Elder Russell M. Nelson
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
"Ang ating pamilya ang pokus ng ating pinakadakilang gawain at kagalakan sa buhay na ito; gayon din sa buong walang hanggan."
Maraming taon na ang nakalipas nang nagdadalaga ang ilang anak namin ni Sister Nelson, nagbakasyon kami ng aming pamilya na malayo sa mga telepono at ligawan. Sumakay kami ng mga balsa pababa ng Colorado River sa Grand Canyon. Nang simulan namin ang paglalakbay, di namin inakalang mapanganib ang paglalakbay na ito.
Maganda ang unang araw namin. Ngunit sa ikalawang araw, nang papalapit na kami sa matuling agos ng Horn Creek at makita namin ang matarik na talampas, natakot ako. Habang nakalutang sa isang gomang balsa, ang pinakamamahal naming pamilya ay pabagsak sa isang talon! Sa bugso ng damdamin ay niyakap ko sa magkabilang bisig ang aking kabiyak at bunsong anak na babae. Para iligtas sila, kapwa ko sila hinapit. Ngunit nang marating namin ang talampas, tumilapon ako mula sa bumalikong balsa. Tinangay ako ng matuling agos ng ilog. Nahirapan akong lumutang. Tuwing tatangkain kong sumagap ng hangin, tumatama ako sa ilalim ng balsa. Hindi ako mahagilap ng aking pamilya, pero dinig ko ang paghiyaw nila, "Daddy! Nasaan si Daddy?"
Sa wakas ay naapuhap ko ang tabi ng balsa at nakalutang. Hinila ng pamilya ko mula sa tubig ang halos lunod kong katawan. Nagpasalamat kami at ligtas kaming muling nagkasama-sama.
Masaya at nakatutuwa ang sumunod na mga araw. At dumating ang huling araw na papunta kami sa Lava Falls, na kilalang pinakamapanganib na dalisdis sa buong paglalakbay. Nang makita ko ang naroon, agad kong pinatigil ang balsa at nagdaos kami ng biglaang pulong ng pamilya, batid na kung nais naming makaraos sa karanasang ito, dapat kaming magplanong mabuti. Pinaliwanagan ko ang aming pamilya: "Anuman ang mangyari, lalagi sa ibabaw ng tubig ang gomang balsa. Kung kakapit kami nang buong-lakas sa mga taling nakakabit sa balsa, maliligtas kami. Kahit tumaob ang balsa, hindi kami mapapahamak kung mahigpit kaming kakapit sa mga tali."
Bumaling ako sa pitong-taong-gulang naming anak na babae at nagsabi, "Lahat ay kakapit sa tali. Pero kailangan mong humawak sa tatay mo. Umupo ka sa likuran ko. Yakapin mo ako nang mahigpit habang nakahawak ako sa tali."
Ginawa namin iyon. Tumawid kami sa matatarik, malulupit na alonmahigpit na kumapit sa mga taliat lahat kami'y ligtas na nakatawid.1
ANG ARAL
Mga kapatid, muntik na akong mamatay sa aral na ibinabahagi ko sa inyo ngayon. Sa pagsagupa natin sa buhay, maging sa kahirapan, ang bugso ng damdamin ng isang ama na yakapin nang mahigpit ang kanyang kabiyak o mga anak ay maaaring hindi ang pinakamainam na makatutupad sa kanyang layunin. Sa halip, kung mapagmahal siyang kakapit sa Tagapagligtas at sa gabay na bakal ng ebanghelyo, kakapit nang mahigpit ang kanyang pamilya sa kanya at sa Tagapagligtas.
Tiyak kong ang aral na ito ay hindi lang para sa mga ama. Anuman ang kasarian, kalagayan, o gulang, mapipili ng mga tao na tuwirang umugnay sa Tagapagligtas, kumapit nang mahigpit sa bakal ng Kanyang katotohanan, at umakay sa ilaw sa katotohanang iyon. Sa gayon, nagiging halimbawa sila ng kabutihan sa ibang magnanais kumapit.
ANG KAUTUSAN
Mahalaga ang mga pamilya sa Panginoon. Nilikha Niya ang lupa upang magtamo tayo ng katawan at makapagbuo ng mga pamilya.2Itinatag Niya ang Kanyang Simbahan upang dakilain ang mga pamilya. Naglalaan Siya ng mga templo upang magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman.3
Mangyari pa, inaasahan Niya ang mga ama na mamuno, maglaan, at mangalaga sa kanilang pamilya.4Ngunit higit pa rito ang hiling ng Guro. Sa banal na kasulatan ay may kautusang "Isaayos ang iyong sambahayan."5Kapag naunawaan nating mga magulang ang kahalagahan at kahulugan ng kautusang iyan, kailangan nating alamin kung paano ito gagawin.
PAANO ISASAAYOS ANG IYONG SAMBAHAYAN
Para masiyahan ang Panginoon, kailangan nating isaayos ang ating sambahayan sa Kanyang paraan. Gamitin natin ang Kanyang mga katangian ng "katuwiran, kabanalan, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis, [at] kaamuan."6Dapat tandaan ng bawat ama na "walang kapangyarihan o impluwensiyang maaari o nararapat panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, mahabang pagtitiis, kahinahunan at kaamuan, at hindi pakunwaring pag-ibig."7
Ang mga magulang ay dapat maging buhay na halimbawa ng "kabaitan, at dalisay na kaalaman, na . . . magpapalaki ng kaluluwa."8Bawat ina at ama ay dapat kalimutan ang pansariling interes at iwasan ang anumang pagpapaimbabaw, pamumuwersa, o panlalait.9Kalauna'y malalaman ng mga magulang na ang bata'y may likas na pagnanasang lumaya. Bawat tao'y nagnanais masunod ang kanyang gusto. Walang nais papigil, maging sa magulang na maganda ang hangarin. Ngunit lahat tayo'y maaaring kumapit sa Panginoon.
Maraming taon na ang nakalipas, itinuro ni Job ang konseptong ito. Sinabi niya, "Ang aking katuwiran ay aking pinanghahawakan at hindi ko bibitiwan."10Itinuro rin ni Nephi, "At sinuman ang makikinig sa salita ng Diyos, at . . . mahigpit na kakapit dito, . . . kailanman ay hindi masasawi."11
Ang mga paniniwalang ito ay walang katapusan tulad ng ebanghelyo at magpasawalang-hanggan. Pag-isipan ang mga karagdagang payo sa mga banal na kasulatan:
Mula sa Mga Kawikaan sa Lumang Tipan mababasa natin, "Hawakan mong mahigpit ang turo; huwag mong bitawan: iyong ingatan: sapagka't siya'y iyong buhay."12
Mula sa Bagong Tipan: "Mga kapatid, kayo'y mangagpakatibay, at inyong panghawakan ang mga aral na sa inyo'y itinuro."13
Mula sa Aklat ni Mormon malalaman natin ang tungkol sa mga taong "patuloy na humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal,"14na itinutulad ito sa "salita ng Diyos."15Nakaangkla sa katotohanan, di matitinag at mababago ang gabay na bakal na iyon.
ISA PANG BANAL NA UTOS
Di lang dapat kumapit ang mga magulang sa salita ng Panginoon, kundi may banal na utos na ituro nila ito sa kanilang mga anak. Napakalinaw ng utos sa banal na kasulatan: "Yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, . . .na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang."16
Ipinababalikat ng kautusang iyan sa mga magulang ang responsibilidad at pananagutan sa pagtuturo ng mga anak. Ang pagpapahayag sa mundo hinggil sa pamilya ay nagbababala na ang mga taong "bigo sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin sa mag-anak, balang araw sila ay mananagot sa harap ng Diyos."17Taimtim kong pinatitibayan ang katotohanang ito.
Sa pagtupad ng mga tungkuling ito, kailangan natin kapwa ang Simbahan at ang pamilya. Pinalalakas nila ang isa't isa. Nariyan ang Simbahan para dakilain ang pamilya. At ang pamilya ang pangunahing yunit ng Simbahan.
Makikita natin ang mga kaugnayang ito sa unang kasaysayan ng Simbahan. Noong 1833 pinagalitan ng Panginoon ang mga batang pinuno ng Kanyang Simbahan dahil sa kakulangan ng turo ng magulang. Sinabi ng Panginoon:
"Ipinag-utos ko sa iyo na palakihin ang iyong mga anak sa liwanag at katotohanan.
"Subalit katotohanang sinasabi ko sa iyo, . . .
"Hindi mo tinuruan ang iyong mga anak ng liwanag at katotohanan, alinsunod sa mga kautusan. . . .
"At ngayon isang kautusan ang ibinibigay ko sa iyo. . .isasaayos mo ang iyong sambahayan, sapagkat maraming bagay na hindi wasto sa iyong sambahayan. . .. "Una ay isaayos mo ang iyong sambahayan."18
Ang pahayag na ito ay isa sa maraming makapangyarihang patunay ng integridad ni Propetang Joseph Smith. Hindi niya binura sa mga banal na kasulatan ang maaanghang na salita, kahit na ang ilan ay patungkol sa kanya.19
Sa ating panahon, muling binigyang-diin ng Unang Panguluhan kung ano ang dapat unahin ng mga magulang. Mula sa liham nila sa mga Banal kamakailan, sinabi nila: "Tinatawagan namin ang mga magulang na ilaan ang pinakamainam nilang pagsisikap sa pagtuturo at pagpapalaki ng kanilang mga anak sa mga alituntunin ng ebanghelyo na magpapalapit sa kanila sa Simbahan. Ang tahanan ang batayan ng makatwirang buhay, at walang ibang makapapalit dito o makatutupad sa kahalagahan nito sa pagsasagawa ng responsibilidad na bigay ng Diyos."20
ANO ANG DAPAT ITURO NG MGA MAGULANG?
Dahil sa sagradong utos na ito, pag-isipan natin ang ating ituturo. Inaatasan ng mga banal na kasulatan ang mga magulang na ituro ang pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, pagbibinyag, at ang kaloob na Espiritu Santo.21Dapat ituro ng mga magulang ang plano ng kaligtasan22at kahalagahan ng pamumuhay ayon sa mga kautusan ng Diyos.23Kung hindi, tiyak na magdurusa ang kanilang mga anak sa di-pagkaalam ng nakatutubos at nakapagpapalayang batas ng Diyos.24Dapat din nilang ituro sa pamamagitan ng halimbawa kung paano ilalaan nang lubos ang kanilang mga buhaysa paggamit ng kanilang oras, talento, ikapu, at yaman25upang itatag ang Simbahan at kaharian ng Diyos sa ibabaw ng lupa.26Tunay na pagpapala sa kanilang angkan ang ganitong pamumuhay. Nakasaad sa banal na kasulatan: "Ang iyong tungkulin ay sa simbahan magpakailanman, at ito ay dahil sa iyong mag-anak."27
PAGTUTOL SA PAMILYA
Dapat matanto ng mga magulang at anak na laging dumarating ang malakas na pagtutol laban sa gawain at kalooban ng Panginoon.28Dahil ang gawain (at kaluwalhatian) ng Diyos ay ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng pamilya,29talagang tuwirang sasalakay ang kalaban sa puso ng tahananang pamilya. Walang awang sinasalakay ni Lucifer ang kabanalan ng buhay at galak ng pagkamagulang.
Dahil walang tigil ang demonyo, hindi tayo maaaring magpabayakahit saglit. Ang isang maliit at mukhang walang malay na paanyaya ay maaaring maging malaking tuksong mauuwi sa mabigat na paglabag. Gabi't araw, sa loob o labas ng tahanan, dapat nating iwasan ang kasalanan at "ingatan ninyo ang mabuti."30
Ang kasamaan ng pornograpiya, pagpapalaglag, at pagkasugapa sa mga nakapipinsalang sangkap ay nagsisilbing anay na kakain sa pundasyon ng masayang tahanan at tapat na pamilya. Hindi natin mapagbibigyan ang kasamaan nang hindi isinasapalaran ang ating mga pamilya.
Gusto ni Satanas na maging miserable tayong tulad niya.31Bubuhayin niya ang ating mga karnal na pagnanasa, tutuksuhin tayong mamuhay sa espirituwal na kadiliman at magduda sa katotohanan ng kabilang buhay. Pinuna ni Apostol Pablo, "Kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Cristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabag-habag."32
PAGPAPATULOY NG MGA PAGPAPALA SA PAMILYA
Ang pag-unawa sa dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos, gayunman, ay nagpapatibay ng ating pananampalataya sa hinaharap. Naglalaan ito ng mga kasagutan sa matagal nang mga katanungan: Lahat ba ng awa at pagmamahal natin sa isa't isa ay pansamantala langna papanaw sa kamatayan? Hindi! Malalampasan ba ng pamilya ang mortalidad na ito? Oo! Inihayag ng Diyos ang walang hanggang katangian ng selestiyal na kasal at pamilya na magdudulot sa atin ng lubos na kagalakan.
Mga kapatid, di tumatagal ang mga materyal na pag-aari at pagkilala ng mundo. Ang pagsasama ng mag-asawa at pamilya lamang. Ang itatagal lang ng buhay-pamilya na nagbibigay-kasiyahan sa pinakamatayog na pagnanais ng kaluluwa ng tao ay magpakailanman. Walang napakalaking sakripisyo para matamo ang mga pagpapala ng walang-hanggang kasal. Upang maging marapat, kailangan lang iwaksi sa sarili ang kasamaan at igalang ang mga ordenansa sa templo. Sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong ordenansa sa templo, pinatutunayan natin ang ating pagmamahal sa Diyos, sa ating asawa, at ang tunay na pagtatangi sa ating angkanmaging yaong di pa isinisilang. Ang ating pamilya ang pokus ng ating pinakadakilang gawain at kagalakan sa buhay na ito; gayon din sa buong walang hanggan, kung kailan tayo ay "magmamana ng mga trono, kaharian, pamunuan, kapangyarihan, mga sakop . . . kadakilaan at kaluwalhatian."33
Mapapasaatin ang mahahalagang pagpapalang ito kung isasaayos natin ngayon ang ating sambahayan at tapat na kakapit sa ebanghelyo. Buhay ang Diyos. Si Jesus ang Cristo. Ito ang Kanyang Simbahan. Si President Gordon B. Hinckley ang Kanyang propeta. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Tingnan sa "Friend to Friend," ni Russell M. Nelson at Rebecca M. Taylor,Friend, Mar. 1997, 67.
2. Tingnan sa D at T 2:13.
3. Tingnan sa D at T 138:4748.
4. Tingnan sa 1 Kay Tim. 5:8.
5. D at T 93:44; tingnan din sa 2 Mga Hari 20:1; Isa. 38:1.
6. 1 Kay Tim. 6:11.
7. D at T 121:41.
8. D at T 121:42.
9. Tingnan sa 1 Ped. 2:1.
10. Job 27:6.
11. 1 Ne. 15:24.
12. Kaw. 4:13.
13. 2 Mga Taga Tes. 2:15. Kabilang sa iba pang kaugnay na mga banal na kasulatan ang "Ingatan. . .ang mga ulirang salitang magagaling na narinig mo sa akin, sa pananampalataya at pag-ibig na nasa kay Cristo Jesus" (2 Kay Tim. 1:13), at "Ating ingatang matibay ang pagkakilala ng ating pag-asa upang huwag mag-alinlangan" (Heb. 10:23).
14. 1 Ne. 8:30.
15. 1 Ne. 11:25.
16. D at T 68:25; idinagdag ang pagkakahilig ng mga salita.
17. "Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,"Liahona, Okt. 1998, 24.
18. D at T 93:4044.
19. Tingnan sa D at T 93:47.
20. Sa liham na may petsang ika-11 ng Pebrero 1999, na nilagdaan nina President Gordon B. Hinckley, Thomas S. Monson, at James E. Faust, ipinaliwanag din nila ang maaaring gawin ng mga magulang: "Pinapayuhan namin ang mga magulang at anak na bigyan ng mataas na priyoridad ang pangmag-anak na panalangin, gabing pantahanan ng mag-anak, pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo, at mga nakasisiyang aktibidad ng mag-anak. Gaano man kamarapat at kaangkop ang iba pang pangangailangan o aktibidad, hindi dapat payagang halinhan ng mga ito ang mga itinakdang banal na tungkuling tanging mga magulang at mag-anak lamang ang makagaganap" (sa "Liham mula sa Unang Panguluhan,"Liahona, Disyembre 1999, 1).
21. Tingnan sa Moro. 8:10; D at T 19:31; 68:2534; 138:33; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4.
22. Tingnan sa Moises 6:5862.
23. Tingnan sa Lev. 10:11; Deut. 6:7; Mosias 4:14.
24. Tingnan sa 2 Ne. 2:26; Mosias 1:3; 5:8; D at T 98:8.
25. Tingnan sa Mosias 4:2126; 18:27; Alma 1:27.
26. Tingnan sa PJS Mat. 6:38.
27. D at T 23:3.
28. Tingnan sa Moro. 7:1219.
29. Tingnan sa Moises 1:39.
30. 1 Mga Tes. 5:21.
31. Tingnan sa 2 Ne. 2:1718, 27.
32. 1 Cor. 15:19.
33. D at T 132:19.