The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2001
Hindi Nga Ba Lahat Tayo'y mga Ina?

Hindi Nga Ba Lahat Tayo'y mga Ina?

Sheri L. Dew
Pangalawang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Relief Society

"Ang pagiging ina ay higit pa sa pagdadalantao. . . . Ito ang diwa ng kung sino tayo bilang kababaihan."

Sheri L. Dew

Nitong tag-araw ako at ang apat na pamangkin kong mga tinedyer ay nag-alala isang gabi nang Linggo nang maglakad kami mula sa hotel ng isang lungsod papunta sa kapilya kung saan ako magsasalita. Madalas akong maglakad doon, ngunit nang gabing iyo'y pinaligiran kami ng mga lasing na nanonood ng parada. Pangit na lugar iyon para sa apat na babaeng tinedyer, at sa kanilang tiya. Ngunit dahil isinara ang kalye sanhi ng trapiko, wala kaming magawa kundi ang patuloy na lumakad. Kahit maingay ang mga tao'y pasigaw kong sinabi sa mga bata, "Huwag kayong lalayo sa akin." Habang naghahanap kami ng daan palayo sa nagsisiksikang mga tao, ang tanging nasa isip ko'y ang kaligtasan ng mga pamangkin ko.

Salamat at nakarating din kami sa kapilya. Nang sandaling iyon ay mas naunawaan ko ang madarama ng mga ina na di-alintana ang kaligtasan nila para lang protektahan ang anak. Ipinagkatiwala sa akin ng mga kapatid ko ang kanilang mga anak, na mahal ko, at gagawin ko ang lahat upang akayin sila sa kaligtasan. Ipinagkatiwala din ng Ama sa atin ang Kanyang mga anak, at hiniling na mahalin at tulungan natin sila, sa kabila ng mga panganib sa buhay na ito, upang makabalik sila sa langit.

Pagmamahalatpamumuno—nakabuod dito di lamang ang gawaing ginugugulan ng malaking panahon ng Ama at ng Anak, kundi maging ang pinakamahalagang bahagi ng ating gawain na tulungan ang Panginoon sa Kanyang gawain. Bilang kababaihan ng Diyos sa mga Huling Araw, paano natin matutulungang mabuti ang Panginoon sa Kanyang gawain?

Paulit-ulit na sinagot ng mga propeta ang tanong na ito, tulad ng ginawa ng Unang Panguluhan anim na dekada na ang nakararaan nang tawagin nila ang pagiging ina bilang "pinakamataas, pinakabanal na paglilingkod . . . na inaako ng sangkatuhan."1

Bakit kaya paulit-ulit na itinuro ng mga propeta ang doktrina ng pagiging ina? Noon ko pa pinag-isipang mabuti ang gawain ng kababaihan ng Diyos, kung ano ang ibig sabihin ng doktrina ng pagiging ina para sa atinglahat. Ito ang dahilan kaya ako nanalangin, nagsaliksik sa banal na kasulatan, at nagpunta sa templo—lahat ng ito'y nagtuturo ng dagdag na kaalaman sa dakilang doktrina ng pinakamahalaga nating papel bilang kababaihan. Dapat malinaw sa atin ang doktrinang ito upang tayo'y maging "matatag at di-natitinag"2ng mga isyung hamon sa kababaihan. Kinakalaban ni Satanas ang pagiging ina. Alam niyang ang mga inang nag-aalaga at nagtuturo sa mga anak ang wawasak sa imperyo niya sa lupa. At alam niyang kung walang mga inang magmamahal at mamumuno sa susunod na henerasyon, ang kaharian ng Diyos ay mabibigo.

Kapag naunawaan natin ang malaking kahalagahan ng pagiging ina, magiging malinaw kung bakit labis na pinoprotektahan ng mga propeta ang pinakadakilang papel ng isang babae. Bagama't iniuugnay natin ang pagiging ina sa pagdadalantao lamang, sa wika ng Panginoon, ang salitanginaay may iba't ibang kahulugan. Sa dami ng mga salitang mapipili upang ilarawan ang kanyang papel at pagkatao, tinawag ng Ama sa Langit at ni Adan si Eva na "ina ng lahat ng nabubuhay"3—at ito'ybagopa siya nagdalantao. Tulad ni Eva, ang ating pagiging ina ay nagsimula bago pa tayo isilang. Kung paano naordenan noon pa ang nararapat na kalalakihan na magtaglay ng priesthood sa mortalidad,4gayundin na pinagkalooban noon pa ang mabubuting babae ng pribilehiyo na maging ina.5Ang pagiging ina ay higit pa sa pagdadalantao. Ito ang diwa ng kung sino tayo bilang kababaihan. Inilalarawan nito kung sino tayo talaga, ang ating banal na katayuan at katangian, at ang natatanging kaugalian na ibinigay sa atin ng Ama.

Sinabi ni President Gordon B. Hinckley na "Ipinunla ng Diyos sa kababaihan ang isang bagay na banal."6Ang bagay na iyon ay ang kaloob at mga kaloob ng pagiging ina. Itinuro ni Elder Matthew Cowley na "ang kalalakihan ay dapat bigyan ng isang bagay —sa buhay na ito] upang maging mga tagapagligtas ng tao, subalit hindi ang mga ina, hindi ang kababaihan. Isinilang —sila] na taglay ang karapatang ipinagkaloob ng Diyos, ang maging mga tagapagligtas ng kaluluwa ng tao. . .at magdulot ng espirituwal na pagsilang sa buhay ng mga anak ng Diyos."7

Ang pagiging ina ay hindi ang natira lamang matapos ordenan ng Ama ang Kanyang mga anak na lalaki sa priesthood. Ito ang pinakadakilang endowment na maibibigay Niya sa Kanyang mga anak na babae, isang sagradong pagtitiwala na nagbigay sa kababaihan ng di-mapapantayang papel sa pagtulong sa Kanyang mga anak na mapanatili ang kanilang ikalawang kalagayan. Gaya ng ipinahayag ni President J. Reuben Clark Jr., ang pagiging ina ay "kasing banal at walang hanggan ang kahalagahan tulad ng Priesthood mismo."8

Gayunman, ang paksa ng pagiging ina ay nagdudulot ng matinding damdamin, dahil pinupukaw nito ang ilan sa ating malaking kagalakan at sakit ng kalooban. Ganito na noon pa man. "Natuwa" si Eva matapos ang Pagkahulog, dahil kundi "sana ay hindi —siya] nagkaroon ng mga binhi."9Ngunit nagdalamhati siya kina Cain at Abel. Nasasaktan ang ilang ina dahil sa mga anak na kanilang iniluwal; ang iba'y nasasaktan dahil hindi sila magkaanak. Malinaw ang sinabi ni Elder John A. Widtsoe: "Ang kababaihan na wala namang kasalanan kung wala man sa kanila ang kaloob na maging ina, ay magagawa ito sa pamamagitan ng pagkatawan."10

Sa mga dahilang batid ng Panginoon, ang ilang babae ay kailangang maghintay bago magkaanak. Di ito madali para sa sinumang mabuting babae. Ngunit ang orasan ng Panginoon para sa bawat isa ay hindi pumapawi sa ating likas na paghahangad na mangalaga at magmahal. Ang ilan sa atin ay dapat humanap ng ibang paraan upang magawa ito. At nakapaligid sa atin ang mga dapat mahalin at pamunuan.

Ipinakita ni Eva ang halimbawa. Dagdag pa sa pagluluwal ng bata, inaruga niya ang sangkatauhan nang gawin niya ang pinakamatatag na desisyon na magagawa ng isang babae at kasama siya ni Adan na nagbukas ng daan para tayo umunlad. Nagbigay siya ng halimbawa ng babaing igagalang ng kalalakihan at susundan ng kababaihan, na nagpakita ng mga katangiang ipinagkaloob sa atin: magiting na pananampalataya, pagiging sensitibo sa Espiritu, pagkamuhi sa masama, at kawalang kasakiman. Tulad ng Tagapagligtas, "na sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagtiis ng krus,"11si Eva, sa kagalakang tumulong sa panimula ng pamilya ng sangkatauhan, ay tiniis ang Pagkahulog. Minahal niya tayo nang sapat upang tumulong sa pamumuno sa atin.

Bilang mga anak ng ating Ama sa Langit, lahat tayo'y mga ina ngayon at noon pa man. Tungkulin nating magmahal at tumulong sa pamumuno sa bagong salinlahi. Paano matututong mamuhay ang ating mga kabataang babae bilang kababaihan ng Diyos maliban kung makikita nila kung ano ang isinusuot, pinanonood at binabasa ng kababaihan ng Diyos; kung paano natin gamitin ang ating panahon at isipan; paano natin harapin ang tukso at kawalang-katiyakan; kung saan tayo nakatatagpo ng kagalakan, at bakit ang kayumian at pagkababae ay mga katangian ng mabubuting babae? Paano pahahalagahan ng ating kabataang lalaki ang kababaihan ng Diyos kung di natin ipakikita sa kanila ang kagalingan ng ating mga kabutihan?

Tungkulin nating lahat na maging halimbawa ng mabuting babae, dahil maaaring di ito makita ng ating kabataan sa ibang lugar. Tungkulin ng bawat kapatid sa Relief Society, na siyang pinakamahalagang samahan ng kababaihan dito sa lupa, na tulungan ang mga kabataang babae na makalipat nang maayos sa Relief Society. Ibig sabihin ay dapat natin silang kaibiganin bago pa sila sumapit sa edad na 18. Bawat isa sa atin ay maaaring maging ina ng isang tao—simula sa ating pamilya mismo at tapos ay sa iba. Maipakikita natin sa salita at gawa na ang gawain ng kababaihan sa kaharian ng Panginoon ay dakila at banal. Inuulit ko:Lahat tayo'y mga ina sa Israel, at tungkulin nating mahalin at tumulong sa pamumuno sa bagong salinlahi sa mapanganib na landas ng mortalidad.

Kaunti lang sa atin ang makaaabot sa ating potensiyal kung wala ang pag-aruga kapwa ng ina na nagluwal sa atin, at ng mga ina na matiyagang nagtuturo at nagmamahal sa atin. Labis akong natuwa kamakailan nang makita ko muli ang isang pinuno ng mga kabataan makaraan ang maraming taon. Bilang tinedyer na walang tiwala sa sarili, lagi akong kinakabahan sa babaing ito dahil aakbayan niya ako at sasabihing, "Ikaw ang pinakamagaling!" Minahal niya ako, kaya payag akong pamunuan niya. Ilan bang dalagita at binatilyo ang naghahangad sa inyong pagmamahal at pamumuno? Lubos ba nating nauunawaan na ang impluwensiya natin bilang mga ina sa Israel ay di-mapapalitan at walang hanggan?

Noong bata pa ako'y di-pangkaraniwan kay Inay ang gisingin ako sa hating-gabi at sabihing, "Sheri, kunin mo ang unan mo't bumaba ka." Ibig sabihin ay may darating na buhawi, at matatakot ako kaagad. "Sheri, magiging maayos ang lahat." Pinapayapa ako lagi ng sagot niya. Ngayon, makaraan ang ilang dekada, kapag tila puno ng takot ang buhay, tinatawagan ko si Inay para marinig kong sinasabi niyang, "Magiging maayos ang lahat."

Ang malalagim na pangyayari kamakailan sa Estados Unidos ay nagbigay-diin sa katunayan na nabubuhay tayo sa daigdig na walang katiyakan. Higit na kailangan ngayon ang mabubuting ina—mga inang nagdudulot sa kanilang mga anak ng diwa ng kaligtasan, seguridad, at pagtitiwala sa hinaharap. Mga inang nagtuturo sa kanilang mga anak kung saan matatagpuan ang kapayapaan at katotohanan at na ang kapangyarihan ni Jesucristo ay laging mas malakas kaysa kapangyarihan ng kalaban.Satuwing patatatagin natin ang pananampalataya o patitibayin ang kagitingan ng isang dalagita o binatilyo, tuwing mamahalin o pamumunuan natin ang sinuman sa paggawa ng maliit na hakbang sa landas, tayo ay nagiging tapat sa ating kaloob bilang mga ina at sa proseso ay itinatayo natin ang kaharian ng Diyos. Walang babaing nakauunawa sa ebanghelyo ang mag-iisip na may iba pang gawain na mas mahalaga, o kaya'y magsasabing, "Ako'y isang inalamang," sapagkat ang mga ina ang nagpapagaling sa kaluluwa ng tao.

Lumingon kayo sa paligid. Sino ang may kailangan sa inyo at sa inyong impluwensiya? Kung talagang nais nating maging kaiba, mangyayari ito kapag nilingap natin ang ating mga anak, at ang iba pang handa nating turuan at mahalin. Kung lalagi tayo sa piling ng ating mga kabataan—ibig sabihin aymamahalinnatin sila—mas malamang na manatili sila sa ating tabi—ibig sabihin, hahayaan nilangpamunuannatin sila.

Bilang mga ina sa Israel, tayo ang lihim na sandata ng Panginoon. Ang impluwensiya nati'y galing sa banal na kaloob na ipinunla noon pa mang simula. Sa daigdig bago pa ang buhay na ito, nang ilarawan ng Ama ang ating papel, marahil ay nanlaki ang ating mata sa pagkamangha na bibigyan Niya tayo ng sagradong pagtitiwala na sentro sa Kanyang plano, at bibigyan Niya tayo ng mga kaloob na mahalaga sa pagmamahal at pamumuno ng Kanyang mga anak. Marahil tayo'y nagsisigaw sa kagalakan dahil12sa dakilang katayuang ibinigay Niya sa atin sa Kanyang kaharian. Hindi iyan sasabihin ng daigdig sa inyo, kundi ng Espiritu.

Hindi natin maaaring biguin na lamang ang Panginoon. At kung dumating ang araw na tayo na lamang ang kababaihan sa mundo na naniniwala sa pagiging maharlika at banal ng pagiging ina, ay magkagayon nga. Sapagkatinaang salitang maglalarawan sa mabuting babae na ginawang perpekto sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal, isang babaing nararapat sa walang hanggang pag-unlad ng mga inapo, ng karunungan, kagalakan, at impluwensiya.

Alam kong totoo ang mga doktrinang ito tungkol sa ating banal na papel, at kapag naunawaan ay nagdudulot ito ng kapayapaan at layunin sa lahat ng kababaihan. Mahal kong mga kapatid, haharapin ba ninyo ang hamon ng pagiging ina sa mapanganib na panahong ito, subukan man ang lakas ng inyong kalooban at pananampalataya? Mananatili ba kayong matatag at di-natitinag bilang ina sa Israel at babaeng may takot sa Diyos? Binigyan tayo ng ating Ama at ng Kanyang Bugtong na Anak ng sagradong pagtitiwala at banal na korona sa kanilang kaharian. Nawa'y magalak tayo rito. At nawa'y maging marapat tayo sa Kanilang pagtitiwala. Sa pangalan ni Jesucristo. amen.

MGA TALA

1. "The Message of the First Presidency to the Church," Improvement Era, Nov. 1942, 761.
2. Mosiah 5:15.
3. Moses 4:26.
4. See Alma 13: 2–4, 7–8.
5. See Spencer W. Kimball, "The Role of Righteous Women," Ensign, Nov. 1979, 102.
6. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 387.
7. Matthew Cowley Speaks (1954), 109.
8. "Our Wives and Our Mothers in the Eternal Plan," Relief Society Magazine, Dec. 1946, 801.
9. Moses 5:11.
10. Priesthood and Church Government, comp. John A. Widtsoe (1939), 85.
11. Heb. 12:2.
12. See Job 38:7.


 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy