President James E. Faust
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan
"Nawa'y maging matapat tayong lahat sa paggawa ng mga pang-araw-araw at karaniwang bagay na nagpapatunay ng ating pagkamarapat, sapagkat aakayin nila tayo at gagawing karapat-dapat para sa maraming bagay."
|
|
Mga minamahal kong kapatid sa priesthood ng Diyos sa lahat ng panig ng mundo, nagagalak akong mapabilang sa inyo. Ngayong gabi nais kong hamunin ang priesthood ng Simbahan na maging mas masigasig sa paggawa ng mga bagay na nagpapalakas ng pananampalataya, pagkatao, at espirituwalidad. Ito ang mga palagiang obligasyon ng priesthood na dapat nating gawin araw-araw, linggu-linggo, buwan-buwansa pagdaan ng mga taon. Nakasalalay ang gawain ng Simbahan sa mga pangunahing bagay tulad ng pagbabayad ng ikapu; pangangalaga sa pamilya at mga tungkulin ng priesthood; pagkalinga sa mga maralita at nangangailangan; pagdarasal araw-araw, pag-aaral ng banal na kasulatan, at pagdaraos ng gabing pantahanan ng mag-anak; home teaching, paglahok sa aktibidad ng korum; at pagdalo sa templo. Kung atasan tayo ng Pangulo ng Simbahan, magiging handa tayo at kakayanin at gugustuhin nating gumawa ng "anumang mahirap na bagay," tulad ng pagtatrabaho sa templo sa Nauvoo, ngunit marami ang di-gaanong sabik na gawin ang ilan sa mga pangunahing bagay na ito.
Pamilyar tayo sa kuwento sa Lumang Tipan tungkol kay Naaman, ang punong kawal ng hukbong Siria, na isang ketongin. Sinabi ng isang dalagitang tagapaglingkod sa asawa ni Naaman na may isang propeta sa Israel na makapagpapagaling sa kanya. Pumaroon si Naaman dala ang kanyang mga karo at kabayo sa bahay ni Eliseo, na nagpadala ng sugo upang pagbilinan si Naaman, "Ikaw ay yumaon at maligo sa Jordan nang makapito, at ang iyong laman ay sasauli sa iyo, at ikaw ay magiging malinis."1
Kayong mga nakababatang lalaki ay nalalaman kung ano ang mangyayari kapag ipinakita ninyo sa inyong ina ang mga kamay ninyo: sasabihan niya kayong maghugas! Ngunit hindi na bata si Naaman. Punong kawal siya ng hukbong Siria, at nainsulto siya sa bilin ni Eliseo na maligo sa Jordan. Kaya "nag-iinit siyang umalis."2Isa sa matatalinong lingkod ni Naaman ang nakipagtalo sa kanya at nagsabi: "Kung ipinagawa sa iyo ng propeta ang anumang mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? gaano nga kung sabihin niya sa iyo, Ikaw ay maligo, at maging malinis?"3Noon nagsisi si Naaman at sinunod ang payo ng propeta. Nawala ang ketong at "ang kanyang laman ay nagsauling gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis."4Sa pagkakataong ito ang "anumang mahirap na bagay ay napakasimple at madaling gawin.
May magkakasalungat na halimbawa tayo sa makabagong kasaysayan ng Simbahan ng mga kalalakihang labis na pinagpala ng Panginoon. Isa rito si Hyrum Smith, na nanatiling lubos na tapat at matibay hanggang kamatayan, samantalang ang isa naman, si Oliver Cowdery, sa kabila ng pagkasaksi sa "anumang mahirap na bagay" sa kasaysayan ng Panunumbalik, ay nabulag ng pansariling ambisyon at nawala sa dakilang lugar niya sa pamumuno sa Simbahan.
Magkasamang naranasan nina Oliver Cowdery at Propetang Joseph Smith ang marami sa matitinding kaganapan sa Panunumbalik, tulad ng kanilang binyag sa ilalim ng awtoridad ni Juan Bautista, ang tagagawad ng Aaronic Priesthood, ang kagila-gilalas na mga pagpapakita sa Kirtland Temple, at ang pagsulat niya mismo ng "buong Aklat ni Mormon (maliban sa ilang bahagi) mula sa bibig mismo ng Propeta —na si Joseph Smith]."5Wala nang higit pang pinarangalan ng paglilingkod ng mga anghel kaysa kay Oliver Cowdery maliban kay Propetang Joseph.
Ngunit nang dumanas ng mahihirap na pagsubok si Propetang Joseph Smith, naging mapamintas si Oliver sa kanya at napalayo ito sa kanya. Sa kabila ng mga pagsisikap ng propeta na kaibiganin siya, kinalaban pa rin niya ang Propeta at ang Simbahan at natiwalag siya noong ika-12 ng Abril 1838.
Ilang taon mula nang mamatay ang Propeta, nagsisi si Oliver at nagpakita ng interes na bumalik sa Simbahan. Bilang tugon, sumulat si Brigham Young noong ika-22 ng Nobyembre 1847, na inaanyayahan siyang "bumalik sa Simbahan, na iyong iniwan, . . .at sariwain ang iyong patotoo sa katotohanan ng Aklat ni Mormon."6Humarap sa korum ng mga high priest si Oliver at nagsabi: "Mga kapatid, maraming taon akong nawalay sa inyo. Nais ko na ngayong bumalik. Nais kong magpakumbaba at bumalik sa piling ninyo.Wala akong hinahangad na posisyon. Nais ko lamang makabilang sa inyo.Wala na ako sa Simbahan. Hindi na ako miyembro ng Simbahan. Nais kong maging miyembrong muli. Nais kong magsimula. Alam ko kung paano. Hindi ako pumunta rito upang manguna. Mapagpakumbaba kong ipinauubaya ang aking sarili sa kapasiyahan ng lupong itona nalalamang tama ang mga pagpapasiya nila at dapat masunod."7
Nagpatotoo rin siya sa mga salitang ito, "Mga kaibigan at kapatid, ako si Cowdery, Oliver Cowdery. Sa mga naunang kasaysayan ng simbahang ito kabilang —ninyo] ako. . .. Nahawakan ko. . .ang mga gintong lamina na pinagmulan ng pagsasalin —ng Aklat ni Mormon]. Nakita ko rin ang mga ginamit sa pagsasalin. Totoo ang aklat na iyon. Hindi si Sydney Rigdon ang sumulat nito. Hindi si G. Spaulding ang sumulat nito. Ako mismo ang sumulat nito mula sa mga labi ng propeta."8Bagama't bumalik si Oliver, nawala na sa kanya ang dakilang posisyon niya sa Simbahan.
Sa kabilang banda, sinabi ni President Heber J. Grant tungkol kay Hyrum Smith na: "Wala nang ibang mas magandang halimbawa ng pagmamahal ng nakatatandang kapatid kaysa sa ipinakita ni Hyrum Smith kay Propetang Joseph Smith. . .. Nagkakaisa sila at napakagiliw at napakamapagmahal sa isa't isa tulad ng karaniwang tao. . ..Walang anumang bahid ng. . .inggit. . .sa puso ni Hyrum Smith kailanman. Wala nang ibang taong naging mas matapat, mas sumasampalataya sa buhay man o kamatayan kaysa sa iniukol ni Hyrum Smith sa Propeta ng buhay na Diyos."9
Tumugon siya sa bawat pangangailangan at pakiusap ng kanyang nakababatang kapatid na si Joseph, na namuno sa Simbahan at tumanggap ng mga paghahayag na nasa atin ngayon. Naging matatag si Hyrum sa araw-araw, sa buwan-buwan, sa pagdaan ng mga taon.
Pagkamatay ng kapatid nilang si Alvin, tinapos ni Hyrum ang pagtatayo ng puting bahay na yari sa kahoy para sa kanilang mga magulang. Matapos matanggap ni Joseph ang mga gintong lamina, naglaan si Hyrum ng kahon na yari sa kahoy para mailagak at maingatan ang mga ito. Nang maisalin ang mga lamina, ipinagkatiwala ni Joseph kay Hyrum ang inilimbag na kopya ng manuskrito. Si Hyrum, na madalas samahan ni Oliver Cowdery, ang nagbalik-balik ng mga pahina sa tagamakinilya araw-araw.10
Nagtrabaho si Hyrum bilang magsasaka at manggagawa upang itaguyod ang kanyang pamilya, ngunit matapos itatag ang Simbahan noong 1830 tinanggap niya ang tungkuling pamunuan ang Colesville Branch. Dinala niya ang kanyang asawa at pamilya at nakitira sa pamilya ni Newell Knight, at gumugol ng maraming panahon sa "pangangaral ng ebanghelyo saanman —siya] makatagpo ng sinumang nais makinig."11Lagi nang mabuting misyonero, hindi lang siya nangaral malapit sa kanyang tahanan kundi nagtungo rin siya sa silangang baybayin at katimugan ng Estados Unidos. Noong 1831 sumama siya kay John Murdock patungo at pabalik ng Missouri, na nangangaral habang daan.12
Nang maisip itayo ang Kirtland Temple noong 1833, dali-daling kinuha ni Hyrum ang kanyang karit at hinawan ang mga damong ligaw sa pagtatayuan ng templo at nagsimulang humukay ng pundasyon. Noong 1834 nang itatag ang Kampo ng Sion, tinulungan ni Hyrum si Lyman Wight sa pagtitipon ng mga miyembro ng kampo at pinangunahan ang isang grupo ng mga Banal mula Michigan patungong Missouri.
Matapos masubukan sa maliliit na bagay, naging Katuwang ng Pangulo ng Simbahan si Hyrum noong Disyembre ng 1834. Naglingkod siya sa ilalim ng pamumuno ng nakababata niyang kapatid, si Propetang Joseph. Nanatili siyang pinagkukunan ng lakas at aliw ng kanyang kapatid, sa Simbahan man o sa Liberty Jail. Nang dumating ang mga pag-uusig at takasan ni Joseph ang mga mandurumog sa Nauvoo noong 1844, sumama sa kanya si Hyrum. Habang nakatayo sila sa pampang ng ilog, at nag-iisip kung babalik sila, bumaling si Joseph kay Hyrum at sinabi, "Ikaw ang pinakamatanda, ano ang gagawin natin?"
"Bumalik tayo at sumuko at harapin ang anumang mangyayari,"13ang tugon ni Hyrum.
Bumalik sila ng Nauvoo at dinala sa Carthage, kung saan namatay silang mga martir na ilang minuto lang ang pagitan. Naging matapat si Hyrum sa kanyang pagtitiwala kahit sa kanyang kamatayan. Isa siyang disipulo ng Tagapagligtas sa lahat ng bagay. Ngunit ang araw-araw na pagsisikap niya ang tunay na nagpadakila sa kanya. Sa kabilang banda, kahanga-hanga si Oliver Cowdery nang hawakan niya ang mga lamina at mapaglingkuran ng mga anghel, ngunit nang atasang matapat na pagtiisan ang araw-araw na mga pagsubok at hamon, nag-alangan siya at napalayo sa Simbahan.
Hindi napatutunayan ang pagmamahal natin sa Tagapagligtas sa paggawa lamang ng "anumang mahirap na bagay." Kung personal na hihilingin sa iyo ng propeta na magmisyon sa isang kakaiba at banyagang lugar, pupunta ba kayo? Marahil ay gagawin ninyo ang lahat para makapunta. Pero paano naman ang pagbabayad ng ikapu? Paano ang inyong home teaching? Ipinamamalas natin ang ating pagmamahal sa Tagapagligtas sa maraming maliliit na pagpapakita ng pananampalataya, katapatan, at kabaitan sa iba na nagbibigay-kahulugan sa ating pagkatao. Naipakita ito nang husto sa buhay ni Dr. George R. Hill III, dating General Authority, na namatay ilang buwan pa lamang ang nakalilipas.
Kilala sa buong daigdig si Elder Hill bilang dalubhasa sa karbon at bantog siyang siyentipiko. Nakatanggap siya ng napakaraming gantimpala at parangal para sa kanyang mga siyentipikong tuklas. Naging dekano siya sa College of Mines and Mineral Resources at propesor ng Envirotech sa kursong pag-iinhinyero sa University of Utah. Ngunit ang pagkatao ni Elder Hill ay mapagpakumbaba, mahiyain, at lubos na dedikado. Naglingkod siya bilang bishop ng tatlong iba't ibang ward at bilang kinatawang pangrehiyon bago natawag bilang General Authority. Nang matapos siya sa pagiging General Authority, naging tagapayo siya sa isang ward bishopric. Ang mga huling tungkulin niya nang humina ang kanyang kalusugan ay bilang tagapangasiwa sa stake cannery at miyembro ng koro sa isang ward. Ginampanan niya ang mga huling tungkuling ito na kasinghusay ng pagganap niya sa lahat ng naging tungkulin niya. Ginawa niya ang anumang iniatas sa kanyaat hindi ito kailangang maging "mahirap na bagay."
Tulad ng sinabing minsan ng kaibigan ko, "Kapag isinasakripisyo natin ang ating mga talento o ang mga karangalang natatamo natin sa mundo o sa pag-aaral o ang napakalimitadong oras natin sa paglilingkod sa Diyos, ibinubuklod tayo ng mga sakripisyong ito sa Kanya, at nadarama nating nag-iibayo ang ating pagmamahal sa Kanya."
"Kapag naglilingkod tayo sa kaharianmaging ito man ay pagtuturo ng isang. . .aralin o pagpapakete ng mga pinatuyong pagkain sa Welfare Squaremas maliit ang kabuluhan nito sa atin kung ituturing natin itong bagay na 'Dapat Gawin'. . . . Ngunit kung makikita natin ang ating sarili na inihahandog sa Diyos ang ating mga talento o inilalaan ang ating panahon, tulad ng pagdalo sa nakakaabalang pulong sa Simbahan, magiging personal ang ating sakripisyo at pagsamba sa Kanya."14
Isang kuwentong ibinahagi ng ating mahal na kasamang si Elder Henry B. Eyring ang higit pang naglalarawan ng alituntuning ito ng matibay na pangako. Tungkol ito sa kanyang ama, ang dakilang siyentipikong si Henry Eyring, na naglingkod sa Bonneville Stake high council. Responsable siya sa welfare farm, na may mga tanim na sibuyas na kailangang bunutan ng mga damong ligaw. Nang panahong iyon, halos 80 taong gulang na siya at may sakit na kanser sa buto. Inako niya ang pagdadamo kahit na napakatindi ng sakit na kinakailangan niyang itukod ang kanyang mga siko para makatayo. Napakatindi ng sakit para siya makaluhod. Subalit nakikipagngitian, nakikipagtawanan, at nakikipagbiruan pa siya sa mga kasama niyang naghahawan ng mga damo sa tanimang iyon. Babanggitin ko ngayon ang sinabi ni Elder Eyring tungkol sa pangyayaring iyon:
"Matapos alisan ng damo ang mga sibuyas, may —nagsabi sa] kanya, 'Henry, pambihira ka! Ikaw ba ang bumunot ng mga damongiyan? Winisikan na iyan ng pamatay noong makalawa, at kusa na ring mamamatay ang mga iyan.'
"Napahalakhak lang si Itay. Akala niya'y nakakatawa iyon. Inisip niyang malaking biro iyon sa kanya. Maghapon niyang pinaghirapan ang mga maling damo, gayong winisikan na at kusang mamamatay ang mga ito.
"—Tinanong] ko siya, 'Itay, paano pa ninyo nakukuhang tawanan iyon?'. . .
"May sinabi siya sa akin na hinding-hindi ko malilimutan. . . . Sabi niya, 'Hal, hindi ako nagpunta roon para sa mga damong ligaw.' "15
May malaking potensiyal ang maliliit na bagay. Ang telebisyon, na isang malaking biyaya sa sangkatauhan, ay nabuo sa isipan ng isang binatilyo sa Idaho habang inaararo nang tuwid ng suyod ang bukid ng kanyang ama. Naisip niya na maaari niyang padaanin ang mga tuwid na linya mula sa isang image dissector para kopyahin sa iba.16Madalas ay hindi natin nakikita ang potensiyal sa tila maliliit na bagay. Karaniwan lang ang ginagawa ng 14-na-taong-gulang na batang lalaking iyon sa araw-araw nang maisip niya ang di-pangkaraniwang ideyang ito. Tulad ng sinabing minsan ni Nephi, "Sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan ay maisasagawa ng Panginoon ang mahahalagang bagay."17
Kayong mga kabataang lalaki ay isang piling henerasyong may magandang kinabukasan. Maaari ninyong kailanganing makipagpaligsahan sa hinaharap sa ibang kabataang lalaki sa pandaigdigang kalakalan. Kailangan ninyo ang espesyal na pagsasanay. Maaari kayong mapili para sanayin hindi dahil sa nakagawa kayo ng pambihirang gawain o mahirap na bagay, kundi dahil nagkamit kayo ng inyong Eagle Scout Award, Duty to God Award, nakatapos sa seminary, o nagmisyon.
Sa talinghaga ng mga talento, sinabihan ang nakapagparami ng kanyang mga talento na, "Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay, pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon."18Nawa'y maging matapat tayong lahat sa paggawa ng mga pang-araw-araw at karaniwang bagay na nagpapatunay sa ating pagkamarapat, sapagkat aakayin nila tayo at gagawing karapat-dapat para sa maraming bagay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. II Mga Hari 5:10.
2. II Mga Hari 5:12.
3. II Mga Hari 5:13.
4. II Mga Hari 5:14.
5. Sa journal ni Reuben Miller, 18481849, Family and Church History Department Archives, ika-21 ng Okt. 1848; iniangkop sa panahon ang mga bantas at banghay.
6. Liham ni Brigham Young kay Oliver Cowdery, ika-22 ng Nob. 1847, batay sa binanggit ni Susan Easton Black saWho's Who in the Doctrine & Covenants(1997), 76.
7. Reuben Miller, journal, Nob. 1848.
8. Reuben Miller, journal, ika-21 ng Okt. 1848.
9. Heber J. Grant, "Hyrum Smith and His Distinguished Posterity,"Improvement Era, Ago. 1918, 85455.
10. Ronald K. Esplin, "Hyrum Smith: The Mildness of a Lamb, the Integrity of Job,"Ensign,Peb. 2000, 32.
11. "Newell Knight's Journal," mula sa "Scraps of Biography" saClassic Experiences and Adventures(1969), 65.
12. Tingnan sa D at T 52:810.
13. Tingnan saHyrum Smith Patriarch, sinipi saEnsign,Peb. 2000, 36.
14. James S. Jardine, "Consecration and Learning,"On Becoming a Disciple-Scholar(1995),80.
15. Tingnan sa "Waiting Upon the Lord," ni Henry B. Eyring,Brigham Young University 199091 Devotional and Fireside Speeches, 22.
16. Kuwento ni Philo Farnsworth, "Dr. X's Instant Images,U.S. News & World Report, ika-17 ng Ago., 1998, 44.
17. 1 Nephi 16:29.
18. Mat. 25:23.