The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2001
Ang Bisa ng Malakas na Patotoo

Ang Bisa ng Malakas na Patotoo

Elder Richard G. Scott
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Ang inyong sariling kaligtasan at kaligayahan ay nakasalalay sa lakas ng inyong patotoo, dahil ito ang gagabay sa inyong gagawing mga hakbang sa oras ng pagsubok o pag-aalinlangan."

Elder Richard G. Scott

Sa walang-katiyakang mundong ito'y may mga bagay na di nagbabago: ang perpektong pag-ibig ng Ama sa Langit para sa atin; ang katiyakang nariyan Siya at lagi tayong diringgin; ang pag-iral ng ganap at di-nagbabagong katotohanan; ang katotohanang may plano ng kaligayahan; ang katiyakang makakamtan ang tagumpay sa buhay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at pagsunod sa Kanyang mga turo dahil sa bisa ng pagtubos ng Kanyang Pagbabayad-sala; ang katiyakan ng kabilang buhay; na ang kalagayan natin doon ay batay sa pamumuhay natin dito. Tanggapin man o hindi ang mga katotohanang ito ay di na ito mababago. Ito ang mahahalagang pundasyon ng buhay na patotoo. Ang malakas na patotoo ay ang di-natitinag na pundasyon ng ligtas at makabuluhang buhay kung saan ang kapayapaan, tiwala, kaligayahan, at pag-ibig ay lalago. Itinatag ito sa pananalig na ang maalam na Diyos ang bahala sa Kanyang gawain. Hindi Siya mabibigo. Tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako.

Ang malakas na patotoo ang kapangyarihang nagtataguyod sa matagumpay na buhay. Nakasentro ito sa pagkaunawa sa mga banal na katangian ng ating Diyos Ama, ni Jesucristo, at ng Espiritu Santo. Nakakamtan ito sa taos na pag-asa sa Kanila. Ang mabisang patotoo ay nakasalig sa personal na katiyakang gagabayan at pasisiglahin ng Espiritu Santo ang mabubuti nating gawa sa araw-araw.

Ang patotoo ay napalalakas ng mga espirituwal na damdaming nagpapatibay sa katotohanan ng turo, mabuting gawa, o babala sa parating na panganib. Kadalasan ang gayong patnubay ay may kaakibat na matinding damdamin kaya mahirap magsalita at naiiyak tayo. Ngunit ang patotoo ay hindi damdamin. Ito ang diwa mismo ng pagkataong nahubog ng maraming tamang pagpapasiya. Ang mga pagpiling ito'y ginagawa nang may tiwala sa mga bagay na pinaniniwalaan na sa una'y di nakikita.1Ang malakas na patotoo'y nagdudulot ng kapayapaan, kapanatagan, at katiyakan. Dulot nito'y pananalig na sa patuloy na pagsunod sa mga turo ng Tagapagligtas, gaganda ang buhay, titiwasay ang bukas, at malalampasan ang mga hamong dumarating sa atin. Lumalago ang patotoo sa pagkaunawa sa katotohanan at sa panalangin at pagninilay ng doktrina sa banal na kasulatan. Naaalagaan ito sa pamumuhay ng mga katotohanang iyon nang may pananampalataya at tiwalang makakamtan ang ipinangakong bunga.

Naitaguyod ng malakas na patotoo ang mga propeta sa buong panahon at napatibay sila kaya kumilos sila nang may tapang at tatag sa oras ng kahirapan. Gayon din ang magagawa sa inyo ng mabisang patotoo. Habang pinatitibay ninyo ang inyong patotoo, magkakaroon kayo ng kapangyarihang gumawa ng mga tamang pagpili upang di kayo matinag ng mga panggigipit ng lumalalang daigdig. Ang kaligtasan at kaligayahan ninyo'y nakasalalay sa lakas ng inyong patotoo dahil gagabayan nito ang inyong mga kilos sa oras ng pagsubok o pag-aalinlangan.

Matapat na suriin ang inyong buhay. Gaano kalakas ang inyong patotoo? Totoo bang ito ang lakas na nagtataguyod sa inyong buhay, o umaasa lang kayong ang natutuhan ninyo'y totoo? Higit pa ba ito sa paniniwalang ang mga konsepto at huwaran ng buhay ay makatwiran? Ang pagtanggap nito sa isipan ay di makatutulong kapag naharap kayo sa mabibigat na hamong darating sa inyo. Inaakay ba kayo ng inyong patotoo sa mga tamang pasiya? Para mangyari iyan, ang mga saligang katotohanan ay dapat maging mahalagang bahagi ng inyong pagkatao, na mas mahalaga kaysa buhay mismo. Kung ang tapat na pagsusuri mo sa iyong patotoo ay pinatutunayang di ito singlakas ng nararapat, paano ito mapalalakas?

Titibay ang inyong patotoo sa pagsampalataya kay Jesucristo, sa Kanyang mga turo, at sa Kanyang kapangyarihang tuparin ang Kanyang pangako.2Ang susi ay "pagsampalataya." Napakabisa ng tunay na pananampalataya ngunit may mga alituntuning dapat sundin upang magamit ang kapangyarihang iyon. Itinuro ni Moroni, "Ang pananampalataya ay mga bagay na inaasahan at hindi nakikita: kaya nga, huwag magtalu-talo dahil sa hindi ninyo nakikita, sapagkat wala kayong matatanggap na patunay hangga't hindinatatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya."3Ibig sabihi'y dapat ninyong ipamuhay ang katotohanan o alituntuning pinananaligan ninyo. Sa patuloy na pamumuhay nito ay darating ang patotoo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Madalas ito'y damdamin ng kapayapaan. Mapagtitibay ito ng mga katotohanang inihahayag sa inyo. Sa matiyaga ninyong paghihintay ng patunay, darating ito. Kilalaning bibigyan kayo ng Panginoon ng pang-unawa at patunay sa katotohanan ng Kanyang mga turo, sa tulong ng sariling karanasan. Titiyakin Niya na magdudulot ng mga ipinangakong bunga ang Kanyang mga batas kapag taos at patuloy itong sinunod.

Ang mabisang patotoo'y darating sa inyo sa mga tahimik na sandali ng panalangin at pagninilay habang nakikilala ninyo ang mga damdaming kaakibat ng gayong pagsisikap. Ang mapagkumbaba at mapagtiwalang dalangin ay nagdudulot ng saya, aliw, ginhawa, patnubay, at kapayapaang di daranasin ng di marapat.

Ang ilang katotohanan hinggil sa panalangin ay makatutulong sa inyo. Diringgin ng Panginoon ang inyong mga dalangin sa oras ng pangangailangan. Sasagutin Niya ang mga ito. Gayunman ang sagot Niya ay di darating habang nakaluhod kayo't nananalangin, kahit dagliang sagot ang samo ninyo. May huwarang susundin. Dapat kayong humanap ng sagot sa inyong panalangin at itanong kung tama ito.4Sundin ang payo Niyang "pag-aralan ito sa iyong isipan."5Kadalasa'y iisip kayo ng sagot. Tapos ay humingi ng patunay na tama ang sagot ninyo. Ang tulong na ito'y darating sa pamamagitan ng panalangin at pagninilay ng banal na kasulatan, at minsan sa ibang tao,6o sa sarili ninyong kakayahan, sa patnubay ng Espiritu.

Kung minsan nais ng Panginoon na magtiwala kayo bago kayo makatanggap ng sagot. Ang sagot Niya'y karaniwang dumarating bilang tulong. Habang ang bawat sagot ay may kaakibat na pananampalataya, makikiisa ito sa iba at ibibigay sa inyo ang buong sagot. Kailangan sa huwarang ito ang pagsampalataya. Bagama't napakahirap kung minsan, dulot nito'y malaking pag-unlad ng sarili. Minsa'y sasagot ang Panginoon bago kayo humiling. Ito'y kapag di ninyo alam na may panganib o kaya'y mali ang ginagawa ninyo at akala ninyo'y tama.

Ipinakita ni Alma kung paano pinalalakas ng ayuno at panalangin ang inyong patotoo. Sabi niya:

"Ako ay nagpapatotoo sa inyo na alam ko na ang mga bagay na aking sinabi ay totoo. At paano ninyo inaakala na alam ko ang kanilang katiyakan?

". . .Masdan, ako ay nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw upang aking malaman ang mga bagay na ito sa aking sarili. At ngayon nalalaman ko sa aking sarili na ang mga yaon ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbigay-alam nito sa akin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu."7

Itinuro ni President Romney ang nakapagpapalakas ng patotoo na bisa ng mga banal na kasulatan sa kanyang sariling halimbawa:

"Hinihimok ko kayong maging pamilyar sa —Aklat ni Mormon]. Basahin ito sa inyong mga anak; hindi naman sila napakabata para di ito maunawaan. Naaalala ko pa nang binabasa ko ito sa isa sa mga anak kong lalaki noong batang-bata pa siya. . . . Nasa ibaba ako ng higaan at siya nama'y itaas. Halinhinan naming binabasa nang malakas ang bawat talata ng huling tatlong kahanga-hangang kabanata ng Ikalawang Nephi. Dinig kong garalgal ang kanyang tinig at akala ko'y sinisipon siya. . . . Nang matapos kami sinabi niya. . ., 'Itay, naiiyak ba kayo sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon?'

" 'Oo, Anak,. . . minsa'y malakas ang patotoo ng Espiritu ng Panginoon sa aking kaluluwa na ang Aklat ni Mormon ay totoo kaya ako'y naiiyak.'

" 'Kung gano'n,' sabi niya, 'iyon ang nangyari sa akin ngayong gabi.' "8

Palalakasin ang inyong patotoo ng taos na pagsunod sa batas ng ayuno at mga handog mula sa ayuno, at pagpapalain kayong mabuti ng Panginoon dahil dito. Sa pagtibay ng inyong patotoo, lalo kayong tutuksuhin ni Satanas. Labanan n'yo siya. Mas lalakas kayo at hihina ang impluwensiya niya sa inyo.9Hinahayaan ang lumalakas na impluwensiya ni Satanas sa mundo upang magkaroon ng pagkakataong subukin ang ating sarili. Habang namiminsala siya ngayon, ang hantungan niya'y itinakda na ni Jesucristo sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli. Hindi magtatagumpay ang diyablo.

Kahit ngayon, kikilos siya ayon sa itinakda ng Panginoon. Hindi niya makukuha ang anumang biyayang nakamtan. Hindi niya mababago ang pagkatao na nahubog ng mga tamang desisyon. Hindi niya kayang sirain ang walang-hanggang pagkabigkis ng mag-asawa at mga anak sa banal na templo. Hindi niya mapipigil ang tunay na pananampalataya. Hindi niya makukuha ang inyong patotoo. Oo, mawawala lang ang mga ito kung patutukso tayo. Ngunit wala siyang kapangyarihang sirain ang mga ito.

Ito at ang iba pang katotohanan ay may katiyakan. Gayunman, ang paniniwala ninyong totoo ang mga ito'y dapat magmula sa sarili ninyong pag-unawa sa katotohanan, sa pagsunod ninyo sa banal na batas at taos na paghahangad sa pagsaksi ng Espiritu. Ang patotoo ninyo'y maaaring magsimula sa pagkilala na ang mga turo ng Panginoon ay makatuwiran. Ngunit dapat itong magmula sa pagsunod sa mga batas na iyon. Sa gayo'y mapatutunayan ng inyong sariling karanasan ang bisa ng mga ito at makakamit ang bungang ipinangako. Di agad-agad darating ang pagpapatibay. Ang malakas na patotoo ay dumarating nang taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin. Kailangan nito ang pananampalataya, panahon, palagiang pagsunod at kahandaang magsakripisyo.

Ang malakas na patotoo ay di maitatatag sa mahinang pundasyon. Kaya huwag kayong magkunwaring naniniwala sa isang bagay kung di kayo tiyak. Hangaring tumanggap ng matibay na patotoo. Taimtim na manalangin, mamuhay nang matwid, at humingi ng espirituwal na patunay. Ang kagandahan ng mga turo ng Panginoon ay na totoo ang mga ito at mapatutunayan ninyo ito mismo. Paunlarin ang inyong espirituwal na kakayahan sa pagiging laging handa sa patnubay na darating sa marahan at banayad na tinig ng Espiritu. Ipaalam sa inyong Ama sa Langit ang inyong damdamin, pangangailangan, alalahanin, pag-asa at pangarap. Kausapin Siya nang buong pagtitiwala, na batid na makikinig at sasagot Siya. At matiyagang patuloy na gawin sa buhay ang alam ninyong tama, na may tiwalang nagmumula sa pananampalataya at kabutihan, na matiyagang naghihintay ng sagot na darating sa paraan at oras ng Panginoon.10

Bakit nagawa ni Joseph Smith na lampasan ang kanyang kakayahan? Ito'y dahil sa kanyang malakas na patotoo. Humantong iyan sa kanyang pagsunod, sa kanyang pananampalataya sa Guro, at sa kanyang di natitinag na determinasyon na gawin ang Kanyang kalooban. Pinatototohanan ko na habang lumalakas ang inyong patotoo, kapag kailangan at pinagsikapan, matatamasa ninyo ang inspirasyong malaman ang dapat gawin, gayundin ang banal na kapangyarihan o kakayahan na magawa ito kung kinakailangan.11Naperpekto ni Joseph Smith ang kanyang kakayahang sumunod sa patnubay ng Panginoon sa pamamagitan ng disiplina sa sarili. Hindi niya hinayaan ang kanyang sariling hangarin, kaginhawahan, o panghihikayat ng mga tao na maging sagabal sa pagsunod na iyon. Sundan ang kanyang halimbawa.

Para sa tumatagal na kapayapaan at kapanatagan, minsan sa buhay, sa tahimik na pagdidili-dili, dapat ninyong matiyak na may Diyos sa langit na nagmamahal sa inyo; na Siya ang namamahala at tutulungan Niya kayo. Ang paniniwalang iyon ang sentro ng malakas na patotoo.

Sa ilang sandali'y ibibigay ni President Gordon B. Hinckley ang huling mensahe ng kumperensiya. Narinig natin siya kaninang umaga, bilang propeta ng Panginoon, na nagbigay ng mahinahon at may katiyakang payo tungkol sa mga hamon sa buhay. Hiniling Niyang mapagpakumbaba tayong manalangin sa Ama sa Langit para sa patnubay at lakas sa paglaban sa kasamaan. Ang kaligtasan nati'y nasa Kanya at sa Kanyang Minamahal na Anak na si Jesucristo. Alam kong mahal kayo ng Tagapagligtas. Gagabayan Niya ang inyong mga pagsisikap upang palakasin ang inyong patotoo at nang ito'y maging impluwensiya para sa inyong kabutihan at itaguyod kayo kapag kinakailangan at bigyan kayo ng kapayapaan at katiyakan kapag may pag-aalinlangan.

Bilang isa sa Kanyang mga Apostol, na may karapatang magpatotoo sa Kanya, taimtim kong pinatototohanan na alam kong buhay ang Tagapagligtas, na Siya'y nabuhay muli at niluwalhating katauhan na ganap ang pagmamahal. Siya ang ating pag-asa, Tagapamagitan, at Manunubos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Tingnan sa Ether 12:6; Heb. 11:1.
2. Tingnan sa Alma 26:22; D at T 3:1–10; 82:10.
3. Ether 12:6; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik.
4. Tingnan sa D at T 6:23, 36; 8:2–3, 10; 9:9.
5. D at T 9:8.
6. Tingnan sa Spencer W. Kimball,The Teachings of Spencer W. Kimball,pin. Edward L. Kimball (1982), 252.
7. Alma 5:45–46.
8. Sa Conference Report, Apr. 1949, 41.
9. Tingnan sa David O. McKay, "Let Virtue Garnish Thy Thoughts,"Improvement Era,Hunyo 1969, 28.
10. Tingnan sa David O. McKay, "The Times Call for Courageous Youth and True Manhood,"Improvement Era,Hunyo 1969, 117.
11. Tingnan sa D at T 43:16.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy