Mary Ellen W. Smoot
Pangkalahatang Pangulo ng Relief Society
"Hindi natin matatalikuran ang ating pananampalataya kapag may mga pagsubok. Hindi tayo lalayo; ni aatras; ni panghihinaan ng loob."
May mga tao at pangyayaring dumarating sa ating buhay na nauukit sa ating puso, at binabago tayo nito.
Ngayong gabi, bilang panguluhan, dalangin naming ang mga sasabihin dito ay makintal sa ating puso, at panatilihin tayong matibay, matatag, at di natitinag na mga anak ng Diyos.
Sa paglalakbay ko sa buong daigdig, nakintal sa aking puso ang matatapat na kapatid sa Relief Society. Nakita ko ang katapatan nila sa pagtulong at paglilingkod sa isa't isa dito at sa buong daigdig. At binago ako nito.
Sana'y ipagdasal ninyo ako upang ang sasabihin ko'y tumimo sa inyong puso at magpalapit sa inyo sa ating Tagapagligtas at Manunubos.
Pinipili nating maging matatag at hindi natitinag sa ating pananampalataya dahil sa mga pangako ng walang hanggang kadakilaan at pag-unlad, at patuloy na ugnayan ng pamilya sa kahariang selestiyal. Mahal natin ang ating pamilya at malaking kagalakan at kapayapaan sa atin ang makapasa ang buong pamilya sa mga pagsubok sa buhay at pumili ng tama upang madaig ang mundo.
Paminsan-minsa'y hinahawakan ko sa magkabilang pisngi ang isa sa mga anak o apo ko kapag may ginagawa silang sa dakong huli'y makasasakit sa kanila. Tinititigan ko sila at maingat na ipinaliliwanag kung gaano ang pagmamahal at pag-iingat sa kanila. Tapos ay inilalarawan ko ang pinsalang idudulot ng mga hakbang na pinili nila.
Nakikinita ko ang paghawak ng Tagapagligtas sa ating mukha at sumasamo na manatili tayong matatag, di-natitinag, at matapat sa Diyos na lumikha sa atin.
Mga kapatid, sana'y mahawakan ko ang inyong mukha, matitigan ang inyong mga mata, at maipaliwanag ang mahalagang papel ninyo na minamahal na mga anak ng Diyos, na "ang buhay ay may kabuluhan, layunin at patutunguhan." Tayo'y mga babaing "napalalakas ang patotoo kay Jesucristo sa pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan," na "naghahangad ng espirituwal na lakas sa pagsunod sa mga paramdam ng Espiritu Santo." Ang ating sarili ay "nakalaan sa pagpapatibay ng samahan ng mga mag-asawa, pamilya, at tahanan" at ating "ikinararangal ang pagiging ina at nagagalak sa pagkababae."1Tayo'y kababaihan ng Relief Society ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bago tayo naparito, nanirahan tayo sa piling ng mapagmahal na Ama sa Langit. Palagay ko'y isa sa mga paborito nating pag-usapan ang mangyayari kapag dumaan na tayo sa tabing at naparito na sa lupa.
Narito na tayo ngayon. Kahit tiyak na sinabihan tayo kung gaano kahirap mabuhay sa lupa, duda akong naunawaan natin o nabatid kung gaano kahirap ang hamon at pagsubok, gaano nakahihinawa at minsa'y nakalulungkot ang buhay na ito. Tiyak na minsa'y nadama na natin na napakabigat ng ating dinaranas. Gayunma'y itinuro ni Propetang Joseph Smith: "Nang sumapi [tayo] sa Simbahan nangako [tayong] maglilingkod sa Diyos. Nang gawin [natin] iyon nilisan [natin]. . .ang neutral na lugar, at di na [natin] iyon mababalikan. Kung tatalikuran [natin] ang Panginoong pinangakuan [nating] paglingkuran, iyon ay sa panghihikayat ng diyablo, at didiktahan [niya] tayo at aalipinin."2
Nakikinita ko ang ating Tagapagligtas na hawak ang magkabila nating pisngi, nakatitig sa atin, at nangangako ng isang kapatiran, ng Relief Society, na tutulong sa ating mga pagsubok. Layon ng samahang ito ng kababaihan ng Simbahan na ilapit tayo sa Tagapagligtas at alalayan ang isa't isa sa pagtulong sa mga maysakit at maralita. Aakbayan ng mga kapatid ng Relief Society ang mga bagong miyembro at ipadarama sa lahat na kailangan sila at pangangalagaan anuman ang lagay nila sa buhay ngayon. Malugod nilang tatanggapin ang mga kabataang babae at isasali sila sa bawat gawain. Bigyan sila ng tungkulin. Hindi sila dapat mawala sa atin. Lahat ay hihikayatin at mamahalin. Susundin ng lahat ang kanilang mga priesthood leader habang ginagabayan nila tayo sa makitid na daan tungo sa kaligtasan, dalisay na katotohanan, at pamumuhay na angkop sa mga anak na babae ng Diyos.
Pinayuhan ni President Gordon B. Hinckley ang mga babae ng simbahan: "Abutin ang inyong pontensiyal. Hindi ko sinasabing lampasan ninyo ito. Sana'y huwag ninyong isipin ang mga kabiguan ninyo. Sana'y huwag ninyong tangkaing lampasan ang inyong kakayahan. Sana'y gawin lang ninyo ang lahat ng inyong makakaya. Kung magkagayon, makasasaksi kayo ng mga himala."3
Kapag naririnig ko ang mga miyembrong babae na nagsasabing: "Mahirap talagang gawin ang visiting teaching," o kaya'y "Wala talaga akong oras para magdasal at magbasa ng banal na kasulatan!" o "Napakaabala ko para dumalo pa sa mga miting sa pagpapaunlad ng tahanan, pamilya at sarili," ay gusto kong sabihin ang ipinayo ni President Hinckley: "Abutin ang inyong potensiyal." Maaari tayong huminto sandali at pag-isipan kung ang ating mga kilos ay angkop sa bagay na mahalaga sa atin. Habang inuuna natin ang nararapat unahin sa buhay, lilipas ang bawat araw na wala tayong panghihinayang.
Dumadalo tayo sa Relief Society bawat linggo hindi lang para mapangalagaan, mapalakas at mahalin, kundi dahil ito'y ating tungkulin. Minsan ang pinakamahalagang tungkulin ay nasa loob mismo ng ating tahanan.
Ginagawa ni Lucifer ang lahat upang ilayo tayo sa mga bagay na mahalaga. Isa sa mga pinakaepektibong paraan niya ay kumbinsihin tayong imposibleng tumuon sa mga espirituwal na bagay kapag matindi ang mga pangangailangan sa buhay.
Nang tanungin ng isang abogado ang Tagapagligtas kung ano ang pinakadakilang utos, sagot ni Jesus ay; "Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo.. . . At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili."4Ito ang mga dakilang utos. Dito nakasasalay ang buong kautusan at mga propeta. Ito ang mga bagay na mahalaga. Habang ipinamumuhay natin ang mga kautusang ito, wala nang dapat pang alalahanin.
Kumusta naman ang ating kaugnayan sa Ama sa Langit? Mahal ba natin siya nang buo nating puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas? Gaano natin kamahal ang ating pamilya, kapitbahay, kapatid sa Relief Society, at kapwa? Tinutulungan tayo ng mga tanong na ito na kilalanin ang pinakamahahalaga at nagsisilbing batayan ng ating mga gawain araw-araw upang tingnan kung nakatutugon tayo.
Mahal ba natin ang Panginoon kung nanonood tayo ng malalaswang palabas, nagbabasa ng pornograpiya, o sumasali sa mga gawaing hahamak o masagwa sa isang anak ng Diyos? Mahal ba natin ang Diyos kung mahalay tayong manamit? Kamakaila'y nagsalita ako sa maraming kabataan at isang binatilyo ang nag-abot sa akin ng sulat na ito: "Pakisabi po ninyo sa kababaihan ng Simbahan kung gaano kahalaga sa akin ang kanilang kahinhinan? Alam kong mahirap maghanap ng disenteng kasuotan ngayon. Ipaalam po sana ninyo sa kanilang mahalaga iyon sa akin at sa mga karapat-dapat na lalaking pakakasalan nila."
Hindi natin matatalikuran ang ating pananampalataya kapag may mga pagsubok. Hindi tayo lalayo; ni aatras; ni panghihinaan ng loob. Buong tapang tayong kikilos at susulong at magiging halimbawa sa lahat sa kahinhinan, kapakumbabaan, at pananampalataya. Ang pagiging matatag at di-natitinag ay pansariling adhikaing walang hanggan ang gantimpala, at kung magkagayon, "Si Cristo, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan, ay matatakan kayong kanya, upang kayo ay madala sa langit, upang kayo ay magkaroon ng walang hanggang kaligtasan at buhay na walang hanggan."5
Ilang taon na ang nakalilipas, sinabi ni Sister Belle Spafford sa pamamaalam niya sa mga kapatid sa Relief Society, "Naniniwala ako na makabubuting suriin ng karaniwang babae ngayon ang kanyang mga interes at gawain, at tapos ay gawing simple ang buhay niya, na inuuna ang mga bagay na mahalaga, binibigyang-diin kung saan pinakamalaki at mas nagtatagal ang mga gantimpala, at inilalayo ang sarili sa mga di gaanong makabuluhang gawain."6
Minsan ay kailangan nating dumanas ng trahedya para maunawaan ang mga bagay na dapat unahin. Nitong nakaraang ilang linggo ay dinanas natin ang isang matinding pangyayaring nagpabago sa ating buhay at ipinaalam sa ating dapat tayong maging handa. Ang tanging nais ng mga naapektuhan ng pag-atake ng mga terorista sa silangang baybayin ng Estados Unidos ay makasama muli ang kanilang pamilya. Nauunawaan ko ang damdaming ito.
Sa simula ng taong ito, sumailalim ako sa maselang operasyon at matagal na namalagi sa ospital. Habang nililimi ko ang aking buhay at kung ano ang iuulat ko sa Panginoon pagkamatay ko, malinaw kong natanto na ang pamilya ang isa sa pinakamahahalaga kong responsibilidad. Alam kong magagalak ako nang labis kung mapananatili kong matatag at di-natitinag sa ebanghelyo ang aking mga anak, apo, at magiging apo-sa-tuhod. Sa malulungkot na sandaling iyon, sa madilim na silid ng ospital, natanto kong mas mahalaga ang ginagawa natin sa loob ng ating tahanan kaysa ginagawa natin sa labas nito.
Oo, minsa'y napaliligiran tayo ng mga problema, pasakit at dalamhati. Ngunit huwag tayong sumuko. Huwag tayong aatras. Isinulat ni Eliza R. Snow, pangalawang Pangulo ng Relief Society, ang mga salitang ito:
"Susulong ako. . .ngingitian ko ang ngitngit ng unos, at walang takot at matagumpay na haharapin ang hirap ng buhay." At ang 'patotookay Jesus' ang iilaw sa lamparang gagabay sa pangarap ko tungo sa imortalidad, at ipauunawa sa akin ang mga kaluwalhatian ng kahariang Selestiyal."7
Ah, sana'y matitigan ko ang mga mata ng bawat kapatid na babae at maipaunawa sa kanya ang alab ng mga salitang iyon at ang tunay niyang pagkatao at kakayahan. Ah, sana'y tumimo sa atin ang mga salita ng paghahayag: "Kami ay minamahal. . .na mga anak ng Diyos. . .. Nagkakaisa kami sa aming katapatan kay Jesucristo. . .. Kami'y mga babaing may pananampalataya, kabutihan, pangarap, at pagmamahal sa kapwa."8
Maaari tayong mapaligiran at subukin ng mga kabiguan, lungkot, sakit, at dalamhati. Ngunit mahal kong mga kapatid sa ebanghelyo, bagama't huli na para bumalik, maaari tayong manatiling matatag, di natitinag at mag-iwan ng bakas sa puso ng mga taong naantig natin. Mangingitian natin ang ngitngit ng unos at matagumpay na mahaharap ang hirap ng buhay. Gagabayan tayo ng ilaw ng patotoo kay Jesucristo tungo sa imortalidad.
Asam ko at dalangin na maluwalhati tayong makatapos, na maituon ang buong lakas natin sa pinakamahahalagang bagay, at magkita-kita tayo sa kabilang buhay at magyakapan nang may matagumpay na kaalamang nanatili tayong matatag at di natitinag sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Paghahayag ng Relief Society, "Magalak, mga Anak na Babae ng Sion," ni Mary Ellen Smoot,Liahona,Enero 2000, 112.
2. Sa "Recollections of the Prophet Joseph Smith"Juvenile Instructor,ika-15 ng Agosto, 1892, 492.
3. Motherhood: A Heritage of Faith(1995), 9.
4. Mat. 22:37,39.
5. Mosias 5:15.
6. A Woman's Reach(1974), 23.
7. "The Lord Is My Trust,"Poems, Religious, Historical, and Political,tomo 1 (1856), 148149; empasis sa orihinal.
8. Liahona,Enero 2000, 112.