The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2001
"Hanggang sa Muling Pagkikita"

"Hanggang sa Muling Pagkikita"

President Gordon B. Hinckley

"Ang kaligtasan nati'y nakasalalay sa kabutihan ng ating buhay. Ang lakas nati'y nakasalalay sa ating kabutihan. Nilinaw ng Diyos na kung hindi natin Siya tatalikuran, hindi rin Niya tayo tatalikuran."

President Gordon B. Hinckley

Mahal kong mga kapatid: Natutuwa ako at nakapiling natin ngayon at kahapon, si Sister Inis Hunter, ang balo ni President Howard W. Hunter. Nagpapasalamat kami sa pagdalo niya.

Patapos na ang dakilang kumperensiyang ito. Aawitin ng koro ang "Hanggang sa Muling Pagkikita" (Mga Himno, 90). Nagagalak ako sa awit na iyon. Sabi nito'y:


Patnubayan ka nawa ng Diyos;
Hanggang sa muling magkita,
Pangalagaan ka t'wina. . . .
 
Hanggang sa muling magkita;
Kung manganib ka't mangamba. . . .
Hanggang sa muling magkita;
Damhin ang pagmamahal N'ya.
Diyos nawa ay patnubayan ka.

Inawit ko na ang mga salitang iyon sa Ingles nang awitin ito ng iba sa maraming wika. Inawit ko na nang todo ang napakaganda at simpleng mga salitang iyon sa mga di malilimutang okasyon sa lahat ng dako ng daigdig. Inawit ko ito sa pamamaalam sa mga misyonero, nang may luha sa aking mga mata. Inawit ko rin sa mga sundalo sa digmaan sa Vietnam. Sa libu-libong dako at sa maraming kalagayan sa napakatagal na panahon, inawit ko na nang todo kasama ang iba pang mga salita ng pamamaalam na inaawit ng mga nagmamahalan.

Mga estranghero tayo nang magkakilala. Magkakapatid tayo nang magpaalaman sa isa't isa.

Ang mga simpleng salitang ito ay naging dalanging inialay sa luklukan ng Langit para sa isa't isa.

At sa gayong diwa, namamaalam kami sa pagwawakas natin ng makasaysayan at di-malilimutang kumperensiya.

Nawa sa pagdinig natin sa pananalita ng mga kapatid ay naantig ang ating puso at nakapagpasiya tayong magbago. Nawa'y nasabi ng bawat lalaking may-asawa na, "Mas magiging mabait ako at bukas-palad sa aking kabiyak at mga anak. Magtitimpi na ako." Nawa'y mapalitan ng kabaitan ang kagaspangan sa ating mga pakikipag-usap sa isa't isa.

Umaasa akong ituturing ng bawat maybahay ang kanyang asawa bilang minamahal na kasama, na bituin ng kanyang buhay, tagapagtaguyod, tagapagtanggol, na kahawak kamay niya at "katuwang sa pamatok." Nawa ituring niya ang kanyang mga anak na mga anak ng Diyos, ang pinakamahalagang kontribusyon niya sa mundo, na magmamalakasit siya sa kanilang tagumpay, at mas pahahalagahan sila kaysa anumang pag-aari o inaasam niya.

Umaasa akong lilisanin ng mga kabataan ang kumperensiyang ito na may mas malaking pagpapahalaga sa kanilang mga magulang, mas marubdob na pagmamahal sa kanilang mga puso para sa mga nagluwal sa kanila sa mundo, sa mga nagmamahal sa kanila nang labis at nag-aalala para sa kanila.

Umaasa akong mababawasan ang ingay sa ating mga tahanan, na hihinaan natin ang ating boses, at kakausapin ang isa't isa nang may mas higit na pagpapahalaga at paggalang.

Umaasa akong lahat tayong mga miyembro ng Simbahang ito ay ganap na magiging tapat sa Simbahan. Kailangan ng Simbahan ang inyong matapat na pagtangkilik, at kailangan ninyo ang matapat na pagtangkilik ng Simbahan.

Umaasa akong magiging mas mahalaga ang panalangin sa ating buhay. Wala ni isa sa atin ang nakababatid sa mangyayari. Maaari nating hulaan, ngunit di tayo tiyak. Maaari tayong magkasakit, o kaya'y malasin. Maaari tayong matakot. Maaari tayong mamatay o mamatayan ng mahal sa buhay.

Anuman ang mangyari, nawa'y manatiling di natitinag at matatag ang ating pananampalataya at gabayan tayong tulad ng bituin sa langit.

Nahaharap tayo ngayon sa matitindi, nakasisira, mahihirap at nakababagabag na mga problema. Talagang kailangan natin ang Panginoon.

Nang umuwi ako sa tanghalian, binuksan ko ang telebisyon, naghanap ng balita, at inulit sa aking isipan ang mga salita sa Mga Awit: "Bakit ang mga bansa ay nangagugulo?" (tingnan sa Awit 2:1). Naranasan ko ang mga digmaan ng ika-20 siglo. Ang kuya kong panganay ay nakalibing sa France, biktima siya ng Unang Digmaang Pandaigdig. Naranasan ko ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang digmaan sa Korea, sa Vietnam, sa Gulpo, at iba pang pagtatalo. Tayo'y naging mga palaaway at matitigas ang ulo sa ating pakikipagtalo sa isa't isa. Kailangan na nating bumaling sa Panginoon at igalang Siya. Naiisip ko ang mga salita ni Kipling:


Tinawag sa malayo hukbo natin sa karagatan,
Sa buhangina't dalampasigan, apoy dumadapo—
Masdan, ang lahat ng dating kayabangan
Tila katulad ng sa Ninive at Tiro!
Hukom ng mga Bansa, iligtas N'yo kami,
Baka kami nga ay makalimot sa huli!
 
(Rudyard Kipling, "Recessional," saMasterpieces of Religious Verse,inedit ni James Dalton Morrison —1948], 512).

Ang kaligtasan nati'y nakasalalay sa kabutihan ng ating buhay. Ang lakas nati'y nakasalalay sa ating kabutihan. Nilinaw ng Diyos na kung hindi natin Siya tatalikuran, hindi rin Niya tayo tatalikuran. Siya, na nagbabantay sa Israel, ay hindi iidlip ni matutulog (tingnan sa Awit 121:4)

At sa ating pagtatapos sa kumperensiyang ito, bagama't magkakaroon tayo ng pangwakas na panalangin, nais kong mag-alay ng maikling panalangin sa ganitong paraan:

O Diyos, aming Amang Walang-hanggan, Kayo na Hukom ng mga Bansa, Kayo na namamahala sa sansinukob, Kayo na aming Ama at aming Diyos, at kami'y mga anak Ninyo, umaasa kami sa Inyo nang may pananampalataya sa madilim at tahimik na sandaling ito. Nawa, mahal na Ama, basbasan Ninyo kami ng pananampalataya, ng pagmamahal, ng pag-ibig sa kapwa-tao. Basbasan Ninyo kami ng diwa ng pagsusumigasig na lipulin ang matinding kasamaan sa mundong ito. Bigyan po Ninyo ng proteksiyon at patnubay ang mga nasasangkot sa digmaan ngayon. Pagpalain po Ninyo sila at iligtas; ilayo po Ninyo sila sa kapahamakan at kasamaan. Dinggin po Ninyo ang dalangin ng kanilang mga mahal sa buhay para sa kanilang kaligtasan. Dalangin po namin ang mga dakilang kalayaan ng daigdig na natunghayan Ninyo nang likhain ang mga pamahalaan, kung saan nakakamtan ang kapayapaan at kalayaan at demokratikong proseso.

O Ama, kaawaan Ninyo kami, ang aming bansa, at mga kaibigan sa oras ng pangangailangan. Iligtas at tulungan Ninyo kaming lumakad na nananampalataya sa Inyo magpakailanman at sa Inyong Minamahal na Anak, na nahahabag sa amin at tinitingala bilang aming Tagapagligtas at Panginoon. Pagpalain Ninyo ang layuning pangkapayapaan at ibalik ito kaagad sa amin, ang mapagpakumbaba naming samo sa Inyo. Hiling naming patawarin Ninyo ang aming kayabangan at mga kasalanan. Kalugdan at kaawaan Ninyo kami at ibaling ang aming mga puso sa Inyo nang may pagmamahal. Ito ang aba naming dalangin sa pangalan Niya na nagmamahal sa aming lahat, maging ang Panginoong Jesucristo, na aming Manunubos at Tagapagligtas, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy