Elder Charles Didier
Ng Panguluhan ng Pitumpu
"Ang ating buhay ang panahon upang maghandang humarap sa Diyos sa pamamagitan ng pagtatayo ng tulay ng pananampalataya, na nagbubukas ng pinto sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan."
Pagpasok ninyo sa opisina ng isang malaking kompanya ng pag-aanunsiyo, mababasa ninyo ang kaisipang ito sa karatulang nasa dingding: "Ang mga tao ay nagtatayo ng napakaraming pader at kakaunting tulay" (mula sa JCDecaux, kompanyang nakahimpil sa France).
Tunay ngang ang mga pader ay kadalasang itinatayo upang pisikal, mental, o maging espirituwal na paghiwalayin ang dalawa o higit pang bagay at upang lumikha ng mga hadlang. Itinatayo ang mga ito dahil kumakatawan sa ideya ng pagtatanggol, pangangalaga, o paghihiwalay. Ang ibang pader ay naging tanyag dahil sa katangiang iyon: ang mga pader ng Jerusalem, ang Malaking Pader ng China, ang Pader ng Berlin, bilang simbolo, ay ginagamit din sa karaniwan nating bokabularyo upang ilarawan ang ideya ng paghihiwalay, tulad sa "pader ng di-pagkaunawa," o "pader ng di-pagpaparaya," o "parang pakikipag-usap sa pader!"
Ang mga tulay ay kabaligtaran ng mga pader. Itinatayo ang mga tulay upang pagsamahin, pagdugtungin ang dalawa o higit pang bagay, at lumikha ng pagkakaisa. Itinatayo ang mga ito upang paglabanan ang mga hadlang. Naging tanyag din ang ilang tulay, tulad ng "Bridge of Sighs, ang Allenby Bridge, at marami pang iba. Ginagamit din ang kataga sa ating wika upang ipahiwatig ang ideya ng muling pagsasama o pagkakaisa, tulad ng "pagdurugtong ng hidwaan" o "pagdurugtong ng mga di-pagkakaunawaan."
Sa pagsasaalang-alang natin sa buhay natin sa mundong ito at sa layunin ng buhay na ipinahayag ni Alma na "ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos" (Alma 34:32), ano ang paraan ng Panginoon upang tulungan tayong matupad ang layuning ito? Ito ay, sa paggamit ng metaporang ito, upang tulungan lang tayong magtayo ng tulay ng pananampalataya sa ating buhay para makatawid at mapagtagumpayan ang mga pader ng kawalang-paniniwala, pagwawalang-bahala, takot, o kasalanan. Ang ating buhay ang panahon upang maghandang humarap sa Diyos sa pamamagitan ng pagtatayo ng tulay ng pananampalataya, na nagbubukas ng pinto sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.
Paano natin itatayo ang gayong tulay ng pananampalataya?
Noong kabataan ko at naninirahan ako sa lungsod ng Namur sa Belgium, may malaking ilog na naghihiwalay dito mula sa kalapit na siyudad sa kabila ng ilog. Noong panahong iyon, iisang tulay lang ang nagdurugtong sa dalawang lungsod. Ilang beses itong itinayo sa ibabaw ng labi ng tulay na itinayo ng mga mananakop na Romano ilang siglo na ang nagdaan. Kumitid na ito nang husto para madaanan ng mga sasakyan, at napakaraming maliliit na arko para paraanin ang malalaking barko at lantsa. Kailangan na ng bagong tulay, na mas malapad at iisa lang ang arko. Ang paggawa ng pundasyon ay agad sinimulan sa magkabilang panig ng ilog. Dalawang malalaking baluktot na bakal na gagawing arko ang mabilis na nagsimulang umunat sa magkabilang panig na pagdurugtungin sa gitna ng ilog. Namangha ako sa pagkakagawa at halos araw-araw kong pinanonood sakay ng bisikleta ang progreso ng gawain. Sa wakas ay dumating ang araw na ang sentro, ang batong panulok na gawa sa bakal, ay pagdurugtungin ang dalawang kamay —na bakal]. Maraming tao ang kasama ko sa panonood sa delikadong ginagawa, ang huling hakbang na magdurugtong sa dalawang kamay —na bakal] at magbibigay-daan para matawid ang tulay sa unang pagkakataon. Nang maganap ito, nagpalakpakan ang mga tao, nagyakapan ang mga manggagawa; ang hadlang sa ilog ay nalupig at napaglabanan.
Binanggit ko ang karanasang ito dahil sa simbolong kinakatawan nito. Ang tulay ay higit pa sa tulay na bakal. Sinasagisag nito ang tulay ng pananampalataya natin, na mga anak ng ating Ama sa Langit, upang makaharap Siyang muli. Ang sentro ng tulay, ang batong panulok, ang kumakatawan sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang Tagapamagitan, ang nag-uugnay sa kamatayan at kawalang-kamatayan, ang ugnayan sa pagitan ng likas at espirituwal na tao, ang pagbabago mula sa temporal na buhay tungo sa buhay na walang hanggan. Dahil sa Kanya maaaring makipagkasundo ang sangkatauhan sa kanilang Ama sa Langit at mapaglalabanan natin ang mga pader ng kasalanan at kamatayan, ang mga hadlang na kumakatawan sa espirituwal at pisikal na kamatayan. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang sentro sa plano ng kaligtasan, ang ipinangakong pakikipagbalikan sa ating Ama sa Langit, tulad ng mababasa natin sa aklat ni Moises: "Ito ang plano ng kaligtasan sa lahat ng tao, sa pamamagitan ng dugo ng aking Bugtong na Anak, na paparito sa kalagitnaan ng panahon" (Moises 6:62).
Ang pag-ibig ng Diyos, ang kabilang panig ng tulay, ang gantimpala para sa ating pananampalataya sa Kanyang Anak na si Cristo Jesus. "Gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanlibutan, na ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak" (Juan 3:16). Ang pinakadakilang kaloob ng Diyos ay ang sukdulang sakripisyo ng Kanyang Anak, ang Kanyang Pagbabayad-sala, na nagdadala hindi lang ng kawalang-kamatayan kundi buhay na walang hanggan kung susundin natin ang Kanyang mga kautusan at magtitiis hanggang wakas (D at T 14:7).
Kaya nga, sa pagsisikap nating gumawa ng tulay ng pananampalataya, kailangan nating maitayo sa matibay na patotoo sa Ama at Anak at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ang tulay na ito ng pananampalataya ang gagawa ng kaibhan sa pagitan ng katotohanan ng walang-hanggang pakikipagbalikan sa ating Ama sa Langit o walang-hanggang pagkahiwalay sa Kanya kung magtatayo tayo ng mga pader ng kasalanan na maglalayo sa atin sa Kanyang pagmamahal at awa.
Ang kaloob na Espiritu Santo ang pundasyon ng tulay ng pananampalataya. Ang kaligtasan ay sa pamamagitan lang ni Jesucristo at ng tunay nating pagsamba sa Kanya, na nagpapahintulot sa ating magsisi sa ating mga kasalanan at matanggap ang mga ordenansa ng kaligtasan, ang mga baranda ng tulay. Ang mga damdamin at paghihikayat na mapaglabanan ang mga hadlang sa buhay at makagawa ng mga tamang pagpili ay darating sa pagdinig sa tinig ng Espiritu Santo. Maaaring hindi maging madali ang pagtawid sa tulay ng pananampalataya na gaya ng iniisip natin. Malalabanan lang ng tulay ang mga unos dahil sa tibay ng mga poste ng pundasyon nito. Ang mga unos sa buhay, mga pagsubok sa pananampalatayatulad ng kamatayan, malubhang karamdaman, pagkawala ng trabaho o seguridad sa pananalapiay bahagi ng ating buhay. Kung minsan ay labis na bumibigat ang mga pagsubok na ito na nag-aalinlangan na tayo kung talagang may Diyos at Tagapagligtas. Ang panalangin para sa dagdag na pananampalataya sa gayong pagkakataon ay laging sinasagot ng Mang-aaliw, ang Espiritu Santo, ang "kasama sa tuwina, . . .ang hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan" (D at T 121:46).
Oo, ang mga lunas sa araw-araw nating mga problema ay laging matatagpuan sa araw-araw na paghahangad, sa tulong ng ating pananampalataya, sa impluwensya ng Espiritu Santo, na nagpapagunita ng lahat sa atin (tingnan sa Juan 14:26). Ilalarawan ko ito sa pagbanggit ng isang liham na isinulat ng isang bago pang miyembro noon maraming taon na ang nagdaan at ipinadala kay President Harold B. Lee matapos siyang magsalita sa isang stake conference: "Habang nagsasalita kayo, pabalik-balik ang isang ideya sa isipan ko: kung paanong ang buhay ng isang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tulad ng pagtawid sa isang umuugang tulay na nakabitin sa pagitan ng kapanganakan sa pamamagitan ng pagkakabinyag sa Simbahan at kamatayan tungo sa buhay na walang hanggan sa ibabaw ng magulong daloy ng kamunduhan at kasalanan. Sa pagsisimula sa pagtawid, ang pagkalapit ng kanyang binyag ay nagdudulot ng damdamin ng katiyakan at pananampalataya, ngunit kapag napuna na ang agos sa ibaba at ang lawak ng tatawirin, ang katiyakan ay napapalitan ng pasumpung-sumpong na pag-aalinlangan at takot, na nagpapawala sa kinagawiang pagdarasal, pananampalataya, at pagmamahal, at trabahong panatag na nagpapadaloy sa pag-unlad ng isang tao. Ang ulap ng pag-aalinlangan at kawalang-interes ay lumilitaw at sinisira ang puso at isipan, na humahadlang sa pag-unlad at pumipigil sa pagtugon ng isang tao sa lakas ng pagmamahal na dumadaloy sa ibabaw ng tulay. Dito napapahinto at napapaluhod ang isang tao at napapakapit nang mahigpit hanggang sa maipanumbalik ng lakas ng pagmamahal ang pananampalataya at patnubay sa pagtawid" (sa Conference Report, Abr. 1965, 15.)
Panghuli, ang tulay ng pananampalataya ay hindi makukumpleto kung wala ang pag-uugnay ng mga magulang sa mga anak, na pinagsasama sila upang magkaroon ng walang-hanggang mag-anak. Ang layunin ng pagtatayo ng tulay na ito ng pananampalataya sa pagitan ng mga henerasyon ay upang pag-isahin sila, gaya ng Ama at Anak ay iisaiisa sa layunin sa pagtamo ng buhay na walang hanggan. Upang magkagayon, binigyan tayo ng mga kautusan: una, upang igalang ng mga anak ang kanilang mga ama at ina, pagkatapos ay turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na "magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon" (D at T 68:28). Ipaliliwanag ko.
Noong kamusmusan ko noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nasakop ang aking bansa; naliligiran kami ng panganib. Tinuruan ako ng aking ina ng magandang leksyon sa pagtitiwala at pagkakaisa na hindi ko kailanman malilimutan. Binalaan niya ako sa mga panganib ng digmaan at tahasang sinabing: "Magtiwala ka sa akin at sundin mo ako; pakinggan mo ang aking tinig. Kapag ginawa mo iyan, ipagtatanggol kita sa abot ng aking makakaya." Nakinig lang ako sa aking ina dahil mahal ko siya at pinagkakatiwalaan.
Di nagtagal, nagsimula na ang pasukan, at ito, para sa akin, ay bagong tulay na tatawirin. Bilang paghahanda para sa bagong karanasang ito sa buhay ko, ang pag-alis ng bahay, sinabihan ako ng aking ina na makinig sa aking guro at maging masunurin. Muli, nagtiwala ako sa kanyang payo. Nagpasiya akong sundin ang aking guro at ang isang bagong kautusan. Ang paaralan ay naging tulay ng kaalaman sa halip na pader ng kamangmangan.
Napakahalaga ng leksyong iyon ng pagtitiwala at pagkakaisa upang maging kaisa ako ng aking mga magulang, kapamilya, at guro. Naging dahilan ito upang ako ay maging kaisa ng aking Tagapagligtas nang magpabinyag ako sa Kanyang Simbahan. Pinaalalahanan ako nito bilang isang asawa, ama, at lolo na magpatuloy sa pagkakaroon ng pagtitiwala at pagkakaisa sa aming mga pamilya sa pagtupad ng mga tipan sa templo. Tulad ng sinabi ni President Hinckley: "Ang templo ay nauukol sa mga bagay na walang kamatayan. Ito ay tulay sa pagitan ng buhay na ito at sa susunod pa" (Stand a Little Taller—2001], 6).
Sa ating panahon, napakadaling ihiwalay ang ating mga sarili sa pamamagitan ng pagtatayo ng temporal, espirituwal, at maging pampamilya o pangrelihiyong mga pader. Mas lalo tayong magtayo ng mas maraming tulay ng pananampalataya, ng pagkakasundo, at mamuhay sa kapayapaang ibinigay "hindi tulad ng ibinigay ng sanlibutan," (Juan 14:27) kundi ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Siya ang tulay ng pananampalataya tungo sa kawalang hanggan.
Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo; ibinibigay ko ang aking pagtitiwala sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo ng kaligtasan upang makasamang muli balang araw. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.