The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2001
Ang Ating Kilos ay Sanhi ng Ating Pag-uugali

Ang Ating Kilos ay Sanhi ng Ating Pag-uugali

Elder Wayne S. Peterson
Ng Pitumpu

"Sa maraming pakikiharap aytayoang magpapasiya sa uri ng ating magiging karanasan sa paraan ng ating pagtugon."

Elder Wayne S. Peterson

Maraming taon na ang nakalipas, habang nagbabakasyon ang aming pamilya, may naranasan akong nagbigay sa akin ng malaking aral. Isang Sabado, naisip naming mag-asawa na ipasyal ang mga bata at mamili. Nakatulog ang mga bata sa biyahe, at dahil ayaw namin silang magising, nagpaiwan ako sa kotse habang namimili ang aking kabiyak.

Habang naghihintay, napasulyap ako sa sasakyan sa harap ko. Puno ito ng mga bata at nakatingin silang lahat sa akin. Nang magkatinginan kami ng isang batang lalaki, na anim o pitong taong gulang, bigla siyang dumila sa akin.

Naisip ko agad na dilaan din siya. Inisip ko,Ano bang nagawa ko at dinilaan niya ako?Buti na lang bago ako gumanti ay naalala ko ang itinuro ni Elder Marvin J. Ashton sa pangkalahatang kumperensiya nang nagdaang linggo (tingnan sa Conference Report, Okt. 1970, 36-38; oImprovement Era, Dis. 1970, 59-60). Itinuro niya kung gaano kahalaga ang kumilos sa halip na gumanti sa mga nangyayari sa paligid natin. Kaya kumaway ako sa bata. Dinilaan niya ako ulit. Nginitian ko siya at kumaway muli. Kumaway na rin siya sa akin sa wakas.

Nang malao'y masigla na ring nakikaway ang maliliit niyang kapatid. Ginantihan ko ito nang walang puknat na pagkaway hanggang sa mapagod ang braso ko. Ipinatong ko ang braso ko sa manibela at patuloy na kumaway-kaway sa iba't ibang paraan, at umasang sana'y bumalik na ang mga magulang nila o kaya'y ang asawa ko.

Sa wakas dumating din ang mga magulang, at habang papaalis sila, kaway pa rin nang kaway ang mga bago kong kaibigan hanggang sa mawala na sila sa paningin ko.

Simpleng karanasan iyan, ngunit ipinakita nito na sa maraming pakikiharap ay tayo angmagpapasiyasa uri ng ating magiging karanasan sa paraan ng ating pagtugon.Nagpapasalamat ako at pinili kong kaibiganin sa halip na gantihan ang kapilyuhan ng aking batang kaibigan. Sa gayo'y naiwasan kong sumama ang aking loob na sana'y nadama ko kung nagpadala ako sa bugso ng damdamin.

Itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita, "Kaya nga, lahat ng bagay na nais ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayon ang gawin ninyo sa kanila" (3 Ne. 14:12).

Isipin ninyo ang epekto sa daigdig kung susundin ng lahat ang "Ginintuang Alituntunin" na ito. Ngunit tila taliwas ito sa likas na tao. Sinabi ni Haring Benjamin na "ang likas na tao ay kaaway ng Diyos," at mananatiling gayon hanggang kanyang "bigyang-daan ang panghihikayat ng banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao" at matutong maging "masunurin, maamo, mapagkumbaba, mapagtiis, —at] puno ng pag-ibig" (Mosias 3:19).

Sa mabilis na takbo ng mundo ngayon tila mas nagiging marahas ang mga tao sa isa't isa. Ang ilan ay madaling sumama ang loob at nagagalit sa tunay o inaakalang paghamak, at nakaranas o nakabalita na tayo ng alitan ng mga tsuper sa kalye o iba pang kabastusan at walang pakundangang asal.

Sa kasamaang palad ang ilan dito ay nakakapasok sa ating tahanan, at lumilikha ng pagtatalo at pag-aaway sa mga miyembro ng pamilya.

Tila natural lang na ibalik natin kung ano ang pakita sa atin. Ngunit hindi dapat ganoon. Sa paggunita sa kanyang nakakikilabot na karanasan sa digmaan, sinabi ni Viktor Frankl: "Naaalala naming mga namalagi sa kampo ng mga bihag ng digmaan ang mga lalaking umaalo sa iba, at ipinamimigay ang huling piraso ng kanilang tinapay. Maaaring kaunti lang sila, ngunit sapat na katibayan ito na maaaring mawala ang lahat sa isang tao maliban sa isa: ang huli sa mga kalayaan ng tao—ang pumili ng iaasal sa anumang sitwasyon,ang pumili ng sariling pamamaraan" (Man's Search for Meaning.—1985], 86, idinagdag ang pagbibigay-diin).

Dakila ang asal na ito at mahirap gawin ng tao ngunit iyon ang inaasahan ni Jesus sa atin. "Ibigin ninyo ang inyong kaaway," sabi Niya, "at idalangin ang sa inyo'y nagsisiusig" (Mat. 5:44).

Isang paboritong himno ang nagpapatibay sa aral na ito:

Pigilin ang damdamin, kapatid;
Sanayin ang sarili.
Damdami'y h'wag isantabi,
Nguni't talino'y gamitin.
("School Thy Feelings,"Hymns, blg. 336)

Ang mga desisyon at ugali natin ang tunay na humuhubog sa ating pagkatao. Inilarawan ni Charles A. Hall ang prosesong iyan sa mga linyang ito: "Nagtatanim tayo ng kaisipan, at umaani ng pagkilos; nagtatanim tayo ng pagkilos, at umaani ng kaugalian; nagtatanim tayo ng kaugalian, at umaani ng pagkatao; nagtatanim tayo ng pagkatao, at umaani ng tadhana" (sinipi saThe Home Book of Quotations, pinili ni Burton Stevenson —1934], 845).

Sa tahanan pinakamahalaga ang ating pag-uugali. Dito pinakamalaki ang epekto ng mga ikinikilos natin, sa mabuti o masama. Kung minsa'y "kampante" tayo kaya hindi natin iniingatan ang ating mga salita. Nalilimutan nating gumalang. Kung hindi tayo mag-iingat, magiging ugali nating punahin ang isa't isa, mawawalan ng pasensya, at magiging makasarili. Dahil mahal tayo ng ating asawa at mga anak, madali silang magpatawad, ngunit madalas nilang kimkimin ang sakit at di-masambit na pagdaramdam.

Maraming tahanan ang takot ang mga anak sa kanilang mga magulang o ang mga maybahay sa kanilang asawa. Ipinaalala ng ating mga pinuno na "ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mag-anak sa pagmamahal at kabutihan," at nagbabala na "ang mga taong. . . nagmalabis sa asawa o anak. . .balang araw ay pananagutin sa harap ng Diyos" ("Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo," mga talata 7 at 8). Batid ng kaaway na kung mauudyok niya ang pagtatalo, gulo, at takot sa tahanan, magdaramdam ang Espiritu, at ang mga taling dapat magbigkis sa mag-anak ay rurupok.

Sinabi mismo ng nabuhay na muling Panginoon, "Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang puso ng mga tao na makipagtalo nang may galit sa isa't isa" (3 Ne. 11:29).

Kapag nagagalit tayo o nakikipagtalo sa ating tahanan, dapat ay agad nating tukuyin ang puwersang kumokontrol sa ating buhay at ang pinipilit gawin ni Satanas. Ibinigay sa atin ni Solomon ang matalinong pormulang ito: "Ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot: ngunit ang mabigat na salita ay humihila ng galit" (Mga Kawikaan 15:1).

Ang ating tahanan ay dapat maging kanlungan kung saan madarama ng bawat miyembro na siya'y ligtas, panatag, minamahal, at ipinagtatanggol mula sa pamimintas at pagtatalu-talong madalas nating danasin sa mundo.

Si Cristo ang perpektong halimbawa ng pagpipigil ng damdamin sa lahat ng sandali. Pagharap kina Caifas at Pilato, Siya ay sinuntok, sinampal, dinuran at kinutya ng mga nagpapahirap sa Kanya (tingnan sa Mat. 26; Lucas 23). Ang nakakalungkot ay hinamak nila ang Lumikha sa kanila, na naghirap dahil sa pagmamahal sa kanila.

Sa di makatarungang pang-aabusong ito, si Jesus ay nanatiling walang imik, ni ayaw gumanti. Maging sa krus, sa gitna ng nakalulunos na pagdurusang iyon, ang Kanyang samo ay, "Ama, patawarin mo sila 'pagka't di nila nalalaman ang kanilang ginagawa" (Lucas 23:34).

Gayundin ang inaasahan Niya sa atin. Sa mga susunod sa Kanya'y sinabi Niya, "Sa ganito'y —makikilala] ng lahat. . .na kayo'y aking mga alagad, kung may pag-ibig —kayo] sa isa't isa" (Juan 13:35).

Nawa'y maipakita natin ang ating pagkadisipulo sa pagpapalakas sa ating tahanan sa kabaitan at pagmamahal. Nawa'y maalala natin na ang "malubay na sagot ay nakapapawi ng poot," at sikapin sa ating mga ugnayan at pakikiharap na mahubog ang pagkataong kalulugdan ng Tagapagligtas.

Si Jesucristo ang perpektong halimbawa. Siya ang ating Tagapagligtas at ating Manunubos. Pinatototohanan ko Siya! Pinamumunuan tayo ng buhay na propeta ngayon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy