President Gordon B. Hinckley
"Buksan natin ang ating puso, tumulong tayong maiangat ang iba, mag-ambag tayo ng ating kabuhayan, dagdagan natin ang pagmamahal sa ating kapwa."
Mahal kong mga kapatid, sa pagharap ko ngayon sa malaking kalipunan ng mga kalalakihan sa bulwagang ito at sa kaalamang sampu-sampung libo pa ang nakakalat sa buong mundo, na iisa ang isipan at puso at lahat ay taglay ang awtoridad ng priesthood ng Buhay na Diyos, ako ay napayapa at napakumbaba. Hangad ko ang patnubay ng Banal na Espiritu.
Kakaiba ang kalipunang ito sa buong mundo. Wala itong katulad. Kayo ang mga hukbo ng Panginoon, mga lalaking handang makibaka sa kalaban ng katotohanan, mga lalaking handang manindigan at makabilang, mga lalaking may patotoo sa katotohanan, mga lalaking nagsakripisyo at maraming nagawa para sa dakilang layuning ito. Pagpalain nawa kayo ng Panginoon at itaguyod kayo at paunlarin. "Kayo'y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote" (I Ped. 2:9).
Mga kapatid, maging marapat tayo sa priesthood na taglay natin. Mamuhay tayo nang mas malapit sa Panginoon. Maging mabubuti tayong asawa at ama.
Sinumang lalaking malupit sa kanyang tahanan ay hindi karapat-dapat sa priesthood. Hindi siya nararapat maging kasangkapan sa kamay ng Panginoon kung hindi siya gumagalang at mabait at mapagmahal sa pinili niyang makasama sa buhay.
Gayundin, ang priesthood ng sinumang lalaking hindi mabuting halimbawa sa kanyang mga anak, hindi matimpi ang galit, o sangkot sa kasinungalingan o kahalayan ay mawawalan ng bisa.
Ipinaaalala ko sa inyo "na ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit, at na ang kapangyarihan ng langit ay hindi mapamamahalaan ni mahahawakan tanging alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan.
"Na ito ay maaaring igawad sa atin, ito ay totoo; subalit kung ating tatangkaing pagtakpan ang ating mga kasalanan, o bigyang-kasiyahan ang ating kapalaluan, ang ating walang kabuluhang adhikain, o gumamit ng lakas o kapangyarihan o pamimilit sa mga kaluluwa ng mga anak ng tao, sa alinmang antas ng kasamaan, masdan, ang kalangitan ay lalayo; ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati; at kapag ito ay lumayo, Amen sa pagkasaserdote o sa kapangyarihan ng taong iyon" (D at T 121:3637).
Mga kapatid, maging mabubuting kalalakihan tayong mga kinalugdan ng Panginoon na pagkalooban ng Kanyang banal na kapangyarihan.
Ngayon, tungkol naman sa iba ngunit nauugnay na paksa.
Noong Abril sa priesthood meeting natin, ibinalita ko ang isang bagong programa. Binanggit ko ang malaking bilang ng mga misyonero mula sa South Africa, Mexico, Pilipinas, at iba pang lugar. Tumutugon sila sa mga tawag at naglilingkod kasama ng mga miyembro mula sa North America. Nagkakaroon sila ng malakas na patotoo. Natututo sila ng bagong uri ng pamumuhay. Napakaepektibo nila dahil gamit nila ang sarili nilang wika at alam ang kultura ng kanilang lupain. Nasisiyahan sila sa kagila-gilalas na panahon ng masipag at dibdibang paggawa.
Pagkatapos ay pinauuwi na sila. Naghihirap ang kanilang mga pamilya, at marami sa kanila ang bumabalik sa dati nilang kalagayan, hindi makakilos dahil kulang sa kasanayan at bunga nito ay mahirap silang makakita ng magandang trabaho.
Binanggit ko sa inyo ang Perpetual Emigration Fund, na sinimulan noong bago pa ang Simbahan upang tulungan ang mga maralitang nagmula sa England at Europe. Sinimulan ang umiikot na pondong ipinauutang nang paunti-unti, na nakatulong sa 30,000 kataong nandayuhan at nagtipon sa Sion.
Sinabi kong gagamitin natin ang prinsipyong iyon at lilikha ng tatawagin nating Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon. Mula sa pondong iaambag ng ating mga miyembro, at hindi mula sa pondo ng ikapu, lilikha tayo ng puhunan, na ang kikitain ay gagamitin sa pagtulong sa ating mga miyembrong kabataan na makapag-aral upang makakita ng mas magandang trabaho. Magkakaroon sila ng mga kasanayang pagkakakitaan nila nang sapat para mapangalagaang mabuti ang kanilang pamilya at makabangon mula sa kahirapang kinamulatan nila at ng mga nauna nilang henerasyon.
Wala tayong pondo nang planuhin ito. Ngunit sa pagsulong nang buong pananampalataya, naitatag natin ang organisasyon, bagama't maliit lamang, upang maipatupad ang alam nating kinakailangang gawin. Natutuwa akong iulat na dumating na ang pondo, sampu-sampung libo, daan-daang libong dolyar, at milyun-milyon pa. Galing ito sa bukas-palad na mga miyembro ng Simbahan na nagmamahal sa Panginoon at hangad makatulong sa kapus-palad Niyang mga tao upang gumanda ang kanilang pamumuhay. Malaki na ngayon ang ating pondo. Hindi pa rin ito sapat sa ating mga pangangailangan. Sana ay magpatuloy ang mga ambag na ito. Ang laki ng puhunan ang magsasabi kung ilan ang matutulungan.
Ngayon, makalipas ang anim na buwan, nais kong iulat sa inyo ang mga nagawa na. Una, tinawag namin si Elder John K. Carmack, na naglingkod nang mahusay sa Unang Korum ng Pitumpu at naging emeritus na Pitumpu sa kumperensiyang ito. Magaling siyang abugado, matalino at mahusay sa negosyo, at malaki ang kakayahan. Nahirang siyang maging tagapangasiwa, at bagama't retirado na sa gawain ng Pitumpu iuukol niya ang kanyang buong panahon sa pagtupad ng kanyang tungkulin.
Si Elder Richard E. Cook ng Pitumpu, na naging emeritus din, ang makakasama niya sa pangangasiwa ng pananalapi. Si Elder Cook ay dating assistant controller ng Ford Motor Company, isang lalaking may karanasan sa pandaigdigang pananalapi, isang napakahusay na tagapamahala, at isang lalaking nagmamahal sa Panginoon at sa mga anak ng Panginoon.
Pinagtrabaho natin nang husto ang mga kalalakihang ito bilang pangkalahatang awtoridad, at ngayon ay pagtatrabahuhin naman natin sila nang husto sa bagong tungkuling ito.
Nakasama na nila si Brother Rex Allen, isang dalubhasa sa organisasyon at pagsasanay; at si Brother Chad Evans, na may malawak na karanasan sa programa ng maunlad na edukasyon.
Lahat sila ay nag-aambag ng kanilang oras at kaalaman nang walang kapalit.
Nasimulan na ang programa. Nag-ingat nang husto ang mga kalalakihang ito upang maging maayos ang pagsisimula nito batay sa itinakdang mga alituntunin. Pili lamang ang mga lugar kung saan ipatutupad ito sa ngayon, ngunit lalawakan ito kapag kaya na natin.
Kumilos ang mga kapatid na ito upang gamitin ang kasalukuyang organisasyon ng Simbahan. Ang programa ay batay sa priesthood, kaya magtatagumpay ito. Nagsisimula ito sa mga bishop at stake president. Kasama rin dito ang Church Educational System, mga tanggapan ng Employment Services, at iba pang nagtutulung-tulong sa kagila-gilalas na diwa ng pagtutulungan. Una itong ipinatupad sa Peru, Chile, at Mexicomga lugar kung saan marami nang nakauwing misyonero at malaki ang pangangailangan. Masisigla at matatapat ang mga lokal na pinuno. Ang mga nakikinabang ay natututo ng tunay na prinsipyo ng pag-asa sa sariling kakayahan. Ang pananaw nila sa kanilang potensiyal ay labis na lumawak. Pumipili sila ng mabubuting lokal na paaralan para sa pagsasanay at ginagamit, hangga't maaari, ng personal, pampamilya, at lokal na mapagkukunan. Natutuwa at handa sila at nagpapasalamat nang lubos sa pagkakataong ibinigay sa kanila. Hayaan ninyong magbigay ako ng dalawa o tatlong maiikling halimbawa.
Ang una ay tungkol sa isang binatang naglingkod sa Bolivia Cochabamba Mission. Naninirahan siya kasama ang kanyang matapat na ina at mga pamangkin sa isang mahirap na kapaligiran. Ang maliit nilang tahanan ay sementado ang sahig, may isang ilaw, tumutulo ang bubong, at sira ang bintana. Matagumpay siyang misyonero. Ang sabi niya:
"Ang misyon ko ang pinakamagandang nagawa ko sa aking buhay. Natuto akong sumunod sa mga kautusan at tiisin ang aking mga pasakit. Natuto rin akong mag-Ingles at pamahalaan nang mas mabuti ang aking pera, oras, at kasanayan.
"Nang makatapos ako ng misyon, mahirap umuwi. Ang mga kasama kong Amerikano ay bumalik sa unibersidad. Ngunit matindi ang kahirapan sa aming bansa. Napakahirap makapag-aral. Ginagawa ng aking ina ang lahat, pero hindi niya kami matulungan. Hirap na hirap na siya, at ako ang kanyang pag-asa.
"Nang malaman ko ang tungkol sa Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon, napakasaya ko. Nakita ng propeta ang mga pagsisikap namin. Napuno ako ng galak.. . . Makapag-aaral na ako, makaaasa sa sarili, magkakaroon ng pamilya, matutulungan ang aking ina.
"Mag-aaral ako ng accounting sa isang lokal na paaralan kung saan makapag-aaral ako at makapagtatrabaho. Tatlong taon lang ang kursong iyon. Mamamasukan akong tagalinis, pero hindi bale. Kapag nakatapos ako at nagkatrabaho sa accounting, sisikapin kong makapag-aral pa ng international business.
"Pagkakataon na natin ito, at hindi tayo dapat mabigo. May tiwala sa atin ang Panginoon. Maraming ulit ko nang nabasa ang mga salita ng Panginoon sa mga propeta sa Aklat ni Mormon, na habang sinusunod natin ang mga kautusan, uunlad tayo sa lupain. Natutupad ito ngayon. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos sa malaking pagkakataon kong makamtan ang hindi nakamtan ng mga kapatid ko, upang matulungan ang aking pamilya, upang matupad ang aking mga adhikain. Sabik na akong makabayad ng utang para makitang nabibiyayaan din ang iba. Alam kong pagpapalain ako ng Panginoon dahil dito."
Hindi ba kahanga-hanga ito? Heto pa ang isa. Isang binata sa Mexico City ang pinayagang makautang ng mga $1,000 para makapag-aral siya ng pagiging diesel mechanic. Ang sabi niya: "Nangangako akong gagawin ko ang lahat upang masiyahan ako sa aking pagsisikap. Alam kong kapaki-pakinabang at mahalaga ang programang ito. Dahil dito, talagang sinasamantala ko ito para sa kinabukasan. Mapaglilingkuran ko at matutulungan ang mahihirap at mapapayuhan ang mga miyembro ng aking pamilya. Nagpapasalamat ako sa aking Ama sa Langit sa maganda at inspiradong programang ito."
Isa pang utang ang inaprubahan kailan lang para sa isang binata sa Mexico City, na naglingkod sa Nevada Las Vegas Mission. Nais niyang maging dental technician. Kakailanganin niyang magsanay nang dibdiban sa loob ng 15 buwan. Ang sabi niya: "Nangangako ako na pagkatapos kong mag-aral sa technical school sa tulong ng Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon ay babayaran ko ang utang para matamasa rin ng iba pang nakauwi nang misyonero ang mga biyayang ito."
Kaya sinimulan namin ang gawaing tutulong sa ating matatapat at may kakayahang mga kabataan na akyatin ang hagdan ng tagumpay sa kanilang kabuhayan. Sa mas pinagandang mga pagkakataon, makakaahon sila at ang mga nauna sa kanila sa kahirapang kinamulatan nila sa mahabang panahon. Nakapagmisyon sila, at patuloy silang maglilingkod sa Simbahan. Magiging pinuno sila sa dakilang gawaing ito sa kanilang sariling bansa. Magbabayad sila ng kanilang ikapu at mga handog, na magpapalaganap sa gawaing ito ng Simbahan sa buong mundo.
Inaasahan namin na sa pagtatapos ng taong ito ay mayroon na tayong mga 1,200 sa programa. Tatlong taon mula ngayon, tinataya naming hihigit sila sa 3,000. Nariyan ang mga pagkakataon. Agaran ang pangangailangan. Maaaring mabigo tayo sa ilan. Ngunit karamihan ay kikilos tulad ng ating inaasahan, kapwa mga kabataang lalaki at kabataang babae.
Ang tanging limitasyon namin ay ang halagang nasa pondo. Inaanyayahan naming muli ang lahat na nais makilahok na mag-ambag, malaki man o maliit. Sa gayon ay mapalalawak natin ang dakilang gawaing ito na magbibigay ng pagkakataon sa mga nananampalataya at may tagong kakayahan na makaasa sa sarili bilang matatapat na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Nauunawaan ba ninyo ang napakalaking gawaing ito ng Simbahan? Hayaan ninyong magbigay ako ng halimbawa. Isang pares ng mga misyonero ang kakatok sa pinto ng isang maliit na tahanan sa Peru. Magbubukas ang isang babae. Hindi niya gaanong mauunawaan ang gusto ng mga misyonero. Pero patutuluyin niya ang mga ito. Magtatakda silang bumalik kapag naroon ang kanyang asawa at iba pang miyembro ng pamilya.
Tuturuan sila ng mga misyonero. Dahil naantig ng kapangyarihan ng Espiritu, tutugon sila sa mensahe ng walang-hanggang katotohanan. Mabibinyagan sila.
Aktibo ang pamilya sa Simbahan. Magbabayad sila ng matapat pero maliit na ikapu. May isang anak sa pamilyang iyon na nagbibinata o nagdadalaga. Sa tamang panahon, tatawaging magmisyon ang anak. Gagawin ng pamilya ang lahat upang masuportahan siya, at ang iba ay mula sa pondo ng misyonero, na galing sa kontribusyon ng mga Banal.
Ang anak ay nagkaroon ng kompanyon na mula sa Estados Unidos o Canada. Natuto siya ng Ingles, samantalang huhusay naman sa Espanyol ang kompanyon. Magtutulungan sila nang may pagmamahal at pasasalamat at paggalang sa isa't isa, mga kinatawan ng dalawang magkaibang mga kultura.
Pagkatapos ng kanilang misyon, ang Norte Amerikano ay uuwi at muling mag-aaral. Ang taga-Peru ay uuuwi at aasa na lamang na makakita ng kahit anong mapagkakakitaan. Napakaliit ng sahod. Malabo ang hinaharap. Wala siyang kasanayang kailangan para magkaroon ng mas magandang trabaho. At darating ang sinag na ito ng pag-asa. Alam na ninyo ang gusto kong ipaunawa. Hindi ko na kailangang magpaliwanag pa. Malinaw na sa atin ang lahat, matindi ang pangangailangan, at itinuro ng Panginoon ang daan.
Kamakailan ay may natagpuang lumang libro sa pananalapi si Elder Carmack. Dinala niya ito sa akin. Natuklasan namin na noong 1903, nagtatag ng maliit na pondo upang tulungan ang mga nais maging guro na maging karapat-dapat para sa mas malalaking pagkakataon sa pamamagitan ng maliliit na pautang upang makatulong sa kanila habang nag-aaral.
Ipinagpatuloy ito sa loob ng 30 taon hanggang sa itigil ito noong panahon ng Kahirapan.
Namangha ako sa mga pangalang nasa lumang librong iyon. Dalawa roon ang naging pangulo ng unibersidad. Ang iba ay naging tanyag at magagaling na guro. Ipinakita ng libro ang mga bayad na $10.00, $25.00, $3.10 na interes, at iba pang tulad noon. Isa sa mga nakinabang sa programang iyon ay naging bishop, pagkatapos ay stake president, pagkatapos ay Apostol, at sa huli ay tagapayo sa Unang Panguluhan.
Mga kapatid, kailangan nating mas masigasig na kalingain ang isa't isa. Kailangan nating dagdagan nang kaunti ang ating pagsisikap na tulungan ang labis na naghihirap. Kailangan tayong manghikayat at tumulong sa mga lalaki at babaeng may pananampalataya at integridad at kakayahan, na kayang umangat sa buhay sa kaunting tulong.
Ang prinsipyo ay angkop hindi lamang ukol sa ating kasalukuyang gawain sa pondong pang-edukasyon, kundi sa mas pangkalahatang paraan. Buksan natin ang ating puso, tumulong tayong maiangat ang iba, mag-ambag tayo ng ating kabuhayan, dagdagan natin ang pagmamahal sa ating kapwa.
Labis-labis ang pagpapala sa atin ng Panginoon. At napakalaki ng mga pangangailangan. Ang sabi Niya, "Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa" (Mateo 25:40).
Nabasa ko sa aklat ng Mga Gawa:
"At isang lalake na pilay buhat pa sa tiyan ng kaniyang ina ay dinadala roon, na siya'y inilalagay nila araw-araw sa pintuan ng templo;
"Ito, pagkakita kay Pedro at kay Juan na magsisipasok sa templo, ay namanhik upang tumanggap siya ng limos.
"At pagtitig sa kaniya ni Pedro, na kasama si Juan, ay sinabi, Tingnan mo kami.
"At kaniyang pinansin sila, na umaasang tatanggap sa kanila ng anomang bagay.
"Datapuwa't sinabi ni Pedro, Pilak at ginto ay wala ako; datapuwa't ang nasa akin, ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesucristong taga Nazaret, lumakad ka.
"At kaniyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya'y itinindig: at pagdaka'y nagsilakas ang kaniyang mga paa at mga bukong-bukong.
"At paglukso, siya'y tumayo, at nagpasimulang lumakad; at pumasok na kasama nila sa templo, na lumalakad, at lumulukso, at nagpupuri sa Dios" (Mga Gawa 3:28).
Pansinin ninyo ngayon na hinawakan siya ni Pedro sa kanang kamay at itinindig.
Kinailangang yumuko ni Pedro para maitindig ang lalaking pilay. Tayo man ay kailangang yumuko.
Pagpalain kayo ng Diyos, mahal kong mga kapatid, bata at matanda. Manatiling sumasampalataya. Maglingkod nang may pagmamahal. Palakihin ang inyong pamilya sa paraan ng Panginoon. "Aasa ka sa Diyos at mabubuhay" (Alma 37:47).
Ito ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.