Elder H. Ross Workman
Ng Pitumpu
"Mahalaga ang pagsunod upang makamtan ang mga pagpapala ng Panginoon."
Bilang mga misyonero, nagpatotoo kami ng aking kompanyon na nakikipag-usap ang Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ngayon. Tanong ng isang lalaki: "Ano na ang sabi ng propeta ninyo ngayong linggong ito?" Sa pagsisikap na maalala ang mensahe ng propeta sa pinakabagong
Improvement Era, ang magasin ng Simbahan noon, naunawaan ko ang kahalagahan ng kaalaman at pagsunod sa mga turo ng buhay na propeta.
Ngayon umaasa akong mahikayat kayong sundin ang mga buhay na propeta at ibabala ang panlilinlang ng kalaban upang pigilin kayo sa pagsunod sa kanila. Ang tawag ng banal na kasulatan sa panlilinlang na ito ay "pagbubulung-bulong."
Itinuro ng Tagapagligtas ang isang talinghaga upang balaan tayo sa mapanganib na landas ng pagsuway sa "pagbulung-bulong." Sa talinghaga ay may taong maharlika na may-ari ng magandang lupain. Pinagtanim niya ang kanyang mga tagapaglingkod ng 12 punong olibo at pinagtayo ng tore na nakatunghay sa taniman ng olibo. Ang tore ay para sa bantay na magbibigay babala kapag may dumarating na kalaban. Sa gayon mapangangalagaan ang taniman ng olibo.
Hindi itinayo ng mga tagapaglingkod ang tore. Dumating ang kaaway at itinumba ang mga punong olibo. Nag-iwan ng pinsala sa taniman ng olibo ang pagsuway ng mga tagapaglingkod (tingnan sa D at T 101:4362).
Bakit hindi naitayo ng mga tagapaglingkod ang tore? Ang binhi ng pinsala ay itinanim ng pagbulung-bulong.
Batay sa talinghaga ng Panginoon, tatlong hakbang ang napapaloob sa pagbulung-bulong, bawat isa'y patungo sa landas ng pagsuway. Una, nagsimulang mag-alinlangan ang mga tagapaglingkod. Hinusgahan nila ang bilin ng kanilang amo. "Saan gagamitin ng aking panginoon ang toreng ito samantalang ngayon ay panahon ng kapayapaan?" wika nila (D at T 101:48). Nagduda muna sila sa kanilang isipan at pagkatapos ay itinanim ito sa isipan ng iba. Una muna ang pag-aalinlangan.
Ikalawa, nagsimula silang mangatwiran at magdahilan upang hindi magawa ang bilin sa kanila. Sabi nila: "Hindi kaya maaaring ibigay ang salaping ito sa mga nagpapalit? Sapagkat walang paggagamitan ang bagay na ito" (D at T 101:49). Sa gayon sila nangatwiran sa kanilang pagsuway.
Ang ikatlo ay di maiiwasan: katamaran sa pagsunod sa mga utos ng Guro. Sabi sa talinghaga, "Naging napakatatamad —nila], at hindi na sila nakinig sa mga utos ng kanilang panginoon" (D at T 101:50). Sa gayo'y di naiwasan ang kapahamakan.
Biniyayaan ng Diyos ang Kanyang mga anak ng mga propetang magtuturo ng Kanyang mga paraan at maghahanda sa kanila para sa buhay na walang hanggan. Hindi madaling unawain ng tao ang mga paraan ng Diyos. "Sapagka't ang aking pag-iisip ay hindi ninyo mga pag-iisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon" (Isa. 55:8). Mahalaga ang pagsunod upang makamtan ang mga biyaya ng Panginoon, kahit di maunawaan ang layunin ng utos.
Ibinubulong ng kalaban ang mapanlinlang na paanyayang bumulung-bulong upang sirain ang kapangyarihang nagmumula sa pagsunod. Ang pagbulung-bulong ay malinaw na makikita sa sumusunod na kuwento tungkol sa mga anak ni Israel:
Ipinangako ng Panginoon sa mga anak ni Israel na magsusugo Siya ng anghel na magtataboy sa mga Cananeo upang manahin ng Israel ang lupain ng gatas at pulot (tingnan sa Exodo 33:1-3). Nang marating ng Israel ang hangganan ng Canaan, nagpadala ng mga espiya si Moises sa nayon at nang bumalik sila iniulat nilang malakas ang mga hukbo ng Canaan, at sinabing mas malakas ang Canaan kaysa Israel. Noon nagsimula ang pagbubulung-bulong.
Nag-alinlangan sila sa utos na ibinigay kay Moises, ang kanilang buhay na propeta. Ikinalat nila ang pag-aalinlangan nila sa iba. Paano matatalo ng Israel ang mga higante ng Canaan kung iniisip nilang sila'y tila mga balang lamang kung ihahambing? (tingnan sa Mga Bilang 13:3133).
Nauwi sa pangangatwiran at pagdadahilan ang pag-aalinlangan. Natakot sila para sa kanilang mga asawa at anak. "Hindi ba magaling sa atin na tayo'y magbalik sa Egipto!" ang sabi nila (tingnan sa Mga Bilang 14:2-3).
Nauwi sa pagsuway ang pagbulung-bulong noong hangarin ng Israel na magtalaga ng kapitan na mamumuno sa kanila pabalik sa Egipto (tingnan sa Mga Bilang 14:4).
Tumanggi silang sundin ang buhay na propeta. Sa kanilang pagbulung-bulong, binawi ng Panginoon ang pangakong biyaya sa mga anak ni Israel na lilipulin Niya ang mga Cananeo, at ibibigay sa kanila ang lupang pangako. Sa halip, ipinadala Niya ang Israel sa ilang upang gumala nang 40 taon.
Ang karaniwang pagbulung-bulong ay muling makikita sa pamilya ni Lehi.
Nang ipakuha ni propetang Lehi sa kanyang mga anak ang mga laminang tanso sa Jerusalem, marami silang nakaharap na pagsubok. Una, pinalayas si Laman mula sa bahay ni Laban dahil lang sa paghingi sa mga lamina. Matapos mag-alok ng ginto at pilak ang mga anak ni Lehi bilang kapalit ng mga lamina, ninais silang patayin ni Laban at kinuha ang kanilang ari-arian. Nagsiksikan ang magkakapatid sa butas ng bato para suriin ang sitwasyon.
Bumulung-bulong sina Laman at Lemuel. Nagsimula ito, gaya nang dati, sa pag-aalinlangan: "Paanong mangyayaring ibibigay ng Panginoon si Laban sa ating mga kamay?" sabi nila (1 Ne. 3:31).
Kasunod ang pagdadahilan: "Masdan, siya ay isang makapangyarihang tao, at kaya niyang utusan ang limampu, oo, maging limampu ay kaya niyang patayin; tayo pa kaya?" (1 Ne. 3:31).
Ang huli, ang katamaran. Puno ng galit, poot at pagdadahilan na naghintay sina Laman at Lemuel sa pader ng Jerusalem habang isinasakatuparan ng tapat na si Nephi ang gawain ng Panginoon (tingnan sa 1 Ne. 4:3-5).
Nagsalita ang Panginoon laban sa saloobing ito sa ating kapanahunan: "Subalit siya na hindi gumagawa ng anumang bagay hangga't hindi siya inuutusan, at tumatanggap ng kautusan na may pusong nag-aalinlangan, at tinutupad ito nang may katamaran, siya rin ay mapapahamak" (D at T 58:29).
Sinang-ayunan natin ang ating mga buhay na propeta sa pagtataas ng kamay. Nagagalak tayo sa pribilehiyong marinig ang pahayag ng Diyos sa ating panahon mula sa ating mga buhay na propeta. Ano ang ginagawa natin kapag naririnig natin sila? Sinusunod ba natin nang husto ang mga tagubilin nila, o bumubulung-bulong tayo?
Mas madali ba sa ating panahon na sundin ang buhay na propeta kaysa noong panahon nina Moises o Nephi? Ang mga bumulung-bulong ba laban kina Moises at Nephi ay bubulung-bulong din ngayon? Baligtarin natin ang mga tanong. Ang mga bumubulung-bulong ngayon ay maaaring bumulung-bulong din tulad nina Laman at Lemuel o ng mga anak ni Israel sa propeta noong panahon nila na kaakibat ang gayunding kapahamakan.
Ang pinakasimpleng tagubilin ay maaaring magbunga ng pagbulung-bulong. Minsa'y dumalo ako sa isang pulong nang anyayahan ng namumunong awtoridad ang mga miyembro ng kongregasyon na lumipat sa upuan sa harapan ng silid. Kumilos ang iba. Karamiha'y hindi. Bakit kaya?
Tiyak kong may mga nag-alinlangan kung bakit kailangan nilang iwanan ang maginhawa nilang kinaroroonan. "Bakit ko gagawin ito?" Walang dudang ang pag-aalinlangan ay agad na sinundan ng pagdadahilan o pangangatwiran na hindi mahalaga malipat man ng upuan o hindi. Alam kong nasundan ito ng pagkainis sa hiling na iyon ng namumunong awtoridad. Ang huling hakbang, na malinaw sa lahat ng nagmasid, ay katamaran sa pagtugon. Iilan ang kumilos. Maliit na bagay ba iyon? Oo. Pero nagpakita ito ng malaking kakulangan sa taos na pagsunod at diwa ng pagsuway. Hindi iyan maliit na bagay.
Kamakaila'y nasa miting ako ng Simbahan sa West Africa nang anyayahan ng isang priesthood leader ang mga lalaki na lumipat sa unang tatlong hanay ng upuan sa Simbahan. Bawat lalaki'y agad tumayo at lumipat ng upuan ayon sa tagubilin. Maliit na bagay? Oo. Pero nagpakita ito ng taos na pagsunod. Hindi iyan maliit na bagay.
Pagtuunan ninyo ng pansin ang utos mula sa mga buhay na propeta na labis na lumiligalig sa inyo. Nag-aalinlangan ba kayo na ang utos na ito'y angkop sa inyo? Naghahanap ba kayo ng dahilan kung bakit di ninyo masunod ngayon ang utos? Bigo ba kayo o naiinis sa mga nagpapaalala sa inyo ng utos? Tamad ba kayong sundin ito? Mag-ingat sa panlilinlang ng kalaban. Mag-ingat sa pagbulung-bulong.
Nadarama ng mapalad na magulang ang kakaibang galak na dulot ng taos na pagsunod ng kanyang anak. Hindi ba gayon din sa Diyos?
Nauunawaan ko kahit paano kung gaano kagalak ang Panginoon kapag sumusunod ang Kanyang mga tagasunod nang di bumubulung-bulong. Kamakaila'y nasa miting kami ng aking mahal na asawa kung saan ipaliliwanag ang aming mga tungkulin. Hindi namin alam noon kung ano ang aming magiging tungkulin o saan kami maglilingkod. Lihim akong sinabihan na tatawagin kaming maglingkod sa West Africa. Nagulat ako at natuwa, pero pumasok sa isip ko ang iisipin ng asawa kong halos 39 na taon ko nang kasama. Paano niya tatanggapin ang gawaing ito? Alam kong papayag siya. Sa tagal ng aming pagsasama, hindi pa siya tumanggi sa tawag ng Panginoon. Pero ano ang madarama niya?
Sa pagkakaupo ko sa kanyang tabi, nakita niya sa aking mga mata na alam ko na kung saan kami ipadadala. Sabi niya, "O, saan tayo?" Ang sabi ko lang, "Africa." Nagningning ang kanyang mga mata at sinambit nang buong sigla, "Ang galing!" Galak na galak ako.
Gayon din marahil ang kagalakan ng Ama sa Langit kapag taos-puso nating sinusunod ang mga buhay na propeta. Pinatototohanan kong buhay si Jesus na Cristo. Kinakausap Niya ang mga propeta sa ating panahon. Nawa'y sundin natin ang ating mga propeta nang walang pagbubulung-bulong, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.