The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2001
Ang Ikapitong Utos: Isang Pananggalang

Ang Ikapitong Utos: Isang Pananggalang

Elder Neal A. Maxwell
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Kaya ang pagsunod sa ikapitong utos ay napakahalagangpananggalang! Kapag ibinababa o iwinawala ang pananggalang na iyon, nawawala ang mga pagpapala ng langit na lubhang kailangan."

Elder Neal A. Maxwell

Katulad ninyo mga kapatid, pinasasalamatan ko ang paglilingkod ni President Hinckley bilang propeta. Nagpapatotoo ako na siya'y itinalaga noon pa mang una, at nagagalak tayo.

Nadarama ko ang pag-aatubili ni Jacob nang isulat niya ang mga suliranin sa kawalang-puri at kataksilan, at ang paglabag sa tinatawag ng ilang tao na ika-pitong utos. Dahil nag-aalalang ang makaririnig sa kanya ay may "damdaming labis na mapagmahal at dalisay at maselan," ayaw ni Jacob na "palakihin pa ang mga sugat ng mga yaong nasugatan na, sa halip na paginhawain at pahilumin ang kanilang mga sugat" (Jacob 2:7, 9). Gayunman, ang mga salita ni Jacob tungkol sa masasamang bunga ng imoralidad ay malinaw na naisulat: "Maraming puso ang namatay, nasugatan nang malalim" (Jacob 2:35). Ngayo'y kasama natin ang marami sa mga sugatang ito, at nadaragdagan pa ang bilang nila.

Kaya kailangang tandaan nating lahat ang ilang saligang alituntunin ng ebanghelyo, tulad ng kung paano ang taong tunay na nagsisi, bagaman ang mga kasalanan nila'y "tila mapula," ay magiging "mapuputi na parang niebe" (Isa. 1:18). Subalit ang pananalitang ito'y hindi tungkol sa kahigpitan ng patakaran at mga gantimpala sa pagsisisi. Hindi rin ito pagpuri sa magigiting na kabataan at matatandang may malinis na puri at katapatan—kahit na iilan na lang sa mga Amerikano ang naniniwalang mali ang relasyong seksuwal bago ikasal. Kaya nga pinupuri ko ang mganananampalataya nang sapat at sumusunodsa mga kautusan, gayundin ang mga may sapat na"pananampalataya at nagsisisi"(Alma 34:15; idinagdag ang pagbibigay-diin) kapag sila'y nagkakasala.

Malinaw na mabigat ang ibinubunga ng kawalang-puri at kataksilan tulad ng malawak at matagalang epekto ng pagiging anak sa labas at kawalan ng ama, pati na ang sakit at pagkasira ng mga pamilya. Maraming kasal ang dahil sa dami ng problema ay halos "mawasak" o kaya'y tuluyan nang nawasak. Ang di-napapansin ngunit labis na nakaaapektong krisis na ito ay kasamang umiiral ng iba pang krisis sa ating panahon, kabilang na ang digmaan. Binanggit ni Jesus na sa mga huling araw ay magkakaroon ng "kasalatan sa mga bansa" at kung paano ang lahat ng bagay ay maliligalig (Lucas 21:25; tingnan din sa D at T 88:91; 45:26).

Kaya ang pagsunod sa ikapitong utos ay napakahalagangpananggalang! Kapag ibinababa o iwinawala ang pananggalang na iyon, nawawala ang mga pagpapala ng langit na lubhang kailangan. Walang tao o bansang uunlad nang matagal kung wala ang mga pagpapalang iyon.

Kakatwa na sa panahong maraming tao ang nag-aalala sa dapat nilang matamo ay iilan lang ang nag-iisip na matamo ang mga biyaya ng langit. Sa halip, ang paniniwala ng ilan na walang kabilang-buhay ang nagiging sanhi ng pagiging imoral ng tao sa buhay na ito, "inaakay palayo ang puso ng marami. . .sinasabi sa kanila na kapag ang isang tao ay patay na, iyon nga ang katapusan niyon" (Alma 30:18). Isang matalinong Hapones, habang minamasdan ang mga kinahiligang kasayahan ng mga taga kanluran, ang halos may hamon na nagsabi:

"Kung walang mapapala pagkatapos ng kamatayan, ano ngayon ang masama kung magpasasa ka sa kasiyahan sa maikling panahong mabubuhay ka? Ang kawalan ng paniniwala sa 'kabilang-buhay' ang nagpalala sa nakawawasak na problema ng mga taga kanluran hinggil sa imoralidad" (Takeshi Umehara, "The Civilization of the Forest: Ancient Japan Shows Postmodernism the Way,"At Century's End,inedit ni Nathan P. Gardels —1995], 190).

Samakatwid, kasama sa pagiging mabuting mamamayan ang pagiging marangal, tulad ng pagkakakilala sa kaibhan ng pagnanasa sa kapwa at pagmamahal sa kapwa! Matalinong ipinahayag ni Matthew Arnold na bagaman "Ang kalikasan ay walang malasakit —sa] kalinisang-puri, . . .ang tao. . .ay nagmamalasakit dito nang labis" (Philistinism in England and America,tomo 10 ngThe Complete Prose Works of Matthew Arnold,inedit ni R. H. Super —1974], 160). At masasabi kong: higit ang malasakit ng likas na kabanalan dito!

Ang mga maimpluwensiyang hilig ng likas na tao ay labag sa ikapitong utos at kabilang dito ang nakasisira ng sarili na "makamundo, mahalay, —at] mala-diyablo" (Mosias 16:3; tingnan din sa Mosias 3:19; Moises 5:13). Kung tila magaspang ang tatlong salitang ito, isipin ninyo, mga kapatid, ang kahila-hilakbot na hangarin ng diyablo: "na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili" (2 Ne. 2:27). Talagang naghahanap ito ng karamay!

Isa sa mga paraang magagawa nating "hubarin ang likas na tao" ay ang iwasan ito (Mosias 3:19). Mas madali itong madaig kapag mahina. Kung hindi'y maaaring tayo ang madaig nito at patuloy tayong magkakasala. Nakalulungkot na hindi nakatutulong ang pagsasalita lang tungkol dito, dahil ang pita ay nagsisiinis sa salita (tingnan sa Marcos 4:19).

Nakalulungkot na mas napapadali ang paglabag sa ikapitong utos kapag inuudyukan ng mga taong tuso ang ilan na anumang ginagawa ng tao ay talagang "hindi pagkakasala" (Alma 30:17). Bagama't may ilang nais makarinig ng kahit ano maliban sa katotohanan kaya sinusundan nila ang taong hindi nagpapahalaga sa mga katotohanan (tingnan sa 2 Tim. 4:3). Subalit nananatiling totoo ang Kawikaang: "Siyang nagkakamit ng pangangalunya sa isang babae ay walang bait" (Kaw. 6:32). Ang mga kautusan ay patuloy pa ring nilalabag ng ilang iba ang pinagtutuunan. Isa sa mga tauhan sa nobela ni Dostoevsky ang nagsabi: "Sa paglipas ng panahon, ang mga paham na pinakikinggan ng tao ay magsasabing walang krimen, at sa gayo'y walang kasalanan; mayroon lamang kagutuman" (The Brothers Karamazov,ni Fyodor Mikhailovich Dostoevsky, isinalin ni Constance Garnett —1952], 130-131).

Binigyan ng kaaway ng ibang kahulugan ang konsepto ng pag-iisa, na nagpapadali sa tao na lumabag sa kautusan! Kung sa bagay madaling manood ng pornograpiya sa kompyuter nang hindi na kailangan pang lumabas ng bahay at makita ng iba. Ang tanging makapipigil na lumabag ay ang konsensiya mo na minsa'y manhid na rin dahil sa dami ng paglabag na nagawa mo na.

Ngunit hindi gumawa ang Diyos ng dalawang uri ng mga kautusan, na ang isa'y gagawin sa loob ng bahay at ang isa nama'y sa labas. Wala ring inaprubahang dalawang landas ng pagsisisi. Ang madaliang pagsisisi ay maaaring magdulot ng kaunting "kalungkutan ng mga isinumpa," ngunit hindi ng "malaking pagbabago ng puso" na tanging "kalumbayang mula sa Diyos" ang makapagbibigay (Morm. 2:13; Mosias 5:2; Alma 5:13-14; tingnan din sa 2 Cor. 7:10).

Oo, malaya pa rin tayong pumili. Oo, nagdigmaan pa sa langit upang mapanatili ang kalayaan nating ito. Subalit dito sa mundo, madalas na isinusuko ang kalayaang pumili nang wala man lang pakikipaglaban!

Napakaraming paraan upang mapanatili ang pagtamasa ng proteksyon at pagpapala ng pagsunod sa ikapitong utos. Halimbawa, natukso agad si David dahil wala siya sa lugar na dapat niyang kalagyan: "At nangyari sa pagpihit ng panahon, sa panahon ng paglabas ng mga hari sa pakikipagbaka, . . .namalagi pa rin si David sa Jerusalem" (2 Sam. 11:1). Sumunod ang mahalay na tanawin mula sa bubong at ang lahat ng mga kalungkutang naging bunga nito. Ang mahalagang bahagi ng utos na "tumayo kayo sa mga banal na lugar" ay pag-iwas sa mga lugar na hindi natin dapat puntahan (D at T 87:8; tingnan din sa Mat. 24:15).

Ang mga "namumuhay nang maligaya" (2 Ne. 5:27) ay namumuhay din nang mabuti. Nakikita ito sa angkop nilang pananamit, pananalita, kasiyahan at musika, na pahiwatig ng pagiging tunay na disipulo (Tingnan sa Kaw. 23:7).

Bukod diyan kasama sa pag-iwas sa mga problema sa hinaharap ang hindi pagdala sa samahan ng bagong mag-asawa ng mga kasalanang hindi napagsisihan, na magpapasimula sa mag-asawa na di "magkatuwang sa pamatok" (2 Cor. 6:14). Maiiwasan din ng mag-asawa ang maghiwalay sa pamamagitan ng pagiging matapat sa isa't isa at pag-iwas sa gawaing hahantong sa kapahamakan. Kailangang iwasan din ang pagkaawa sa sarili. Dahi dito mas madaling isuko ng tao ang anumang natitira pang pag-ako sa kasalanan sa di pagpansin sa kanilang konsensiya o sa mga tipang ginawa nila, naghahangad na "mag-aring ganap sa —kanilang mga sarili] sa paningin ng mga tao" —sa bagay] na "kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos" (Lucas 16:15).

Ang mahiwatigan ang panlilinlang ng kahalayan ay isa pang paraan upang maiwasan ito. Halimbawa, ang mga kumukutya sa ikapitong utos sa pamamagitan ng mahalay na pamumuhay ay tulad ni Cain na nagsasabing, "Ako ay malaya na" (Moises 5:33), matapos labagin ang ikaanim na utos sa pagpatay kay Abel. Ang gayong pag-aakala sa kalayaan ay dapat magpaalala sa atin sa babala ni Pedro: "Ang nadaig ninoman ay naging alipin din naman niyon" (2 Ped. 2:19; tingnan din sa 2 Ne. 2:26–30). Maaaring magkunwang masaya ang isang nagkasala, ngunit isa pang kawikaan ang nagsaad: "Maging sa pagtawa man ang puso ay nagiging mapanglaw; at ang wakas ng kasayahan ay kabigatan ng loob" (Kaw. 14:13).

Sa panahong naniniwalang totoo ang mga anunsiyo, labis na nakaiinsulto ang ilang mapanlinlang na katawagan: Ang drogangEcstasyay dapat sanang tawagingMisery. Ang sayawangRaveay dapat ituring na panaghoy dahil sa pagwawala. Halimbawa, inaakala ng mga nagsasayaw dito na walang masama sa mahalay na pagsasayaw. Ang mga taong ito ay "hindi nagkakasala sa kamangmangan" (3 Ne. 6:18). Sa panggagaya at pag-aakalang kaya nila ang kaaway, sa huli'y nagagawa na nila ang alam nilang mali na ipinagtataka at ikinalulungkot ng kanilang mga kaibigan!

Hindi ba kayo nagtataka na madalas na may nagkikislapan ngunit umaandap-andap na mga ilaw sa mga sayawan, at napakagarbo ng dekorasyon nito? O kaya'y bakit nagpapatugtog nang todo rito? Dahil. . .ayaw ng kasamaan sa patuloy na ningning ng liwanag, ni ang tahimik na pagninilay ng isang kaluluwang naghahangad ng katotohanan!

Ang patuloy na paggawa ng imoralidad ay pumapatay sa kaluluwa sa pamamagitan ngmalingpagtugon samakatwirangpangangailangan na mapabilang at mahalin, at ang mga maninila at biktima ay nagiging "manhid" (1 Ne. 17:45; Ef. 4:19; Moro. 9:20).

Isinulat ni Henry Fairlie kung paano na "ang isang taong mapagnasa ay kadalasang nakadarama ng kahungkagan sa kanyang buhay" (The Seven Deadly Sins Todayni Henry Fairlie, —1978], 187). Ngunit may mga kabataan pa ring walang-malay na ang pinag-uusapan nilang mga naranasang kahalayan ay mag-iiwan ng pangit na alaala sa kanila. Ayon kay Fairlie, "ang pagnanasa ay hindi interesado sa kasiyahan ng kasama niya kundi sa sarili lang niya. . . . Namamatay ang pagnanasa kinaumagahan, at kapag bumalik ito sa gabi upang bigyang-kasiyahan ang sarili ay hindi niya ito matatagpuan" (The Seven Deadly Sins Today,175).

Anumang pagbabalatkayo ay hindi mapapalitan ng pagnanasa ang pag-ibig; sa katunayan, sinasakal nito ang pag-unlad ng tunay na pag-ibig, na "nagpapalamig sa pag-ibig ng marami" (Mat. 24:12). Kaya pala sinabihan tayong "pigilin ang lahat ng silakbo ng —ating] damdamin, upang mapuspos ka ng pagmamahal" (Alma 38:12). Kung hindi'y mamamayani ito sa ating kalooban, kaya wala nang puwang para sa kabutihan.

Dati'y may mekanismo ang lipunan na bahagyang nakakatulong bumalanse at pumigil—kasama na ang pamilya,simbahan,at paaralan—upang kontrolin ang sobrang pag-uugali ng tao. Ngunit madalas na ilan sa mga mekanismong ito ang nawawala, hindi gumagana, o mahinang klase.

Gayundin, ang mga nabanggit na kalakaran ay pinalubha pa ng kasalukuyang hilig na maling paghatol na nagbibigay-dahilan sa anumang kamaliang ginagawa ng mga tao—basta't kapuri-puri. Hindi nga ba't masama man si Mussolini ay pinatakbo niya ang mga tren sa oras? Makatutulong pa rin ang mga lumalabag sa ikapitong kautusan, ngunit nagbabayad sila ng mahal (tingnan sa Alma 28:13). Nababasa natin ang tungkol kay Haring Morianton, "At siya ay naging makatarungan sa mga tao, subalit hindi sa kanyang sarili dahil sa kanyang maraming pagpapatutot" (tingnan sa Eter 10:11). Tila hindi iginalang ng makatarungang pinunong si Morianton ang kanyang sarili! Ang mga sugat na sarili niyang gawa ay naitago ng panlabas na yaman at mga gusali (Eter 10:10–12).

Nakalulungkot ang lahat ng nabanggit kaya kailangang banggitin din ang mga susunod. Sinasabi sa atin ng mga paghahayag na batay sa kanilang sariling mga kasalanan, ang mga makasalanang hindi nagsisisi ay dapat magdusa tulad ni —Jesus] para sa atin, kapag dinanas nila ang ganap na katarungan ng Diyos (tingnan sa D at T 19:16-18). Dagdag pa rito, ang mga tumulong sa pagtataguyod ng mga imoralidad na ito na puno ng klase ng droga—sa anumang paraan—ay haharapin din at daranasin ang lahat ng hirap na idinulot nila sa marami pang iba!

Sa huli, mga kapatid, sa ilang panahon at kalagayan, sa pagkadisipulo ay kinakailangan ang paninindigan sa pag-iisa! Ang pagkahanda nating gawin ito, dito at ngayon, ay naaayon sa pagluhod na mag-isa ni Cristo, doon at noon, sa Getsemani. Sa bandang huli ng pagbabayad-sala, "walang sinuman ang kasama —Niya]" (D at T 133:50; tingnan din sa Mat. 26:38-45).

Sa ating paninindigan, hindi nag-iisa—nang gayon ang matapat. Kinailangan iwanan si Cristo sa Getsemani ng bantay na anghel na magpapalakas sa Kanya (tingnan sa Lucas 22:43). Kung patuloy tayong nananampalataya sa Diyos at sa Kanyang mga utos, ang Kanyang mga anghel ay "nasa paligid —natin], upang dalhin —tayo]" at "mangalaga sa —atin]" (D at T 84:88; 109:22). Pinatototohanan ko ang pangakong ito. At ngayon mga kapatid, tayo ang bahala sa magiging kalagayan ng ating kaluluwa. Tayo ang pumipili sa antas ng ating kaligayahan sa buhay na ito at sa kasunod na daigdig. Pinatototohanan ko rin na ang pagsunod sa mga utos ng Diyos, kabilang na ang ikapito, ang nag-aanyaya sa Diyos upang akayin tayo sa pagpili natin. Ito ang kamay Niya na naghahangad na ibigay sa atin ang lahat ng mayroon Siya (tingnan sa D at T 84:38). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy