang matalinong si Eli, na alam na "hindi pa nga nakikilala —ng munting si] Samuel ang Panginoon, o ang salita man ng Panginoon ay nahahayag na sa kaniya"
2ay naunawaang tinatawag ng Panginoon ang bata. Sa gayon ay tinuruan niya si Samuel kung paanong tumugon at nang muling tumawag ang Panginoon, sumagot si Samuel, "Magsalita ka; sapagka't dinirinig ng iyong lingkod."
3
Sa pagsubaybay natin sa buhay ni Samuel, malalaman nating tinupad nga niya ang tungkulin niya sa Diyos at "si Samuel ay lumalaki at ang Panginoon ay sumasa kaniya, at walang di pinapangyari sa kaniyang mga salita."4Bunga nito, mismong si Samuel ay naging dakilang propeta at lider.
Sana ay nauunawaan ninyong mga kabataan ngayon sa Aaronic Priesthood na tulad ni Samuel, may mga sagradong tungkulin din kayo sa Diyos. May pinabanal na ina si Samuel, si Hannah, at isang dakilang priesthood leader, si Eli. Karamihan sa inyong mga kabataan ay may butihin ding mga magulang at inspiradong mga priesthood keader na nagmamahal sa inyo at handang alalayan kayo at ang inyong mga magulang sa inyong paghahangad na tuparin ang tungkulin ninyo sa Diyos.
Sinabi ito ni Paugulong Gordon B. Hinckley tungkol sa inyo at sa inyong henerasyon ng mga kabataan: "Malaki. . .ang pagmamahal ko sa inyong mga kabataan ng Simbahang ito . . . . Mahal na mahal namin kayo at lagi naming idinadalangin na mabigyan kayo ng kakayahan. Ang buhay ninyo ay puno ng mahihirap na desisyon at pangarap at pag-asa at kasabikang makatagpo ng kapayapaan at kaligayahan. . . .
"Nangangako akong hindi kayo pababayaan ng Diyos kung tatahakin ninyo ang Kanyang mga landas sa patnubay ng Kanyang mga kautusan."5
Sa pangakong ito ng Propeta, ipaaalala ko sa inyo, tulad ng binanggit ni Elder Hales at ng liham mula sa Unang Panguluhan, ang mga pinagkukunan ng Simbahan na ibinibigay sa inyo upang alalayan kayo sa pagtupad ng tungkulin ninyo sa Diyos. Tinutulungan kayo ng mga layunin ng Aaronic Priesthood na:
Maniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo at ipamuhay ang mga turo nito.
Matapat na maglingkod sa mga tungkulin ng priesthood at tuparin ang mga responsibilidad ng mga katungkulan sa priesthood.
Magbigay ng makabuluhang paglilingkod.
Maghanda at mamuhay nang marapat upang matanggap ang Melchizedek Priesthood at mga ordenansa sa templo.
Maghanda upang marangal na makapaglingkod sa full-time na misyon.
Magpatuloy sa pag-aral hangga't maaari.
Maghandang maging marapat na asawa at ama.
Magbigay ng wastong paggalang sa mga kababaihang matanda at bata.
Makatutulong ang programang Duty to God Award para magampanan ninyo ang mga layuning ito ng Aaronic Priesthood. Upang maging marapat para sa Duty to God Award, kailangan ninyong magampanan at makumpleto ang mga layunin ng Aaronic Priesthood, at lumahok sa mga aktibidad ng pamilya, ilang aktibidad sa korum, isang Duty to God service project, paggawa ng personal journal at pagkumpleto ng mga personal na adhikain sa apat na kategorya:
Espirituwal na Pag-unlad
Pisikal na Pag-unlad
Pag-unlad sa Edukasyon, Sarili, at Karera
Pag-unlad sa Pagkamamamayan at Pakikisama
Kung may Iskawting, mapapansin ninyong marami sa mga pangangailangan sa Iskawting ang tutupad sa mga inaasahan para sa Duty to God award. Tinuturuan tayo ng mga aktibidad sa Duty to God at Iskawting na "maging handa" sa "bawat kinakailangan."6Ang pagkakamit ng Duty to God Award at Eagle Scout Award —o iba pang katulad na gantimpala] ay magkatuwang at hindi magkatunggali.
Mahal kayo ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa at nais kayong palakasin sa napakahirap na panahong ito. Sa pagmamahal at pagnanais na ito, nilaanan nila kayo ng isang binagong polyetongPara sa Lakas ng Kabataan: Pagtupad ng Ating Tungkulin sa Diyosat gayundin ng mga karagdagang materyal para sa Young Men, Young Women, mga magulang, at pinuno.
Habang nagpupunyagi kayong mga kabataan sa Aaronic Priesthood na matamo ang Duty to God Award at pinagsisikapan ng Young Women ang kanilang Pansariling Pag-unlad, sasamahan din ninyo sila sa pagsaksi sa Diyos. Ang pagsaksing ito ay nahahayag sa inyong sinasabi at pamumuhay at pagsunod sa mga kautusan.
Alam ninyong hindi natatapos ang ating adhikain sa pagtanggap lamang ng Duty to God Award, kundi sa paggawang bahagi ng inyong buhay ng mga katangiang tutulong sa inyo upang malinaw na tumuon sa inyong tungkulin sa Diyos. Itutuwid ng mga katangiang ito ang inyong landas upang maging marapat at matugunan ninyo ang mga sagradong atas at pagkakataong nasa inyong harapan. Tutulungan kayo nito ngayong lumigaya, luminis, at lumakas at ihahanda kayo para sa walang-hanggang mahahalagang kaganapan gaya ng pagtanggap ng mga pagpapala ng sagradong templo, pagmimisyon, at sa huli ay maibuklod sa isang marapat na mapapangasawa sa bahay ng Panginoon.
Si Alma, nang magturo siya sa lupain ng Gedeon, ay nilinaw ito sa walang kupas na wika: "At ngayon mga minamahal kong kapatid, sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang kayo ay magising ko sa pagpapahalaga ng inyong tungkulin sa Diyos, upang kayo ay makalakad nang walang kasalanan sa kanyang harapan, upang kayo ay lumakad alinsunod sa banal na orden ng Diyos, kung saan kayo ay tinanggap."7
Kayong nakatanggap ng priesthood ay nanaising lumakad sa "banal na orden" na ito kung saan kayo ay tinawag at inordenan. Makikilala ninyong may kalakip na mga responsibilidad ang bawat ipinangakong biyaya. Sa pagtupad ng mga responsibilidad na ito, binibigyan kayo ng mga pagkakataong maglingkod sa iba at espirituwal na paunlarin ang inyong sarili. Mahalaga ang mga hakbang na ito sa inyong pag-unlad upang maging tulad ni Jesus.
Ang Tagapagligtas, na pinagdusahan ang lahat para sa atin, ay humarap sa mga hamong kinakaharap natin sa mga taon na tayo ay nasa Aaronic Priesthood.8Alalahanin ninyo ang dinanas ni Jesus noong kaedad niya ang karamihan sa ating mga deacon. Sumama Siya sa Kanyang pamilya at iba pa sa templo. Sa oras ng uwian, hindi na Siya kasama nina Maria at Jose. Inakala nila marahil na kasama ng mga mapagkakatiwalaang kaibigan o kamag-anak si Jesus. Nag-alala lang sila nang matagal na Siyang nawawala. Bilang mabubuting magulang, ginawa nina Maria at Jose ang gagawin ng inyong mga magulang sa gayon ding kalagayan: hinanap nila Siya. Nang matagpuan nila si Jesus sa templo, mga magulang at lolo't lola lamang ang maaaring makaunawa sa ginhawang nadama nila na makitang Siya ay ligtas, ngunit marahil ay medyo nagulat din sila sa Kanyang reaksyon. May nakaranas na ba sa inyo nang ganoon? Batid nating lahat ang sumunod na usapan: "At nang siyay mangakita nila, ay nangagtaka sila; at sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, Anak, bakit ginawa mo sa amin ang ganyan? Narito, ang iyong ama at ako na hinahanap kang may hapis. At sinabi niya sa kanila, Bakit ninyo ako hinahanap? Di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama?"9
Marahil ang gustong sabihin ni Jesus ay, "Hindi ba ninyo batid na ginagampanan ko ang tungkulin ko sa Diyos?"
Itinuro ni President Harold B. Lee na ang kahulugan ng tanong ni Jesus ay matatagpuan sa Bahagi 64 ng Doktrina at mga Tipan.10Sinabi ni President Lee: "Kapag nagtaglay ng priesthood ang isang lalaki, nagiging kinatawan siya ng Panginoon. Dapat niyang ituring ang kanyang tungkulin na paglilingkod sa Panginoon. Iyan ang kahulugan ng gampanang mabuti ang priesthood. Isipin ninyong tinatanong ng Guro ang bawat isa sa inyo, tulad ng ginawa ng batang lalaking ito kina Jose at Maria, Di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama? Anuman ang inyong gawin alinsunod sa kalooban ng Panginoon ay gawain ng Panginoon."11Sa gayon, ang pagtataglay ng priesthood at pagganap ng inyong tungkulin sa Diyos ay hindi lamang napakabigat na responsibilidad, kundi isa ring kakaibang pribilehiyo.
Kung minsan ay madarama ninyong tumutugon ang inyong mga magulang at pinuno nang tulad nina Maria at Jose. Matapos sumagot si Jesus sa pamamagitan mahalagang tanong tungkol sa gawain ng Kanyang Ama, itinala ni Lucas, "At di nila naunawa ang pananalitang sa kanila'y sinabi."12
Gayunpaman, pagtuunan ng pansin ang ginawa ni Jesus! Isa itong halimbawa ng dapat nating gawin kung tunay nating gagampanan ang tungkulin natin sa Diyos. "At lumusong siyang kasama nila, at napasa Nazaret; at napasakop sa kanila. . .. At lumalaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao."13
Alalahanin na ang tungkulin ninyo sa Diyos ay malinaw na nakaugnay sa mga tungkulin ninyo sa inyong sariling pamilya, lalo na sa inyong mga magulang. Hindi lang sa angkop na pagpapasakop o pagsuko sa Diyos, kundi sa mga magulang at priesthood leader din, na tunay nating matutupad ang ating tungkulin sa Diyos. Maging tulad nawa tayong lahat ni Samuel na nagsabi sa Panginoon, "Magsalita ka; sapagka't dinirinig ng iyong lingkod."14Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Tingnan sa I Samuel 3:48.
2. I Samuel 3:7.
3. I Samuel 3:10.
4. I Samuel 3:19.
5. "A Prophet's Counsel and Prayer for Youth,"Liahona, Abr.. 2001, 30.
6. D at T 88:119.
7. Alma 7:22.
8. Tingnan sa Alma 7:11; D at T 18:11.
9. Lucas 2:4849
10. Tingnan sa D at T 64:29.
11. Harold B. Lee,Stand Ye In Holy Places(1974), 255.
12. Lucas 2:50.
13. Lucas 2:5152.
14. I Sam. 3:10.