The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Oktubre 2001
"Ikaw ay Maging Uliran"
Arrow icon acting as a button to Previous Page Previous      

"Ikaw ay Maging Uliran"

President Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan

"Punuin ang inyong isipan ng katotohanan; punuin ang inyong puso ng pag-ibig; punuin ang inyong buhay ng paglilingkod."

President Thomas S. Monson

Ngayong gabi'y nabigyang-inspirasyon tayo ng mga nakaaantig na mensahe ng pangkalahatang panguluhan ng Relief Society ng Simbahan. Ang samo nilang maging matatag tayo at di-natitinag ay matalinong payo, upang matugunan natin ang mga pagsubok sa ating panahon at manatiling matibay sa daigdig na laging nagbabago.

Balikan natin ang mga salita ng karunungang isinulat ni Apostol Pablo sa kanyang mahal na si Timoteo:

"Ngunit hayag na sinasabi ng Espiritu, na sa mga huling panahon ang iba'y —tatalikod] sa pananampalataya, at —makikinig] sa mga espiritung mapanghikayat at sa mga aral ng mga demonio;

"Paimbabaw na —magsasalita] ng mga kasinungalingan, na hinerohan ang mga budhi ng bakal na nagbabaga."1

Sumunod ang panghihikayat ni Pablo kay Timoteo—na angkop din sa atin: "Ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan."2

Sa inyong mga mahal kong kapatid na natitipon dito sa Conference Center at sa mga kongregasyon sa buong mundo, ibinabahagi ko ang tatlong-bahaging pormula na magsisilbing gabay upang matugunan ang hamong ito ni Apostol Pablo:

1. .Punuin ang inyong isipan ng katotohanan;

2. .Punuin ang inyong puso ng pag-ibig;

3. .Punuin ang inyong buhay ng paglilingkod.

Una,punuin ang inyong isipan ng katotohanan. Di natin matatagpuan ang katotohanan sa gitna ng kamalian. Matatagpuan ito sa pagsasaliksik, pag-aaral, at pamumuhay ng inihayag na salita ng Diyos. Tinatanggap natin ang mali kapag nasasangkot tayo sa mali. Natututo tayo ng katotohanan kapag nakikisama tayo sa katotohanan.

Itinuro ng Tagapagligtas ng daigdig na: "Maghanap kayo sa pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pag-aaral at sa pananampalataya."3Dagdag pa Niya, "Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka't iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito'y siyang —nagpapatotoo] tungkol sa akin."4

Inaanyayahan Niya tayong: "Matuto —tungkol] sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at —mapapayapa ka] sa akin."5

Isa sa mga Tagabunsod na naging matatag at di-natinag sa pagsunod sa hamong narinig ngayong gabi at pinuno ang kanyang isip, puso at kaluluwa ng katotohanan ay si Catherine Curtis Spencer. Ang kanyang asawang si Orson Spencer ay sensitibo at may pinag-aralang tao. Lumaki si Catherine sa Boston, edukado siya at pinong kumilos. Anim ang kanyang anak. Lalong humina ang maselan niyang katawan nang malantad sa napakalamig na klima at kahirapang dinanas nang lisanin ang Nauvoo. Itinanong ni Elder Spencer sa liham sa kanyang mga biyenan kung maaari itong pumisan sa kanila habang nagtatayo siya ng tahanan sa Kanluran para sa kabiyak. Sagot nila'y: "Patalikurin mo siya sa walang kuwenta niyang relihiyon, at makababalik siya—kung gagawin niya iyon."

Ayaw itatwa ni Sister Spencer and kanyang pananampalataya. Nang basahin sa kanya ang liham ng kanyang mga magulang, ipinakuha niya sa asawa ang Biblia nito at ipinabasa mula sa Aklat ni Ruth ang sumusunod: "Huwag mong ipamanhik na kita'y iwan, sapagka't kung saan ka pumaroon, ay paroroon ako: at kung saan ka tumigil, ay titigil ako: ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Dios ay aking Dios."6

Nagngalit ang unos sa labas, nabutas ang bubong ng bagon, at sinahuran ng kanyang mga kaibigan ng timbang panggatas ang tapat ng uluhan ni Sister Spencer para di siya mabasa. Sa ganitong kalagayan, siya'y tahimik na pumanaw.

Kahit di natin kailanganing mag-alay ng ating buhay, tandaang naririnig Niya ang tahimik nating mga dalangin. Siya na nagmamasid sa mga lihim nating kilos ay gagantimpalaan tayo sa oras ng pangangailangan.

Nabubuhay tayo sa panahon ng taghirap. Kadalasa'y di natin batid ang bukas; kaya kailangan nating maghanda para sa mga di-inaasahan. Ayon sa estadistika minsan, dahil sa karamdaman o kamatayan ng iyong asawa o pangangailangang pangkabuhayan, kinakailangang kayo ang magsustento ng mga pangangailangan. Hinihimok ko kayong magpatuloy sa pag-aaral at matuto ng mga kasanayang magagamit upang makasustento sa oras ng pangangailangan.

Madaragdagan ang inyong mga talento habang nag-aaral kayo at natututo. Mas matutulungan ninyo ang inyong mga anak sa kanilang pag-aaral, at mapapayapa ang inyong isipan na malamang handa kayo anuman ang mangyari sa inyong buhay.

Upang mailarawan ang ikalawang bahagi ng pormula—ang,punuin ang inyong puso ng pag-ibig—babaling ako sa magandang kuwento sa Aklat ng Mga Gawa tungkol sa disipulong taga-Joppe na si Tabita. Sinasabing siya'y babaeng "puspos ng mabubuting gawa at kawanggawa."

"At nangyari nang mga araw na yaon, na siya'y nagkasakit, at namatay: at nang siya'y mahugasan na nila, ay kanilang ibinurol siya sa isang silid sa itaas.

. . . "At pagkabalita ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, ay nangagsugo sa kaniya ng dalawa katao, na ipinamamanhik sa kaniya, huwag kang magluwat ng pagparito sa amin.

"At nagtindig si Pedro at sumama sa kanila. At pagdating niya, ay inihatid nila sa silid sa itaas: at siya'y niligid ng lahat ng mga babaing bao, na nagsisitangis, at ipinakikita ang mga tunika at ang mga damit na ginawa ni —Dorcas], nang ito'y kasama pa nila.

"Datapuwa't pinalabas silang lahat ni Pedro, at lumuhod, at nanalangin; at pagbaling sa bangkay ay sinabi, Tabita, magbangon ka. At iminulat niya ang kaniyang mga mata, at nang makita niya si Pedro, ay naupo siya.

"At iniabot ni Pedro sa kaniya ang kaniyang kamay, at siya'y itinindig; at tinawag ang mga banal at ang mga babaing bao, at siya'y iniharap niyang buhay.

"At ito'y nabansag sa buong Joppe: at marami ang mga nagsisampalataya sa Panginoon."7

Sa akin ang pagtukoy ng banal na kasulatan kay Tabita bilang babaing "puspos ng mabubuting gawa at kawanggawa," ay naglalarawan ng ilang pangunahing tungkulin ng Relief Society; ang, ibsan ang paghihirap, kalingain ang maralita, at lahat ng kaakibat nito. Mga kababaihan ng Relief Society, kayo'y tunay na maawaing mga nilalang. Nakikita ito sa maraming paraan ng pagtulong sa mga taong giniginaw, nagugutom, at naghihirap saanman naroon. Kapansin-pansin din ang inyong pagpupunyagi sa ating mga ward, stake at misyon. Bawat bishop sa Simbahan ay mapatototohanan ito.

Naaalala ko noong deacon pa ako at lumilibot sa isang bahagi ng purok sa umaga ng Linggo ng ayuno, nagbibigay ng maliit na sobre sa bawat pamilya, naghihintay maisilid sa sobre ang donasyon para maibalik ito sa bishop. Minsan, isang matandang miyembro, si Brother Wright, ang nagbukas sa akin ng pinto at, sa katandaan ay hirap na binuksan ang sobre at isinilid dito ang kaunting halaga. May bahid ng luha ang kanyang mga mata nang iabot ang kanyang kontribusyon. Pinaupo niya ako at ikinuwento na minsan ay nawalan ng laman ang imbakan niya ng pagkain. Sa gutom niya, nanalangin siya sa Ama sa Langit para may makain. Di nagtagal, dumungaw siya sa harapang bintana at nakitang may babaing palapit sa kanyang pintuan, na hila ang kulay-pulang bagon. Iyon ay si Sister Balmforth, ang pangulo ng Relief Society, na hinila ang bagon na iyon nang halos kalahating milya patawid sa mga riles ng tren patungo sa kanyang pintuan. Apaw ang bagon sa pagkaing nakalap mula sa mga kapatid ng Relief Society sa ward, na ipinuno ni Sister Balmforth sa walang-lamang estante sa kusina ni Brother Wright. Nasabi niyang ito'y "anghel na sugo ng langit."

Mga kapatid, kayo ang pinakamagandang halimbawa ng pag-ibig. Pinasisigla ninyo ang inyong tahanan, buong kabaitang inaakay ang inyong mga anak; at samantalang ang inyong asawa ang ulo ang tahanan, kayo nama'y puso ng tahanan. Di mapapantayan ang inyong tambalan, sa paggalang sa isa't isa at pagtutuwang sa mga tungkulin.

Mahalaga sa akin na kapag kailangan ng paglingap at pagtingin ng mga anak, babaling sila sa inyo—na kanilang mga ina. Maging ang anak na lalaking naliligaw ng landas o pabayang anak na babae, kapag natantong kailangang bumalik sa yakap ng pamilya, ay di-maiiwasang lumapit sa ina, na di kailanman nawalan ng pag-asa sa kanyang anak.

Ang pagmamahal ng ina'y pinalalabas ang pinakamahusay sa anak. Kayo ang huwaran ng inyong mga anak.

Ang unang salitang natututuhang bigkasin ng bata ay ang katagang "Mama." Mahalaga sa akin na sa larangan ng digmaan o kapayapaan, kadalasan kapag naghihingalo ang isang anak na lalaki, ang huling sinasambit niya'y, "Inay." Mga kapatid, napakadakila ng inyong papel. Pinatototohanan kong puno ng pag-ibig ang inyong mga puso.

Sa ikatlong bahagi ng ating pormula—ang,punuin ang inyong buhay ng paglilingkod—narito ang dalawang halimbawa. Isang tungkol sa guro at sa malaking impluwensiya niya sa buhay ng kanyang mga tinuruan, at ang isa'y tungkol sa mag-asawang misyonerong nakatulong sa paghahatid ng liwanag ng ebanghelyo sa mga taong nabuhay sa espirituwal na kadiliman.

May isang dalagita noon, si Baur Dee Sheffield, na nagturo sa Mutual. Wala siyang sariling anak, bagama't silang mag-asawa'y umasam na magkaanak. Nagpakita siya ng pagmamahal sa katapatan niya sa kanyang espesyal na mga kabataang babaing linggu-linggo niyang tinuturuan ng mga walang-hanggang katotohanan at aral sa buhay. Nagkasakit siya at namatay sa edad na 27.

Taun-taon, tuwing Memorial Day, dumadalaw at nananalangin ang mga kabataang ito sa tabi ng puntod ng kanilang guro, at laging nag-iiwan ng mga bulaklak at kard na may lagdang "Kay Baur Dee, mula sa iyong mga anak." Noong una'y sampung kabataan ang nagpunta, sunod ay lima, tapos ay dalawa, at sa huli'y isa na lang ang patuloy na dumadalaw tuwing Memorial Day, at naglalagay ng mga bulaklak at kard, na may lagdang, "Kay Baur Dee, mula sa iyong mga anak."

Minsan, halos 25 taon matapos mamatay si Baur Dee, ang kaisa-isang "anak" niyang patuloy na dumadalaw sa puntod ay aalis sa Memorial Day at nagpasiyang dalawin ang puntod ng guro nang mas maaga. Namitas siya ng mga bulaklak, nilagyan ang mga ito ng laso, nilakipan ng kard, at nagdi-jacket na para umalis nang tumunog ang kanyang doorbell. Binuksan niya ang pintuan at bumati sa kanya ang isa niyang visiting teacher, si Colleen Fuller, na nagsabing nahirapan siyang makasama ang kanyang kapareha sa pagdalaw at nagpasiyang dumalaw mag-isa nang di ipinaaalam para makumpleto ang kanyang visiting teaching bago matapos ang buwan. Nang makapasok si Colleen, napansin niya ang jacket at mga bulaklak at humingi ng paumahin sa pang-aabala niya.

"Walang problema," ang naging sagot. "Papunta lang ako ng sementeryo para mag-alay ng mga bulaklak sa puntod ng guro ko sa Mutual, na malaki ang impluwensiya sa akin at sa iba pang kabataang babaing tinuruan niya. Dati'y sampu kaming dumadalaw sa puntod niya taun-taon para magpakita ng pagmamahal at pasasalamat sa kanya, pero ngayo'y ako na lamang ang kinatawan ng grupo."

Tanong ni Colleen, "Baur Lee ba ang pangalan ng guro mo?"

"Aba'y oo," ang naging sagot. "Paano mo nalaman?"

Sa madamdaming tinig ay sinabi ni Colleen, "Tiyahin ko si Baur Dee—kapatid ng nanay ko. Tuwing Memorial Day mula nang mamatay siya, natatagpuan ng aming pamilya sa puntod niya ang pumpon ng mga bulaklak at kard mula sa mga anak ni Baur Dee. Gusto nilang makilala ang mga batang ito upang mapasalamatan sila sa pag-alaala kay Baur Dee. Masasabi ko na sa kanila ngayon."

Sabi ng Amerikanong awtor na si Thornton Wilder, "Ang pinakamataas na papuri sa namatay ay hindi dalamhati kundi pasasalamat."

Ang ikalawang halimbawa ng buhay na puno ng paglilingkod, kung saan ako magtatapos, ay ang karanasan ng mga misyonerong sina Juliusz at Dorothy Fussek, na tinawag na magmisyon nang 18-buwan sa Poland. Si Brother Fussek ay isinilang sa Poland. Sinasalita niya ang wika roon. Mahal niya ang mga tao. Si Sister Fussek ay isinilang sa England at kakaunti ang alam sa Poland at sa mga tagaroon.

Tiwala sa Panginoon, sinimulan nila ang misyon. Mahirap ang buhay doon, malungkot ang gawain, malawak ang kanilang tungkulin. Hindi pa lubos na matatag ang misyon sa Poland. Tungkulin ng mag-asawang Fussek na bigyang-daan ang pagpapalawak ng misyon at maging permanente, upang matawag ang iba pang mga misyonero na maglingkod, maturuan ang mga tao, mabinyagan ang mga nagbalik-loob, magtatag ng mga sangay, at magtayo ng mga kapilya.

Nawalan ba ng pag-asa sina Elder at Sister Fussek dahil sa bigat ng atas na tungkulin sa kanila? Hindi kahit saglit. Alam nilang Diyos ang tumawag sa kanila, nanalangin sila't humingi ng tulong sa Kanya, at ibinuhos ang sarili sa kanilang gawain. Naglingkod sila sa Poland hindi lamang sa loob ng 18 buwan, kundi limang taon. Natupad ang lahat ng adhikain nila. Nangyari iyon kasunod ng pulong kung saan kami nina Elder Russell M. Nelson at Hans B. Ringger, kasama si Elder Fussek, ay nakipagkita kay Minister Adam Wopatka ng pamahalaan ng Poland, at narinig naming sinabi niya, "Tinatanggap namin ang simbahan ninyo. Maaari kayong magtayo ng mga gusali at magpadala ng mga misyonero. Tinatanggap namin kayo sa Poland. Ang taong ito," na itinuturo si Juliusz Fussek, "ay naglingkod nang husto sa inyong simbahan, pati ang kanyang kabiyak. Pasalamatan ninyo ang kanilang halimbawa at gawa."

Tulad ng mga Fussek, gawin natin ang nararapat sa gawain ng Panginoon, nang sa gayo'y kasama tayong maging halimbawa ng Mga Awit: "Ang saklolo sa akin ay —galing] sa Panginoon."8

Mahal kong mga kapatid, tunay ngang kayo'y mga "uliran ng mga nagsisisampalataya." Nawa'y pagpalain kayo ng Ama sa Langit, may-asawa man kayo o wala, sa inyong mga tahanan, pamilya, sa mismong buhay ninyo—nang matamo ninyo ang maluwalhating pagbati ng Tagapagligtas ng sanlibutan: "Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin."9Ito ang dalangin ko kasama ang aking basbas, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. 1 Tim. 4:1–2.
2. 1 Tim. 4:12.
3. D at T 88:118.
4. Juan 5:39.
5. D at T 19:23.
6. Ruth 1:16.
7. Mga Gawa 9:36–42.
8. Awit 121:2.
9. Mat. 25:21.

 
Arrow icon acting as a button to Previous Page Previous      
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy