The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2001
Paninindigan

Paninindigan

Bishop H. David Burton
Namumunong Bishop

"Si Jesucristo ang ating ganap na halimbawa ng isang lagi nang naninindigan. Huwaran Siya ng integridad, lakas, at tapang."

Bishop H. David Burton

Isang lalaking marunong ang madalas magbigay ng simpleng payong ito: "David, manindigan ka." Hindi hinangad ng tatay ko na tumangkad ako nang ilang pulgada o kaya'y tumingkayad. Gusto niyang sabihing maging matapang ako sa aking mga desisyon, nang hindi ikinokompromiso ang aking mga prinsipyo, hindi lumalabag sa mga espirituwal na pinahahalagahan, at hindi umiiwas sa responsibilidad. Kapag sinusunod ko ang payo niya, nagiging maayos ang buhay ko. Kapag hindi ako nanindigan, kadalasa'y hindi nagiging kasiya-siya ang buhay ko. Kamakailan ay tinanong ko ang dalawa kong apong lalaki kung ano ang magiging kabuluhan sa kanila kung hihilingin ng Ama sa Langit na manindigan sila. Napansin ko ang isa sa kanila na parang walang-anumang tumingkayad para magmukhang mas matangkad. Pagkatapos ay sabay silang mabilis na nagsabing, "Gusto Niyang gawin namin ang tama."

Dahil sa matinding dalamhati at kaguluhan noong ika-11 ng Setyembre, maraming nanindigan sa mga kalalakihan, kababaihan, at mga bansa. Nagkaisa ang magkakaaway at magkakaibigan laban sa iisang kalaban. Naging pangkaraniwan na lamang ang mga pambihirang pagpapakita ng katapangan. Wari'y walang hangganan ang pagkakawanggawa. Ang mga kalalakihan at kababaihan, anuman ang lahi o paniniwala, ay tumulong sa mga biktima at mga pamilya nito. Di-mabilang na panalangin ang inialay. Naninindigan ang puwersa ng kabutihan laban sa puwersa ng malagim at walang-saysay na karahasan.

Sinasabing ang taong nagmamasid lamang sa mga pangyayari ay pipili rin ng papanigan sa bandang huli. Kung tayo man ay walang pinapanigan, panahon na upang buong tapang na manindigan sa panig ng kabutihan at umiwas sa tanikala ng kasamaan.

Ang buhay, ministeryo, at mga turo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang huwaran natin para masuri ang ating buhay. Si Jesucristo ang ating ganap na halimbawa ng isang lagi nang naninindigan. Huwaran Siya ng integridad, lakas, at tapang. Nais kong gumamit ng tatlong halimbawa mula sa ministeryo ng Tagapagligtas.

Una, matapos Siyang binyagan, binigyang-inspirasyon si Jesus ng Espiritu na magtungo sa ilang upang manalangin sa Kanyang Ama. Minabuti Niyang hindi kumain sa loob ng 40 araw upang maiayon Niya ang Kanyang mortal na katawan sa Kanyang banal na espiritu. Nang manghina ang katawan, dinalaw Siya ng manunukso, na nagmungkahing gamitin ng Tagapagligtas ang Kanyang dakilang kapangyarihan upang gumawa ng mga di-pangkaraniwang bagay. Sa kahilingan ng manunukso na gawin Niyang tinapay ang mga bato upang mapawi ang Kanyang gutom, nanindigan ang Tagapagligtas sa pagsasabing, "Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Dios" (Mat. 4:4). Sa ideyang magpatihulog Siya mula sa mataas na lugar upang saluhin ng mga anghel, matagumpay Niyang sinabi, "Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios" (Mat. 4:7). Sa mungkahing lumuhod ang Tagapagligtas at sambahin ang demonyo kapalit ng kayamanan at karangyaan at luwalhati sa mundo, matapang Siyang sumagot, "Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran" (Mat. 4:10).

Patuloy pa rin ang paninilo ng manunukso. Ang paghahangad sa "mga bagay" ay nakaakit sa ilan upang talikuran ang prinsipyo. Ang di-pagkakilala ng kaibhan ng mga pangangailangan sa mga pagnanais ay nagpagulo sa isipan ng tao. Uhaw ang mga pamilya sa pagmamahal, pagkilala, at pamumuno ng mga magulang. Maraming humahantong sa di-wasto, imoral, at magkaminsan'y ilegal na pamamaraan upang magkamit ng mas maraming bagay sa mundo.

Kung matagpuan ninyo ang inyong sarili na lulong sa paghahangad ng mga bagay sa mundo, panahon na upang matapang na manindigan. Kung higit ninyong sinasamba ang mga bagay na nabibili ng salapi kaysa sa pagmamahal ng Diyos, panahon na upang manindigan. Kung pinagpala kayo nang higit pa sa inyong kailangan, panahon na upang manindigan sa pagbabahagi sa mga hindi pa nakakamtan ang kanilang mga pangangailangan.

Ang ikalawang halimbawa—noong minsan, pinalapit ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tagasunod at nagsabi, "Pakinggan ninyo, at unawain: Hindi ang pumapasok sa bibig ang siyang nakakahawa sa tao; kundi ang lumalabas sa bibig, ito ang nakakahawa sa tao" (Mat. 15:10–11).

Bahagi na ng pang-araw-araw na pananalita ng maraming tao ang pagbanggit sa pangalan ng Diyos nang walang kabuluhan. Sa ating mga kabataan, napakadali nilang bumanggit ng mga bulgar at malalaswang salita para ipahiwatig ang kanilang damdamin. Mga kaibigan kong kabataan, panahon na upang manindigan sa pagwawaksi ng mga salitang ito sa inyong bokabularyo. Batid ninyo ang mga salitang tinutukoy ko. Sa kasamaang-palad, naririnig ninyong laging ginagamit ang mga ito sa inyong mga paaralan, musika, at isports. Kailangan ba nito ng tapang upang manindigan? Mangyari pa. Makapag-iipon ba kayo ng tapang? Oo naman. Maghangad ng lakas mula sa inyong Ama sa Langit upang mapaglabanan ito. Sinabi ng Tagapagligtas, "Manalangin tuwina, at aking ibubuhos ang aking Espiritu sa iyo, at malaki ang iyong magiging pagpapala" (D at T 19:38). Sinasabing, "Mararating mo ang tuktok habang ikaw ay nakaluhod" ("Standing Tall,"New Era, Okt. 2001, 19). Di nakapagpapadakila ang kalapastanganan at kagaspangan ng ugali; nakakababa ang mga ito. Kami ng aking asawa ay nakadalo na sa daan-daang isports ng mga kabataan. Madalas kaming nakaririnig ng mga lapastangang pahayag mula sa mga coach at iba pang matatandang dapat sana'y maging mga huwaran. Kailangang manindigan ang matatanda sa pagwaksi ng magaspang at lapastangang mga salita.

Narinig na ninyo ang mga katagang, "Napakalakas ng dating ng mga ginagawa mo, kaya hindi ko marinig ang sinasabi mo." Tunay ngang maraming bagay ang sinasabi ng ating pananalita tungkol sa atin. Kailangan nating manindigan sa pagsunod sa payo ng mga propeta na manamit nang disente. "Kasama sa malalaswang pananamit ang napakaiikling shorts at palda, mga hapit na pananamit, mga pang-itaas na litaw ang tiyan, at iba pang kasuotang naglalantad ng katawan." (Para sa Lakas ng mga Kabataan—2001], 12). Nakapagbibigay-inspirasyon ang mga disente, maayos, at malinis na pananamit. Nakakababa ang kasuotang malalaswa. Kung may pagdududa, tanungin ang inyong sarili, "Magiging komportable ba ako sa itsura ko sa harapan ng Panginoon?" (Para sa Lakas ng Kabataan, 13) Mga ina, maaari namin kayong maging halimbawa at konsiyensya sa mahalagang bagay na ito. Ngunit tandaan, madaling mahalata ng mga kabataan ang pagkukunwari na kasimbilis ng pag-amoy nila sa bango ng bagong lutong tinapay. Mga magulang, payuhan ang inyong mga anak at samahan silang manindigan laban sa kalaswaan.

Ikatlo, magugunita ninyo ang tugon sa isang tagapagtanggol na nagtanong kung sino ang ating kapwa, muling isinalaysay ng Tagapagligtas ang tungkol sa lalaking naglalakbay mula Jerusalem patungong Jerico na nahulog sa kamay ng mga tulisan, at binugbog, ninakawan, at iniwang naghihingalo. Ang unang nakakita sa kanya ay isang saserdote, na ibinaling ang tingin at dumaan sa kabilang tabi ng daan. Gayon din, ang sumunod na nakaalam sa nangyari sa kanya ay huminto upang tumingin ngunit dumaan lang nang hindi tumutulong. Ang ikatlo, ang Samaritano, ay ginamot ang mga sugat niya at pinaalagaan siya. Pagkatapos ay nagtanong ang Tagapagligtas kung sino sa kanila ang kanyang kapwa. Sumagot ang tagapagtanggol na ito ay ang lalaking nagpakita ng awa. Bilang tugon sinabi ng Tagapagligtas, "Humayo ka, at gayon din ang gawin mo" (Lucas 10: 37; tingnan sa mga talata 30–37).

Kapag tumutulong tayo sa ating kapwa, sensitibo ba tayo hindi lamang sa kanilang pangangailangan kundi maging sa kanilang damdamin? Namimili ba tayo ng pakikisamahan at doon lamang sa mga kasama natin sa pananampalataya, o wala tayong sinisino anuman ang pananampalataya, kulay, o anumang inaakala nating kaibhan nila? Para sa Tagapagligtas walang pinipili ang kahulugan ngkapwa. Kung minsan ang kakaibang pananalita natin sa Simbahan ay nabibigyan ng ibang kahulugan at parang walang pakiramdam o kaya'y nakakababa sa ating kapwa. Tulad ng iminungkahi ni Elder Ballard kahapon, maging ako ay asiwa rin sa katagangdi-miyembro. Kapag tinutukoy natin ang iba bilang di-miyembro, maaari nilang isipin na itinuturing natin silang hindi miyembro ng ating komunidad, lungsod, o maging ng sangkatauhan. Madali nating sabihing pinakikisamahan natin ang lahat, ngunit sa tingin ng iba, madalas ay pinagbibigyan lang natin sila. Ang pagmamahal sa kapwa ay kasunod lamang ng pagmamahal sa sarili at sa Diyos. Manindigan tayo sa tunay na pagmamahal at paggalang sa ating kapwa.

Isang mahal na kaibigan ng pamilya ang pumanaw ilang taon na ang nakaraan. Mahilig silang mag-asawa na umakyat ng bundok. Isang hapon ng taglagas, umakyat sila ng ilang milya sa isang matarik na bundok papunta sa isang magandang talon. Habang pababa ng bundok, may ilang paakyat ang nagtanong sa kanila, "Sulit ba?" Ang sagot ng kaibigan namin ay lagi nang oo. Nang malaon, nalaman nilang sulit lamang ang pagsisikap kung nasiyahan kayo sa sariwang hangin, kagandahan ng bundok, ehersisyo, at magiliw na pakikisama.

Sa matinding impluwensiya ng mga kabarkada at pangangailangang matanggap ng iba, maaaring itanong ng ilan: "Sulit bang magsikap na manindigan?" Sa tanong na ito ang tugon ko ay, "Kung mahalaga sa inyo ang buhay na walang hanggan at nais ninyong makaranas ng tunay na kaligayahan sa buhay na ito, ang araw-araw na paninindigan ay marapat sa determinasyon at walang kapagurang pagsisikap."

Nawa'y manindigan tayong lahat sa panig ng kabutihan, ang dalangin ko sa banal na pangalan ng ating Panginoon at Gurong si Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy