The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2001
"Huwag Kang Matakot, Sapagka't ang Sumasaatin ay Higit Pa"

"Huwag Kang Matakot, Sapagka't ang Sumasaatin ay Higit Pa"

Sharon G. Larsen
Pangalawang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Young Women

"Hindi tayo nag-iisa sa sagradong tungkuling ito ng pagiging magulang, pagmamahal, at pamumuno. Wala nang mas malaking kagalakan. Marapat ito sa bawat sakripisyo."

Sharon G. Larsen

Bilang mga magulang at pinuno ng mga kabataan, maaaring madali tayong mawalan ng pananampalataya at pilipitin ang ating mga kamay sa pag-aalala sa kanila at sa mundong ginagalawan nila.

Ang mga kalagayan natin ngayo'y di-kakaiba at may pag-asa. Noong si Enoc pa ang propeta, nanangis ang kalangitan dahil sa kasamaan ng daigdig (Moises 7:28–37). Walang dudang nananangis ang langit ngayon.

Ang propetang si Eliseo ay napalibutan ng buong hukbong Siria na determinadong patayin siya. Tiniyak niya sa balisa at kaisa-isang kasama, na abala sa pagbibilang sa hukbong Siria, na kapag nasa panig tayo ng Panginoon, gaano man ang dami o puwersa ng mundo, mas marami pa rin tayo. Pinatototohanan ko na ang mga salita ni Eliseo sa kanyang kaibigan ay totoo pa rin ngayon: "Sapagka't ang sumasaatin ay higit kaysa sumasa kanila" (II Hari 6:16). Palilibutan at isasanggalang ng karo ng apoy ng Panginoon ang ating mga kabataan, gaya ng ginawa Niya kay Eliseo, sa pamamagitan ng mga magulang, lolo at lola, tiya, tiyo, kapitbahay, pinuno, at kaibigang marubdob silang mamahalin at aakayin.

Nitong huling apat na taon ay abala ako sa gawain ng Young Women. Sa paglilibot namin sa buong daigdig sa pagdalaw sa kanila, nalalaman namin kahit paano ang mga inaasam at pinapangarap at kinatatakutan at kabiguan nila. Inuulit ko ang sinabi ni President Hinckley: ito ang "pinakamainam na henerasyon ng Simbahan" (Church News, ika-15 ng Pebrero, 1997, 3). Sa kabuuan, ang mga kabataang ito ay buong giting at lakas na pumapanig sa kabutihan at kagandahang-asal.

Bagama't malalakas at mabubuti ang ating mga kabataan, kailangan nila ang tulong natin. At naririyan ang tulong: Ang Programang Pansariling Pag-unlad ng Young Women, ang Pagtupad ng Ating Tungkulin sa Diyos ng Aaronic Priesthood, angGabay na Aklat para sa mga Magulang at Pinuno ng mga Kabataan, at ang binagongPara sa Lakas ng mga Kabataanay tutulong sa mga magulang at pinuno na aktibo at tuwirang makibahagi sa paghadlang sa pagbagsak ng moralidad. Higit pa sa mga kasera ang nais nila. Gusto nila ng mga taong magmamahal at mamumuno sa kanila.

Mahalagang bahagi ng pagmamahal na iyon ang pakikinig. Alam ko ang tunay na kahulugan ng pakikinig dahil pinagpala akong maranasan iyon.

Dati akong nagsasaka kasama si Itay. Hindi ako laging nasisiyahan doon, pero tuwing tanghalian, nauupo kami sa lilim ng matataas na puno, kakain, at mag-uusap. Hindi ginamit ng tatay ko ang oras na ito para ilahad ang mga patakaran at iwasto ang kilos ng kanyang anak. Nag-uusap lang kami—tungkol sa mga bagay-bagay.

Sa oras na ito ako nakapagtatanong. Panatag akong itanong kahit na ang magpapagalit sa kanya. Naalala kong tinanong ko siya, "Bakit n'yo ako hiniya sa harap ng mga kaibigan ko noong isang linggo nang gabihin ako't sunduin ninyo ako pauwi?"

Ang sagot niya ay isa pang aspeto ng pagmamahal. Hindi siya nanghuhusga. May mga pamantayan ng pag-uugaling dapat kong sundin. Sabi niya, "Nag-alala ako nang gabihin ka. Higit sa lahat, gusto ko'y ligtas ka." Nalaman kong mas matindi ang pagmamahal niya sa akin kaysa kagustuhan niyang matulog o maabalang magbihis at magmaneho sa lansangan para hanapin ako.

Sa dayamihan man o sa iba pang lugar, pupunan ng gayong mga oras ng pagsasama ang ibang panahong maaaring hindi gayon katahimik at kapayapa. Nananatiling matatag ang mga ugnayan sa ganitong uri ng pagsasamahan—sa kabila ng istriktong doktrina at pagwawasto—o kaya'y dahil dito.

Ang pagmamahal ay pakikinig kapag handasilangmagsalita—sa hatinggabi, alas 6:00 n.u. pagpunta nila sa seminary, o kapag abala kayo sa mga dapat gawin. Nakita na ba ninyo sa telebisyon ang patalastas ng Simbahan na nagpapakita ng isang madilim na silid-tulugan? Bubukas ang pinto at papasok ang isang batang babae na kipkip ang isang aklat. Lalapit siya sa amang natutulog at magtatanong, "Itay, babasahan po ba ninyo ako ng kuwento?" Hindi magmumulat ng mga mata ang ama; bubulong lang ito sa kanyang pagtulog, "Anak, pagod na ako. Si Inay mo na lang." Lalapitan ng bata ang natutulog na ina at magtatanong, "Inay, puwede ba akong basahan ni Itay?" Makikita ninyong nagmulat ng mga mata ang ama at ang susunod na tagpo ay sama-sama silang tatlo, at nagbabasa ng kuwento ang ama.

Likas na darating ang pagmamahal, ngunit ang pamumuno ay pinong kasanayang nakakamtan na maaaring di natin lubos na dinidibdib. Mas nakapamumuno tayo sa pamamagitan ng halimbawa kaysa ibang paraan. Mabigat na pasanin ito ng mga magulang at pinuno ng mga kabataan.

Masasabi ba ng ating mga kabataan sa paraan ng ating pamumuhay at pagsasalita at pananalangin na mahal natin ang Panginoon? Nalalaman ba nilang ang Ama sa Langit ay Diyos ng pag-ibig sa nadarama nila kapag kasama natin sila? Makatitiyak ba silang di tayo matitinag ng iba-ibang doktrina o ng tusong impluwensiya ng lipunan at pagtanggap ng daigdig? (tingnan sa Ef. 4:14).

Kung mamumuno tayo sa kabutihan, walang duda kung saan tayo pumapanig. Ang maliliit na pagdududa natin ay lilikha ng malalaking pagdududa sa ating mga kabataan.

Kung minsa'y naiisip ko na baka tayong mga ina ang pumipilit sa ating mga anak na maging tanyag at katanggap-tanggap. Ang pagbabago ng ating mga pagnanais upang pamarisan ang pamantayan ng Panginoon ay malinaw na mensahe na iisa ang pamantayan sa kaharian ng Panginoon.

Kasunod ng pananalita ni President Hinckley sa mga kabataan noong nakaraang Nobyembre, isang dalagita ang nagsumbong sa ina nito na tinanggal ng kanyang pinuno sa Young Women ang ikalawa niyang pares ng hikaw. Nakakapansin ang mapagmasid na mga kabataang ito. Napapansin nila kung gaano kaikli ang shorts mo kung kailangan mong gumamit ng aspili para isuot ang pang-itaas na iyon; napapansin nila ang iyong isinusuot (o di isinusuot) kapag nagtatrabaho ka sa bakuran mo; napapansin nila kung saan ka nakalinya sa sinehan.

Nakipagtipan tayo sa Panginoon, at kadalasa'y sinusubukan ng pamumuno ang ating katapatan sa mga tipang iyon.

Ang sabi ng isang batang ina, "Maraming oras at lakas ang kailangan sa pagiging mabuting magulang. Mas madaling patulugin ang mga anak ko sa harap ng telebisyon habang nililinis ko ang bahay at saka sila ilipat sa kama kaysa basahan sila ng mga banal na kasulatan, manalangin at magkuwento, at patulugin sila. Pero inaasahan nila ito gabi-gabi, at alam kong ang pag-uukol kong ito ng panahon, kahit pagod na pagod na ako para kumilos, ay may epekto sa kawalang-hanggan." Ang patuloy na pamumuno ay tumutulong sa mga kabataan na gumawa ng matalinong pagpapasiya, at nag-iibayo ang tiwala natin sa kanila.

Naalala ko noong 16 na taong gulang pa ako nang marinig kong kausap ni Inay si Itay. Nag-alala siya sa ilang pagpapasiya ko. Wala akong kasalanang mas mabigat kaysa sa kakulangan sa isipan ng isang kabataan, pero nag-alala si Inay. Tumimo sa puso ko ang sabi ni Itay: "Huwag kang mag-alala," sabi niya kay Inay. "May tiwala ako kay Sharon at alam kong gagawin niya ang tama." Nagantimpalaan noon din ang mga oras sa dayamihan. Mula noo'y nabigkis ako sa mapagmahal at mapagtiwalang mga magulang.

Isa sa pinakamatitinding pagsubok sa mga magulang at pinuno ang mahalin ang isang taong mahirap mahalin. Mahirap gawin ito. Sinusubukan nito ang ating pasensiya at kakayahang magmahal nang walang kondisyon. Kapag ang nagdamdam na mga magulang ay nanalangin para sa tulong, kadalasa'y dumarating ito sa pamamagitan ng mga anghel na tiya o tiyo, lola o lolo, mabubuting kaibigan, at mga pinunong nakapaligid sa ating mga mahal sa buhay. Mabibigyang-diin nito ang ating mensaheng maglalagay sa ating anak sa tamang landas na ipinagdarasal natin.

Ang matalinong pagmamahal at may layuning pamumuno ay tutulong sa paglaban nila sa kasamaan habang inihahanda natin ang susunod na henerasyon para sa kagalakan ng pagkamagulang. Di natin malilimutan ang kagalakan sa ating 12-taong-gulang na anak nang una siyang magpasa ng sakramento o marinig natin ang panalangin sa sakramento ng ating anak. Paano ninyo ipaliliwanag ang damdamin kapag narinig ninyong nagpapatotoo sa Tagapagligtas ang inyong anak na babae o makitang tinatanggap niya ang Young Womanhood medallion?

Mas nauunawaan natin kung ano ang langit kapag nasa templo tayo kasama ang ating anak na nakaluhod sa altar kasama ang isang karapat-dapat na mapapangasawa. Handa silang magkasamang simulan ang buhay ng pangako at katuparang tumulong tayong ihubog. Panahon na para mag-ani.

Nagtatapos ako sa aking patotoo na hindi tayo nag-iisa sa sagradong tungkuling ito ng pagiging magulang, pagmamahal, at pamumuno. Wala nang mas malaking kagalakan. Marapat ito sa bawat sakripisyo, bawat nakaaabalang sandali, bawat pasensiya, disiplina sa sarili, at pagtitiis. "Kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?" (Rom. 8:31). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.n.u.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy