Elder L. Tom Perry
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
"Ang kailangan nati'y magiting na hukbo ng mga nakauwi nang misyonero na muling naglilingkod."
Nais kong magsalita ngayong hapon sa isang natatanging grupo. Ilang taon na ang nakararaan, daan-daang libo sa inyo ang umuwi mula sa paglilingkod sa full-time na misyon. Tinugon ng bawat isa sa inyo ang tungkuling ibinigay din ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo:
"Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:
"Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniuutos ko sa inyo: at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan" (Mat. 28:1920).
Pribilehiyo n'yo ang magtungo sa maraming bahagi ng daigdig upang dalhin ang mensahe ng Tagapagligtasang paanyayang lumapit sa Kanya at tamasahin ang mga bunga ng Kanyang ebanghelyo. Nakapanirahan kayo sa lugar na may ibang kultura at natuto ng iba't ibang wika. Panahon rin iyon upang mapatatag ang inyong patotoo sa misyon ni Jesucristo.
Karangalan ko lagi ang makahalubilo kayong mga nakauwi nang misyonero marami sa inyo ang nais magbalik at dumalaw sa mga taong napaglingkuran ninyo. Sabik kayong magkuwento ng inyong mga karanasan sa misyon. Sa anunsiyo ninyo sa kasal at resumé sa trabaho, idinaragdag ninyo ang impormasyon na kayo ay nakauwi nang misyonero. Bagaman hindi na kayo nakasuot ng name tag, sabik pa rin kayong magpakilala na naglingkod kayo sa Panginoon bilang misyonero. Bukod pa rito, marami kayong espesyal na alaala dahil natuklasan ninyo ang kaligayahan sa paglilingkod sa ebanghelyo.
Nalaman ko rin mula sa pakikipag-usap sa inyo na minsan naging mahirap para sa inyo ang pagbabalik sa mundong inyong iniwan sa pagpunta ninyo sa misyon. Marahil, mahirap para sa karamihan sa inyo na panatilihing buhay ang diwa ng gawaing misyonero ngayong hindi na kayo full-time na misyonero ng Ang Simbahan ni Jesucrsito ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Hayaan ninyong magbigay ako ng ilang mungkahi.
Isa sa mga pinakanatatandaan kong karanasan bilang misyonero ay ang pagiging malapit ko sa Panginoon sa regular kong pananalangin. Noong kapanahunan ko ang Mission Home ay nasa State Street sa Salt Lake City. Malaking bahay ito na ginawang sentro sa pagsasanay ng mga misyonero. Mayroon itong malalaking silid at bawat isa'y naglalaman ng 10 kama. Linggo ng gabi ang pagdating namin doon.
Kasabik-sabik na panahon ang buong linggo bago ako pumunta sa misyon. Napakaraming parti at mga pamamaalam. Nangangamba ako na baka hindi ako makapagpahinga nang sapat at maging handa sa pagsasanay ko sa Mission Home. Nang matapos ang unang araw ko sa mission home, pagod na pagod na ako. Humiga ako sa kama at nakatulog habang naghihintay sa iba pang misyonerong naghahanda sa pagtulog. Nagising ako nang maramdaman kong napapaligiran ako. Habang napapalis ang antok ko nakarinig ako ng pagdarasal. Sa pagmulat ko ay nabigla ako nang makita ko ang lahat ng misyonero sa silid namin na nakaluhod sa paligid ng kama ko, na tinatapos ang araw na iyon sa panalangin. Agad akong pumikit at kunwari ay tulog ako. Dahil hiyang-hiya akong tumayo mula sa kama at sumali sa kanila. Bagaman naging kahiya-hiya ang una kong karanasan sa panalangin bilang misyonero, ito ang simula ng kahanga-hangang dalawang taon nang madalas kong paghingi ng paggabay sa Panginoon.
Sa buong misyon ko, nagdarasal ako tuwing umaga kasama ang kompanyon ko sa pagsisimula namin sa bawat araw. Ginagawa namin ito muli bago matulog. Nagdarasal kami bago mag-aral, bago umalis ng apartment para maghanap ng matuturuan, at nag-aalay rin kami ng mga espesyal na panalangin kapag kailangan ng espesyal na gabay sa aming gawaing misyonero. Ang dalas ng pagsamo namin sa Ama sa Langit ay nagbigay sa amin ng lakas at tapang upang sumulong sa gawaing ibinigay sa amin. Minsan dumarating ang mga sagot sa mga paraang direkta at positibo. Tila lalong nadaragdagan ang paggabay ng Espiritu Santo habang lalo kaming sumasamo ng gabay sa Panginoon sa bawat araw.
Habang ginugunita ko ang buhay ko matapos ang misyon, nalaman ko na may mga panahong napapanatili ko ang pagkamalapit sa Panginoon na nadama ko nang nasa misyon pa ako. May mga panahon ding mas matimbang ang makamundong gawain at hindi na ako ganoon kataimtim magdasal.
Di ba magandang pagkakataon ito para suriin ang ating sarili kung nadarama pa rin ba natin ang pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit na nadama natin noon sa misyon? Kung inililihis tayo ng daigdig sa pagdarasal, nawawalan na tayo ng espirituwal na kapangyarihan. Marahil panahon na para gisingin nating muli ang diwang misyonero sa madalas, palagian, at taimtim na pagdarasal.
Ang isa pang gusto kong gunitain bilang misyonero ay ang araw-araw na pagbabasa ng banal na kasulatan. Ang pagsunod sa isang plano sa pag-aaral ng ebanghelyo ay nakalulugod at makabuluhang karanasan. Maihahayag sa maluwalhating paraan ang kaalaman sa mga aral ng banal na kasulatan sa pag-aaral nang sarilinan. Bilang misyonero, naaalala ko ang pagkamangha sa paraan ng paghahanda ng Panginoon ng plano para sa Kanyang mga anak sa mundo; kung paanong sa lahat ng dispensasyon ng panahon, binigyang-inspirasyon Niya ang isipan ng Kanyang mga Propeta na itala ang mga pakikipag-ugnayan Niya sa kanila. Laging positibo at direkta ang mga salita Niya, inihahayag ang mga biyayang dulot ng pagsunod sa Kanyang batas at pamamaraan.
Gumugugol din kami ng isang oras o higit pa araw-araw upang magkasama kaming mag-aral. Ang magkasama naming pagsusuri sa doktrina ng kaharian ay tila nagdagdag sa aming pang-unawa. Magkasama kaming nagbabasa at nagbabahaginan ng mga ideya.
Tumalas ang aming isipan sa pagsunod sa araw-araw na pag-aaral nang sarilinan at bilang magkompanyon. Mas pinaglapit kami nito at dinagdagan ang aming pang-unawa sa mga doktrina ng kaharian.
Sa pag-uwi natin mula sa misyon, wala na tayong mga kompanyon na tutulong sa ating magdisiplina sa pag-aaral, ngunit hindi ibig sabihin niyan na dapat na itong itigil. Sa pag-uwi natin, napakagandang magdaos ng pampamilyang pag-aaral ng banal na kasulatan araw-araw. Kung malayo tayo sa pamilya, di ba't mainam na yayain nating mag-aral ang ating mga kasama sa silid at kaibigan? Ang palagiang pag-aaral ay magpapanatiling malinaw sa ating isipan ng mga doktrina ng Kaharian at mapoprotektahan tayo sa walang-tigil na impluwensya ng daigdig. At kapag nag-asawa tayo, may kompanyon tayo sa kawalang-hanggan na makakasama natin sa pag-aaral at pagbabahagi ng mga turo ng ebanghelyo. Nariyan lagi ang banal na kasulatan para palalimin ang pang-unawa natin sa layunin ng buhay at kung ano ang dapat nating gawin upang maging mas makabuluhan at kapaki-pakinabang ang buhay. Ipagpatuloy natin ang regular na pag-aaral ng banal na kasulatan nang sarilinan at nang may kasama.
Naaalala ba ninyo ang galak na nagmumula sa pagtuturo ng ebanghelyo sa taong hindi pa naturuan nito; ang kasabikang nadarama n'yo kapag itinuturo ang batas ng Panginoon at ang mga biyaya na natatanggap sa pagsunod sa Kanya? Malilimot ba ninyo ang tuwang nadama sa una ninyong pagbibinyag sa misyon?
Noong misyonero pa ako, wala pang baptismal font ang mga kapilya. Ang una kong pagbibinyag ay sa Scioto River sa estado ng Ohio. Taglagas noon at tila mas malamig pa ang tubig kaysa hangin. Naaalala ko ang tindi ng lamig ng ilog nang magtampisaw ako habang niyaya kong sumunod sa akin ang bibinyagan ko. Gayunman, hindi nagtagal at nawala ang lamig ng hangin at tubig habang ginagawa ko ang ordenansa ng pagbibinyag. Ang makita ang maaliwalas na mukha ng taong umahon sa tubig ay larawang di ko malilimutan kailanman.
Hindi limitado ang pagtuturo ng ebanghelyo at pagbibinyag sa mga nakasuot ng name tag na full-time na misyonero. Nagtataka ako kung bakit hinahayaan nating manlamig ang alab ng pagiging misyonero kapag bumalik na tayo sa araw-araw nating gawain sa mundo.
Sa buong kasaysayan ng sangkatauhan ngayon lang tayo naging mas handang ituro ang ebanghelyo sa mga anak ng ating Ama sa Langit sa mundong ito. At tila mas kailangan nila ito ngayon kaysa noon. Nakikita natin ang panghihina ng pananampalataya, ang ibayong pagnanasa sa kamunduhan at ang kakulangan ng pagpapahalaga sa moralidad na kapwa sanhi ng pagkasiphayo at kawalan ng pag-asa.
Ang kailangan nati'y magiting na hukbo ng mga nakauwing misyonero na muling napalista sa serbisyo. Bagama't di na sila magsusuot ng name tag ng full-time na misyonero, maaari pa rin nilang taglayin ang gayong katapatan at dedikasyon na ihatid ang liwanag ng ebanghelyo sa mundong hirap na naghahanap sa landas nito.
Tinatawagan ko kayong mga nagsiuwi nang mga misyonero na ilaan muli ang inyong sarili, na mapuspos kayong muli ng hangarin at diwa ng pagmimisyon. Tingnan ninyo ang bahagi, maging bahagi, at kumilos bilang tagapaglingkod ng ating Ama sa Langit. Nawa'y magpasiya kayo muli na ipahayag ang ebanghelyo upang lalo kayong maging masigasig sa dakilang gawaing ito na iniatas sa atin ng Panginoon. Nais kong ipangako sa inyo na napakaraming biyayang nakalaan para sa inyo kung patuloy kayong susulong nang may siglang taglay n'yo noon bilang full-time na misyonero.
Ilang taon na ang nakalipas, nakatanggap ako ng tawag mula sa anak kong si Lee. Sabi niya nakatira sa malapit sa kanila ang unang kompanyon ko sa misyon, at gusto akong makasama sandali. Pumunta kami ni Lee sa bahay ng anak ng unang kompanyon ko na dinadalaw niya. Espesyal ang karanasang iyon na magkasama kami matapos ang ilang taong di pagkikita. Bilang mga misyonero nabigyan kami ng pagkakataong buksan sa gawaing misyonero ang isang nayon sa Ohio. Dahil dito, pinahintulutan kaming magkasamang magtrabaho sa loob ng 10 buwan. Siya ang tagasanay at unang kompanyon ko. Nagmula siya sa pamilya na nagturo sa kanya ng kahalagahan ng kasipagan. Nahirapan akong makipagsabayan sa kanya, at nang magkasama na kami ay mas napalapit kami sa isa't isa.
Hindi natapos ang samahan namin sa 10 buwang iyon. Sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at nang makauwi ako mula sa misyon tinawag ako sa serbisyo militar. Noong unang Linggo ko sa kampo, habang dumadalo ako ng serbisyong pang-BHA, may nakita akong batok na pamilyar sa akin. Batok pala ng unang kompanyon ko sa misyon. Magkasama kami nang sumunod na dalawa't kalahating taon. Bagamat talagang kakaiba ang sitwasyon namin sa militar, sinubukan naming ipagpatuloy ang ginagawa ng mga misyonero. Hangga't kaya namin, magkasama kaming nagdarasal. Kapag may oras, magkasama kaming nag-aaral ng banal na kasulatan. Naalala ko ang maraming beses na magkasamang pag-aaral sa liwanag lang ng lampara sa tolda kong butas-butas sa tama ng bala. Madalas na nagagambala ang pagbabasa namin ng banal na kasulatan ng sirena ngair raid. Mabilis naming papatayin ang mga lampara at magdarasal sa pagtatapos ng aming pag-aaral.
Pareho kaming itinalaga bilang pinuno ng grupo at nagkaroon kaming muli ng pagkakataong ituro ang ebanghelyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Mas matagumpay kami sa militar kaysa noong full-time na misyonero kami. Bakit? Dahil kami'y mga bihasang nagsiuwi nang misyonero.
Ang pagdalaw ko sa una kong kompanyon sa misyon ang huling pagkakataon na makasama ko siya. Malubha ang kanyang karamdaman at makaraan ang ilang buwan ay namatay siya. Nakakatuwang gunitain ang aming misyon at magkuweto tungkol sa buhay namin matapos ito. Ginunita namin ang pagsisilbi namin sa bishopric, sa high council, at stake presidency, at siyempre, nagbidahan kami tungkol sa mga anak at mga apo. Habang nakaupo kaming sabik sa pagkikitang muli, naalala ko ang isang tala sa ika-17 kabanata ng aklat ni Alma:
"Ngayon ito ay nangyari na, na habang si Alma ay naglalakbay mula sa lupain ng Gedeon patimog, palayo sa lupain ng Manti, masdan, sa panggigilalas niya, nakasalubong niya ang mga anak na lalaki ni Mosias na naglalakbay patungo sa lupain ng Zarahemla.
"Ngayon, ang mga anak na ito ni Mosias ay kasama ni Alma sa panahong unang nagpakita ang anghel sa kanya; kaya nga, si Alma ay labis na nagalak na makita ang kanyang mga kapatid; at ang nakaragdag pa sa kanyang kagalakan, sila ay kanya pa ring mga kapatid sa Panginoon; oo, sila ay naging malakas sa kaalaman ng katotohanan; sila'y mga lalaking may malinaw na pang-unawa at sinaliksik nila nang masigasig ang mga banal na kasulatan upang malaman nila ang salita ng Diyos.
"Subalit hindi lamang ito; itinuon nila ang kanilang sarili sa maraming panalangin, at pag-aayuno; kaya nga taglay nila ang diwa ng propesiya, at ang diwa ng paghahayag, at kapag sila ay nagturo, sila ay nagtuturo nang may kapangyarihan at karapatan ng Diyos" (Alma 17:13).
Sana'y maranasan n'yo ring lahat ang naranasan ko sa aking unang kompanyon, na mapagnilay ninyo ang panahong naglingkod kayo at masigasig na nag-ukol ng oras at talino sa pagtatayo ng Kaharian ng ating Ama sa Langit. Kung sisikapin ninyong gawin ito, ipinangangako kong magiging isa ito sa mga nakasasabik na karanasan sa inyong buhay. Kayo'y dakilang hukbo ng mga nakauwi nang misyonero. Sumulong kayo nang may panibagong sigla at determinasyon at sa halimbawa ninyo ay paningningin ang liwanag ng ebanghelyo sa magulong daigdig na ito. Ito ang gawain ng Panginoon na gawain din natin. Buhay ang Diyos. Si Jesus ang Cristo. Kabilang tayo sa Kanyang Simbahan. Ito ang patotoo ko sa inyo sa pangalan ni Jesucristo, amen.