Elder Dallin H. Oaks
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
"Ang pinakamahusay na mga misyonerong miyembro at full-time ay laging kumikilos dahil sa pagmamahal. . .. Kung kulang tayo sa gayong pagmamahal sa iba, dapat natin itong ipagdasal."
Salamat, President Hinckley, sa inyong magandang mensahe. Lahat kami ay labis na nagpapasalamat sa inyong masigla at inspiradong pamumuno sa mahirap na panahong ito. Sa ilalim ng pamumunong iyon, sumusulong tayo sa gawain ng Panginoon, na lubos na kailangan sa magulong mundong ito.
Ang ipahayag ang mabuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo ay isang pangunahing alituntunin sa pananampalataya ng Kristiyano. Tatlo sa mga sumulat ng ebanghelyo ay nag-ulat ng tagubiling ito ng Tagapagligtas.
Ang aklat ni Marcos ay nag-uulat: "At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.
"Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan" (Marcos 16:1516).
Binanggit ni Mateo ang utos ng Tagapagligtas: "Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo" (Mat. 28:19).
Sinabi ni Lucas: "Ganyan ang pagkasulat. . .ipangaral sa kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa " (Lucas 24:4647).
Sa pagsunod sa mga tagubilin ng Tagapagligtas sa ating panahon, hinamon tayo ng mga makabagong propeta na ibahagi ang ebanghelyo.
Nagbigay si President Gordon B. Hinckley ng malinaw na hamon sa ating panahon. Sa isang pandaigdigang pananalita sa pamamagitan ng satellite para sa mga misyonero at lokal na pinuno, humingi siya ng "dagdag na sigla" para sa gawaing misyonero "sa bawat antas sa Simbahan" ("Find the Lambs, Feed the Sheep,"Liahona, Hulyo 1999, 121). Bagama't kailangang patuloy na magsikap ang mga misyonero na makakita ng mga tuturuan, sinabi niya na ang "mas mabuting paraan. . .ay sa tulong ng mga miyembro ng Simbahan" (119). Hiniling niya sa bawat isa sa atin na ibigay ang pinakamatinding pagsisikap na matulungan ang mga misyonero sa paghahanap ng mga tuturuan. Hiniling din niya na ang bawat stake president at bishop ay "tumanggap ng buong responsibilidad at pananagutang humanap at makipagkaibigan sa mga tinuturuan" sa kanilang yunit (121). Humiling din si President Hinckley ng basbas sa Panginoon para sa bawat isa sa atin "sa pagharap sa napakalaking hamon sa atin" (121).
Bagama't dalawa at kalahating taon na mula nang isamo ito ng ating pangulo, karamihan sa atin ay wala pang epektibong ikinikilos sa kanyang hamon.
Sa maingat na pag-aaral ko ng mga salita ni President Hinckley at pagninilay-nilay kung paano maibabahagi ang ebanghelyo, nabatid ko na tatlong bagay ang kailangan natin upang matupad ang hamon ng ating propeta. Una, kailangan natin ng isang taos-pusongpagnanaisna ibahagi ang ebanghelyo. Ikalawa, kailangan natin ngbanal na tulong. Ikatlo, kailangan natingmalaman kung ano ang dapat gawin.
I. PAGNANAIS
Tulad ng marami pang ibang bagay, ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay nagsisimula sapagnanais. Kung nais nating maging mas epektibong kasangkapan sa mga kamay ng Diyos, kailangan natin ang taos-pusongpagnanaisna gawin ito. Alam kong magagawa natin ito sa dalawang hakbang.
Una, kailangan natin ng matibay na patotoo sa katotohanan at kahalagahan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Kasama rito ang mataas na halaga ng plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak, ang mataas na kinalalagyan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo doon, at ang tungkulin ng Simbahan ni Jesucristo sa pagtupad sa planong iyon sa buhay ng tao.
Ikalawa, kailangang may pagmamahal tayo sa Diyos at sa lahat ng Kanyang mga anak. Sa makabagong paghahayag sinabihan tayo na "pagmamahal, na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, ang kinakailangan upang maging karapat-dapat —tayo] sa gawain" (D at T 4:5). Ang mga naunang apostol ng dispensasyong ito ay sinabihan na ang kanilang pagmamahal ay dapat na "pasaganahin sa lahat ng tao" (D at T 112:11).
Mula sa patotoo natin sa katotohanan at kahalagahan ng ipinanumbalik na ebanghelyo, nauunawaan natin ang halaga ng ibinigay sa atin. Mula sa pagmamahal natin sa Diyos at sa ating kapwa, nagkakaroon tayo ng pagnanais na ibahagi ang dakilang regalong iyon sa lahat. Ang sidhi ng pagnanais nating ibahagi ang ebanghelyo ay malaking palatandaan ng ating pagbabalik-loob.
Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng ilang nakagigilalas na halimbawa ng epekto ng patotoo at pagmamahal. Nang ang mga anak ni Mosias, na naging "pinakamasama sa lahat ng makasalanan," ay nagkaroon ng patotoo, "sila ay nagnais na ipahayag ang kaligtasan sa bawat nilikha, sapagkat hindi nila maatim na ang sinumang kaluluwa ng tao ay masawi" (Mosias 28:3-4). Sa isa pang salaysay, ang kanilang kasamahang si Alma, ay nagpalahaw, "O na ako'y isang anghel, . . .na ako ay makahayo at makapangusap nang may pakakak ng Diyos, nang may tinig upang mayanig ang mundo," at maipahayag "ang plano ng pagtubos" sa lahat ng kaluluwa, "upang hindi na magkaroon pa ng kalungkutan sa balat ng lupa" (Alma 29:12).
Gusto kong tukuyin ang pagsisikap ng mga misyonero bilang pagbabahagi ng ebanghelyo. Ang salitangpagbabahagiay nagpapatunay na mayroon tayong napakahalagang bagay at nais nating ibahagi ito sa iba para sa kanilang kapakinabangan at pagpapala.
Ang pinakamahusay na mga misyonerong miyembro at full-time ay laging kumikilos dahil sa pagmamahal. Natutuhan ko ito noon sa aking kabataan. Ako ay itinalagang dalawin ang isang di-gaanong aktibong miyembro, isang matagumpay na propesyonal na malaki ang tanda sa akin. Sa paglingon ko sa aking mga ginawa, natanto kong babahagya ang pagmamalasakit ko sa lalaking dinalaw ko. Ginawa ko lang ang tungkulin ko, para lang makapag-ulat ako ng 100 porsiyento sa aking home teaching. Isang gabi, papatapos na ang buwan, tumawag ako kung maaari namin siyang dalawin ng aking kasama. Ang kanyang galit na sagot ay nagturo sa akin ng isang di-malilimutang leksyon.
"Hindi, palagay ko'y ayaw ko kayong pumunta rito ngayong gabi," sabi niya. "Pagod na ako. Nakapantulog na ako. Nagbabasa ako, at ayaw ko nang maistorbo para lang makapag-ulat kayo ng 100 porsiyento sa inyong home teaching sa buwang ito." Nasaktan ako sa sagot na iyon dahil batid kong natunugan niya ang makasarili kong layunin.
Sana ay wala tayong aanyayahang makinig sa mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo na madaramang may iba pang dahilan sa paggawa natin nito liban sa tunay na pagmamahal sa kanila at sa di-makasariling pagnanais na ibahagi ang isang bagay na alam nating mahalaga.
Kung kulang tayo sa gayong pagmamahal sa iba, dapat natin itong ipagdasal. Ang mga isinulat ng propetang si Mormon tungkol sa "dalisay na pag-ibig ni Cristo" ay tinuturuan tayong "manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo" (Moro. 7:4748).
II. BANAL NA TULONG/TAMANG PANAHON
Kailangan din natin ng banal na tulong upang patnubayan tayo sa pagbahagi ng ebanghelyo. Tulad ng ating mga pagnanais na maging dalisay at maitanim sa isipan ang patotoo at pagmamahal, ang ating mga kilos ay kailangang may patnubay ng Panginoon. Ito ay Kanyang gawain, hindi atin, at kailangan itong gawin sa Kanyang paraan at panahon, hindi sa atin. Kung hindi, ang ating mga pagsisikap ay mauuwi sa pagkabigo at pagbagsak.
Lahat tayo ay may mga kapamilya o kaibigan na kailangan ang ebanghelyo ngunit hindi pa interesado sa ngayon. Para maging epektibo, kailangang may patnubay ng Panginoon ang ating mga pagsisikap upang makakilos tayo ayon sa paraan at panahong handa silang tumanggap. Kailangan tayong humingi ng tulong at patnubay sa Panginoon upang maging kasangkapan tayo sa Kanyang mga kamay para sa taong handa nana gusto Niyang tulungan natin ngayon. Pagkatapos, kailangan tayong maging matalas sa pakikinig at sundin ang paghihikayat ng Kanyang Espiritu kung paano tayo magpapatuloy.
Ang mga paghihikayat na iyon ay darating. Batid natin mula sa di-mabilang na personal na mga patotoo na sa sarili Niyang paraan at panahon naghahanda ang Panginoon ng mga taong tatanggap sa Kanyang ebanghelyo. Ang mga taong ito ay naghahanap, at kapag hinahangad nating matukoy sila, sasagutin ng Panginoon ang kanilang mga dasal sa pagsagot sa ating dasal. Hihikayatin Niya at gagabayan ang mga nagnanais at taimtim na naghahangad ng patnubay kung paano, saan, kailan, at kanino ibabahagi ang Kanyang ebanghelyo. Sa ganitong paraan, ipinagkakaloob ng Diyos sa atin ang naaayon sa ating naisin (tingnan sa Alma 29:4; D at T 6:8).
Sa makabagong paghahayag, sinabi sa atin ng Panginoon na "marami pa sa mundo sa lahat ng pangkat, grupo, at sekta, na binubulag. . .at napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan" (D at T 123:12). Kapag tumatayo tayo bilang "mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay" (Mosias 18:9), magbubukas ang Panginoon ng mga daan upang makakita at magkaroon tayo ng pagkakataong makausap ang mga naghahanap na iyon. Darating ito kapag naghahangad tayo ng patnubay at kumikilos dahil sa tunay at mala-Cristong pagmamahal sa iba.
Mahal ng Panginoon ang lahat ng anak Niya. Nais Niyang lahat ay magkaroon ng kaganapan ng Kanyang katotohanan at kasaganaan ng Kanyang mga pagpapala. Alam Niya kung kailan sila handa, at gusto Niyang dinggin natin at sundin ang Kanyang mga tagubilin sa pagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo. Sa gayon, yaong mga handa ay tutugon sa mensahe Niya na nagsasabi, "Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig. . .at sila'y nagsisisunod sa akin" (Juan 10:27).
III. PAANO ITO GAGAWIN
Kapag may tunay tayong pagnanais na ibahagi ang ebanghelyo sa iba, at naghahangad ng banal na tulong sa ating mga pagsisikap, ano ang dapat nating gawin? Paano tayo magpapatuloy? Nagsisimula tayo sa simula. Hindi na natin dapat hintayin ang paanyaya ng langit. Madalas dumating ang paghahayag kapag tayo ay kumikilos.
Ibinigay ng Panginoon ang tagubiling ito kungsinoatpaano:"At ang inyong pangangaral —ay]. . .bawat tao sa kanyang kapwa, sa kahinahunan at kaamuan" (D at T 38:41). Ang "kapwa," mangyari pa, ay hindi lang ang mga kapitbahay natin at ibang kaibigan at kasamahan. Nang tanungin Siya, "Sino ang aking kapwa tao?" ikinuwento ng Tagapagligtas ang tungkol sa Samaritanong nakilala ang "isang kapwa" sa daan patungong Jerico (tingnan sa Lucas 10:2537). Kaya nga, kabilang sa ating "kapwa" ang mga nasasalubong natin sa araw-araw nating paglalakbay.
Dapat tayong magdasal, tulad ni Alma noon, na bigyan tayo ng Panginoon ng "kapangyarihan at karunungan upang madala natin" ang ating mga kasamahan sa Panginoon (Alma 31:35). Ipinagdarasal din natin ang kapakanan ng kanilang mga kaluluwa (tingnan sa Alma 6:6).
Kailangan nating tiyakin na kumikilos tayo dahil sa pagmamahal at hindi sa anumang pagtatangkang magtamo ng personal na pagkilala o kapakinabangan. Ang babala sa mga taong ginagamit ang katungkulan sa Simbahan para bigyang-kasiyahan ang kanilang kapalaluan o walang kabuluhang ambisyon (D at T 121:37) ay tiyak na tumutukoy sa ating mga pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo.
Ang pangangailangang kumilos dahil sa pagmamahal ay babala rin na umiwas tayong magpamanipula, totoo man o pag-aakala lang. Ang mga taong iba ang paniniwala sa atin ay maaaring masaktan kapag naringgan nila tayong tumukoy sa isang bagay bilang isang "kasangkapang pangmisyonero." Ang isang "kasangkapan " ay isang bagay na ginagamit upang manipulahin ang isang bagay. Kung babanggitin natin ang isang bagay bilang "kasangkapang pangmisyonero," maaari nilang isiping nagmamanipula tayo ng tao. Ang kaisipang iyon ay lubos na kabaligtaran ng diwa ng hindi makasarili at mapagbigay na paglilingkod natin bilang misyonero.
Sa kanyang magandang mensahe sinabi ni President Hinckley na "ang pagkakataong magbahagi ng ebanghelyo ay nasa lahat ng dako" (Liahona, Hulyo 1999,119). Nagbanggit siya ng maraming bagay na magagawa natin. Dapat tayong mamuhay ayon sa tinatawag niyang "kamangha-manghang kapangyarihan ng halimbawa ng miyembro ng Simbahan" (118) na makaiimpluwensiya sa mga nakapaligid sa atin. "Ang pinakamabisang sukatan na ating madadala," sabi niya, "ay ang kabutihan ng ating mga pamumuhay at halimbawa" (121). Kailangan tayong maging tunay na kaibigan sa lahat.
Ipinaaalala sa atin ni President Hinckley na tayo ay "makapag-iiwan ng isang kapirasong literatura ng Simbahan" (119) sa mga taong nakakasalamuha natin. Maiaalay natin ang ating mga tahanan "upang maisakatuparan ang pagmimisyon" (119). Ang mga misyonero "ay maaaring humingi sa mga miyembro ng mga tuturuan" (121), at sa gayon, dapat tayong tumugon.
Sa pagbubuod, sinabi ni President Hinckley na ang bawat miyembro ng Simbahan ay "laging makahahanap at makapanghihikayat ng mga nagsisiyasat" (121).
Marami pa tayong magagawa, lalo na kung kikilos tayo ayon sa magandang sinabi ng propetang si Mormon, "Hindi ako natatakot kung anuman ang magagawa ng tao; sapagkat ang ganap na pag-ibig ay nagwawaksi ng lahat ng takot" (Moro. 8:16; tingnan din sa I Ni Juan 4:18). Makapag- anyaya tayo ng mga kaibigan sa mga pulong o aktibidad sa Simbahan. Makapagsasalita tayo ng maganda patungkol sa ating Simbahan at sa epekto ng mga turo nito at tanungin ang mga tao kung gusto nilang makaalam ng higit pa.
Mas madali pa, makapagdadala tayo ng isang pakete ng kaakit-akit na kard na maipapasa at maibibigay ang mga ito sa mga taomaging sa mga kakilala langna ating nasasalubong sa araw-araw na aktibidad sa buhay. Ang mga kard na ito ay magandang paraan upang anyayahan ang mga tao na siyasatin ang dagdag na katotohanang ibinabahagi natin. Sa isang di-mapanghimasok na paraan, may mahalaga silang inihahandog, ngunit ang handog ay nakasalalay sa pagpili at pagkukusa ng tatanggap. Sa aming karanasan, marami sa mga tumawag para sa iniaalay na handog ay pinipiling dalhin ito ng mga taong marami pang dagdag na sasabihin.
Kapapahayag pa lang ng Simbahan ng isa pang paraan ng pagbabahagi ng ebanghelyo, na pandaigdigan, sa Internet. Sa potensyal nito, ang bagong paraan ay nakatutuwang tulad ng paglilimbag ng mga polyeto noong ika-19 siglo at ng paggamit natin ng radyo, telebisyon, at pelikula noong ika-20 siglo. Ang Simbahan ay nagpagana ng bagong Internet site na maaari nating pasanggunian sa mga taong interesadong makakuha ng impormasyon tungkol sa Simbahan at sa mga doktrina nito at kung saan sila makasasambang kasama natin. Ang address nito aywww.mormon.org. Sa mga misyonero, ang kahalagahan at gamit ng bagong mapagkukunang ito ay lilitaw sa katagalan. Sa mga miyembro ng Simbahan, makatutulong ito sa deretsahang pagsagot sa mga tanong ng mga kaibigan o sa pagtuturo sa kanila ng site. Maaari din tayong magpadala ng mga kard ng pagbati sa pamamagitan ng mga kaibigan, kabilang na ang mga mensahe at paanyayang pang-ebanghelyo.
IV. KATAPUSAN
Inutusan tayong doblehin ang ating mga pagsisikap at pagkaepektibo sa pagbabahagi ng ebanghelyo, upang maisakatuparan ang mga layunin ng Panginoon sa dakilang gawaing ito. Hangga't hindi natin ginagawa ito, ang mahuhusay na full-time na misyoneromga anak nating lalaki at babae at ang mararangal nating kasamahan sa gawain ng Panginoonay mananatiling hindi sapat ang paglilingkod sa kanilang dakilang pagkakatalagang magturo ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Nagsalita kami tungkol sa mapagmahal na pagnanais, makalangit na patnubay, at mga paraan upang makapagpatuloy tayo sa banal na utos na ibahagi ang ebanghelyo sa ating kapwa. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang pinakamaningning na liwanag at ang tanging pag-asa ng madilim na mundong ito. "Kaya nga," tulad ng turo ni Nephi, "kinakailangan tayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao" (2 Ne. 31:20).
Pinatototohanan ko si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas, at ang Kanyang pagnanais na buong-puso tayong makibahagi sa gawain Niyang ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.