Elder Robert F. Orton
Ng Pitumpu
"Sa kabila ng layunin ng ating pag-iral, kung hindi natin mahal ang Diyos at kapwa-tao, ang anumang gawin natin ay di na mahalaga pa."
Natawag ang pansin ng mga tao sa buong daigdig nitong huling apat na linggo, sa sinadya at nakawawasak na mga hakbang ng terorismo at pagkagalit.
Ang galit ay kabaligtaran ng pag-ibig. Si Lucifer ang unang nagtataguyod at gumagawa nito noon pa mang tanggihan ng Ama ang alok niya sa plano ng kaligtasan. Siya ang umimpluwensiya kay Judas upang ipagkanulo si Jesus sa mga punong saserdote kapalit ng 30 piraso ng pilak. Siya, na kaaway ng lahat ng kabutihan at ama ng pagtatalo, ang, "gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya" (1 Ped. 5:8).
Sa isang banda, si Jesus na ibinigay ni Judas sa mga punong saserdote ang nagsabing, "Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway. . .at ipanalangin ninyo sila na may masamang hangarin sa paggamit sa inyo at umuusig sa inyo" (3 Ne. 12:44; tingnan din sa Mat. 5:44). At Siya rin ang sumamo para sa mga kawal na nagpako sa Kanya, at nagsabing, "Ama, patawarin mo sila; sapagka't hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa" (Lucas 23:34).
Matagal ko nang iniisip na ang pag-ibig ay isang katangian. Ngunit higit pa ito rito. Ito'y kautusan. Sa pag-usap Niya at ng abugado, na isang Fariseo, sinabi ni Jesus:
"Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong pagiisip mo.
"Ito ang dakila at pangunang utos.
"At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.
"Sa dalawang utos na ito'y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta" (Mat. 22:3740; tingnan din sa Gal. 5:14).
Sinabi ni President Hinckley na, "ang pag-ibig ay gaya ng bituin sa North Pole. Sa pabagu-bagong daigdig, ito'y di-nagbabago. Ito ang diwa ng ebanghelyo."
"Kung walang pag-ibig. . .di na gaanong mahalagang ipayo pa na ipamuhay ang ebanghelyo" (Teachings of Gordon B. Hinckley, —1997], 319, 317). Sinabi ni Apostol Juan, "ang Dios ay pagibig" (1 Juan 4:8). Kung gayon, sa Kanya, na perpektong halimbawa ng pag-ibig, nauuwi ang buong kautusan at mga propeta.
Itinuro ni Apostol Pablo na ang pananampalataya, na unang alituntunin ng ebanghelyo, ay kumikilos dahil sa pag-ibig (Gal. 5:6). Napakahalagang doktrina na dapat maunawaan! Pag-ibig ang nagtutulak sa pananampalataya. Kung paano pinaiinitan ng siga sa fireplace ang tahanan sa gabi ng taglamig, ganoon din tayong nabibigyan ng pananampalataya ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa, at dito'y posible ang lahat.
Marami ang nagsasabing mahal natin ang Diyos. Ang hamon, sa tingin ko'y ang mahalin ang kapwa-tao. Angkapwa-taoay kinabibilangan ng pamilya, mga katrabaho, mga kapitbahay at mga taong nakikita natin sa simbahan, at pati ang kaaway, bagama't di tayo sang-ayon sa ginagawa nito. Kung hindi natin sila mahal, mga kapatid, masasabi ba nating mahal nga natin ang Diyos? Sinabi ni Apostol Juan "ang umiibig sa Dios ay dapat umibig sa kaniyang kapatid," at idinagdag na, "Kung sinasabi ng sinoman, Ako'y umiibig sa Dios, at napopoot sa kaniyang kapatid, ay sinungaling" (1 Juan 4:21, 20). Kung gayon, ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ay di mapaghihiwalay.
Ang walang hanggan nating pag-unlad ay mababatay sa kung gaano tayo nagmamahal. Sabi ni Webster angpag-ibigay "di-makasarili, tapat at taos-pusong malasakit sa kapakanan ng iba; damdaming batay sa paghanga, kabaitan o iisang interes" (Longman Webster English College Dictionary, overseas edition.) At para kay Moroni ay magkasing-kahulugan ang "dalisay na pag-ibig ni Cristo" at ang "pag-ibig sa kapwa-tao" (Moro. 7:47). Maipakikita natin nang lubos ang pag-ibig natin sa Diyos sa pagsunod sa Kanyang mga utos. At maipapakita natin ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa-tao sa pamamagitan ng mapagkawanggawang paglilingkod.
Narito ang dalawang halimbawa. Sa Translyvanian Alps ng Romania, isang lalaki, kasama ang asawa at dalawang anak niya, ang nabinyagan sa Simbahan. Naging lider siya ng branch; ngunit dahil sa kagipitan sa kabuhayan at pamilya, siya'y naging di-aktibo. Nang maging aktibo siya muli, iniulat niya na noong umahon siya sa tubig, noong binyag niya, ay may bumulong sa kanya na, "Mahal kita." Wala pang nagsabi sa kanya nang gayon. Ang paggunita niya sa paramdam na iyon ng pagmamahal at ang magiliw at mapagkawanggawang pakitungo ng mga miyembro ng branch ang nagpabalik sa kanya.
Ilang taon na ang nakalilipas, nasangkot ang isang binata sa mga gawi ng daigdig. Nawala pansamantala ang impluwensiya sa kanya ng kanyang mga magulang. Dalawang high priest na mga kapitbahay at miyembro ng ward, na di naman inatasang maglingkod sa kanya, kasama ang isang tiyo at iba pa ang kumaibigan sa kanya. Nang maging aktibo muli, hinimok siyang maghanda sa misyon. Sinabi nilang mahal nila siya at nagpakita ng pagmamahal sa kanya. Nagbago ang buhay ng binata. Kailangan ng saganang pagmamahal, at pagtutulungan sa pagpapalaki ng bata.
"Walang sinuman ang makatutulong sa gawaing ito maliban kung siya ay magiging mapagpakumbaba at puno ng pagmamahal" (D at T 12:8). "Sa pagibig ay mangaglingkuran kayo" (Gal. 5:13). Kung ang paglilingkod ay bunga ng pagmamahal, ang pag-ibig din naman ay bunga ng paglilingkod. Mga lalaki, paglingkuran ang inyong kabiyak. Mga babae, paglingkuran ang inyong asawa. Mga magulang, paglingkuran ang inyong mga anak. At sa lahat ay sinasabi naming, maglingkod sa Diyos at sa kapwa. Sa paglilingkod natin matututuhang mahalin ang pinag-uukulan natin ng katapatan, at nagiging masunurin tayo sa una at dakilang utos na magmahal.
Kasunod ng Kanyang Pagkabuhay na Muli sa Jerusalem, nagpakita si Jesus sa mga Nephita sa Amerika. Matapos magturo tungkol sa pagbibinyag, nagbabala Siya laban sa galit at pagtatalo, at nagsabing, "At huwag magkaroon ng mga pagtatalu-talo sa inyo. . .. Sapagkat katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa't isa" (3 Ne. 11:22, 29).
Mga Kapatid, kung masunurin tayo sa utos na magmahal, di magkakaroon ng mga pagtatalu-talo ni galit sa pagitan natin. Di tayo magsasalita nang laban sa isa't isa, kundi makikitungo nang may kabaitan at paggalang, nalalaman na ang bawat isa sa atin ay anak ng Diyos. Walang mga Nephita, Lamanita, ni anumang uri ng "ita" sa atin, at bawat lalaki, babae at bata ay makikitungo nang makatuwiran sa isa't isa.
Isang umaga sa Bucharest, habang nagdi-jogging ako sa Cismigiu Park, napansin ko ang matandang puno na nagsisikap magkaroon ng bagong mga sangaupang magbigay ng bagong buhay. Simbulo ng buhay ang magbigay. Marami tayong ibinibigay sa pamilya at mga kaibigan, at sa pamayanan at Simbahan kaya minsan, tulad ng matandang puno, naiisip nating napakahirap ng buhayna ang pagbibigay palagi ay mabigat na pasanin. Maiisip natin na mas madaling sumuko at gawin ang ginagawa ng likas na tao. Ngunit di tayo dapat sumuko. Bakit? Dahil kailangan tayong patuloy na magbigay tulad ni Cristo at ng matandang puno. Sa pagbibigay natin nang kaunti, isipin natin Siya na nag-alay ng buhay Niya upang tayo'y mabuhay.
Si Jesus, sa pagwawakas ng Kanyang buhay sa lupa, ay muling itinuro ang doktrina ng pag-ibig nang sabihin Niya sa Kanyang mga tagasunod na kung paano Niya minahal sila ay gayundin na dapat nilang mahalin ang bawat isa. "Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pagibig sa isa't isa" (Juan 13:35).
Bilang pagtatapos, sa kabila ng layunin ng ating pag-iral, kung hindi natin mahal ang Diyos at kapwa-tao, ang anumang gawin natin ay di na mahalaga pa.
Saksi ako sa kabanalan ni Cristo at sa katunayan ng Kanyang misyon na isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao. Na magmahal tayo tulad ng ginawa Niya at patuloy na nagmamahal ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.