The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2001
Tawag ng Tungkulin

Tawag ng Tungkulin

President Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan

"Lahat tayo ay may banal na tungkuling igalang ang priesthood at magsikap dalhin sa Panginoon ang maraming kaluluwa."

President Thomas S. Monson

Mahal kong mga kapatid, mabigat na responsibilidad, subalit mahalagang pribilehiyo, ang tumugon sa atas na magsalita sa inyo ngayong gabi. Ang tuwa at pananabik sa pangkalahatang kumperensiya, kasama na ang pangkalahatang pulong ng priesthood—personal man o sa pamamagitan ng satellite o telebisyon—ay nagpapagalak sa aming puso.

Nilinaw ng Panginoon kung ano ang ating mga responsibilidad at ibinigay sa atin sa ika-107 bahagi ng Doktrina at mga Tipan ang banal na atas: "Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya nang buong sigasig."1

Kung minsan ay hindi mahirap tumupad ng tungkulin, tumugon sa banal na tawag, o kumilos sa espirituwal na panghihikayat. Kung magkaminsan, gayunpaman, talagang napakahirap ng tungkuling tumugon. Naranasan ko iyon bago sumapit ang pangkalahatang kumperensiya noong Abril 1966. Iyon ay 35 taon na ang nakararaan, pero malinaw pa sa aking alaala.

Natanggap ko ang atas na magsalita sa isa sa mga sesyon ng kumperensiya at naghanda ako at nagsaulo ng isang mensaheng pinamagatang "Pagharap sa Inyong Goliath." Batay ito sa kuwento ng bantog na paglalaban nina David at Goliath noong unang panahon.

Pagkatapos ay nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula kay President David O. McKay. Ganito ang napag-usapan namin: "Brother Monson, si President McKay ito. Kumusta ka na?"

Bumuntung-hininga ako at sumagot ng, "Ayos naman po, President, at sabik na ako sa pagsapit ng kumperensiya."

"Kaya ako tumawag, Brother Monson. Ang pang-umagang sesyon ng Sabado ay muling isasahimpapawid sa Linggo bilang mensahe natin sa mundo sa Linggo ng Pagkabuhay. Ang paksa ko ay tungkol dito at nais kong sumama ka at magsalita sa mahalagang sesyong iyon tungkol dito."

"Sige po, President. Ikalulugod ko po iyon."

Noon ko lang naunawaan ang kinauwian ng maikling pag-uusap na ito. Biglang hindi naging angkop ang "Pagharap sa Inyong Goliath" sa mensahe para sa Linggo ng Pagkabuhay. Batid kong kailangan kong magsimulang muli. Halos wala nang oras. Tunay na nakaharap ko ang aking "Goliath."

Nang gabing iyon ay nilinis ko ang mesa sa kusina at ipinatong ang aking makinilya at isang ream ng bond paper doon, at may basurahan sa aking tabi para matapunan ng kalat ko sa paghahanda sa atas na iyon. Nagsimula ako nang bandang alas-7:00 n.g. at wala akong naisulat ni isang magandang linya hanggang ala-1:00 n.g. Napuno ang basurahan, pero wala pa rin akong maisip. Ano ang gagawin ko? Tumatakbo ang oras—sa katunayan, napakabilis nito. Tumigil ako para manalangin.

Pagkatapos noon ay pumasok sa isip ko ang kalungkutan ng aking mga kapitbahay na sina Mark at Wilma Shumway sa pagkamatay kamakailan ng bunso nilang anak. Naisip ko,Marahil makakausap ko sila nang deretsahan at tuloy ang iba pa, dahil sino ba naman ang hindi pa nawalan ng mahal sa buhay at nagdalamhati?Mabilis akong nagmakinilya pero mas mabilis ang takbo ng isipan ko.

Pagsilip ng unang sikat ng araw sa bintana ng aming kusina, tapos ko na ang mensahe. Kailangan ko pa ring pag-aralan itong mabuti at pagkatapos ay ihatid ito sa mundo. Bihira akong magpakahirap sa pagtupad sa atas ng propeta. Gayunman, dininig ng Ama sa Langit ang aking dalangin. Hinding-hindi ko malilimutan ang karanasang iyon.

Dalawang mahahalagang talata sa banal na kasulatan ang pumuspos sa aking kaluluwa sa pagtatapos ng sesyon ng Kumperensiya. Kapwa pamilyar sa inyo ang mga ito, mga kapatid. Wala itong kupas. Una, mula kay Nephi noon: "Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila."2

Pangalawa ay ang pangako mismo ng Panginoon sa inyo at sa akin mula sa Doktrina at mga Tipan: "Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo."3

Marami sa ating narito ngayong gabi ang maytaglay ng Melchizedek Priesthood, samantalang ang iba ay ang Aaronic Priesthood. Lahat tayo ay may banal na tungkuling igalang ang priesthood at magsikap dalhin ang maraming mahahalagang kaluluwa sa Panginoon. Naaalala natin ang sabi Niya: "Ang kahalagahan ng kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos."4Ginagawa ba natin ang lahat? Naaalala ba natin ang mga salita ni President John Taylor: "Kung hindi ninyo gagampanang mabuti ang inyong tungkulin, mananagot kayo sa Diyos para sa mga taong sana ay nailigtas ninyo, kung ginampanan ninyo ang inyong tungkulin."5

Ang hangaring tumulong sa iba, ang paghanap sa nawawalang tupa, ay maaaring di kaagad maging tagumpay. Paminsan-minsan ay mabagal ang pag-unlad—halos hindi mabanaagan. Gayon ang naranasan ng matagal ko nang kaibigang si Gill Warner. Katatawag pa lang niya bilang bishop nang si Douglas, na miyembro ng kanyang ward na nagmimisyon, ay nagkasala at itiniwalag sa Simbahan. Nalungkot ang Ama; lubos na nasiphayo ang Ina. Kasunod noon ay lumipat ng estado si Douglas. Matuling lumipas ang mga taon, ngunit si Bishop Warner, na miyembro na ngayon ng isang high council, ay patuloy na nag-aalala kung ano na ang nangyari kay Douglas.

Noong 1975 dumalo ako ng kumperensiya sa stake ni Brother Warner at maagang nagdaos ng priesthood leadership meeting nang Linggo ng umaga. Nagsalita ako tungkol sa sistema ng pagdidisiplina sa Simbahan at sa pangangailangang masigasig at buong pagmamahal na pagsikapang iligtas ang sinumang naliligaw ng landas. Nagtaas ng kamay si Gill Warner at nagkuwento tungkol kay Douglas. Nagtapos siya sa pagtatanong sa akin: "May responsibilidad ba akong tulungan si Douglas para makabalik sa Simbahan?"

Nang malaon ay pinaalalahanan ako ni Gill na ang sagot ko sa tanong niya ay deretsahan at walang pag-aalinlangan. Sinabi ko, "Bilang dati niyang bishop at isang nakakakilala at nagmamahal sa kanya, palagay ko ay nanaisin mong gawin ang lahat upang maibalik siya."

Lingid kay Gill Warner, nanalangin at nag-ayuno ang ina ni Douglas noong isang linggo upang harinawa ay dumating ang isang taong tutulong na mailigtas ang kanyang anak. Natuklasan ito ni Gill nang madama niya, matapos ang pulong, na dapat niyang tawagan ang ina ni Douglas para sabihing handa siyang tumulong.

Sinimulan ni Gill ang mahabang proseso ng pagtubos. Kinausap niya si Douglas. Ginunita ang nakaraang masasayang sandali. Naipahayag ang patotoo, naipadama ang pagmamahal, at naitanim ang pagtitiwala. Napakabagal ng takbo. Madalas pumasok sa eksena ang kawalang-pag-asa; ngunit unti-unting nagbago si Douglas. Sa wakas ay dininig ang mga dalangin, ginantimpalaan ang mga pagsisikap, at nakamtan ang tagumpay. Mabibinyagan na rin si Douglas.

Itinakda ang araw ng binyag, nagtipon ang mga miyembro ng pamilya, at lumipad palungsod ang dating bishop na si Gill Warner patungong tirahan ni Douglas at isinagawa ang ordenansa.

Si Bishop Warner, dahil sa pagmamahal sa kanyang puso at sa responsibilidad niya sa isang dating priest sa Aaronic Priesthood—maging sa korum na pinangunguluhan niya—ay dumating upang magligtas, upang walang isa mang maligaw ng landas.

Maaaring may iba pa, ngunit ako mismo ay may kilalang tatlong bishop na, nang mamuno sa kanilang ward, may 48 o higit pang kabataang lalaki sa korum ng mga priest, o sa ibang salita ay ganap na korum ng mga priest. Ang tatlong bishop na ito ay sina Alvin R. Dyer, Joseph B. Wirthlin, at Alfred B. Smith. Nabigatan ba sila sa kanilang tungkulin? Hindi. Sa masigasig nilang mga pagsisikap at sa tulong ng mapagmahal na mga magulang at mga pagpapala ng Panginoon, ginabayan ng mga bishop na ito ang bawat miyembro ng kani-kanilang korum ng mga priest—nang halos walang palya—para maordenan bilang elder sa Melchizedek Priesthood, makapagmisyon, at makasal sa templo ng Panginoon. Samantalang nakamit na nina Brother Dyer at Brother Smith ang kanilang walang hanggang gantimpala, kapiling natin ngayong gabi si Elder Joseph B. Wirthlin, na isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Elder Wirthlin, ang paglilingkod at pamumuno ninyo sa mga kabataang ito, na ngayon ay malalaki na, ay hindi malilimutan kailanman.

Noong 12-taong-gulang ako, nagkaroon ako ng pagkakataong maglingkod bilang kalihim sa aking korum ng mga deacon. Galak ko pang nagugunita ang maraming tungkuling iniatas sa aming mga miyembro ng korum na iyon. Ang pagpapasa ng sagradong sakramento, pangongolekta ng mga buwanang handog-ayuno, at pangangalaga sa isa't isa ay agad sumasagi sa aking isipan. Gayunpaman, ang pinakanakasisindak ay naganap sa sesyon sa pamumuno sa kumperensiya ng aming ward. Ang namumunong miyembro ng stake presidency noon ay si William F. Perschon. Inatasan niyang magsalita ang ilang pinuno ng ward. Pagkatapos, walang sabi-sabing tumindig si President Perschon at nagsabi, "Maririnig natin ngayon si Thomas S. Monson, kalihim ng korum ng mga deacon, para magsulit ng kanyang mga nagawa at magpatotoo." Wala akong maalala sa sinabi ko, pero hindi ko kailanman nalimutan ang karanasang iyon.

Mga kapatid, tandaan ang payo ni Apostol Pedro, "Lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa't tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo."6

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binatilyo ako nang magkaroon ng pagkakataong maglingkod bilang pangulo ng korum ng mga guro. Sinabihan akong pag-aralan at ipamuhay ang payo mula sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 107, talata 86: "Ang tungkulin ng pangulo sa katungkulan ng mga guro ay mamuno sa. . . . guro, at maupo sa kapulungan kasama nila, nagtuturo sa kanila ng mga tungkulin ng kanilang katungkulan, katulad ng ibinigay sa mga tipan." Sinikap kong mabuti na mamuhay ayon sa tungkuling ito.

Sa korum na iyon ay may isang binatilyo, si Fritz Hoerold. Pandak siya pero matapang. Nang 17 taong gulang na si Fritz, sumali siya sa United States Navy at ipinadala sa pagsasanay. Sakay siya ng malaking barkong pandigma nang maganap ang ilang madudugong labanan sa Pasipiko. Malaki ang naging pinsala ng kanyang barko, at maraming marinong napatay o nasugatan.

Umuwi si Fritz para magbakasyon matapos ang gayong tungkulin at bumalik sa korum namin ng mga guro. Pinagsalita siya ng tagapayo ng korum sa amin. Ang kisig niyang tingnan sa damit niyang Marino na may nakakabit na mga ribon sa digmaan. Natatandaan kong hinilingan ko noon si Fritz na magbahagi ng anumang kaisipang mapapakinabangan namin. Magkaedad naman kami. Nakangiwi siyang sumagot, "Huwag kayong magboluntaryo para sa anuman!"

Hindi ko na nakitang muli si Fritz mula noong edad 17 kami hanggang, mga ilang taon pa lang ang nakararaan, nabasa ko sa isang magasin ang lathalain tungkol sa mga digmaang iyon sa karagatan. Inisip ko kung buhay pa si Fritz Hoerold at kung nakatira siya sa Salt Lake City. Sa isang tawag sa telepono ay natagpuan ko siya at ipinadala sa kanya ang magasin. Nagpasalamat silang mag-asawa sa akin. Nang malaman kong hindi pa naordenan si Fritz sa pagka-elder at kung gayo'y hindi pa nakadadalo sa templo, sumulat ako para hikayatin siyang maging karapat-dapat para sa mga pagpapala ng templo. Dalawang beses kaming nagkita nang hindi sinasadya sa mga restawran. Sinabihan ako ng mahal niyang asawang si Joyce na, "Ipagpatuloy mo ang pagkumbinsi sa asawa ko." Sumang-ayon sa kanilang ina ang kanyang mga anak na babae. Patuloy ko siyang hinikayat.

Ilang linggo pa lamang ang nakararaan, nakita ko sa obituaryo ng pahayagan na pumanaw na si Joyce na asawa ni Fritz. Sana ay naging mas matagumpay ako sa proyekto kong mapapasok ng templo si Fritz. Tinandaan ko ang oras at lugar ng huling serbisyo kay Sister Hoerold, ipinasaibang araw ang ibang lakad ko, at dumalo sa serbisyo. Nang makita ako ni Fritz kaagad niya akong tinabihan. Pareho kaming umiyak. Hinilingan niya akong magsalita sa huli.

Nang tumindig ako para magsalita, sumulyap ako kay Fritz at sa kanyang pamilya at nagsabing, "Fritz, narito ako ngayon bilang pangulo ng korum ng mga guro na minsa'y kinabilangan natin." Sinabi ko kung paanong siya at ang kanyang pamilya ay "magsasama sa kawalang-hanggan" sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo—mga ordenansang ipinangako kong isasagawa pagdating ng takdang panahon.

Tinapos ko ang aking pananalita, na pigil ang mga luha, sa pagsasabi kay Fritz sa abot ng pandinig at tanaw ng kanyang pamilya at lahat ng naroon na, "Fritz, mahal kong kaibigan at kapwa marino, may lakas ka ng loob at determinasyon. Ipinapara mo ang iyong buhay para sa iyong bansa sa oras ng panganib. Ngayon, Fritz, kailangan mong dinggin ang panawagan: 'Sakay na sa barko—iangat na ang angkla'—para sa paglalakbay mo sa kadakilaan. Naroon si Joyce at naghihintay sa iyo. Alam kong ipinagdarasal ka ng mahal mong mga anak at apo. Fritz, bilang pangulo mo sa korum ng mga guro noon, buong puso at kaluluwa kong sisikaping tiyakin na hindi ka maiiwan ng barkong maghahatid sa iyo at sa mga mahal mo sa buhay sa kaluwalhatiang selestiyal."

Sinaluduhan ko siya ng saludong-marino. Tumindig si Fritz at sinaluduhan din niya ako.

Mga kapatid, sundin nawa ng bawat isa sa atin ang madaling tandaang tula: "Tuparin ang tungkulin, pinakamainam iyang gawin. Ang iba'y sa Panginoon na lamang ihabilin." Ito ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. D at T 107:99.
2. 1 Nephi 3:7.
3. D at T 84:88.
4. D at T 18:10.
5. Deseret News Semiweekly, Ika-6 ng Ago. 1878, 1.
6. I Ped. 3:15.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy