The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2001
Lumikha o Magpatuloy ng mga Kawing ng Priesthood

Lumikha o Magpatuloy ng mga Kawing ng Priesthood

Elder Keith K. Hilbig
Ng Pitumpu

"Kapag matwid tayong naglilingkod. . ., pinalalakas natin ang kawing ng priesthood at mas matibay itong idinurugtong sa mga nauna at susunod sa atin."

Elder Keith K. Hilbig

Sa malaking kongregasyong ito ng mga maytaglay ng priesthood na nagtipon dito at sa buong daigdig ay nakaupo ang ilang henerasyon—libu-libong mga anak, ama, lolo, maging mga lolo sa tuhod—na sumasampalataya kay Cristo, na hangad sundin ang Kanyang mga kautusan, at nais Siyang paglingkuran.

Ilan ang kabilang sa matagal nang panahong tradisyon ng mga lalaking maytaglay ng priesthood. Ilan ang siyang kauna-unahan sa kani-kanilang pamilya na nagtaglay ng priesthood ng Diyos. Ngunit lahat ay may pagkakataon—at responsibilidad—na lumikha o ipagpatuloy ang kawing ng mararapat na lalaking iginagalang ang priesthood at naglilingkod sa kaharian, sa gayon ay pinagbubuklod-buklod ang mga pamilya sa bawat henerasyon. Angsarilininyong kawing sa dugtong ng priesthood na iyon ang paksa ko ngayong gabi.

Sa bawat dispensasyon binigyan ng priesthood ang matatapat na lalaki upang isagawa ang mga layunin ng Panginoon. Binabanggit sa mga banal na kasulatan ang pagpapasa ng awtoridad ng priesthood sa bawat propeta magmula kay Adan.

Maituturing tayong bahagi ng dugtong na iyon ng priesthood na nagsimula pa noong unang panahon. Gayunman, naging abala na tayo sa napakahalagang gawain ng paglikha ng sarili nating kawing ng priesthood upang makasama natin ang sarili nating mga ninuno at inapo.

Kung hindi makakamtan o igagalang ng isang tao ang Melchizedek Priesthood, mawawala ang kanyang kawing, at hindi matatamo ang buhay na walang hanggan (tingnan sa D at T 76:79; 84:41–42). Ito ang dahilan kaya bilang mga miyembro nagsisikap tayo nang husto na ituro ang mensahe ng Pagpapanumbalik sa lahat ng handang makinig at ihanda ang lahat ng nagnanais ng mga pagpapala ng priesthood at ng templo.

Ang pribilehiyo nating taglayin ang priesthood ng Diyos ngayong gabi ay nagsimula bago pa tayo isinilang. Ipinaliwanag ng propetang si Alma na ang mga lalaking inordenan sa Melchizedek Priesthood sa lupa ay "tinawag at inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig alinsunod sa kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, dahil sa kanilang labis na pananampalataya at mabubuting gawa; sa simula ay hinayaang mamili sa mabuti o masama; kaya nga, sila na pumili ng mabuti, at nagpapairal ng labis na pananampalataya, ay tinatawag sa banal na tungkulin" (Alma 13:3).

Matagal nang nilayon ng Panginoon na maging tagapaglikha o tagapagpatuloy kayo ng dugtong ng matatapat na maytaglay ng priesthood sa inyong pamilya. Ang inyong pananampalataya at matalinong paggamit ng kalayaang pumili—bago kayo isilang at nang isilang kayo sa mundong ito—ang nagpahintulot sa inyo na makatanggap ng "banal na tungkulin" ng priesthood.

Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith noong 1844: "Bawat lalaking may tungkuling maglingkod sa mga tao sa daigdig ay inordenan sa mismong layuning ito sa Maringal na Konseho ng Kalangitan bago pa nilikha ang daigdig" (Teachings of the Prophet Joseph Smith,sel. Joseph Fielding Smith —1976], 365).

Samakatwid, kayo man ang una sa inyong pamilya o panlimang henerasyong nagtaglay ng priesthood, bawat isa sa atin ay isinilang sa mundong ito na may personal na pamana ng katapatan at pagkakaorden noon pa man. Nagbibigay sa atin ang kaalamang iyon ng matibay na hangaring laging igalang ang priesthood at sa gayon ay makalikha o makapagpatuloy tayo ng maraming henerasyon ng pamilya sa Simbahan at sa kahariang selestiyal.

Madalas nating ipakahulugan angpriesthoodbilang kapangyarihan at awtoridad na kumilos sa pangalan ng Diyos sa ibabaw ng lupa. Ngunit bahagi rin ng ating priesthood ang paglilingkod sa ating Tagapagligtas, pamilya, at kapwa. Layunin ng Tagapagligtas na una sa lahat ay gamitin natin ang ating priesthood sa kapakinabangan ng iba. Hindi natin mababasbasan, mabibinyagan, o mapaglalaanan ng mga ordenansa sa templo ang ating sarili. Sa halip, kailangang umasa sa iba ang bawat maytaglay ng priesthood upang mapagmahal na magamit ang awtoridad at kapangyarihan ng kanilang priesthood at espirituwal na tulungang umunlad ang bawat isa sa atin.

Natutuhan ko ang kahalagahan ng paglilingkod sa priesthood hindi lamang sa nasubaybayan kong pagtupad sa tungkulin ng aking mga lolo, ama, at kapatid kundi maging sa mabubuting halimbawa ng mga maytaglay ng priesthood sa aking ward.

Bilang bagong naordenang guro sa Aaronic Priesthood, una kong naging katuwang sa home teaching si Henry Wilkening, isang high priest na halos 60 taon ang tanda sa akin. Isa siyang dayong Aleman, isang magsasapatos, pandak, ngunit masigla at matapat na pastol sa mga pamilyang iniatas sa amin. Lagi siyang nauuna sa akin (dahil parang mas mabilis siyang lumakad at umakyat ng hagdan kaysa sa akin) sa buwanan naming pagdalaw, na nagdala sa amin sa mahihirap na kapaligirang bago sa aking tagong karanasan. Inasahan niyang ituturo ko ang bahagi ng bawat aralin at itatakda ang lahat ng petsa ng pagdalaw namin, ngunit kadalasa'y nakinig ako at nagmasid sa pagtulong niya sa mga miyembro sa iba't ibang pangangailangang espirituwal at sosyal, pangkabuhayan at emosyonal na wala pa akong kamalayan sa edad na 14.

Noon ko simulang nalaman kung gaanong kabutihan ang magagawa ng isang matapat na maytaglay ng priesthood. Nasubaybayan ko ang paglikha ni Brother Wilkening ng matibay na kawing ng priesthood para sa kanyang sarili sa mapagmahal niyang paglilingkod sa mga pamilyang nangangailangan—at sa akin sa aking kabataan.

Itinuro sa akin ng maraming lalaking maytaglay ng priesthood na nasubaybayan ko sa aking paglaki na ang paglilingkod sa iba sa pamamagitan ng priesthood ay hindi nakasalalay sa anumang titulo o natatanging tungkulin o mataas na posisyon sa Simbahan. Sa halip ang pagkakataon ay nagmumula at bahagi ng katotohanan na natanggap ng isang tao ang priesthood ng Diyos.

Matalinong itinuro ni President J. Reuben Clark Jr. sa Pangkalahatang Komperensya ng Abril 1951: "Sa paglilingkod sa Panginoon, hindi mahalaga kung ano ang iyong tungkulin kundi kung paano mo ito ginagampanan. Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tinatanggap ng isang tao ang katungkulang ibinigay sa kanya, na katungkulang hindi niya hinahangad ni tinatanggihan" (sa Conference Report, Abr. 1951, 154).

Kapag matwid tayong naglilingkod nang buong puso, anuman ang responsibilidad na ibinigay sa atin, pinalalakas natin ang kawing ng priesthood at mas matibay itong idinurugtong sa mga nauna at susunod sa atin.

Taimtim kong pinatototohanan ang kabanalan at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas at ang pagpapanumbalik ng Kanyang priesthood na pribilehiyo nating taglayin—at idinadalangin na bawat anak at amang nasa pulong na ito ay magpapasiyang maglingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng matapat na paggalang sa priesthood at sa matibay na pagkakabit ng kanyang pansariling kawing sa dugtong ng priesthood na magbubuklod sa kanya, sa kanyang mga ninuno, at sa kanyang mga inapo sa buong kawalang-hanggan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy